![]() | ![]() |
“Hindi ako umiinom! Ano ba!” tanggi ko agad nang magbukas si Ryu ng dalawang lata ng Sapporo Yebisu.
“Huwag kang kill joy. Pang-toast lang iyan.” Sinalin niya sa baso ko ang laman ng isang lata at binigay ito sa akin. “Hawakan mo.”
Tinaas niya ang baso niya sabay hiyaw ng, “For our future! Kampai!”
“Kampai,” sabi ko rin at pinagdaiti ang mga baso namin. Pagkatikim ko sa beer, kaagad akong napangiwi. Halos idura ko na sa pagmumukha niya ang laman ng bibig ko. Napangisi siya.
“Ang arte mo! Patikim nga niyan.” At inagaw niya ang baso ko. Doon siya sumipsip sa mismong sinayaran ng bibig ko. “Ang sarap naman, ah. Sa una ka lang mapapaklaan n’yan. Masasanay ka rin. Mas masarap ang yakiniku kapag may kasamang malamig na beer,” sabi pa niya habang nilalagyan ang plato ko ng luto nang gulay at karne.
Nagkuwento na siya tungkol sa first few weeks ng college life niya sa Nagoya University. Kumanta raw siya sa freshmen orientation nila at hindi raw niya sukat-akalain na magugustuhan ng lahat ang performance niya. Kaya ang nagyari raw naging instant popular siya sa campus. Pati mga nasa ibang departamento ay nakakakilala na rin daw sa kanya ngayon.
Pa-humble effect ka pa.
Inubos niya ang isang basong beer nang isang tungga lang. Pati iyong binigay niya sa akin na tinikman ko lang, sinaid din niya. Tumayo pa siya at kumuha ng dalawa pang panibago.
“Dahan-dahan naman. Ang lakas mong uminom,” saway ko sa kanya.
“Dalawa pa nga lang, eh. Nabawasan mo pa ang isa.”
“Dapat nga hindi ka pa umiinom niyan ngayon. Wala pa tayong twenty, ah. Bawal pa,” paalala ko sa kanya.
“Beer lang naman ito. Tsaka nasa loob naman tayo ng condo ko.”
“Kahit na. Dapat hindi ka pa rin umiinom dahil nineteen ka pa lang.”
“Okay po, Sister Mara. Para sa iyo last can ko na ito. Pambihira ka talaga,” naiiling nitong sagot.
Pinagpatuloy pa niya ang kuwento tungkol sa freshmen orientation nila. Tingin ko na-overwhelm siya sa response ng mga kaeskwela sa pagkanta niya kasi kakaiba ang kislap ng kanyang mga mata.
“Hindi ka na dapat nagtataka niyan. Kahit papaano may pangalan na ang banda n’yo rito sa Kansai. Baka nga kilala ka na noon pa ng iba n’yong schoolmates kung kaya ganyan ka init ang pagtanggap nila sa iyo.”
“Iyan nga rin ang sabi ni Aya sa akin. She heard about us kahit noon pang nag-aaral siya sa States kaya maaaring ganoon din daw ang iba naming kaeskwela,” proud naman niyang sagot.
May warning bells akong narinig pagkabanggit niya ng Aya, pero hindi ko pinahalata iyon. Baka lalo niyang isiping napaka-insecure ko nga. Nag-isip ako ng maaaring ikomento sa sinabi niya para kunwari cool lang ako sa newfound friend niya, kaso the more I try to think about something good to say, the more I think of nothing but the girl he mentioned.
“Kumusta naman pala ang school n’yo? How was your first few weeks? May bago ka na bang kaibigan?”
Bago pa ako makasagot, tumunog ang phone niya. Pagkasagot niya rito, napag-alaman ko agad na iyong babaeng iyon ang tumawag. Bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi ako mapakali. Nininerbiyos akong hindi maintindihan. Pinagpasalamat ko na lang na hindi niya pinatagal ang pakikipag-usap sa babae.
“Ang boring ng akin,” sagot ko.
“Huh?” Napatingin na naman siya sa akin na tila nalilito.
“Iyong college life ko. ‘Ika ko, boring. Walang ka-thrill-thrill.”
“Dahil wala ako?” At napangiti siya. Kinindatan pa ako.
Natumbok niya! Pero siyempre, hindi ko naman aaminin iyon. “Hindi no! Wala lang kasi kaming ganyang freshmen orientation. Basta lang kami tinipon sa gym at may nagpaliwanag lang na senior students tungkol sa school at kung ano’ng dapat naming i-expect sa loob ng four years. Puro lang naman salita iyon. Walang entertainment tulad n’yo kaya boring.”
“Friend mo pa rin ba ang nerd na babaeng iyon?”
“Oo naman. At ang nerd na babaeng iyon ay mayroon nang hot na hot na boyfriend ngayon.”
Natigil siya sa pagtungga ng beer. He looked at me interestingly.
