![]() | ![]() |
Natigilan ako nang makita kong may kausap na magandang babae si Ryu. Imbes na lumapit, hindi na ako tumuloy pa sa baseball field. Pinanood ko na lamang sila mula sa hindi kalayuan.
“Akala ko pupuntahan mo si Ryu sa field?”
Napalingon ako. Si Haruka pala. Tumingin din ito sa kinaroroonan nila Ryu bago tumingin uli sa akin.
“Papunta sila rito,” sabi niya nang halos pabulong.
Hinila ko si Haruka at lumayo kami roon. Madadaanan nila kasi ang kinaroroonan namin. Nagkubli kami sa isang poste. Nang malapit na ang dalawa, pinakatitigan ng kaibigan ko ang babae.
“Kilala ko yata iyan, ah. Tama! Siya si Arake Shiho ng Minami Senri Gakuen,” anas pa sa akin ni Haruka.
Napakunot-noo ako. Papano niya ito nakilala?
“Kaklase namin iyan noong kinder, kaso nag-iba siya ng school after kindergarten. Sa International School siya nag-elementary at junior high school. Nung mag-senior high na lumipat ng Minami Senri Gakuen, isang sikat na all-girls school for the elite in Osaka,” pagpapaliwanag pa nito.
“Kaya naman pala mukhang sosyal,” komento ko.
“Hindi mo ba siya namumukhaan?” tanong niya sa akin.
Paano ko naman mamumukhaan? Ngayon ko nga lang nakita, eh.
“I mean, sa mga parties ng kompanya nila Ryu kapag sumasama ka sa mama mo. Hindi mo pa ba siya nakita roon?” pagpapaliwanag niya.
Umiling ako. “Never.”
“Anak iyan ng rival company nila Ryu. Iisa lang ang ginagalawan nilang mundo. For sure, naiimbitahan din sila sa mga parties ng mga Otsuji. Baka hindi mo lang siya natatandaan.”
“Kapag nakita ko iyan, I’m sure hindi ko makakalimutan,” sabi ko.
Natigil kami sa pag-uusap nang makita kong tumuluy-tuloy ang dalawa sa parking lot. Pinanlamigan na ako nang makita kong pinasakay siya ni Ryu sa kotse nito at lumabas na sila ng eskwelahan. Parang may tumusok ng karayom sa puso ko. Ang sakit. Sobrang sakit.
“Ano ka ba? Nagseselos ka na, ano? Hindi naman tayo sigurado kung ano ang kaugnayan niya kay Ryu nagseselos ka na agad. Tanungin mo na lang siya later, okay?” sabi pa ni Haruka.
Dahil tingin ko hindi na niya ako babalikan pa, naglakad na lang ako papuntang bus stop. Bago ko marating iyon, hinintuan ako ng kulay puting sasakyan. Dumungaw sa bintana ng driver’s seat si Yukiko. Pinapasakay niya ako. Hindi na ako nag-inarte pa. Sumasakit na kasi ang mga binti ko sa kalalakad at medyo malayu-layo pa ang pakay ko.
“Tumawag sa akin si Ryu. Hindi na siya makabalik ng school n’yo dahil busy sila sa kapapraktis para sa gig nila mamaya kaya ako na lang ang sumusundo sa iyo,” nakangiti nitong pagpapaliwanag.
Buti pa si Yukiko, tinawagan. Ako na girlfriend, ni ha, ni ho, wala?
“Salamat Yukiko. Heaven sent ka talaga,” sabi ko. Ngumiti pa ako para hindi niya mahalata ang sama ng loob ko kay Ryu.
“Just call me Yuki, okay? Masyado naman kasing pormal ang Yukiko. Total naman, magkaibigan na tayo, di ba?”
“Sige, Yuki.”
“Oo nga pala, sabay na lang tayong pumuntang Club Pure later, ha?”
Napakunot-noo ako. Club Pure? Ano ba meron?
“Isang popular club para sa mga Japanese teenagers ang Club Pure. May gig doon ang banda nila Ryu later.”
Nanlumo na naman ako. Bakit sa iba ko pa malalaman ang ganito?
“Don’t be sad. Kay Hayato ko lang din nalaman iyan,” nakangiting pagpapaliwanag ni Yuki. Nakita siguro na medyo nalungkot ako.
