![]() | ![]() |
Napatingin ang lahat ng bisita ni Shiho sa amin nang bumaba kami ni Ryu sa club na magkaholding hands. Taas-noo akong naglakad. Ang sarap ng pakiramdam. Hindi na ako apektado ng mga matatalim na sulyap ni Shiho o ng iba pang bisita niya. Basta ang mahalaga hindi nahiya si Ryu na ipangalandakan na kami na.
Lumapit sa amin si Yukiko nang nakangiti. Magkahawak-kamay din sila ng nobyo niyang si Hayato.
“Feeling better now?" tanong nito agad. Nakatingin sa mga kamay naming naka-entertwine. Hindi ko napigil ang pagsilay ng ngiti sa labi.
Mayamaya pa, iniwan na naman ako ni Ryu. Umakyat ito sa stage at kumanta na naman ang banda nila. Riot uli ang crowd. Mas feel nila kasi ang tugtog ng Bandage kaysa sa mga Western at Japanese songs na pinapatugtog kanina ng DJ.
Lumapit sa akin si Aaron sa kalagitnaan ng pagkanta nila Ryu.
“Your boyfriend?” tanong niya habang tinuturo si Ryu.
Nakangiti akong tumango. Nakita kong parang na-disappoint siya. Makikipag-usap pa sana siya nang may lumapit na magandang babae rito. Hinila siya sa dance floor at sumayaw sila. Nanatili lang kami ni Yukiko sa isang tabi. Nakatutok sa mga boyfriend namin.
Nang mag-wink si Ryu sa audience nagtilian agad ang mga babae. Nakita ko si Shiho na all eyes siya sa stage. Sumasayaw-sayaw ito kasama ang mga kaibigan. May hawak-hawak siyang wine glass. Napakunot-noo ako. Ang alam ko kasi eighteen pa lang siya at hindi pa dapat umiinom. Twenty years old kasi ang legal drinking age sa Japan.
Pagkatapos ng pang-limang kanta nagpaalam na ang banda sa pangunguna ni Ryu. Nagprotesta sana ang crowd. Pero hindi iyon pinagbigyan ng banda. Bahala na raw ang DJ sa susunod na patutugtugin. Pagkababa ng grupo sa stage, sinalubong agad ni Shiho si Ryu. Pumulupot ito sa leeg niya. At humalik pa sa pisngi niya. Sobra daw siyang thankful at pinaunlakan ng banda nila ang request niya for her birthday.
“Dō itashimashite (You’re welcome),” tanging sagot ni Ryu sa kanya.
Tumingin siya sa banda namin ni Yukiko. Lalapit na sana siya sa amin nang maglambing si Shiho ng one last dance. Sumulyap sa akin si Ryu. Parang nag-aalala. Tinapunan naman ako ng masamang tingin ni Shiho. Yumuko ako at umiwas.
Pag-angat ko ng mukha, nakita ko na lang na nakapulupot na sa leeg ng boyfriend ko ang bruha.
“Intindihin mo na lang,” bulong sa akin ni Yukiko. “Birthday naman niya, eh. Ang importante ikaw naman ang nagmamay-ari kay Ryu.”
Hindi ako kumibo. Dahil hindi ko sila kayang tingnan, niyaya ko si Yukiko na maghanap ng mauupuan. Pumasok kami sa parang maliit na kuweba na nasa gilid ng dance floor. Mayamaya pa, dumating si Hayato. May dala-dala itong pagkain at drinks. Binigyan kami pareho ni Yukiko.
“Ang lakas ng tama ni Shiho kay Ryu, ah,” natatawang komento nito.
“Mukha nga,” sang-ayon naman ni Yukiko.
Tahimik lang ako. Sinilip ko uli sila. Nagsasayaw pa rin. This time, parang nae-enjoy na ni Ryu dahil kinakausap na nito ang partner niya. Paminsan-minsan nakikita ko silang nagtatawanan. Nainis ako. Napaka-unfair ng lalaking ito. Siya, pwedeng sumayaw ng cheek-to-cheek kung kanino niya gusto samantalang ako, hindi pwede? Sobrang unfair!
Nagpaalam ako kay Yukiko na may kukunin sa locker. Ang balak ko, mauuna na ako sa kanila. Tumango lang siya sa akin. Abala na rin ito sa harutan nila ni Hayato. Sinamantala ko na iyon. Pagkakuha ng mga gamit sa locker, umakyat na ako palabas. Dahil mag-aalas dos pa lang ng umaga, wala pang tren o bus man lang. Nag-abang ako ng taxi.
Hindi pa ako nakakailang minuto sa tabi nang may lumapit sa aking tatlong lasing na mga Japanese sarariman (male office workers). Tinanong nila ako kung gusto ko raw sumama sa kanila. Umiling ako, pero tinangka pang hawakan ng isa ang braso ko. Natakot ako at biglang nagsisi kung bakit pa ako lumabas ng Club Pure na mag-isa. Mayamaya pa, may tumigil na kotse sa harap namin. May tumawag sa tatlong lalaki. Mga kasamahan pala nila. Hinila nila ako palapit sa kotse. Nagpumiglas ako.
