![]() | ![]() |
Natigilan ako nang makita si Otōsan na lumabas sa isang mamahaling restaurant. May kasama itong magandang babae. Pamilyar sa akin ang mukha ng ginang. Napakunot-noo ako nang maalala ang kaganapan sa parking lot noong isang araw. Tama! Siya ang ina ni Minami! Bakit kaya sila magkasama? At naghaharutan pa. Sumama agad ang pakiramdam ko.
“Mara, okay ka lang?” tanong ni Haruka. Iwinasiwas niya pa ang kamay sa harap ko. No’n lang ako parang naalimpungatan.
Tumango ako kahit sumama na ang loob ko. Napalingon uli ako sa direkyson nila Otōsan. Mukhang ang saya-saya nilang dalawa. Ano kaya ang kaugnayan nila sa isa’t isa? Nag-aalala na ako para sa mama ko.
“Kanina ko pa napapansing parang wala ka sa sarili. May problema ba? Masakit na ba ang binti mo sa kalalakad?”
Umiling ako. “Wala. Okay lang ako.”
“Sigurado ka?” paniniguro nito.
Tumango uli ako at sumunod na ako sa kanya. Nang akmang papasok sana siya sa Hankyu Department Store, hinawakan ko ang braso niya.
“Bakit? Akala ko ba gusto mong tumingin ng bagong damit?”
“Ayaw ko riyan dahil sobrang mahal,” katwiran ko, pero ang totoo niyan ayaw kong magkasalubong kami nila Otōsan. Nakita ko kasing pumasok sila ng mama ni Minami sa loob.
“Sige, ikaw ang bahala. Kung gusto mo sa Hep Five na lang tayo para after shopping pwede tayong tumuloy sa Starbucks,” mungkahi nito.
“Mas mabuti,” sabi ko.
Naikot namin ang lahat ng shops sa Hep Five, pero wala akong napili. Mas gusto ko nang umuwi kaysa magliwaliw pa sa Umeda. Tinatamad na rin akong mag-ikot-ikot sa mga shops. Liban sa nangangalay na ang binti ko, nanlalata ako. Hindi sa kapaguran kundi dahil sa nasaksihan ko kanina.
Bumalik sa kasalukuyan ang utak ko nang marinig ko ang First Love, popular na kanta ni Utada Hikaru. Ringtone kasi ni Haruka iyon. Nakita ko siyang parang natataranta sa paghahanap ng cell phone. Nang makita na niya ito’y napangiti nang ubod tamis. Halos nanginginig pa ang kamay nang pinindot niya ang answer button. Alam ko na kung sino ang tumawag. Basi sa reaksyon niya, malamang si Masahiro iyon. Nang nagsimula nang makipag-usap, parang nakalimutan na niya na kasama niya ako. Napangiti na lang ako. Ganoon din naman kasi ako kay Ryu, eh. Nang matapos nang makipag-usap sa phone si Haruka, binalingan ako na parang nag-aalala. Nahulaan ko na ang pinoproblema niya kaya inunahan ko na.
“Okay lang sa aking umuwing mag-isa if that’s what you’re worried about,” sabi ko. Alam ko namang atat na siyang sumama kay Masahiro.
“Sigurado ka?” paniniguro nito. Parang hesitant pa ring umalis.
“Ano ka ba? Hindi ako bata para alalahanin mo pa. Halika na. Sasamahan kita hanggang harap ng Kinokuniya (International Book Store) kung saan kayo magkikita. Uuwi na rin ako pagkadating ni Masahiro.”
“Tawagan mo kaya si Ryu para may makasama kang umuwi.”
“Huwag na. Busy iyon ngayon sa praktis, eh. May gig kasi ang banda nila next week. May kakantahan daw silang birthday party.”
“Nagi-guilty naman ako,” sabi pa nito.
Sapakin ko na lang kaya ang bruhang ito? Ang arte. Atat namang makipagkita sa lalaking iyon. As if pa.
“Kung talagang guilty ka, tawagan mo na lang si Masahiro na next time na lang kayo maggala dahil kasama mo ko kamo,” sabi ko na lang para testingin kung ano ang magiging reaksiyon niya.
Nagpadyak siya. “Mara naman, eh.” Natawa naman ako.
Sinamahan ko siya sa Kinokuniya at hinintay naming dumating si Masahiro. Pagdating nito umalis na ako agad. Sa overpass na ako dumaan papuntang JR Station. Nasa bungad na ako ng istasyon nang makatanggap ng text mula kay Ryu. Nasaan daw ako. Pagkasabi kong nasa Umeda, nag-ring agad ang phone ko. Bago pa ako makapag-hello, narinig ko na ang boses niya. Pinapaghintay ako sa tapat ng JR Osaka Station. Dadaanan daw niya ako. Pagkasagot ko ng ‘okay’, binaba kaagad ang telepono. Ni wala kaming 1-2-3 Aishiteiru, gaya ng parting words nila Masahiro at Haruka. Nakakainis! Ang gaspang talaga ng ugali niya.