“Sigurado ka bang imbitado din ako?” paniniguro ko.
“Oo naman. Pwedeng magdala ng bisita ang mga band members. Nakompirma ko iyan kay Hayato kanina kaya huwag kang mag-alala. Tsaka nandoon naman ako, eh. Hindi kita pababayaan.”
Saka ko lang naalala na wala pala akong maisusuot. Ayaw ko namang ulitin ang gown na ginamit ko na sa party niya noon. Baka may makaalala no’n. Magmumukha pa akong kawawa.
Tila nahulaan ni Yuki ang bumabagabag sa aking isipan kung kaya nagsabi itong pahihiramin niya ako ng damit. Huwag daw akong mag-alala. Kung gusto ko nga raw sa kanila na kami dumeretso. Tawagan na lang daw namin si Mama para maipaalam dito na hindi ako makakauwi dahil hanggang umaga ang party.
“Naku hindi iyan papayag kung uumagahin tayo,” sabi ko.
“Subukan lang natin.” At tinawagan nga nito si Mama nang mag-red light. Nagulat ako na hindi na nagdalawang salita pa si Yuki, pumayag agad ang nanay ko. Sinabihan lang kaming mag-ingat at mag-enjoy.
Pagdating namin sa mansion niya, pinakita niya agad ang isusuot namin. Natigilan ako nang makita ang istilo ng pinagpipilian naming get-up. Akala ko kasi’y kailangan naming magdamit nang pormal.
“It’s just a birthday party at informal ang theme,” esplika niya.
Ikinuwento pa niya na dati nilang kaibigan ni Ryu ang magdadaus ng kanyang eighteenth birthday party.
“Paano ang mga regulars ng club? Pwede din ba silang pumasok kahit na may private party sa loob?” tanong ko naman.
“Hindi. Kasi rented na iyon for the night ng nag-organize ng party.”
Napatangu-tango lang ako at kinuha na ang pinahiram niya sa aking black dress. Sinubukan ko na itong isuot. Medyo na-conscious ako nang makita ang hitsura ko sa salamin. Exposed ang isang balikat ko pati na ang kalahati ng aking likuran. At dahil mas malaki ang dibidib ko kaysa kay Yuki lalong umikli ang damit. Hanggang kalagitnaan na lang ito ng mga hita ko. Kaya ko kayang lumabas nang nakaganito lang?
Napasipol si Yukiko nang makita ako. Ang sexy ko raw.
“Hindi kaya sobrang ikli nito at revealing?” nag-aalala kong tanong.
“Naku, okay lang iyan. Makikita mo mamaya. Disenteng-disente pa iyang suot mo kaysa sa suot ng ibang bisita,” natatawang sagot niya.
Hindi na ako nagreklamo pa lalo pa nang makita ko iyong napili niyang damit. Mas maikli iyon at halos backless na.
Bandang alas nuwebe y medya nang umalis kami sa mansion niya. Pagdating namin sa Club Pure, tamang-tama lang dahil no’n pa lang nagsidatingan ang mga bisita. Tsinek ng bouncer kung nasa listahan ang pangalan naming dalawa bago kami pinapasok sa loob.
Nasa stage na ang instruments ng banda at iyon agad ang napansin ko pagkapasok, pero wala pa ni isa sa mga miyembro nito. Sinalubong kami ng babaeng nakita ko sa school kaninang umaga. Naka-leopard spaghetti-strap dress ito na hapit na hapit sa katawan. Exposed ang kalahati ng dibdib niya at halos hindi nga umabot sa kalagitnaan ng hita ang haba ng kanyang damit. Ganoon halos lahat ka iikli ang mga suot ng mga girls. Tama nga si Yukiko. Disenteng-disente ang get up ko kung ikompara sa kanila.
Nagyakapan sina Yuki at ang may kaarawan nang makita ang isa’t isa. Pormal niya akong pinakilala rito at tama nga ang sinabi kanina ni Haruka. Shiho Arake nga ang kanyang pangalan.