“Ikimashō. (Tara na). Minna matteiru yo. (Naghihintay sila sa atin, o).” At ngumisi pa sila sa akin na parang manyakis.
Pinanlamigan ako. Nagpumiglas ako habang sapilitan nila akong hinihila papunta sa kotse ng kasama nila. Sumigaw ako. Pero may maagap na nagtakip agad sa bunganga ko. Humingi pa sana ako ng saklolo sa mga taong napapadaan sa harap namin, pero wala ni isa mang tumigil para tumulong sa akin. Lahat kasi may nakasalpak na earphones sa mga tainga o di kaya'y abala sa kakukulikot ng cell phone nila.
Nang akmang ipapasok na ako ng dalawang mama sa loob ng kotse, saka naman humahangos na dumating sina Ryu at Hayato. Hinampas ni Ryu ang harapan ng kotse at sinigawan ang humihila-hila sa akin.
“Omae wa dare (sino ka)?” tanong ng isa sa mga mandurukot ko sa tonong lasing na lasing.
Isang malakas na suntok ang sinagot ni Ryu sa kanya at inagaw ako sa mga kamay niya. Nang nasa tabi na ako, tinadyakan niya ang isa pang sasaklolo sana sa sinuntok. Nagsilabasan na rin ang iba pang nasa loob ng kotse. Tutulong din sana sila sa bumagsak na mga kasamahan, pero nang marinig si Hayato na kausap na ang pulis, dali-dali silang bumalik sa kotse at sinigawan ang nakipagsuntukan kay Ryu na pumasok na sa loob dahil sisibat na raw sila. Kaso nai-report na ni Hayato ang plate number nila. Nahuli sila ng mga pulis na nagroronda sa bandang unahan.
Umiiyak akong napayakap kay Ryu.
“Sino ba namang nagsabi sa iyo na umuwi kang mag-isa sa hitsura mong iyan?” naiinis na sabi niya sa akin.
Hindi na ako sumagot pa. I was just relieved na dumating siya agad. Sa hindi kalayuan, nakita ko ang naglalakad-takbo na si Yukiko na mukhang worried na worried din. Sinalubong ito ni Hayato.
“Okay ka lang, Mara?” nag-aalala nitong tanong.
“Oo,” pakli ko. Ngarag pa rin ang boses.
Pinahiran ni Ryu ng mga kamay ang luha ko sabay halik sa akin sa pisngi. Magka-holding hands kaming bumalik sa direksyon ng Club Pure, pero sina Hayato at Yukiko na lang ang bumaba.
“Mauuna na kami sa inyo. Just tell Shiho and the rest of the gang na ihahatid ko sa amin si Mara. Pakidala na rin ng gitara ko. Kukunin ko na lang bukas sa bahay n’yo,” sabi ni Ryu kay Hayato.
“Okay. Ingat kayo,” sabay na sabi ng dalawa.
Nang nasa loob na kami ng kotse, hinayaan na lang muna ako ni Ryu na umiyak. Binigyan pa niya ako ng tisyu. Nang medyo umokey-okay na ang pakiramdam ko, binalingan niya ako.
“Ano ba’ng pumasok sa kukote mo at lumabas kang mag-isa?”
Hindi ako sumagot. Nahihiya ako. Kailangan na naman niya akong iligtas. Nasira tuloy ang plano kong iwan siya sa club.
“Paano kung hindi ako nakarating nang maaga? Paano kung nadala ka ng mga hayop na lalaking iyon? Gusto mo bang pagpasa-pasahan ng mga manyakis na iyon?” asik niya sa akin.
Napahikbi uli ako. “Oo na! Kasalanan ko,” sabi ko habang umiiyak.
Tiningnan niya ako. At napabuntong-hininga siya. Mukhang hindi na ito galit. Lumambot na kasi ang ekspresyon sa mukha. Tinangka niyang akbayan ako, pero tinabig ko ang kamay niya.
“Ikaw pa ang magagalit. Ikaw naman ang nagdala nito sa sarili mo,” sabi nito. Malumanay na ang boses. Tinangka niya uli akong akbayan, pero pinalis ko ulit ang kamay niya.
“Sige sisihin mo pa ako! Ako lang ba ang may kasalanan dito?” naiinis kong bulyaw sa kanya.
“Pinairal mo na naman kasi ang pagkaselosa mo. Akala ko ba nagkasundo na tayo kanina. Shiho doens’t mean anything to me. Gig lang iyon. At wala nang iba.”
“Gusto ka ng babaeng iyon,” asik ko sa kanya.
“Alam ko,” parang walang pakialam na sagot niya.
Nagpanting ang tainga ko. Alam naman pala niya, eh!
