![]() | ![]() |
Natigil ako sa pag-aalmusal at napatutok sa TV nang iulat ang tungkol sa mass recall ng bagong modelo ng Otsuji SuperSonic Car, ang latest product ng Otsuji Car Manufacturing Firm na pag-aari ng pamilya nila Ryu. Noong nakaraang buwan paisa-isa lamang ang recall na nagsimula sa Tokyo, pero ngayon ay umabot na ito sa USA, UK, Germany at Italy.
Narinig kong napabuntong-hininga si Mama. Nilipat nito ang channel. Sa kabilang news program naman, hindi na mass recall ng Otsuji SuperSonic Car ang balita pero tungkol pa rin sa kompanya nila Ryu. Ayon sa news report, dahil sa hindi magandang imahe ng bagong release na modelo ng sports car bumulusok ang stock price ng kompanya.
“Hay naku! Puro negatibo! Ang aga-aga, nakakabanas,” narinig kong bulalas ng mama ko.
Minsan lang ito kung mag-emote kaya alam kong masyado itong apektado, lalo pa’t napapadalas ang overseas trips ni Otōsan dahil sa problema. Ngayon nga’y nasa Amerika na naman ito para kausapin ang mga major investors nila doon. Pagkatapos nito sa USA, pupunta pa itong Europe para kausapin ang major distributors nila sa Berlin at Milan. Bihira na nga silang magkita ni Mama ngayong buwan, eh. Naawa nga rin ako sa kanilang dalawa. Wala nang quality time sa isa’t isa.
Pagdating ko sa school nang araw na iyon, sinalubong kaagad ako ng medyo worried na si Haruka. Tinanong ako kung okay lang daw ba ako.
“Bakit naman ako magiging hindi okay? Nalungkot nga ako sa mga pangyayari nitong nakaraan, pero wala naman akong magagawa roon.”
“Alam mo na I will always be here for you, right? Lagi mong tandaan iyan, Mara-chan,” sabi pa niya sa akin.
Tinirik ko na naman ang mga mata sa ka-OA-han niya. Hindi niya iyon pinansin. Bagkus, kinuha pa ang kamay ko’t pinisil-pisil.
“Ang OA mo!” natatawa kong asik sa kanya sabay hila sa kamay ko. “Halika na nga! May thirty minutes pa bago ang first period. May time pa tayong mag-cram para sa quiz natin.”
Matamlay siyang pumayag. Nanibago ako sa BFF ko ngayon. Mukha siyang Biyernes Santo. Mas affected pa siya sa balita kaysa sa akin.
Pagpasok ko sa first period namin, napatingin agad sa akin ang mga kaklase ko. Sabay-sabay pa nilang itinago ang hawak-hawak na magasin. Marahil iniisip nila na naapektuhan din ako sa mga nangyari kina Ryu. Alam kasi nilang nobyo ko ito. Ano ba naman ang mga taong ito! Pinakita ko sa kanila na okay lang ako. Affected din ako siyempre, pero keri ko ang problema. It’s not the end of the world for me. Alam ko naman kasing magagawan iyon ng paraan ng stepfather ko. Iyon pa. Ang galing-galing kaya no’n. Saka tumutulong na rin si Ryu sa negosyo nila ngayon. Hindi na solo ni Otōsan ang problema.
Nang matapos ang klase, niyaya ko na si Haruka na bumili ng obento sa Coop para hindi na kami makipagsiksikan doon during lunch time. Nag-atubili pa sana siya, pero hinila ko na. Hindi na ako nakarating sa estante ng mga pagkain dahil nahagip agad ng tingin ko ang larawan nila Ryu at Sugawara-san sa isang magasin sa entertainment rack. Parang may dumaklot sa puso ko’t pumiga nito nang mabasa ko ang caption sa ilalim ng larawan nila. A match made in heaven. Isang sole heir ng pinakamalaking car company sa Asya at heiress ng hotel chain ng bansa. Mas may ideal pa raw ba sa relationship nilang dalawa? Nakalimutan ko na tuloy ang tungkol sa obento. Dinampot ko ang magasin at binayaran ito sa counter saka dali-daling pinunit ang plastic cover. Bubuklatin ko na ito nang pigilan ako ni Haruka.
“Sigurado ka bang kaya mong basahin iyan?” tanong pa niya.
“I have to. I need to,” sabi ko sa ngarag na boses.
“Sandali lang,” pigil niya uli.
Napatingin siya sa paligid. Nang sundan ko ang tinitingnan niya nakita kong may mga nagbubulung-bulungan nang kumpol ng mga estudyante sa hindi kalayuan sa amin. Hinila niya ako palabas ng campus. Mas mainam na raw na malayu-layo kami sa mga kaeskwela namin para kung magtodo emote raw ako ay walang masyadong makakakita.