Eksaktong alas dies nang lumabas ang emcee sa stage at ianunsyo na magsisimula na ang party. May naglabas ng cake at pinatong sa nag-iisang mesa sa gitna ng dancefloor. Sa hudyat ng emcee, kumanta lahat ng birthday song para kay Shiho. Pagkatapos, hinipan na nito ang cake at nagsigawan na ang crowd. Lalo silang nag-ingay nang isa-isang lumabas ang miyembro ng Bandage. Maraming sumigaw sa pangalan ni Ryu kaya napalingon ako sa mga tao. Nakaramdam ako ng sense of pride.
Nagsimula nang tumugtog ang banda. Nag-umpisa sila sa Real Face ng bandang Kattun. Nang marinig ko si Ryu na kumanta ng intro, bumalik ang mga alaala ng pinagsamahan namin sa ER. Isa ito kasi sa mga paborito naming tugtugin sa bahay. Nakisabay ako sa indak ng crowd. Parang nakisama ang mga binti ko. Hindi ito nangalay o sumakit man lang.
Nang matapos ang kanta, nagsalita si Ryu. Dini-dedicate daw nila ang awiting iyon sa pinakamagandang babae sa party, walang iba kundi ang birthday celebrator na si Shiho Arake. Tinukso sila ng crowd. Abot-tainga naman ang ngiti ni Shiho samantalang ako nama’y nanlamig sa narinig. Nilingon ako ni Yukiko. Nang makita niya ang lungkot sa mga mata ko, inakbayan niya ako at binulungan. Wala daw ibig sabihin iyon. Expected na raw iyon dahil si Shiho ang may kaarawan at host ng party.
Sunud-sunod na kanta ng Kattun ang kinanta ng grupo ayon na rin sa request ng may birthday. Hindi ko nagustuhan ang kinanta nilang “I Like”. Suggestive kasi ang lyrics ng song. Medyo dirty. At dahil si Ryu ang kumakanta, kilig na kilig ang audience lalung-lalo na si Shiho. Ni hindi man lang itinago iyon. Mina-match tuloy sila ng crowd.
“Mara, okay ka lang?” tanong ni Yukiko. Napansin siguro niya ang pagpahid ko ng luha sa pisngi. Hindi ko na siya sinagot pa.
“Walang malisya lahat iyan. Stop crying, please. Ikaw naman ang totoong mahal ni Ryu, eh. Alam ko iyan.” At inakbayan niya ako.
Nang makatapos ng limang kanta ang banda nagpahinga muna sila. Lumabas ang DJ ng club at ito naman ang nagpatugtog ng Japanese rock. May pumunta agad sa gitna ng dance floor. Isa na roon sina Shiho at Ryu. Lalo akong nalungkot at naimbyerna na rin. Ni hindi pa nga nakalapit sa akin tapos iyon agad ang makikita ko?
Nang may lumapit sa aking puti hindi na ako nagdalawang-isip pa. Nakipagsayaw din ako sa kanya. Nang maging mabagal ang tempo ng musika, nakita kong halos magyakapan na sina Ryu at Shiho. Sumama lalo ang pakiramdam ko kung kaya ganoon din ang ginawa ko sa kasayaw ko.
“You’re so pretty. Where are you from?” tanong ng lalaki sa akin. Namumungay ang kanyang mga mata.
“Philippines,” tipid kong sagot.
“Are you here on vacation or—-?”
“I live here,” sagot ko.
“Great. I’m so happy that there’s somebody here who speaks English perfectly,” sabi pa nito. At nagpakilala na. Siya daw si Aaron. Anak ng isang American businessman na naka-base sa Tokyo. Nagbabakasyon lang daw siya sa Osaka at naimbitahan ni Shiho na pumunta sa birthday niya.
Tumangu-tango lang ako pero wala sa kanya ang atensyon ko. Guwapo rin naman sana siya kaso wala siyang dating sa akin lalung-lalo pa ngayong nag-aalburuto ang puso ko. Talagang wala ako sa mood makipagsosyalan. Kaya ngiti lang ang sagot ko sa mga kuwento niya.
Nang makita kong humilig sa dibdib ni Ryu si Shiho, humilig din ako kay Aaron. Naramdaman ko na lamang na humalik siya sa ulo ko. Nang ma-feel kong sinalat niya ang naka-exposed kong likuran, tumayo ako nang matuwid at nilayo nang kaunti ang katawan sa kanya. No’n naman lumapit si Ryu sa amin. Hinila niya ako palayo sa partner ko.
