![]() | ![]() |
Tatlong buwan ding hindi ko nasilayan si Ryu kung kaya sobra akong na-excite nang sabihin niyang magkikita kami nang gabing iyon sa paborito naming restaurant, ang Capricciosa, sa Yodobashi Camera na nasa Umeda. Halos liparin ko na ang papunta roon umabot lang sa oras ng pagkikita namin. Hapon na Hapon kasi ang ugali ng lalaking iyon kung punctuality ang pag-uusapan. Kung alas sais ang meeting time, ten minutes before six nandoon na siya. At never pa siyang na-late sa mga dates namin.
Kung kailan nagmamadali ako saka naman hindi umayon ang traffic lights. Tatawid na lang sana ako nang magpalit ito ng kulay kung kaya rumaragasang nag-unahan na naman ang mga sasakyan. Kaysa maghintay sa oras ng pagtawid ng pedestrian minabuti kong dumaan na lang sa basement. Saktong alas sais dies nang dumating ako sa entrance ng Yodobashi Camera. Hindi na ako naghintay ng elevator na magdadala sa akin sa eighth floor dahil nakita kong marami ang nag-aabang doon. Nag-escalator na lang ako paakyat. Ang ending na-late ako ng fifteen minutes.
“Ay, ang mama!” sigaw ng matandang ale na nasundan ng komosyon. Nasa harapan ng Capricciosa ang kaguluhan kung kaya nakiusyuso na rin ako. Ganoon na lamang ang pagkagulat ko nang makita si Ryu na nakakuyom ang mga palad sa harap ng isang lalaking duguan naman ang mga labi. Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanila. Nang akmang uundayan na naman niya ito ng isa pang suntok, pumagitna na ako.
“Ryu! Ano ka ba?” awat ko sa kanya.
“Umalis ka ngayon din dito kung ayaw mong manghiram ng mukha sa aso!” galit na sigaw ni Ryu sa mama. Dinuduru-duro pa niya ito.
Binaba ko ang kanyang kamay at hinawakan na siya para hindi na makapanuntok pa. Napasulyap ako sa biktima niya nang may pagtataka. Ni hindi man lang kasi ito nagtangkang lumaban sa nobyo ko.
“Ano ba ang nangyayari sa iyo?” mahinahon kong tanong sa kanya. Kahit mainitin kasi ang ulo niya hindi naman siya ganoon ka sama na basta na lang manununtok ng may edad sa kanya ng walang sapat na dahilan.
Hindi siya sumagot. Katunayan, ni hindi niya ako pinansin. Abala kasi sa kamumura sa kaaway niya. Hindi naman pumapalag ang biktima niya. Bagkus, kahit ito pa ang nadehado, ito ang paulit-ulit na humihingi ng paumanhin sa kanya. Nag-ingay tuloy ang mga nakapaikot sa amin lalo na ang mga obaasan (lola). Ang sama-sama raw ni Ryu. Dapat daw siyang humingi ng tawad sa nabugbog niya.
Mayamaya pa, humahangos na dumating ang dalawang guwardya ng Yodobashi Camera. May kasama na silang pulis. Sinita ng huli si Ryu at tinakot na dadalhin sa presinto para doon na magpaliwang kung hindi siya makipagtulungan sa kanila. Doon na sumabat ang mama.
“Wala ito. Ako ang may kasalanan dito,” sabi niya na agad namang sinalungat ng mga saksi.
“Bakit n’yo pinagtatakpan ang taong ito?” tanong tuloy ng pulis.
“Hayaan n’yo na siya. Wala siyang kasalanan,” patuloy pa ng mama.
Kahit na pinagtakpan na, masama pa rin ang tingin ni Ryu sa lalaki kung kaya nainis ang mga nandoon. Ako nama’y tahimik lang sa isang tabi. Nagtataka na ako nang sobra sa ikinikilos niya. He was being weird.
“Bueno, gayong mukhang ayaw n’yong magreklamo sa ginawa sa inyo ng lalaking ito, pagbabayarin na lang namin siya ng perwisyo niya sa mga kainan dito,” sabi ng pulis.
Pagkarinig doon lumapit ang manager ng Capricciosa pati na ang mga tagapamahala ng kalapit na mga restawran. Pinapabayad nila si Ryu sa danyos dahil nawalan daw sila ng customers. Pati ang mga regular na kumakain daw sa kanila ay lumayo rin para hindi masangkot sa gulo.
“O, narinig mo iyon?” baling ng pulis kay Ryu.
“Ako na ang magbabayad,” malumanay na sagot ng nakaaway niya.
“Sir, hindi naman po kayo ang may kasalanan,” protesta naman ng mga manager ng mga naperwisyong restaurant.
“Ano ba talaga ang nangyari?” tanong ko uli kay Ryu sa mahinang tinig. Sa halip sumagot, hinila niya ako paalis sa lugar na iyon.
Pinigilan pa sana kami ng guwardya pero tinulak lang sila ni Ryu pati ang isang manager na humarang sa daan. Natakot tuloy ako.
“Hayaan n’yo siya,” narinig kong sabi ng mama sa kanila.
“Hidoi ne, (Ang sama no?)” komento naman ng mga miron.
Napahigpit ang hawak ni Ryu sa isang kamay ko. Nakita ko rin ang pagtiim-bagang niya ngunit nanatili siyang walang kibo.
Nang makapasok kami sa loob ng Otsuji Supersonic Car niya nabugbog niya ang manibela. Gulat na gulat ako.
“Hoy,” saway ko sabay hawak sa isang braso niya. Humilig ako sa kanya sabay haplos sa kanyang bisig. Making him calm.
“I hate him!” he muttered under his breath.
“Bakit? Ano’ng ginawa niya sa iyo?” nagugulumihanan kong tanong.
“Marami.” At nakita ko na lang ang pagdaloy ng mga luha niya sa pisngi. Nataranta ako.
“I hate him! I really hate him! Sana mamatay na siya!”
“Ryu,” bulong ko at niyakap ko siya nang mahigpit.