![]() | ![]() |
Pinaandar ni Ryu ang sasakyan at lumabas kami ng parking lot. May humabol sa aming mga reporters, pero hindi nila nasabayan ang bilis ng kotse niya. Nang tingin niya wala na ang mga asungot na bumubuntot sa amin nag-slow down siya at tuluyan nang huminto sa isang tabi. Pagtingin ko sa labas ng bintana, nakita ko ang pamilyar na mga gusali malapit sa Shin-Osaka Station.
“Kailangan mo nang bumalik sa party dahil baka hinahanap ka na niya—-ng bisita n’yo,” sabi ko sa mahinang tinig.
“Hayaan mo sila.”
Napatingin ako sa kanya. I saw confusion in his eyes. Naawa naman ako. Alam kong binabagabag siya ng obligasyon, pero nag-aalala rin siya para sa akin. Napahawak tuloy ako sa kamay niya. Pinisil-pisil ko pa ito.
“Naiintindihan ko naman ang sitwasyon mo kaso nga lang hindi mo maaalis sa akin ang pangambahan din paminsan-minsan lalo na’t ang galing ng arte n’yong dalawa, lalo ka na.”
Tumangu-tango siya. Hinapit na naman niya ako at hinagkan sa noo. Pinaandar niya uli ang sasakyan at umikot-ikot kami sa Osaka. Siya na lang mag-isa ang bumalik sa party makalipas ang isang oras. Ako nama’y dumeretso na sa silid namin ni Haruka sa hotel ding iyon.
**********
Kinaumagahan, naalimpungatan ako sa pagyugyog ni Haruka sa balikat ko. Tila may sunog sa pagmamadali niyang magising ako.
“Panoorin mo ang balita, dali!”
“Ano ba!” reklamo ko sabay dilat nang kaunti at tingin sa TV. Nawala bigla ang antok ko nang makita ang hitsura namin ni Ryu na magkayakap at mukhang naghahalikan pa sa loob ng kotse na paulit-ulit na pina-flash sa monitor habang nagsasalaysay ang isang news reporter.
“Bistado na kayo! Lagot kayo sa pamilya nila Aya nito. Pinahiya n’yo siya sa gabi mismo ng engagement party niya.”
Hindi ako nakapagsalita. Bigla akong nabahala. Mayamaya, may narinig kaming tunog ng buzzer. Nagkatinginan kami ni Haruka.
“Hala, baka tauhan na iyan ng pamilya nila Aya at palalayasin na tayo rito!” Napababa ng kama si Haruka. Ako nama’y ganoon din. Nataranta ako kung saan magsususuot sa mga pananakot ng bruha sa akin.
Nang mag-buzzer uli ang bisita, tinulak ko na siya sa pintuan.
“Ikaw na. Magsa-shower lang ako saglit.”
Napilitan si Haruka na pagbuksan ang panauhin. Ako nama’y nagkubli lang sa kurtina habang kausap niya ang tao. Nakita kong room service lang pala ang nandoon at nagpasok lang ito ng almusal namin.
“Shit! I was soooo nervous!” Napahawak pa ako ng dibdib.
Humagalpak ng tawa ang bruha. Sinimangutan ko siya.
**********
Pagbukas ko ng pinto sa front door, bumulaga sa akin ang pagtatalo nila Mama at Otōsan sa sala. Naisara ko agad ang pintuan sa sobrang takot. May kutob agad ako kung ano ang pinagtatalunan nila. Dahan-dahan kong binuksan ulit ang pintuan pero hindi ko iyon nilubos-lubos. Kailangan ko lamang ng maliit na siwang kung saan ko sila masisilip.
“Hindi mo kasi pinagsabihan ang magaling mong anak! Kaya hayan tuloy napurnada ang lahat ng pinaghirapan ko!”
Ako lang ang sinisisi ni Otōsan sa lahat? Gosh! He’s so unfair!
“Walang kasalanan dito ang anak ko! Bakit hindi mo sisihin ang pamangkin mo? Maraming bisita ang nakakita na kinaladkad niya ang anak ko palabas! Kung hindi sana niya ginawa iyon hindi lumabas ng ballroom si Mara! Disin sana’y walang ganitong eskandalo ngayon!”
“Ang sabihin mo, ang selfish ng anak mo! ‘Di marunong makisama!”
Tuluyan ko nang isinara ang pintuan. Hindi ko sila kayang panoorin na nagtatalo dahil kahit minsan hindi pa iyon nangyari. Ngayon lang. At nakakatakot pala si Otōsan kung magalit.
Umikot ako sa likod ng bahay. Doon ako dumaan sa back door. Mabuti’t hindi iyon naka-lock. Bago magtuluy-tuloy sa loob, pinakinggan ko muna kung may nagtatalo pa sa sala. Nang masiguro kong wala nang tao roon saka ako tumakbo paakyat sa kuwarto ko. Kakalapat ko lang ng pinto nang mag-ring ang phone ko. Si Haruka.
