image
image
image

CHAPTER SIX – PHONE CALLS

image

Pilit kong itinago kay Mama ang pananamlay, pero hindi pa rin iyon nakalusot sa matalas niyang paningin. Naramdaman kong tinititigan niya akong mabuti. Naasiwa tuloy ako at hindi makakain nang maayos.

“Gaano mo ba kamahal si Ryu?” bigla na lang niyang tanong sa akin.

“Ano po ba namang klaseng tanong iyan, Ma? Kailangan ko pa bang sagutin iyan? Alam n’yo naman ang isasagot ko, di ba po?”

“Kung alam ko ba’t pa kita tatanungin?”

“Siyempre po, mahal na mahal. Alam n’yo naman po ang feelings ko kay Ryu. Hindi ko po siguro makakaya kung mawala siya sa buhay ko.”

Nakita kong naging malungkot masyado si Mama. Napabuntong-hininga pa ito at hindi na nagsalita pa. Lalo tuloy akong kinabahan.

“Bakit po, Ma?” pang-usisa ko.

“Si Ryu lang ang natatanging tagapagmana ng kompanya nila. Siya lang ang inaasahang sumalba nito kung saka-sakali. Hindi naman siguro lingid sa iyo ang mga nangyari nitong nakaraang buwan, di ba?”

“Ano po ang koneksyon no’n?”

“When worse comes to worst na kailangan ni Ryu na isalba ang kompanya nila, baka kailangan n’yong magsakripisyo, anak.”

Kung gano’n, pupwedeng si Sugawara-san pa rin ang makatuluyan niya? Kaya ba sinabi niyang “I’ll always be loving you?”

“Kung maaari lang, try to go out with other people. Subukan mo lang. Huwag kang masyadong umasa kay Ryu. Alam mo naman ang kultura nila. Mas mahalaga sa kanila ang pagtupad sa obligasyon kaysa sa personal na kagustuhan. Kaya dapat ring ihanda mo ang iyong sarili.”

Dali-dali kong tinapos ang almusal at nagpaalam na ako agad para magpahinga sa kuwarto. Ang sama-sama ng pakiramdam ko. Binuksan ko ang telebisyon sa pagbabakasakaling maaliw, pero lalo akong nabwisit.

Ayon sa naabutan kong entertainment news, sina Ryu at Sugawara-san na raw ang next big thing na dapat abangan ng publiko. Malaking benepisyo daw sa ekonomiya ng bansa kung magsanib-pwersa ang dalawang pamilya sa pamamagitan ng matrimonyo sa pagitan ng kani-kanilang heredero’t heredera. At di gaya ng ibang power couple, talagang nakaka-in love daw ang dalawa dahil parehong hot na hot.

Pinatay ko agad ang TV pero parang tukso namang bumabalik-balik sa aking imahinasyon ang nakangiting imahe ni Ryu habang nakatingin kay Sugawara-san na parang in love na in love. Paulit-ulit pang nare-replay sa utak ko ang naging takbo ng ambush interview sa kanila.

“She’s every man’s dream girl. Hindi lang siya seksi, maganda at matalino, magaling din siyang magluto,” sagot ni Ryu sa isang tanong kung gaano niya ka gusto si Sugawara-san.

Nang tanungin pa ng reporter kung naipagluto na ba siya ng dalaga para masabi niyang magaling nga itong magluto, tumingin muli si Ryu rito at sinabing, “Ilang beses na rin. Nakatira kami sa iisang gusali lang kaya madalas na sabay kaming mag-dinner. Minsan, iniimbita niya ako sa unit niya to try her new recipe at minsan naman, pinagluluto niya ako sa mismong unit ko.”

Medyo nag-blush pa rito ang bruha. Nagtakip pa siya ng mukha nang biglang may nanudyo sa kanila sa background.

Kahit na sinabi ni Ryu na pagkukunwari lang ang lahat sa kanila ng babae, naapektuhan ako sa ambush interview na iyon kasi kung tumingin siya sa dalaga parang totoong in love. O baka nagkakadevelopan na sila ayaw lang aminin sa akin? Kailangan ko siyang makausap once and for all. Kung totoo ngang sila na, mas mabuting malaman ko na agad mula sa kanya. Mas okay nang mag-suffer sa ngayon kaysa patuloy na umasa na sa pagdadalamhati rin pala ang ending later on.

Walang sumasagot sa cell phone niya! Unattended call ang una kong tawag. Pinindot ko uli ang numero niya. Naisip ko kasing baka hindi niya lang narinig ang ringer. Ikakansela ko na lang sana ang tawag nang bigla niya akong sinagot after eighth ring.

“Ryu!” sabi ko. Hindi ko napigilan ang pananabik. Pero ganoon na lamang ang pagkabigla ko nang boses-babae ang marinig sa kabilang linya.

“Moshi-moshi,” sabi uli nito nang hindi na ako nakasagot. Nabosesan ko na kasi siya. “Mara, ikaw ba ito?” malambing na tanong niya na kaagad kong kinainisan. Hipokrita!