Mayamaya nga, nakita ko na ang pamilyar na black Otsuji Super Sonic Car. Binaba nito ang bintana sa tabi at kumaway sa akin. Naka-sunglasses pa ang mokong at ngumunguya ng bubble gum.
“Akala ko ba kasama mo si Haruka? Ba’t nag-iisa ka na lang?” tanong nito agad nang makaupo na ako sa tabi niya.
“Tumawag si Masahiro at dinaanan siya kanina kaya I decided to go home na lang,” sagot ko habang kinakabit ang seatbelt.
Tila nagulat siya. “Si Masahiro? Ang team captain n’yo?” tanong pa niya habang iniistart ang kotse.
“Oo,” pakli ko. “Ba’t ang aga mo yata? Akala ko ba puspusan ang praktis n’yo para sa gig next week?” pag-iba ko ng usapan.
“Hindi natuloy. Wala si Hayato, eh. Siyanga pala, para sa iyo.” At inabot nito sa akin ang maliit na box na may nakataling ribbon.
“Ano ito?” nagtatakang tanong ko. Kinabahan sa excitement.
“Buksan mo. Magtatanong ka pa,” pamimilosopo pa nito.
Nang buksan ko ang kahon, tumambad sa paningin ko ang cheese cake. Kumalam agad ang sikmura ko nang makita ito.
Hinalikan ko siya sa pisngi sabay sabi ng, “Thanks, Ryu.”
Mukhang nabigla siya. Napatingin pa sa akin.
“Ang babaw naman ng kaligayahan mo,” ang sabi pa niya, kunwari’y walang pakialam pero nahagip ng tingin ko na napangiti siya.
“Dahan-dahan baka mabilaukan ka,” paalala niya nang subo ako nang subo ng cheese cake na parang wala nang bukas. Mayamaya nga, napaubo ako. Gamit ang isang kamay, inabot niya sa akin ang bote ng Suntory.
“Sabi ko na nga ba,” sabi pa nito.
Nang huminto kami sa stop light, hinagud-hagod niya ang likod ko.
“Okay na ako,” sabi ko sa kanya.
“Next time kasi, huwag kang lamon lang nang lamon. Nguyain mo naman ang kinakain mo. Hayan tuloy.”
“Grabe ka naman kung makapagsalita. Ano ang tingin mo sa akin, baboy?” At inirapan ko siya.
“Minsan,” sagot naman niya at natawa pa. Pero kaagad din niya itong pinigilan. Deep down, kinilig ako. Ang cute niya kasi kung tumawa. Tsaka bihirang-bihira ko siyang nakikitang ganoon ang mood kaya natutuwa rin ako na ako ang dahilan no’n.
Tinukod ko ang siko sa gilid ng bintana at kunwari’y abala sa mga tanawin sa labas. Hindi na ako nagsalita pa. Naramdaman ko na lang na hinawakan niya ang kamay ko at pinisil-pisil. Napasulyap ako sa kanya. Nasa highway ang atensyon niya. Binawi ko ang kamay ko. Siya naman ang napasulyap sa akin at tahimik na binalik sa manibela ang isang kamay. Umusog ako nang kaunti sa direksyon niya at dahan-dahang humilig sa kanyang balikat. Napatingin siya sa akin, pero hindi rin naman nagreklamo.
Makaraan ang ilang sandali, nilalabanan ko na ang mapapikit. Maiidlip na sana ako nang maramdaman kong masuyo niyang hinalikan ang ulo ko. Napadilat ako bigla, hindi ko lang pinahalata. Nakarating kami sa bahay nang ganoon ang ayos namin. Nakahilig ako sa balikat niya habang nagkukunwaring natutulog. Siya nama’y panay nakaw ng halik. Hindi ko lang pinapansin. Pero napapangiti ako sa loob-loob ko. At nakalimutan ko saglit ang tungkol kina Otōsan at mama ni Minami.
Nauna ako sa kanyang pumasok ng bahay dahil kinuha pa niya ang gitara sa back seat. Pagpasok ko, nabigla ako nang makita ko si Mama na parang humihikbi. Kabababa lang niya ng telepono. Bumalik sa isipan ko ang nasaksihan kanina sa Umeda. May kinalaman kaya iyon doon?
“Ma,” tawag ko. At lumapit na ako sa kanya.
Dali-dali niyang pinahiran ang mga luha sa pisngi at sinalubong ako ng ngiti. Pero too late na. Nakita ko na. Alam kong umiyak siya.
“Oy, anak. Ikaw pala. Napaaga naman ang uwi mo,” sabi nito.