“Nakarating ka na ba sa inyo?” tanong nito agad.
“Oo. Kararating ko lang.” Kinuwento ko sa kanya ang nadatnang pagtatalo nila Mama at Otōsan.
“Naku, for sure, napanood na rin nila ang balita kanina sa morning flash report at baka nabasa pa ang mga artikulo sa dyaryo ngayong araw.”
Nagpaalam na ako agad sa kanya para mabasa na ang sinasabi niyang pinagpipiyestahan ng daily newspapers. Kinuha ko sa sala ang kopya ng Yomiuri Shimbun, isa sa mga popular na pahayagan sa Kansai. Nanlaki ang mga mata ko nang mabasa ang headline. My God!
Hindi ko pa natatapos ang pagbasa sa artikulo, nag-ring na ang cell phone ko sa bulsa ng pantalon. Nang tingnan ko kung sino ang tumawag nangunot ang noo ko. Wala kasing numero na lumitaw.
“Are you satisfied now? You ruined everything we’ve worked hard for!” galit na sigaw sa akin ng pamilyar na boses. Umiiyak siya.
“Sugawara-san?” paniniguro ko.
Binabaan ako ng telepono. Aba, ikaw pa ang may ganang magalit?
Tinawagan ko na si Ryu at binalita sa kanya ang mga pangyayari. Hindi man lang ito nag-react. Parang wala lang sa kanya ang lahat.
“Are you not worried? Bistado na nila ang pagpapanggap n’yo ni Sugawara-san! Galit na galit pa si Otōsan!” Naiiyak na ako sa kaba.
“Nagwo-worry ka na naman diyan, eh. Hayaan mo na lang iyan. Ganyan talaga ang balita, but it will soon die down, I promise,” sabi lang nito. Hindi ko man lang naulinigan ng kahit kaunting pag-aalala ang boses.
“Galit na galit sa akin ang uncle mo. Sinisisi niya ako.”
“May ginawa ba siyang masama sa iyo?”
No’n ko lang naringgan ng pagkabahala si Ryu. Nang hindi agad ako nakasagot, inulit niya ang tanong. May urgency na sa boses.
“Wala. Hindi pa kami nagkikita.”
“Basta, tawagan mo agad ako kung may problema riyan. I have to go. Inaayos ko pa ang kotse ko.”
“Sige, ingat ka,” sabi ko na lang. Hinintay ko siyang magsabi din ng ganoon pero pinatay niya lang ang telepono. Bruho talaga!
Matamlay akong bumalik sa kuwarto. Hindi na ako nanood ng TV para hindi na mai-stress. Nagbukas na lang ako ng laptop. Magtse-check na lang sana ako ng Yahoo mail nang makita ang pangunahing balita nito. Nang i-klik ko ang link dinala ako nito sa isang artikulo tungkol sa aming tatlo. Nakuhanan pala kami mula sa paghila ni Ryu sa akin sa ballroom hanggang sa yakapan namin sa parking lot. At kasama pa roon sa artikulo!
Napasinghap ako nang mabasa na ang isinulat tungkol sa amin. Ang sabi ng writer, sino raw ba ako para ipagpalit kay Aya Sugawara, isang hotel heiress na maaaring makasalba sa papalubog na negosyo ng pamilya Otsuji? Ni hindi nga raw ako kasing ganda ni Sugawara-san, wala pang maipagmamalaking pamilya. Ang tanga-tanga raw ni Ryu para talikuran ang ginto para lamang sa isang tanso.
Kinondena rin ng manunulat ang panloloko ng dalawang pamilya sa publiko. Pero mayroong reservation ang writer sa pambabatikos nito kay Aya Sugawara. Naniniwala raw ito na biktima lang din ang dalaga. Ang kasalanan lang daw nito’y umibig sa maling nilalang.
Palagay ko dito na nagtatapos ang pagpapanggap ng dalawa. Gusto ko sanang magdiwang. Ito naman kasi ang gusto ko sa simula pa lamang. Pero lubos akong nasaktan sa mga sinabi ng artikulo tungkol sa pagkatao ko—-namin ni Mama. Bukod doon inaalala ko pa si Otōsan. Galit ito sa akin. Kulang na lang ay kwentahin niya kanina sa mama ko ang mga ginastos niya para sa akin. Ngayon ko lang nakita ang ganoong side ng stepfather ko. Lagi naman kasi itong mabait sa akin. Hindi ko na tuloy alam kung ano ang gagawin. Natatakot akong magpakita sa kanya.