“Sila na ni Masahiro,” walang kagatul-gatol kong sagot.
Parang nagulat siya. Pero nang makabawi’y napailing-iling pa. Nagkomento pa na hindi raw niya sukat-akalain na mga ganoong babae ang tipo ng dati naming team captain sa track and field dahil he could do better daw. Sinimangutan ko siya.
“Ano’ng deperensiya ni Haruka? Parang ako lang din naman iyon.”
Tinitigan niya ako nang matiim. “Iba ka,” pabulong niyang wika.
“Paanong iba?” tanong ko. Dumagundong na naman ang puso ko, but this time it’s more of excitement.
Sinulyapan niya ako bago tumungga na naman ng beer. Naghintay ako para sa sasabihin niya, pero hindi na siya nagsalita pa tungkol doon. Nainis ako. Dali-dali ko na lang inubos ang pagkain ko sa plato. Nang masimot ko iyon, tumayo na ako at kumuha ng tubig sa ref.
“Hindi ka nerd. You have your own style which I like and—-”
Tila tumigil ang pag-inog ng mundo nang marinig ko ang papuri niya, kaso bago niya matapos ang gustong sabihin, may tumawag na naman sa kanya. Napakagat-labi ako sa iritasyon. Base sa sinasabi niya sa telepono may kutob akong ang babaeng iyon pa rin ang istorbo. Tumayo pa siya at tumalikod sa akin habang kinakausap sa mahinang tinig ang caller.
Pagkainom ko ng tubig, nagbutingting din ako ng cell phone. Tinext ko si Haruka na tawagan niya ako agad. Question mark ang reply ng bruha.
“Basta. Tumawag ka. Now na.” Text ko uli.
Makaraan ang ilang sandali, nag-ring nga ang phone ko. Takang-taka si Haruka kung bakit ang arte ng boses ko nang sagutin iyon.
“Ano’ng nahitit mo’t ang weird mo ngayon?” tanong pa.
Tumawa ako sa pinakaseksi kong boses. Napasulyap sa direksiyon ko si Ryu habang kausap ang caller niya at nangunot pa ang noo.
“Oo naman. Why not? Coffee lang pala, eh. Kailan mo gusto?”
“Ha? Ano ba’ng pinagsasabi mong babae ka? Umuwi ka na nga ng Osaka! Nababaliw ka na riyan, eh.”
Lumabas ako ng mansion at doon ko na pinaliwanag kay Haruka ang lahat. Tinanong ko siya kung kilala niya si Aya Sugawara. Natahimik ito saglit sa kabilang linya. Makaraan ang ilang sandali, ang dami na nitong impormasyong binanggit tungkol sa babae. At habang pinapakinggan ko ang family background ni Sugawara-san, nakaramdam ako ng panliliit.
“Gano’n sila kayaman?!”
“Unfortunately, yes.”
Nanlumo ako, pero nang maulinigan kong bumukas ang pintuan at sumilip si Ryu sa akin sa hallway, pinasigla ko uli ang boses. This time sumakay na sa pagkukunwari ko si Haruka.
“Sino iyon?” walang kangiti-ngiting tanong ni Ryu nang pabalik na ako sa loob. Tinitigan pa niya ako nang matiim.
“Wala. Bagong kaibigan lang,” sagot ko sa kunwari’y casual na boses.
Niluwangan niya ang bukas ng pintuan at pinapasok ako. Dumeretso naman ako sa loob habang pasipul-sipol. I sensed his anger. Ganunpaman, hindi pa rin ako nagpaliwanag tungkol sa kausap ko. Bahala kang manigas diyan! Ngayon, alam mo na kung ano ang pakiramdam ko kanina!
“Kaya ka ba nagtanong kung ano ang magiging reaksiyon ko kung magdala ka ng lalaki sa bahay dahil may balak ka pala?” Mahina ang tinig niya ngunit puno ng iritasyon.
“Ha? Ano ba’ng pinagsasabi mo? It was just a hypothetical question.” Cool pa rin ang boses ko. Nagkunwari akong hindi affected. Pero deep down gusto ko nang magpagulung-gulong sa tuwa dahil sa nakikitang reaksiyon niya. Tagumpay! Mahalikan nga si Haruka pag-uwi ko bukas.
“Don’t you dare,” he muttered under his breath.
Napalingon ako sa kanya. At nagkunwaring nalilito.
“Iyan ang sagot ko!” asik niya sa akin.
“Hypothetical question nga lang iyon. Bakit ang kulit mo? Napaka-insecure mo talaga!” ganti ko sa kanya.
Hindi na siya sumagot pa. Walang imik lang na nagligpit ng mga pinagkainan namin. May dabog ang bawat kilos niya. Naawa ako sa mga baso’t pinggan. Hindi ko rin kinaya ang nakikitang paghihirap niya kung kaya nilapitan ko na. I hugged him from behind. Naramdaman ko ang pag-tense ng kalamnan niya. Saglit siyang hindi nakakilos. Makaraan ang ilang sandali, binitawan niya ang ginagawa at niyakap din ako nang mahigpit. Hinagkan-hagkan pa ako sa buhok.
