![]() | ![]() |
Nagdahilan sana ako kay Mama na masama ang pakiramdam ko kung kaya hindi na ako makakadalo sa party na sinasabi ni Otōsan, pero hindi niya ako pinaniwalaan. Pinakiusapan niya akong umayon muna sa plano alang-alang na rin sa ikakaresolba ng problema ng kompanya. Kung makakabawi na raw ito malamang na magkakabalikan din kami ni Ryu. Pero habang hindi pa tiis-tiis na lang daw muna. Wala akong nagawa kundi pumunta na lang. Mabuti at pumayag sila na maari kong isama si Haruka. Kahit papaano naibsan ang pagdadalamhati ko dahil mayroon akong karamay.
“Nasaan nga pala si Ryu?” tanong ni Haruka habang nakatutok ang mga mata sa entrance ng ballroom. Tinitingnan niya ang mga dumarating.
Hindi kami nagkita ni Ryu nang araw na iyon dahil ang aga niyang umalis ng bahay. Naging abala din kami ni Mama sa pagpapaganda kung kaya hindi rin namin nabigyang-pansin na wala siya sa paligid. Inisip ko na lang kanina na baka sila ni Otōsan ang magkasama at kinabisa pa ang mga gagawing kasinungalingan mamaya. May announcement raw sila, eh.
“Hindi ko alam. Baka nagpraktis pa sila ng uncle niya sa gagawing akting-aktingan later. Who knows?”
Inakbayan ako ni Haruka at pinisil-pisil ang balikat ko.
“Tama. Akting-aktingan. Ganyan lang dapat ang tingin mo sa lahat.”
Hinila ko siya para lumapit sa mga waiters na may dala-dalang drinks. Ngumiti ako sa lalaki at dumampot sana ng alcoholic drinks, pero bigla nitong nilayo ang tray. Nakangiti rin siya nang sabihan akong hindi raw kami allowed uminom no’n ni Haruka.
“Nagkakamali po kayo. Twenty na po kami pareho,” sabi ko naman.
Nagpa-excuse ang lalaki at lumapit sa kararating na mga guests.
“Hindi tayo makapagsinungaling sa kanila. Kilala nila tayo. Bakit ba? Plano mo bang maglasing?” biro niya.
“Hindi ko alam kong makakaya ko silang harapin mamaya.”
Pinisil-pisil niya uli ang balikat ko.
“Nandito ako. Don’t worry. Sabi mo nga, akting-aktingan lang, di ba?”
Bumalik kami sa dating puwesto na kaharap ng entrance ng ballroom habang hawak-hawak ang orange juice na binigay ng isang waiter.
“Anong oras daw ba mag-uumpisa ang party?” tanong ni Haruka. Naiinip na. “Sana doon na lang tayo sa party nila Ako. Feeling ko mas masaya iyon. Nakakabagot naman dito, eh,” reklamo pa niya.
Bago ako nakasagot, napasinghap siya. Napatingin din tuloy ako sa bagong dating na pinakatitigan niya. At hindi lang kami ang halos natulala sa pagdating ng prinsesa ng okasyong iyon. Halos lahat ng nandoon sa Hotel Sugawara ay napaluwa ang mga mata.
“Ang sabi sa nabasa kong artikulo, pinagawa pa raw iyan sa isang tanyag na designer sa Paris. Milyones daw ang presyo n’yan.”
Naawa ako sa sarili. Nakikipagtunggali ako sa isang babaeng kayang-kayang maglustay ng milyones para lamang sa isang damit na baka susuutin niya lamang nang isang beses samatalang ako’y namamahalan na sa mga off-the-rack gowns sa Isetan. Hindi ko naiwasang ikompara ang black cocktail dress na suot-suot at lalo akong nanliit.
“Pero tingin ko, mas maganda ka pa rin sa kanya, Mara-chan. At least ikaw, tunay iyang nasa dibdib mo at hindi padding. Tsaka, alam ko rin na hindi ka nagsusuot ng false bottom dahil may korte talaga ang butt mo.”
“Ano ka ba? Mamaya niyan marinig ka pa ng mga kamag-anak niyan. Narito raw ang lahat na Sugawara clan sabi ng stepfather ko,” pabulong kong sagot. Nagpalinga-linga pa ako sa paligid.
Mayamaya pa, naglalakad na si Sugawara-san sa gitna ng ballroom kasama ang kanyang mga magulang. Sinalubong sila nina Ryu, Mama at Otōsan na bigla na lamang lumitaw buhat kung saan. Pagkatapos yumuko ng pagbati, nilahad ni Ryu ang braso niya kay Sugawara-san at sabay silang umakyat sa entablado kasunod ang kani-kanilang mga kasama. Hindi ko mailalarawan nang mabuti ang nararamdaman nang mga oras na iyon. Basta parang tinutusok ang puso ko. Sobrang sakit.
“In fairness, ang ganda nila tingnan na dalawa.”
Tinapunan ko ng masamang tingin si Haruka.
