image
image
image

CHAPTER THREE – BUSTED

image

Hindi na bumalik sa kuwarto si Ryu pagkatapos mag-shower. Mabuti na nga rin iyon para iwas-tukso. Kaso lang napuyat ako sa kahihintay sa kanya kaya ang ending tinanghali ako ng gising. Paglabas ko ng kuwarto nakita ko siyang nakahilata pa sa couch sa living room. Naawa ako kung kaya nilapitan ko’t itinaas ang kumot hanggang dibdib. Gumalaw siya’t tinanggal ito. Dali-dali akong umalis doon dahil baka nagising ko siya.

Nagto-toast na ako ng tinapay at nagbu-brew ng kape nang pumasok siya sa kusina. Lumapit siya agad sa akin at pinulupot ang mga braso sa baywang ko habang kinakagat-kagat ang aking leeg.

“Count Dracula, ano ba?” asik ko sa kanya.

Tumawa siya at hinagkan ako sa pisngi. Nang tumambad ang hitsura niya bigla akong napapikit. Nakaputing t-shirt at puti ring boxer shorts na lang kasi siya. Wala halos tinago ang undies niya dahil bakat na bakat ito sa kanyang katawan.

“Ba’t hindi ka muna magbihis?”

“Sorry uli, Sister Mara. Nakalimutan ko na namang may madre pala akong kasama. Hayaan mo’t magbibihis lang ako sandali.”

Tinapunan ko siya ng masamang tingin. Pinisil niya ang baba ko bago lumabas ng kusina. Pagbalik niya, nakaitim na shorts na siya na hanggang tuhod at t-shirt na puti pa rin. Naghain na rin ako para sa almusal namin.

“Sa bahay ka pa rin ba nakatira?” tanong niya habang nagkakape.

“Oo naman. Bakit?”

“Bakit hindi ka pa kumuha ng apartment malapit sa school niyo o di kaya mag-dorm ka? Hindi ka ba napapagod sa kaka-commute araw-araw? Ang layo kaya ng university n’yo sa bahay natin.”

“Pinapalayas mo na ba ako sa bahay n’yo n’yan?”

“Hindi naman. Convenience mo lang ang iniisip ko.”

Napangiti ako nang lihim. Ang sarap sa pakiramdam.

“Tsaka ang hirap namang gumalaw sa bahay nang nandiyan palagi ang mama mo na nakamasid lang sa atin. Mas maganda kung mayroon kang sarili mong place. At least, kapag nauwi akong Osaka sa iyo na ako dederetso. Hindi na ako tutuloy pa sa bahay sa Ibaraki.”

“Hayun! May hidden agenda ka pala.”

Pero sa totoo lang kinilig ako roon. Wish ko lang magkaroon ng sarili kong apartment. Kahit gustuhin ko man, hindi ko kaya. Ang mahal-mahal kaya kumuha no’n. Bukod sa advance deposit may key money pa akong babayaran. Saka saan ako kukuha ng buwanang renta?

“Hanggang kailan ka magtatago sa saya ng mama mo?”

Napabuntong-hininga ako. Hindi ba niya alam kung gaano kamahal magrenta ng apartment ngayon? Wala pa akong part-time job.

“Sagot ko na ang deposit at key money kung iyon ang inaalala mo. Maghanap ka na lang ng baito (part-time job) para may pambayad ka sa buwanang renta mo.”

Aba, mind-reader!

Hindi na ako nakipagtalo pa sa kanya. Sinabihan ko na lang siyang pag-iisipan ko ang alok niya para matigil na. Pero sa loob-loob ko never ko iyong susunggaban. Ayaw kong isipin niya na nagte-take advantage ako sa generosity niya. May pride din ako, ano!

Pagkatapos naming mag-almusal, dinala niya ako sa campus nila. Buong pagmamalaki niyang pinakita ang malawak nilang baseball field. Kumaway pa siya sa mga kasamahan na nagpa-praktis doon. Sumigaw ang mga loko-loko. Sino raw ang hot niyang kasama? Pumalakpak naman ang mga tainga ko kahit na hindi ko alam kung binobola lang nila ako o ano.