Hindi ko iyon pinansin. Tinanong ko siya kung ano’ng nangyari. As expected, ikinaila niya. At hindi ko siya napilit na magsabi nang totoo.
Naunang pumanhik sa itaas si Ryu. Nagpaiwan muna ako para samahan ko si Mama. Tinulungan ko rin siyang magluto. Wala akong binanggit tungkol sa nakita ko sa Umeda. Baka ikalulungkot niya lalo.
Tatlo lang kaming nag-dinner nang Sabadong iyon. Strange dahil kadalasan naman naming nakakasabay kumain si Otōsan. Lalong lumakas ang kutob kong may ginagawang milagro ang stepfather ko. Baka iyon ang dahilan ng pag-iyak ni Mama kanina.
Pagkatapos kumain, nang nagja-jamming na kami ni Ryu sa ER, binanggit ko sa kanya iyon. Natigil siya sa pagkuskos ng gitara.
“Sigurado ka ba?” Iyon ang una niyang tanong.
Tumango ako. “Nakita ko talaga sila. Naghaharutan pa nga, eh.”
“Business lunch lang siguro iyon,” pagkikibit-balikat niya rito.
“Paano mo naman nasabi iyan?” tanong ko naman.
“Company nila ang nagha-handle ng PR ng kompanya namin kaya malamang na dahil lang iyon sa business. Kilala ko si Ojisan. Hindi siya pumapatol sa ganoong klaseng babae,” kampanteng sagot nito.
Ganoong klaseng babae? Ano’ng ibig sabihin nito?
“Bakit? Ano ba siyang klaseng babae?” naku-curious kong tanong.
“She’s a high class slut. She sleeps around,” walang kagatol-gatol na sagot ni Ryu. “Kaya don’t worry. Palagay ko tungkol lang sa business ang pagkikita nilang iyon. Hindi ganoon ang tipo ni Ojisan.”
Napakunot-noo ako. Slut? Ang ganoong ka-eleganteng babae? Pero ganunpaman, hindi ko pa rin maiwasang mag-alala.
“What if totoo ang palagay ko? Kapag—-nagkahiwalay sina Mama at Otōsan, paano tayo?” tanong ko sa mahinang boses.
Natigilan siya. Parang napaisip din. Halos hindi na ako humihinga sa paghihintay ng isasagot niya. Tumingin siya sa akin.
“Kailangan ba nating makialam sa problema nila?” balik tanong niya.
Nanlupaypay ako. Pambihira naman ito talaga, oo.
“Kung sakali nga lang,” ulit ko. Medyo naiinis na.
“Napaka-advance ng utak mo. Pinoproblema mo ang mga bagay na hindi dapat pinoproblema. Hindi ba sabi ko sa iyo, hindi nga magagawa ni Ojisan iyon? Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo na hindi pumapatol sa ganoong klaseng babae ang uncle ko?”
Ang haba ng litanya, wala naman sa punto ang sagot. Lalo akong nanggigil. Nakakaasar siya.
“Hindi ka ba marunong umintindi sa tanong? Sabi ko, kung sakali nga lang. What if? It’s just a hypothetical question.”
“Paano ko naman masasagot ang walang kwenta mong tanong?”
Napatirik ang mga mata ko. Sa inis, tumayo na lang ako at tinalikuran ko siya. Wala siyang kuwentang kausap. Pipihitin ko na lang sana ang doorknob ng pinto nang hinarangan niya ako. Nakangisi siya.
“Hindi ka na mabiro. Pinapagaan ko lang naman ang loob mo,” sabi niya. Nandoon pa rin ang nakalolokong ngiti.
“Paraanin mo nga ako. Matutulog na lang ako kaysa makipag-usap sa walang sense na katulad mo,” naiinis kong sagot.
Hindi siya kumilos. Tinitigan lang ako. Nagseryoso na siya this time.
“Eighteen na naman tayo pareho, siguro puwede na rin tayong magpakasal kung sakali?”
Kasal? Agad-agad?
“Bakit naman tayo magpapakasal?” tanong ko. Kunwari’y lalong nainis. Pero sa loob-loob ko’y kinikilig ako.
“So you can stay in Japan for good—-pag naghiwalay sila,” sagot niya.
Kinuha niya ang kamay ko at hinila ako palapit sa kanya. Niyakap niya ako nang mahigpit na mahigpit.
“Don’t worry. Hindi tayo paapekto sa mga mangyayari sa kanila. I will always be here for you. Kung nasaan ka, nandoon din ako.”
Napatingala ako sa kanya. Hindi kaya ako niloloko ng damuhong ito? Pero mukha naman itong seryoso.
“Pangako iyan, ha?” sabi ko na lang.
“Oo.” At hinalikan niya ako sa labi.