Dahil alam niyang ako ang tumawag, nilakasan ko na rin ang loob ko.

“G-gusto ko sanang makausap ang boyfriend ko,” sabi ko sa mahinahing tinig. Diniinan ko ang salitang boyfriend. “Nasaan siya? Bakit ikaw ang sumasagot ng phone niya?”

“Sorry, ha?” malambing pa rin ang bruha. “Nag-CR kasi siya kaya ako na ang sumagot total naman nasa harapan ko lang ang phone niya.”

Nag-CR? Bakit nasaan ba sila?

“Nakarating na ba ng condo niya si Ryu? Kasi tumatawag din ako sa landline niya pero wala ring sumasagot,” pang-usisa ko pa.

“Actually, nasa unit ko kasi siya. May pinatitikim kasi ako sa kanya na bago kong recipe,” cool lang niyang sagot.

Parang tinusok ng karayom ang puso ko. Nasa unit siya ni Sugawara-san! Tama nga ang ambush interview. Palagi nga silang magkasama.

Ii nioi, Aya-chan (Ang bango naman niyan, Aya-chan),” narinig kong sabi ni Ryu sa background. Parang medyo malayo ang boses nito. Narinig ko ring sinabi ni Sugawara-san na matatapos na siya sa pagluluto.

Kailangan ko pa bang marinig iyon? Nakakabwisit! Parang sinadya ng bruha, ah. Narinig ko pang pinatikim muna niya si Ryu ng niluluto bago sabihin dito na nasa telepono ako. Nanggalaiti tuloy ako sa galit.

“Sorry for disturbing you, guys. Sige. Saka na lang tayo mag-usap after n’yo magtikiman diyan.” At binaba ko na ang telepono.

Mayamaya pa, nag-ring ang phone ko. Si Ryu.

“May problema ba sa bahay?” tanong niya agad nang sagutin ko ang tawag niya. Ni hindi na nag-hello ang damuho.

“Sa bahay, wala. Sa iyo, meron. Malaki.”

Bigla siyang natahimik sa kabilang linya.

“Same old issue pa rin ba ito?” May iritasyon na sa boses niya.

“Akala ko ba hindi totoo ang balita? Pero bakit nandiyan ka sa unit ng babaeng iyan?” sumbat ko. Hindi na nakapagpigil.

“Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo na huwag kang nagpapaniwala sa tsismis? Para na tayong sirang plaka nito, eh!”

“Ah, ganoon ba? Bakit, hanggang ngayon ba may camera riyan sa unit ng babaeng iyan kung kaya umaarte pa rin kayong dalawa?”

“Ewan ko sa iyo. Bahala ka na kung ano’ng iisipin mo,” sagot niya.

Hindi ako nakasagot. Gusto ko siyang bulyawan, pero minabuti kong pakalmahin ang sarili. Kahit tumambling pa ako ngayon, alam kong wala rin akong magagawa. Dapat sigurong mag-change tactic ako. Hindi ko dapat pinapaalam sa kanya na labis akong naaapektuhan.

“Pasensya na. Masyado lang akong stressed out lately. Sige. I have to go.” At binaba ko na ang telepono.

Mayamaya uli, tumawag siya, pero hindi ko na sinagot. Pinatay ko ang keitai at nagtungo na sa banyo. Kailangan ko ng hot bath para mapreskuhan at mawala siya sa isipan ko.

Nang matapos akong maligo, hindi rin ako nakatiis. Binuksan ko ang keitai. May tatlo akong mensahe kay Ryu. Ang dalawa ay nagpapaliwanag kung bakit nandoon siya sa unit ni Sugawara-san. May ginagawa daw feature sa kanila ang isang local television sa Nagoya at kinukunan ang actual na pagluluto sa kanya ng babae. Kaya raw hindi niya agad nasagot ang tawag ko kanina ay dahil naiwan nito sa dining table ang cell phone nang mag-CR break sila. Ang pangatlong mensahe ay ang paghingi niya ng dispensa sa hindi magandang sinabi sa akin.

Kung ganoon, live pala ang napanood ko kanina. Nakakabwisit! Ni hindi man lang nagpaabiso sa akin. Disin sana’y naihanda ko ang sarili. Imbes na magalit at magmatigas, mahinahon ang sagot ko sa mga mensahe niya. “Okay lang. Pasensiya ka rin kung hindi kita naintindihan agad.”

“Doumo arigatou gozaimashita!” sagot niya. May smiley face pa ito.

**********

image

“Uuwi si Ryu rito sa Biyernes,” sabi ni Otōsan nang Miyerkoles nang gabi. Na-excite naman ako agad. Makakapag-usap na rin kami!

“Maghanda kayong dalawa. May gaganapin na malakihang salu-salo sa Sabado at imbitado ang lahat naming business associates. Dadalo rin ang pamilya Sugawara sa naturang pagtitipon kaya mainam na kompleto rin tayo. Nakapagdesisyon na kami. Pormal na naming ipapakilala sa lahat ang namumuong relasyon nila Ryu at Aya.”