“Ang ibig kong sabihin—-”
“Hindi mo na kailangan pang mag-esplika,” sabi ko. Nauna na ako sa nakatalagang upuan namin. Sinikap kong huwag mapatingin sa stage, pero sadyang mahirap. Maya’t maya kasi’y may sinasabi ang emcee na kung anu-ano na napapatawa ang mga audience.
Mukha ngang tama ang emcee. They look so in love.
Hindi ko namalayan na nagtatalumpati na pala ang stepfather ko sa harapan. Bumalik na lang kasi ang diwa ko sa kasalukuyan nang marinig ang happy anecdote niya tungkol kina Ryu at Sugawara-san. Sinabi niyang ikinagulat daw niya ang pagdala ni Ryu kay Sugawara-san sa kanya dahil kailanman ay hindi pa nagpakilala ng babae ang pamangkin. Iyon daw ang kauna-unahang pagkakataon kung kaya hindi na raw siya nagulat nang sinabi nito na nagkakaigihan na sila ng dalaga. Nagpalakpakan ang mga bisita sa kuwento niya. Ang lawak naman ng ngiti ng bruha pati ng kanyang mga magulang. Si Ryu lang at Mama ang seryoso ang mukha.
“Sinungaling ka!” I hissed under my breath. Hinawakan ni Haruka ang isa kong kamay at pinisil-pisil ito. Pinakalma niya ako.
Pagkatapos ni Otōsan, nagsalita naman ang ama ni Sugawara-san. Labis daw itong nagagalak at nakilala niya si Ryu. Pinuri pa ang anak sa galing nito sa pagkilatis ng manliligaw. Wala raw siyang masabi.
Napaismid naman ako sa narinig. Sa isipan ko, binabara ko ang mga pinagsasabi ng matanda. Kung hindi ko pa alam.
“Isa pang sinungaling!” sabi ko nang malakas. Bahagya akong siniko ni Haruka. Binulongan pa akong hinaan ko raw ang tinig at biglang napalingon ang isa sa mga pinsan ni Sugawara-san.
Pagkatapos magsalita ng matandang Sugawara, pumagitna si Ryu. Umikot ang mga mata niya sa mga tao sa audience. Tila may hinahanap. Ako kaya iyon? Lumakas ang tibok ng puso ko nang magtama ang mga tingin namin. Nagkapag-asa ako. Subalit, kung gaano iyon kabilis sumibol, ganoon din kabilis na nawala. Iniwas niya kasi agad ang mga mata sa akin.
Napakapit ako sa braso ni Haruka nang marinig na siyang magsalita. Wala iyong pagkakaiba sa kasinungalingan nila Otōsan at ng ama ng babae. Nanlambot ang mga tuhod ko. Lalo akong naghina nang ianunsiyo niyang totoong nagkakaigihan na sila ng dalaga at balak na nga raw nilang pakasal. Pagkatapos ng speech niya, tumayo ako’t dali-daling tumungo sa ladies’ room. Sinundan ako ni Haruka roon. Ni-lock namin ang pinto para wala nang makakapasok pang iba at doon ko na binuhos ang sama ng loob.
“Di ba sinabi naman sa iyo ni Ryu na palabas lang ang lahat?”
“Hindi ko na alam kung ano ang totoo! Nakita mo namang para nga silang in love na in love talaga sa isa’t isa! Hindi na ako magugulat kung totohanin na nga nila ang kasalang iyan!”
“Huwag kang mawalan ng pag-asa. May tiwala naman ako kay Ryu. Hindi naman kasi iyan nag-gi-girlfriend nang basta-basta lang kaya alam kong espesyal ka pa rin sa kanya.”
“Ano’ng saysay ng pagiging espesyal kung hindi naman kami ang magkakatuluyan balang araw?”
Pinagalitan ako ni Haruka. Huwag daw akong pessimistic.
Nang bumalik kami sa ballroom, napag-alaman naming officially engaged na ang dalawa! Nagsasayaw na nga sila sa gitna ng ballroom para ipagdiwang iyon. Parang piniga na naman ang puso ko. Hindi ko sila kayang tingnan. Pagbaling ko sa bandang kanan ko, nagtama ang paningin namin ni Aaron. Nandito rin siya! Lumapit siya agad sa amin.
“Look who’s here,” natatawang sabi pa niya.
“Pagkakataon mo na ito. Go for it!” bulong ni Haruka sa akin.
Napag-usapan kasi namin kanina na dapat daw imbes na maging malungkot at magdalamhati lang ako sa isang tabi habang nag-a-akting-aktingan sina Ryu at Sugawara-san, dapat din daw akong makisabay. At si Aaron na nga raw ang perfect guy para doon.
“Is this the party you were talking about?” napapantastikuhan kong tanong kay Aaron nang makalapit na siya sa amin ni Haruka.
“Yeah.” At tumawa na naman siya.