Naglakad-lakad ako sa loob ng kuwarto na parang timang. Hindi ko alam kung lalabas ba ng bahay o magmumukmok na lang sa itaas. Dapat sana nagsisimba ako dahil Linggo ngayon, kaso wala akong pamasahe. Hinatid na nga lang ako ni Haruka kanina. Ang perang naipon ko kasi’y pinambili ko ng damit para sa party kagabi. Hay buhay.
Nang magsawa sa kakaikot sa loob ng silid, lumabas ako sa veranda at nagpahangin. Ganoon na lamang ang tuwa ko nang makita ang sasakyan ni Ryu na papasok sa bakuran namin. Kung ganoon ay hindi pala siya tumuloy sa Nagoya. Inakala kong dumeretso na siya roon pagkatapos ng party kagabi. Iyon kasi ang sabi niya bago kami naghiwalay.
Excited na sana akong salubungin siya pero naunahan ako ni Otōsan sa ibaba. Nakita ko pa nang bigla na lang nitong hinagis sa paanan ni Ryu ang Yomiuri Shimbun. May sinasabi ito tungkol sa stock price ng kompanya. Bumaba na naman daw.
Hindi sumagot si Ryu sa outburst ng uncle niya, pero dinampot naman ang dyaryo. May binasa ito roon at nang matapos ay nirolyo niya ito saka tinapon sa basurahan. Tumaas na ang boses ni Otōsan.
“Bakit hindi ka nakakaintindi sa kaseryosohan ng problema natin?”
Tumitig siya nang matalim sa tiyuhin at may sinabi. Hindi ko na iyon narinig pa dahil ang hina ng boses. Hindi nakahuma si Otōsan.
Nang makita kong papunta na sa front door si Ryu, dali-dali akong umakyat ng hagdan at nagkulong na sa kuwarto. Mayamaya pa, may sunud-sunod na katok na akong narinig. Nagtalukbong agad ako ng kumot. Dumagundong ang dibdib ko sa kaba nang makarinig ng pag-klik. Shit! Hindi ko na-lock ang pinto!
“Para sa iyo.” Si Ryu! May pinatong ito sa kandungan ko.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” kunwari’y inaantok kong tanong sa kanya. Humikab-hikab pa ako na parang bagong gising.
Napangisi siya. “You suck at acting.”
Nagmaang-maangan pa ako.
“Nakita na kita kanina pa. Sinilip mo kami ni Ojisan sa garahe.”
Nag-init ang pisngi ko. Sinimangutan ko na lang siya at bumangon na. Inurirat ko na lang ang pinatong niya sa kandungan ko. Isang kahon ng kakanin mula sa Nagoya.
“Sa Nagoya ka ba galing?”
“Noong Friday pa iyan. Nakalimutan ko lang ibigay sa iyo.”
“Eh saan ka galing ngayon?”
“Nag-ikot-ikot lang sa Kyoto. Nagpalamig ng ulo.”
Hindi ako nakapagsalita. May dinampot siya sa paanan ng kama ko. Isa iyon sa mga magasing binabasa ko kanina.
“Paano na ngayon iyan?” tanong ko nang makitang tapos na siyang magbasa sa artikulo tungkol sa amin. Mahinang-mahina ang tinig ko.
“Ito naman ang gusto mo, di ba?”
Nasaktan ako. Hindi ko lang pinahalata.
“Sinisisi mo ba ako?”
“Nope. And don’t worry, okay?” Pagkasabi niya no’n, tumayo na’t tinungo ang pintuan. Lalo akong nasaktan. Nahiga na lang ako uli at nagtalukbong ng kumot. Walang anu-ano’y may bumagsak sa tabi ko.
“Nalungkot ka naman agad. Akala mo iniwan na kita? I just locked the door.” At ngumisi pa siya sabay yakap sa akin.
“Loko-loko ka!” Hinampas ko siya ng unan. Umiiyak na ako sa halu-halong emosyong naramdaman sa araw na iyon.
“I missed you at wala akong pinagsisihan sa ginawa ko,” sabi niya sa mahinang tinig. Tinuyo niya ng mga daliri ang butil-butil na luhang dumadaloy sa pisngi ko.
“Sobrang disappointed sa ating dalawa ang uncle mo,” sumbong ko.
“Hayaan mo iyan. Kung gusto niya, siya na lang ang magpakasal kay Aya. Total naman siya ang atat.”
Sinimangutan ko siya. Heto ako, hindi na malaman ang gagawin sa mga pangyayari, tapos mukhang hindi niya siniseryoso ang lahat.
Pinisil niya ang baba ko at dahan-dahang ngumiti. Naisip ko uli ang huli niyang sinabi at no’n ko lang nakita ang humor no’n. Hindi ko tuloy napigilan ang pagmutawi ng ngiti sa mga labi ko. Napahagikhik pa ako at naghagikhikan kaming dalawa.