![]() | ![]() |
May kumakatok sa pintuan. Bigla kaming natigil ni Ryu sa paghaharutan. Natitiyak kong si Mama iyon. Paano ko kaya ipapaliwanag ang presensya ni Ryu sa kuwarto ko? Hindi ko pa man siya nakikita nag-iinit na ang mukha ko sa hiya. Natitiyak kong magdududa na ito sa amin.
“Mapipikot na ba ako nito?” may himig pagbibiro na tanong ni Ryu habang pinagmamasdan akong hindi magkandatuto sa pag-aayos ng sarili.
“Puro ka biro,” naiinis kong asik sa kanya at bumaba na ng kama. Sinenyasan ko siyang magtago muna.
“Hindi ba ayon sa kultura n’yo kapag nagalaw na ng lalaki ang babae, kailangan na niya itong pakasalan?” patuloy pa nito.
“Kung nagalaw. Eh, hindi nga,” sagot ko.
“Sino’ng may kasalanan? Kung hindi ka maarte riyan kanina pa may nangyari sa atin,” nakangisi niyang sagot. Kinindatan pa ako. Tinapunan ko siya ng masamang tingin bago nagtungo sa pintuan.
Tama nga ang kutob ko. Si Mama nga ang kumakatok. Tumingin pa ito sa loob ng silid ko, pero hinarangan ko agad ng katawan ang line of vision niya. Nagdasal na lang ako na nagtago nga ang damuho.
“Kanina pa ako katok nang katok dito. Ano ba ang ginagawa mo’t ang tagal mong magbukas?” Tinitigan niya ako nang matiim.
“W-wala p-po. H-hindi ko lang agad narinig ang pagkatok n’yo.”
Mukhang hindi siya naniwala.
“May tinatago ka ba sa akin?” At naningkit na ang kanyang mga mata.
“H-ho? W-wala po! Ano naman po ang itatago ko sa inyo?”
Tinanaw uli niya ang loob ng kuwarto ko. Gumalaw din ako para siguradong natatakpan ko ang bandang kinaroroonan ng kama.
“Bumaba ka na. May naghihintay sa iyong bisita.”
“Bisita po? Sino pong bisita?”
Tumalikod na siya’t nagmadaling makababa ng hagdan. No’n lang ako nakahinga nang maluwag. Sinenyasan ko agad si Ryu na lumipat na sa kuwarto niya. Pagkalabas namin pareho, napatda ako nang biglang lumitaw si Mama. Nakaupo lang pala ito sa ikalawang baitang ng hagdan.
“Hello po, Tita,” magalang na bati ni Ryu. Pigil na pigil ang pagngiti. Nakakakita pa siya ng nakakatawa sa sitwasyon samantalang ako’y hindi na magkandatuto sa paghahanap ng irarason ko.
“Ma!” Sahig, lamunin mo na ako, please!
“Sinasabi ko na nga bang may tinatago ka sa akin, eh. Ang tigas talaga ng ulo mo. Tama nga ang Otōsan mo,” sabi niya sa akin sa Tagalog.
Sinulyapan ko si Ryu para humingi ng saklolo, pero tahimik lang ito sa isang tabi habang nakapamulsa.
“W-wala n-naman po kaming ginawang masama, Ma. K-Kaya ayaw ko po sanang makita n’yo siya sa kuwarto ko dahil baka iba na agad ang isipin n’yo,” pagpapaliwanag ko pa. Patingin-tingin pa rin ako kay Ryu. Naghihintay sana ng suporta niya pero nagsawalang-kibo ang damuho.
“Ano ka ba? Tulungan mo nga ako sa pagpapaliwanag,” asik ko sa kanya. Nagkibit-balikat lang ang mokong.
Narinig kong napabuntong-hininga si Mama at tahimik na bumaba ng hagdan. Hinarap ko si Ryu at sinisi. Ngumisi lang ito sa akin.
“Ngingisi-ngisi ka pa riyan. Bwisit ka!”
Dali-dali na akong bumaba ng hagdan bago pa man bumalik uli si Mama at pagalitan na naman ako.
Natigilan ako sa kalagitnaan ng hagdan nang makita kung sino ang panauhin ko. Si Aaron! At magiliw pa itong kinakausap nila Mama at Otōsan. Pagkakita sa akin ng stepfather ko, sinenyasan niya akong lumapit. Nag-atubili ako dahil na rin sa takot ko sa kanya. Sariwa pa kasi sa isipan ko ang mga pinagsasabi niya sa akin kaninang umaga.
“Huwag mo nang paghintayin pa ang bisita mo, Mara-chan.”
Mara-chan. Simula nang dumating si Sugawara-san sa buhay namin, hindi na niya ako natawag nang ganoon kaya nakakapangilabot.
“O, maiwan na namin kayo. Estimahin mo siyang mabuti.” Nginitian pa ako ni Otōsan bago sila umalis sa sala ni Mama. Strange.
“I’m sorry if I came unannounced. I just dropped by to see if you’re available today. I have a bike competition in Takatsuki in a few hours. Could you come and watch me perform?”
Hindi pa ako nakasagot sumulpot naman ang galit na galit na si Ryu. Ang sama ng tingin nito kay Aaron. Palagay ko sisitahin na sana niya ito kung hindi siya tinawag ni Otōsan.