Nang ihudyat na ng emcee na pwede nang sumayaw ang mga guests, niyaya kaagad ako ni Aaron sa gitna. Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa dahil nanggigigil akong makaganti. Nang makita kong napatingin sa direksiyon namin si Ryu, sinadya kong maging extra sweet kay Aaron. Pinulupot ko pa ang mga braso sa batok niya. Mayamaya pa, nakita kong nagpahinga na ang dalawa. Mangilan-ngilan na lang kaming nasa gitna. Nang makita kong biglang nawala sa table nila Sugawara-san si Ryu, nagyaya na ako kay Aaron na magpahinga na rin. Ano pa’ng saysay ng drama kung hindi naman nakatingin ang taong gusto kong pasikatan?
Pabalik na kami sa table namin nang bigla kaming hinarang ni Ryu.
“Gusto kitang makausap,” sabi niya sa akin.
“Tungkol saan?” tanong ko naman na tila walang kaide-ideya.
“Alam mo na iyon.”
“Kung alam ko hindi na sana ako nagtanong pa.”
Diniinan ni Ryu ang hawak sa braso ko. Napaaray ako kaya pumalag si Aaron. Saka lang siya binalingan ni Ryu.
“This is none of your business,” galit pang sabi ni Ryu rito.
“It is my business because you’re hurting her.”
“Sino ba ang bwisit na ito? Pakisabi nga rito na huwag makialam!” Tumaas pa ang boses ni Ryu dahilan para pagtinginan kami ng mga bisita.
Dahil mukhang ayaw niyang paawat tiningnan ko si Aaron nang may pagsusumamo. Umatras naman ito at binigyang-puwang ang damuho.
Hinila ako ni Ryu palabas ng bulwagan. Sunud-sunuran naman ako sa kanya hanggang sa makalabas kami ng hotel. Napatingin sa amin ang mga nadaanang bisita, pero tila walang pakialam doon si Ryu. Pagdating namin sa parking lot pinapasok niya ako sa loob ng kotse niya. Matagal na wala kaming kibuan doon. Mahigpit lang siyang nakahawak sa manibela na parang gusto niya itong pigain.
“Hindi ba sinabi ko na sa iyo na ayaw kong lumalandi ka sa ibang lalaki?” sabi niya makalipas ang ilang sandali.
Nagtaas ako ng kilay. Look who’s talking?
“Nakipagsayaw lang naman ako kay Aaron. Wala kaming ginawang masama. Mabuti ngang nandoon siya dahil hindi ako nagmukhang tanga.”
“Alam mo naman kung ano ang sitwasyon ko—-namin ni Ojisan, di ba? Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo na palabas lang ang lahat? Hindi naman namin itutuloy ang kasal. Oras na bumuti-buti ang lagay ng kompanya, iaanunsyo rin namin ang break up.”
“Tingin mo ganoon lang iyon kadali? Paano kung lalong sumama ang lagay ng negosyo n’yo? Eh di sa kasalan din ang bagsak n’yo.”
“Hindi iyan mangyayari,” paniniguro niya.
“Nawawalan na ako ng tiwala sa iyo. Kanina nga umiwas ka pa ng tingin sa akin habang nagtatalumpati ka. Tsaka kung tumitig ka sa Aya Sugawara na iyon parang gusto mo na rin siya.”
Napakagat ng labi si Ryu. No’n niya ako binalingan. Parang may sasabihin sana ito, pero hindi na itinuloy.
“Tingin ko ginagawa mo na lang rason itong business n’yo. Kung talagang mahal mo ako hindi ka sana pumayag sa ganitong set-up. Sana gumawa ka ng ibang paraan. Pero you chose the easy way out dahil tingin ko nagugustuhan mo na rin siya. Aminin mo na.”
Bigla niya akong hinila at ginawaran ng halik sa mga labi. Nagulat ako kung kaya napanganga ako na sinamantala naman niya. Pinasok pa niya roon ang dila at nilaro-laro ang akin. Hindi ko siya nagawang itulak.
“Ibig bang sabihin niyan may mahal akong iba?” tanong niya nang bitawan na ako. Matiim pa akong tinitigan. Napalunok ako.
“Diyan ka naman magaling. Akala mo halik lang lagi ang kasagutan sa problema nating dalawa,” himutok ko.
“Gusto ko lang naman ma-feel mo na ikaw pa rin ang gusto ko at hinding-hindi na iyan magbabago pa kailanman!”
Tiningnan ko siya nang may pagdaramdam. Biglang lumambot ang ekspresyon sa mukha niya. Hinila niya ako uli at niyakap nang mahigpit.
“Pagkatiwalaan mo ako, please. Nakikiusap ako, Mara-chan.”
Tumulo ang luha ko.
“Alam mo kung bakit ko ginagawa ito, di ba? Please trust me, Mara-chan. Hinding-hindi kita lolokohin.”
Hinahagud-hagod niya ang likuran ko habang binubulong iyon sa akin. Sasagot na sana ako nang bigla na lang may nagkislapang lente ng camera. Kumawala ako sa mga bisig ni Ryu upang alamin ang nangyayari sa paligid ngunit napatakip lamang ako ng mukha dahil sa nakasisilaw na mga ilaw. Huli na namin napagtanto na napapaligiran na kami ng mga agresibong paparazzi.