Ang sumunod naming pinuntahan ay ang College of Engineering kung saan siya pumapasok. Itinuro niya kung saan sila nagkaklase at tumatambay pagkatapos. Ini-imagine ko nga siyang pumupunta sa klase. Ang sarap sana kung magkasama kami. Kung bakit kasi ang bobo ko sa Math. Disin sana’y engineering din ang course ko.

Papalayo na kami sa building nila nang may marinig kaming boses-babae na tumatawag sa kanya. Paglingon ko nakita ko si Sugawara-san.

“Oh, hi again, Mara. Kumusta?” bati nito at ngumiti sa akin. Pero hindi na niya hinintay pa ang sagot ko. Bumaling na siya agad kay Ryu. “Hindi ka ba mag-aaral para sa quiz natin kay Kobayashi-sensei sa Monday? Ang dinig ko, ang hirap niyang magbigay ng test.”

“Bukas na lang ako mag-aaral. Ipapasyal ko muna si Mara today.”

Nang nagpaalam na si Ryu sa kanya nakita kong umasim ang kanyang mukha, pero kaagad ding ngumiti sa boyfriend ko na parang wala lang.

Dapat ko ngang bantayan ang babaeng ito. Tsaka, hello! Sabado pa lang pinoproblema na ang quiz sa Monday? Para-paraan!

Pagkatapos naming maikot ang buong campus, dinala ako ni Ryu sa Lovers’ Corner. Tambayan daw ito ng mga campus lovers. Very romantic nga ang ambience dahil napapalibutan ito ng cherry blossoms. May bench sa bawat puno ng sakura kung saan puwedeng magpahinga ang magnobyo. Iyon nga ang ginawa namin. Ako ang naupo at nahiga naman siya. Ginawa niyang unan ang mga hita ko. Pinatong ko ang isang kamay sa dibdib niya at nadama ko agad ang lakas ng tibok ng kanyang puso. Parang puso ko rin. Nang pagmasdan ko ang kanyang mukha, nakapikit na siya. Hinaplos-haplos ko ang pisngi niya at pinagapang pa ang isang daliri sa kanyang mga labi. Hindi siya dumilat, pero marahan niyang kinagat ang hintuturo ko. Pag-angat ko ng mukha, nakita ko na naman si Sugawara-san sa hindi kalayuan. Nakahalukipkip ito at nakatingin sa amin ni Ryu nang may talim ang mga mata. Nang magtama ang paningin namin, bigla na lang siyang tumalikod at lumayo na. Feeling ko may gusto nga siya kay Ryu.

Ginugol namin ni Ryu ang buong araw sa pamamasyal sa scenic spots ng Nagoya. Dinala rin niya ako sa traditional Japanese restaurants na nagse-serve ng miso-katsu, isa sa popular na local dishes. Ang saya ko na sana dahil kapiling ko siya kaso nakailang tawag sa kanya ang bwisit na Aya Sugawara na iyon. Laging may dahilan. Susko! Magagalit na sana ako kung hindi lang inamin mismo rito ni Ryu na girlfriend niya ako. Sa tuwing tatawag ito’y hindi na rin siya umaalis sa tabi ko para kausapin ang hitad. Pinaparinig pa niya sa akin ang usapan nila. At least he’s being transparent. Kahit papaano’y napanatag ang loob ko.

Gabi na nang hinatid ako ni Ryu sa Nagoya Station. Ayaw pa nga sana niya akong pauwiin dahil Linggo pa lang naman kinabukasan, pero nagpumilit ako. Alam kong kapag doon uli ako natulog sa mansion niya may mangyayari na sa amin sigurado. Baka ako pa ang hindi makapagpigil.

Nakasakay naman ako agad pagdating ko ng Nagoya station, kaso nga lang naantala ako sa Shin-Osaka. Na-late ng dating ang sasakyan kong tren pauwing Ibaraki dahil may aksidente raw sa Sannomiya Station kaya maghahating-gabi na nang nakauwi ako ng bahay.

“Sinabi mo sa akin kahapon na kina Haruka ka mag-o-overnight,” salubong agad sa kin ni Mama. Galit ang boses niya.

“Oo nga po. Nandoon nga po ako sa kanila natulog.”

“Huwag ka nang magkaila pa. Alam kong binisita mo si Ryu.”