“I can handle myself,” paniniyak ko sa kanya kahit nanginginig na ang boses ko. “Huwag mo akong alalahanin masyado.”
Pagkabuklat ko sa magasin nataong centerfold agad ang napuntahan kong pahina. Awtomatikong tumulo ang luha ko pagkakita sa larawan ng dalawa. Magkadikit ang likod nila habang nagpo-pose sa camera. Si Sugawara-san ay nakasuot ng isa sa mga Spring Collection ng Dolce and Gabbana habang si Ryu nama’y naka-gray pants at white sweater na dinisensyo naman daw ng isang kilalang Japanese designer.
Binasa ko pa ang nilalaman ng artikulo kahit na pinigilan ako ni Haruka. Sinasabi ng sumulat na nagkakilala raw sa isang unibersidad sa Nagoya ang dalawa. Nabighani raw sa boses ni Ryu ang hotel heiress at si Ryu nama’y napahanga ng dalaga dahil sa galing nito sa makina.
“Kaya pala you were acting weird kanina pa. Bakit hindi mo sinabi agad?” sabi ko nang matapos kong basahin ang artikulo.
“Akala ko kasi alam mo na at okay lang sa iyo.”
Napahagulgol ako. Nataranta naman si Haruka. Hindi malaman kung ano’ng gagawin niya sa akin para tumahan ako.
“Bago tayo mag-conclude, hingin mo muna ang paliwanag ni Ryu.”
“I hate him! I really hate him! Bakit hindi niya sinabi ito sa akin? I was there last week! Ang dami niyang pagkakataon para masabi ito sa akin! Bakit hindi niya sinabi?” sigaw ko.
Naiyak din si Haruka. Hindi agad ito nakaimik.
“A match made in heaven! An asshole and a bitch!” sigaw ko pa.
Inakbayan ako ni Haruka at sinabihan na kung gusto ko raw mag-cutting classes sasamahan daw niya ako. Bago ako makasagot, may humintong kotse sa gilid namin at bumaba ang naka-sunglasses na si Ryu.
“Pwedeng hiramin ko muna ang kaibigan mo?”
Tumango si Haruka at mabilis itong lumayo sa amin.
“Ayaw kong sumama sa iyo,” galit kong sabi sa kanya.
“We have a lot of things to talk about.”
“Okay na sa akin ang lahat. Tanggap ko na. Magsama na kayo ng bago mong girlfriend!” At hinagis ko sa kanya ang nabili kong magasin sabay takbo. Hinabol niya ako at hinablot ang braso ko bago pa ako tuluyang makalayo. Nagpumiglas ako kung kaya binuhat niya ako.
“Let me go! Hayop ka!” sigaw ko at pinagbabayo ko ang likuran niya.
Dali-dali niya akong pinasok sa kotse at kinabitan ng seatbelt. Tinanggal ko sana ang seatbelt at akmang bababa ng sasakyan nang paandarin niya ito. Napahawak ako sa gilid ng bintana nang biglang maalog dahil sa bigla nitong pag-reverse gear. Minura ko siya at pinaghahampas sa balikat sa matinding galit, pero hindi niya ako pinansin. Inilagan lang niya iyon habang nagmamaneho. Napagod na rin ako sa kakangawa at kakahampas sa kanya dahil wala akong natanggap na reaksyon liban sa pangde-dedma kung kaya tumahimik na ako.
Makalipas pa ang ilang sandali, nag-slow down na ang kotse at tuluyan nang huminto. Pagtingin ko sa labas ng bintana, sinalubong ako ng hindi pamilyar na tanawin.
“Hindi naman siguro lingid sa iyo ang nangyayari sa kompanya. Malaki na ang nawawala sa amin dahil sa mass recall ng bago naming produkto. Dahil doon unti-unting nagsialisan ang mga investors namin.”
Ano naman ang kinalaman no’n sa problema naming dalawa?
“I’ve always been faithful to you. M-Mahal kita and I’ll always be loving you.” Hindi na siya nakatingin sa akin nang sinabi niya iyon. Nakahawak na lang siya sa manibela at nakatingin sa malayo.
Pinanlamigan ako sa pinagsasabi niya. Oo, galit ako kanina dahil sa pinagmukha niya akong tanga sa harap ng mga kaklase ko’t kaeskwela. Alam na ng buong campus, pero ako’y walang kaide-ideya. Biruin mo iyon! Ganunpaman, umasa akong pasisinungalingan niya lahat iyon. Na sasabihin niya sa akin na pagkukunwari lang ang kanila ng babaeng iyon at ako talaga ang totoo niyang girlfriend. Kaso sa mga sinabi niya, mukhang hihiwalayan na nga niya ako nang tuluyan. Lalo akong nanlata, ngunit nanaig ang kagustuhan kong maging matatag. I gathered all my guts and asked him something I dreaded to ask.