“Stay away from my girlfriend!” singhal pa nito.
“Ano’ng ginagawa mo?” sita ko sa kanya.
Tinapunan niya lang ako ng masamang tingin, pero hindi ako sinagot. Sa halip hinarap niya si Aaron at bahagya pang tinulak ito sa dibdib. Hindi naman lumaban ang huli. Parang nagulumihanan lang sa mga pangyayari.
“Ano ba’ng problema mo kung makipagsayaw din ako sa iba?”
Hinila niya ako palabas. Naiwang nakatingin lang si Shiho sa amin, pero halata sa mukha niya ang galit. Hindi lang siya nagsalita pa.
Nang nasa labas na kami ng Club Pure, sinita ako ni Ryu mula sa damit hanggang sa pagsayaw kay Aaron. Aminado ako na sa kabila ng lahat, nakaramdam ako ng kasiyahan sa loob-loob ko. Nagseselos siya! Hindi lang pala ako ang nanggagalaiti sa selos. Siya rin!
“Ano naman ang deperensya ng suot ko? Iyong kapartner mo nga halos lumuwa na ang dibdib niya hindi mo naman pinuna. Mas disente naman ang ayos ko nang di hamak sa mga babae doon sa loob,” naiinis kong sagot. Inirapan ko pa siya.
“Wala akong pakialam sa kanila. Pero sa iyo, meron! Dahil girlfriend kita! At ayaw kong nagdadamit ka ng ganyan!”
Napahalukipkip ako habang naka-pout sa kanya.
“Kunwari ka pa riyan. Kanina nang kumakanta ka naisip mo bang may girlfriend ka? Nang i-dedicate mo ang first song sa babaeng iyon, naisip mo ba kung ano’ng mararamdaman ko? Tapos ngayon, sasabihin mong may girlfriend ka?” singhal ko sa kanya.
“Kaya pala. Nagselos ka ro’n kaya gusto mo rin akong pagselosin? Gano’n?” asik din niya sa akin.
“Ano sa tingin mo?” balik-tanong ko sa kanya.
“Kaya hindi kita sinabihan ng gig na ito, eh. Alam kong hindi mo ako maintindihan. Alam kong magseselos ka nang sobra. Hindi ka dapat dinala dito ni Yuki-chan.”
“Ah, gano’n? So ililihim mo ito sa akin? Para malaya kang makapag-flirt sa babaeng iyon kapag wala ako rito?” naiiyak kong sumbat sa kanya.
Nakita kong parang nataranta siya nang makita akong umiiyak.
“Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo na ikaw lang talaga ang mahal ko at wala ng iba?” bulong nito sa akin habang yakap-yakap ako.
“Pero lagi mo kong sinasaktan,” sabi ko habang humihikbi.
“Kung buo ang tiwala mo sa akin, hindi ka naman sana masasaktan.”
“Ang dami mo kasing nililihim sa akin,” hirit ko pa.
“Kung inilihim ko man ito sa iyo, iyon ay dahil ayaw kong masaktan ka. Kilala kasi kita. Alam kong ubod ka ng selosa. Kaya wala sana akong balak na dalhin ka rito dahil alam kong magseselos ka lang. Iyong nakita mo kanina, part lang iyon ng palabas. Dapat alam mo na iyon.”
“Sure ka?” paniniguro ko.
“Oo,” ang sagot naman nito habang hinahagud-hagod ako sa likuran. Dahil exposed nga ito, naramdaman ko ang init ng mga palad niya sa balat ko. Nakaramdam ako ng nakakaliyong sensasyon. Napahigpit ang kapit ko sa baywang niya at may naramdaman akong tumusuk-tusok sa tiyan ko. Narinig ko pa siyang napasinghap.
“Shit!” mura niya nang mahina.
Napatingala ako sa kanya na naguguluhan. Ngumisi siya sa akin at napakamot sa ulo. Napatingin ako sa ibabang parte ng katawan niya at agad na nag-init ang pisngi ko.
“Sorry. You should blame that black dress.”
“Ang bastos mo!” sabi ko sabay iwas ng tingin doon. Ganunpaman, nangingiti ako sa loob-loob ko. Nakaramdam din ako ng excitement, pero hindi na niya dapat malaman iyon.