Sinapak ko sa isipan si Haruka sa pambubuko niya sa akin.

“You disappoint me, Mara.”

“W-ala naman p-o k-kaming g-ginawang masama ni Ryu. Maniwala po kayo sa akin. P-Pasensya na p-po kung hindi ko n-nasabi sa inyo.”

“Sa susunod na magsisinungaling ka pa uli, hindi na kita papayagang umalis ng bahay. Tandaan mo iyan. O siya, tawagan mo na ang boyfriend mo’t kanina pa iyon naghihintay sigurado.”

Tawagan ang boyfriend? Kaya ba ako nabuking ni Mama dahil tumawag sa bahay si Ryu?

Tumakbo ako sa kuwarto ko at kaagad kong chinarge ang keitai. After five minutes, tinawagan ko si Ryu. Sumagot agad ito after one ring.

“Bakit mo sinabi kay Mama na nag-overnight ako riyan?”

“Nakauwi ka na ba? Kanina pa ako worried na worried. Hindi kita makontak kanina pa kaya tinawagan ko na si Tita.”

“Hindi ko pinaalam kay Mama ang pagpunta ko riyan tapos binuking-buking mo ako sa kanya! Nakakainis ka!”

Narinig ko siyang tumawa.

“Tatawa-tawa ka pa riyan. Galit na galit ang mama ko sa akin nang dahil sa iyo. Hindi na raw niya ako paaalisin pa ng bahay.”

“Nang dahil sa akin o nang dahil sa pagsisinungaling mo? Why did you lie anyway? Kasimpleng bagay nagsisinungaling ka pa.”

“Hindi iyon simple para sa aming mga Filipino. Kung iyon ang pinaalam ko sa kanya, tiyak na hindi niya ako pinayagan.”

“Iyan ang sinasabi ko sa iyo. Kung mayroon ka sanang sarili mong apartment, hindi mo na sana kailangan pang magpaalam sa kanya sa bawat kilos mo. You’re already nineteen not an innocent nine year-old girl!”

“Huwag mo na nga akong sisihin diyan. Ikaw ang may kasalanan nito, eh. Pinagdududahan na tuloy ako ng mama ko. Mamaya niyan, kung anu-ano na ang pinag-iisip tungkol sa ating dalawa.”

Narinig ko na namang napabungisngis ang loko-loko.

“Kung tutuusin, may ‘nangyari’ naman talaga sa atin, eh. Tell your mama na lang na paninindigan ko naman ang ginawa ko sa iyo. Do I have to prepare myself now for a shotgun wedding?”

“Kanina ka pa, Ryu! I’m not kidding! This is not a joke!”

“Sino ba naman ang nagsabi na nagbibiro ako?”

Natigilan ako. Seryoso nga ba siya sa sinabi niyang handa siyang panindigan ako kung sakaling hingin ng mama ko? Ayaw kong umasa. Baka pinapatakam lang ako ng damuho.

“Basta tandaan mo, huwag na huwag mong mabanggit-banggit kung kani-kanino ang mga nangyari. Baka makarating kay Mama at tuluyan na akong ikulong sa bahay,” pag-iba ko na lang ng usapan.

“Ah, iyon bang pagpisil-pisil ko sa iyo doon?

“Kailangan mo pa bang ulit-ulitin iyon? Napakamanyak mo talaga!”

Ang lakas na naman ng tawa niya.

“O siya, I have to go na. Maliligo muna ako,” paalam ko sa kanya.

“Nakakainis ka naman. Kailangan mo pa bang sabihin iyan sa akin?”

“Ano ba’ng masama sa sinabi ko? Maliligo lang naman, ah!”

“Hindi pa ako nakaka-recover sa nangyari o hindi nangyari kagabi, tapos ite-tempt mo na naman ako.”

“Ewan ko sa iyo,” tanging nasabi ko, pero ang lawak na ng ngiti ko.

Nang hindi na siya sumagot, nagpaalam na ako sa kanya. Nagpaalam din siya at binaba agad ang telepono.

Ni hindi man lang hinintay na ako ang unang magbaba ng phone. Nakakasira ng ilusyon. Bwisit na lalaking iyon.