“Ibig bang sabihin niyan, break na tayo? Okay lang sa akin. Alam ko namang wala naman akong panama sa babaeng iyon, eh. Kung siya na ang gusto mo, di siya na. Kailangan ko nang bumalik sa klase at huwag mo na akong ihatid,” sabi ko at tinanggal na ang seatbelt. Bubuksan ko na sana ang pintuan sa gawi ko at lalabas na nang pinindot niya ang lock button.
“Kung makikipag-break ako sa iyo, mag-aaksaya pa ba ako ng oras para puntahan kita rito sa school n’yo?”
“Siyempre, gusto mo lang personal akong kausapin na kalimutan ka na! Ano pa nga ba?”
“Pumunta ako rito para humingi ng pang-unawa mo. I was just asked by our publicist to do something about the negative publicity. At iyong involvement ko nga kay Aya ang naisipan nilang paraan. Influential din kasi ang family nila Aya dito sa Japan. Itong news about our budding relationship could benefit both our companies.”
“May gusto siya sa iyo,” sagot ko, nagngingitngit.
“Alam ko,” kaswal na sagot niya na ikina-high blood ko lalo.
“Alam mo naman pala, eh! Bakit pumayag ka dito sa gimmick ng kompanya n’yo? Alam mo bang pwede ka niyang pikutin?”
Napangiti siya.
“Kaya ka ba nag-aalburuto nang ganyan ay dahil natatakot kang baka mapikot niya ako?”
“Tatawa-tawa ka pa riyang demonyo ka!”
“I’m sorry for being insensitive. Kaya lang naman ako tumatawa dahil tingin ko malayo namang mangyari iyang iniisip mo. Hindi ako papipikot kahit kanino man. Walang sino man ang makakapilit sa akin sa isang bagay na ayaw kong gawin.”
Hinuli niya ang kamay ko. Sa una lang ako nagpumiglas. Nang hawakan niya ang magkabilang palad ko’y hindi na ako nakaalma. Bumigay na naman ang puso ko. Nang niyakap niya ako nang mahigpit gumanti na rin ako ng yakap din.
Hindi na niya ako hinatid sa eskwelahan. Pumunta kaming Umeda at doon na nag-lunch. Namasyal pa kami sa Kobe pagkatapos. Gabi na nang hinatid niya ako sa bahay. Nabigla si Mama nang sabay kaming dumating. Pinaliwanag kong pinuntahan ako ni Ryu sa school. Tinitigan ako ng nanay ko na parang may gustong sabihin. Nang tinanong ko’y umiling lang ito at nagpaalam nang babalik sa kuwarto nila ng stepfather ko.
Matamlay akong umakyat sa kuwarto. May pakiramdam kasi akong something’s not right. Nagbukas ako ng telebisyon para maaliw, pero lalo akong naimbyerna. Nakita ko na naman kasi sa entertainment news ang ambush interview kina Sugawara-san at Ryu habang nagdi-dinner sa isang exclusive restaurant sa Nagoya. Kuha raw iyon noong nakaraang araw. Halos lalanggamin sila sa sweetness. Kahit na sinabi ni Ryu na gimik lang iyon ng publicist nila, hindi ko pa rin napigilan ang magselos. Pinatay ko ang TV at nag-shower sakaling maalis iyon sa sistema ko. Natapos na ako’t lahat, hindi ko parin makalimutan ang malalagkit nilang tinginan sa isa’t isa habang nagsusubuan ng sushi. Hindi na ako nag-isip, nag-text ako kay Ryu. Inusisa ko siya tungkol doon. Tumawag naman siya agad sa akin.
“Nag-usap na tayo at sinabi ko nang huwag kang nagpapaniwala sa mga nakikita mo sa TV at nababasa sa magazines. Publicity nga lang iyan, eh,” sabi niya sa akin pagka-hello ko. He sounded irritated.
“Parang totoo na kasi ang tinginan n’yo sa isa’t isa, eh!”
“Ewan ko sa iyo. Napapagod na rin ako sa kakaesplika sa iyo. Bahala ka na sa kung ano’ng iisipin mo,” mahinahon niyag sagot sabay putol sa linya. Kaagad na tumulo ang luha ko.
Nagbago na siya. Hindi na siya sweet sa akin kagaya noon.
Hinagis ko ang keitai sa paanan ng kama at nag-gitara na lang. Nakatugtog ako ng ilang kanta nang hubarin ang headphone at nagtungo sa CR. Pagbalik ko, nakita kong umiilaw ang phone ko. May dalawa akong missed calls kay Ryu. May pinadala rin siyang text message. Humihingi siya ng dispensa sa biglaang pag-init ng ulo niya. Hindi ko iyon pinansin.
Manigas ka! Dapat matuto kang umunawa ng damdamin ko. Ang hirap ng pinapagawa mo sa akin! Gusto mong intindihin ko lang ang lahat. Ang unfair mo naman!