“Gumaganti ka ba?” tanong niya nang pabulong.
“Ganti saan?” pagmamaang-maangan ko.
Hinawakan niya ang magkabila kong pisngi at tinitigan ako sa mga mata. Pakiramdam ko parang ice cream akong natutunaw. Hindi ko kinaya. Ako ang unang umiwas ng tingin.
“Gaya ng sabi ko kanina, kaibigan ko lang si Aya at wala nang iba.”
“Okay,” pakli ko.
“Now, who’s that guy?”
“Kaibigan ko lang din,” pagsisinungaling ko.
Bago pa ako ipagkanulo ng mga tingin ko, kumawala na ako sa yakap niya at ako na mismo ang naghugas ng mga baso’t pinggan.
Akala ko kukulitin niya ako nang kukulitin. Hindi pala.
“Mauuna na ako sa banyo,” sabi niya at pumasok na sa kanyang silid. Nang masiguro kong wala na siya, tinext ko si Haruka at kinuwento rito ang buong pangyayari. Tumawag na naman ito. Hindi pa siya nakapag-hello tumawa na ako agad. No’n naman lumabas ng kuwarto si Ryu. Naabutan niya akong humahagikhik habang may kausap sa phone. Kaagad akong nagpaalam kay Haruka at tinapos ang gawain.
“Itapon mo nga ang phone na iyan!” bulyaw niya sa akin. Naiirita.
Tinago ko sa bulsa ng pantalon ang phone at parang walang narinig na nagpunas ng lababo. I felt his presence in the kitchen. Akala ko aagawin na niya sa akin ang cell phone ko, iyon pala kumuha lang ng isa pang beer at uminom na naman bago nagpunta sa banyo.
**********
Hinahanda ko na ang couch sa living room para tulugan nang sumilip siya at sabihan akong lumipat sa kuwarto. Aangal sana ako, pero nagsabi siyang ako lang daw sa kama at sa sahig na lang siya. Pagpasok ko nga sa room niya, nakalatag na ang extra futon (mattress) sa paanan ng kama.
Kahit na komportable ang higaan ko, hindi ako makatulog knowing na nasa ibaba ko lang ang lalaking pinagpapantasyahan ko sa araw at gabi. Pinakiramdaman ko siya. Pabiling-biling din siya sa futon. Na-guilty naman ako dahil alam kong masakit sa likod mahiga sa sahig.
“Kung gusto mo, palit na lang tayo. Nagtitiis ka riyan na ikaw naman ang may-ari nitong kama.”
“Matulog ka na,” asik niya sa akin at nagtalukbong na ng kumot.
“Bahala ka nga. Ang arte mo!” asik ko rin sa kanya, pero maya’t maya’y sinisilip ko siya sa ibaba. Mukha ngang nakatulog na agad.
Dahil tingin ko tulog na siya, pinikit ko na rin ang mga mata. Namimigat na ang talukap ko nang maramdamang hindi na ako nag-iisa sa kama. May humahaplos-haplos na sa dibdib ko’t hita. Akala ko pa no’ng una nananaginip lang ako, pero pagmulat ko bigla niya akong sinalubong ng halik. Sa una lang din ako nagpumiglas. Bandang huli’y, nanaig ang excitement ko’t hinayaan na lamang siya sa ginagawa. Bigla lang akong natakot nang pinasok na niya sa t-shirt ko ang isa niyang kamay at pinisil-pisil ang aking kabundukan. Tinipon ko ang buong lakas para maitulak siya palayo. He looked a bit hurt. Iniwasan ko siyang tingnan dahil baka bigla akong bumigay.
“Natatakot ako,” sabi ko sa mahinang tinig.
“I understand. Sorry.”
Hinalikan niya ako sa pisngi bago bumaba ng kama. Hinatak niya pa ang nakasabit na tuwalya sa dingding at lumabas ng silid.
“Saan ka pupunta?”
Nag-aalala ako na baka nagalit siya sa akin.
“Matulog ka na. Magsa-shower lang ako ulit.”
“Huh? Nakapag-shower ka na, di ba?”
Binuksan niya ang ilaw at tumambad sa paningin ko ang malaking bukol sa kanyang harapan. Nakita ko pa ang outline ng ano niya dahil manipis ang suot niyang kulay gray na jogging pants. Nag-blush ako agad.
“Hindi ako makakatulog nang ganito ang pakiramdam ko.”
Iniwas ko ang mga mata sa harapan niya. Narinig ko siyang tumawa. Nang makalabas na siya ng kuwarto, no’n lang ako nakahinga nang maluwag. Napahawak pa ako sa dibdib.
Shit, paano ako makatulog nito?