“Kung gano’n, ini-enjoy mo rin pala dahil alam mong gusto ka niya?”
“Anong magagawa ko roon? Eh gusto niya ako. Kasalanan ko ba kung habulin ako ng mga babae? Ang problema riyan kung hinahabol ko rin sila, pero hindi naman, di ba?” pamimilosopo niya sa akin.
Tinapunan ko siya ng masamang tingin.
“Nag-enjoy ka rin sa kayayakap sa babaeng iyon. Hindi na nga kayo sumasayaw, eh. Nagyayakapan na lang kayo. Pero ako, ayaw na ayaw mong makipagsayaw sa iba. Anong klaseng rule iyan? Ikaw lang ang pwedeng makipaglandi?”
“Ah—-so iyan ang pinagpuputok ng butse mo? Dahil hindi kita pinayagan makipagsayaw sa lalaking iyon? Bakit, siya na ba ang gusto mo?” asik din nito sa akin. Naiirita na naman.
“Hindi naman iyan ang ibig kong sabihin. Ang sa akin lang, kung ayaw mo kong makipagsayaw sa iba, hindi ka rin sana nakikipagsayaw sa babaeng iyon. Si Hayato nga lumapit na agad kay Yukiko. Bakit kailangan mo pang dumaan kung saan-saan bago pumunta sa akin?”
“Kasi ako nga ang lider ng banda namin!”
“Eh, ano ngayon?”
“Ako ang gusto niyang makasayaw hindi ang kung sino man sa grupo namin. Siguro kung si Hayato ang nilapitan no’n, ganoon din ang gagawin no’n. Palagay ko, Yuki-chan wouldn’t mind at all. Kasi mas naiintindihan niya ang trabaho namin,” naiinis na sagot niya.
Tumahimik ako. Pinamumukha niya kasi akong immature na selosa.
Nang bigla akong natahimik, tumigil naman siya sa kasasatsat.
“Halika nga rito.” At umisod siya sa tabi ko. Bago ko pa mamalayan, niyakap na niya ako. Nagpumiglas ako, pero hindi niya ako binitawan.
“Ang bangu-bango mo, ah. I like your perfume. Nakakalasing.”
Feeling ko gusto niya lang akong i-comfort dahil nadulas ito sa sinabi about Yukiko. Alam niya kasing pati ang kaibigan niya ay pinagselosan ko rin noon. Natatakot siguro na mabaling dito ang pagsisintir ko.
Napagod na rin ako sa kapupumiglas. Hinayaan ko na lang siya. Napayakap na rin ako sa kanya nang lumaon. Mayamaya pa may nilabas siyang box mula sa bulsa. At inabot ito sa akin. Nang buksan ko, nakita ko ang napakagandang bracelet. Nang tingnan ko ang nakaukit sa loob, nailagay ko ang kamay sa labi. Ryu and Mara, forever. At may nakasulat na dash OTSUJI Ryuhei sa ibaba. Buong pangalan niya. Pinakita nito ang suut-suot na bracelet na kawangis ng binigay niya sa akin. Hinubad niya iyon at pinakita sa akin ang naka-engraved doon. Ganun din ang mensahe. Pangalan ko naman ang nakasulat sa baba. Dash SANTACRUZ Mara.
Natameme ako. Napatitig tuloy ako sa kanya.
“Sana hindi ka na magselos. You’ve got me. Buong-buo. Kaya huwag ka nang ma-insecure,” sabi pa habang sinusuot niya sa akin ang bracelet.
Hindi na ako nagsalita pa. Napahilig na lang ako sa balikat niya. Naramdaman ko na lang ang kamay niya sa isa kong hita. Nag-init bigla ang pakiramdam ko. Feeling ko pinamulahan ako.
“Hindi ba puwede?” tanong niya dahil tinabig ko ang kamay.
Pinandilatan ko siya.
“Hindi no!”
Hinila ko pababa ang laylayan ng damit para matabunan ang malaking bahagi ng mga hita ko, pero hanggang kalagitnaan lang talaga ang kaya. Kung hihilahin ko pa, malaking bahagi na ng dibdib ko ang mae-expose. Nakita kong napalunok si Ryu. Nakita niya pala iyon.
May kinuha ito sa backseat. Jacket ng school uniform niya.
“Isuot mo nga iyan. Ano ba naman kasi ang pinasuot sa iyo ni Yuki-chan. Remind me. Mapagsabihan nga ang babaeng iyon bukas. No wonder, natukso sa yo ang mga manyakis na salary man kanina,” sabi nito habang inii-start ang kotse.
Isinuot ko naman ang binigay niya. Naamoy ko pa ang pabango niya na naiwan sa jacket. I’ve never been happier.
Bago tuluyang pinaandar ang kotse, binalingan niya ako at binigyan ng light kiss sa labi. Nakagat ko ang lower lip pagkatapos. Na-excite akong hindi maintindihan. From the corner of my eye, I saw him smile. Lalo iyong nagpakilig sa akin.