Muntik na akong mabilaukan ng sashimi sa narinig. Cool lang kasi ang boses ng stepfather ko. Pakiramdam ko tuloy wala siyang pakialam sa damdamin ko. Imposible kasing hindi niya alam na nobyo ko si Ryu.

“Naiintindihan mo naman ang lahat ng ito, hindi ba, Mara-chan?” tanong pa ni Otōsan. Tumingin siya sa akin na tila humihingi ng dispensa. Napasimangot ako. Hindi ko talaga napigilan ang sarili. Bahagyang sinipa naman ni Mama ang isa kong paa sa ilalim ng mesa. Nagkatinginan kami. May babala sa mga titig niya kung kaya kahit na gusto kong ipakita kay Otōsan ang pagdaramdam, nagkunwari akong okay lang ang lahat.

“Opo, Otōsan. Naiintindihan ko po.”

Saglit akong tinitigan ni Otōsan. Tila pinapakiramdaman.

Pagdating ni Ryu sa bahay ng Biyernes ng gabi, pinakita ko sa kanya na okay lang ako. Hindi ko pinahalata na may iniinda akong sama ng loob sa kanya. Nilihim ko rin na alam ko na ang magaganap kinabukasan.   

Gaya ng ginagawa namin palagi noon, sa Entertainment Room kami nagbabad. Kahit na gustung-gusto ko na siyang sitahin at sumbatan, nagpakahinahon ako. Kung gagawin ko kasi iyon, tingin ko lalo lamang siyang lalayo. Kaya minabuti kong mag-astang walang alam.

Nag-gitara kami ng mga paborito naming kanta. May English, may Japanese. Tinuruan din niya ako kung paano tugtugin ang original composition niyang, My Filipina Girl. Totoong nag-enjoy kami. Saglit kong nalimutan ang isyu sa pagitan naming dalawa.

Abala kami sa pagtutugtog nang nag-ring ang phone ko. Si Aaron. Iniimbitahan niya akong samahan siya sa dadaluhan niyang party bukas ng gabi. May salu-salo rin kaming dadaluhan ni Mama. Hindi pwede.

“Sorry, I have plans tomorrow night,” sabi ko agad. Hindi naman siya nang-usisa pa. Nagpaalam din siya agad sa akin.

Nang humarap na ako kay Ryu, na-sense kong galit na ito, pero nagkunwari pang okay lang siya. Ni hindi nga nagtanong kung sino ang kausap ko. Ganunpaman, sinabi ko sa kanya para hindi na siya mag-isip pa ng kung sinu-sino.

“Pakialam ko,” sagot niya sa akin habang kumukuskos ng gitara.

Dahil sabi niya wala siyang pakialam, hindi na rin ako nagsalita pa tungkol doon. Mayamaya pa nag-text si Aaron na masaya siyang sinagot ko ang tawag niya. Wala namang effect iyon sa akin, pero dahil alam kong nakikiramdam si Ryu nagkunwari akong kinilig. Nireplayan ko siya ng smiley face. Ni wala pang sampung segundo, nagpadala rin siya ng smiley face din. Tumayo na si Ryu at nagmura pa. Nagulat ako.

“What’s wrong?” tanong ko. Kunwari’y walang kaide-ideya.

Hindi siya sumagot. No’n naman nag-text si Haruka. Nagkunwari uli akong super kilig habang binabasa ko iyon.

“Kanina pa ako naririndi sa maingay na message alert tone na iyan! Sino ba ang nagte-text sa iyo?”

Nagseselos na siya! Imbes na sumagot, nilagay ko sa mute ang volume at pinakita ko pa sa kanya. He gave me an angry stare.

Nagpatuloy na kami sa paggi-gitara ng My Filipina Girl nang nag- text na naman si Haruka. Nakangiti kong sinilip ang message. Nagulat na lang ako nang biglang binagsak ni Ryu ang gitara sa sahig.

“Sino ba ang text nang text sa iyo?”

Hindi ko sinabing si Haruka. Gusto ko siyang mag-assume na galing pa rin iyon kay Aaron.

“Hindi pa ba sapat ang pag-uusap n’yo kanina sa telepono? Kailangan pa bang mag-text siya sa iyo nang paulit-ulit?”

“H’wag ka nang magselos. Hindi ko naman iyon gusto, eh,” sabi ko.

“I’m not jealous! Naiinis lang ako dahil iniistorbo tayo,” sagot naman niya. Umuusok pa rin ang bunbunan. Hindi na ako nakipagtalo pa, pero bahagya akong tumalikod sa kanya at tinirik ko ang mga mata.

“Nakita ko iyon.”

“Ang alin?” pagmamaang-maangan ko.

Tinitigan niya ako nang matalim. Pero mayamaya’y napangiti siya.

“Baliw ka!” asik niya sa akin.

Hinila niya ako at niyakap. Hinalik-halikan pa ang buhok ko. Baliw daw ako? Hindi ba dapat sarili niya ang sinasabihan no’n? Galit tapos bigla na lang ngingiti? Sino ang baliw?