“Are you worried about him?” Sumulyap pa si Aaron sa direksiyon ng pinuntahan ni Ryu. “But I was told you two already broke up.”
Broke up? Pinagtutulakan na nga nila ako sa lalaking ito.
Hindi agad ako nakasagot. Kung papayag ako tiyak na magagalit si Ryu. Kung hindi naman ako sasama, lalong maiinis sa akin sina Mama at Otōsan. Halata naman kasing mas pabor sila kay Aaron kaysa kay Ryu.
“You can invite him if you want,” sabi pa uli ni Aaron.
Iyon? Iimbitahin ko? Nakupo, siguradong hindi iyon dadalo.
Bago ako makapagsalita, dumating si Mama na may dala-dalang tray ng orange juice. Inimbitahan pa si Aaron na doon na maghapunan.
“Oh, that’s very kind of you. I’d love to but I have a bike competition in a few hours. That’s why I’m asking Mara to watch if she’s free today."
“Really? Oh, don’t worry. She’s free. It’s Sunday today so she has no class,” sagot naman agad ni Mama. Tumingin ito nang makahulugan sa akin. Gusto ko man sanang tumanggi, ayaw ko siyang inisin dahil may atraso pa ako sa kanya—-kami ni Ryu.
“Oh, that’s awesome!” tuwang-tuwang pakli ni Aaron.
“Uhm—-,” napakamot-kamot ako sa ulo, “what time will it start?”
“In two hours. If it’s okay with you, we can leave now and grab some lunch at Takatsuki,” excited pa nitong wika.
“Sure, that would be great, Aaron.” Si Mama uli ang sumagot.
Napatirik na lang ako ng mga mata sa inis. Pinangunahan na naman kasi ako. Kating-kati na nga ang dila kong sumagot sa kanya, nagpigil lang.
“Do you mind if you go ahead? I’ll just take a shower. I will just meet you at Takatsuki Station. Is that all right?”
Palihim akong pinandilatan ni Mama. Hindi ko siya pinansin.
“Yeah. Sure.”
Nahagip ng paningin ko ang palipat-lipat ng tingin ni Aaron sa amin ng mama ko. I felt his discomfort. Pero hindi ko na pinagkaabalahan iyon. Tumayo na ako’t tumakbo agad sa kuwarto.
**********
Madali kong nahanap sa Takatsuki Station si Aaron. Siya lang kasi ang namumukod-tanging may kulay-mais na buhok.
“I’m glad you came!”
Ngumiti lang ako at nagpaakay na sa kanya sa pagdadausan ng kompetisyon. Pagpasok niya sa venue dala ang BMX bike niya nag-ingay na ang mga kababaihan doon. Lalo silang nagwala nang ilang beses itong nagpasirko-sirko sa ere bago bumaba sa lupa. Napasinghap ang lahat at pumalakpak nang masigabong. Ensayo pa lang iyon, pero pati ako’y napatayo at napasigaw na ng paghanga. Pero naputol lahat iyon dahil dumating si Ryu at pinapababa niya ako sa bleacher. Nang hindi ako tuminag sa kinauupuan, pumanhik siya at at hinila niya ako pababa. Magmamatigas pa sana ako, pero may nag-aanasan na sa gilid ko. May nakakakilala sa amin ni Ryu! Kapag hindi nga kami umalis doon, sigurado pagpipiyestahan na naman kami ng mga tabloids.
Nang marating namin ang kotse niya, minanduan niya akong pumasok na agad. Hindi ko siya sinunod dahil inaalala ko si Aaron.
“Bakit, boyfriend mo ba siya?” asik naman niya sa akin.
“Kahit na. Nakakahiya naman kung bigla na lang akong umalis nang hindi nagpapaalam,” sabi ko. Babalikan ko na sana si Aaron nang bigla itong sumulpot. Nagkasagutan sila ni Ryu. Ako na ang nag-sorry dito.
“I thought you guys already broke up?” nalilito nitong tanong.
“We broke up?! Says who?”
Nang hindi makasagot si Aaron, inangilan pa ito ni Ryu sabay sabi ng, “We NEVER broke up!”
Hindi naman nagpasindak si Aaron kaya pumagitna na naman ako.
“There was just a misunderstanding, Aaron. I’m sorry.”
Nakita kong umasim ang mukha niya, pero hindi na umimik pa. Malungkot siyang bumalik sa competition area. Binalingan ko naman si Ryu at pinagalitan. Akala ko maiinis din siya sa akin, pero huminahon na ang damuho at may pagsusumamo na nang hilahin ako papunta sa kotse.
“Manood muna tayo,” sabi ko.
“Ayoko,” pagmamatigas naman niya.
“I want to stay,” pamimilit ko pa.
Pinaningkitan niya ako ng mga mata, pero bandang huli’y lumambot din ang mukha. Sinundan din ako nito sa bleacher.
“Basta aalis agad tayo, ha?” sabi niya na lang.
**********
Ang kagustuhan nila Mama at Otōsan na malayo ako kay Ryu sa pamamagitan ni Aaron ay nag-backfire sa kanila. Nagkaroon na naman kasi ng panibagong isyu tungkol sa amin ni Ryu. Naging tampok ng Sunday issue ng mga dyaryo sa Kansai ang ginawang confrontation nila ni Aaron sa Takatsuki nang dahil sa akin. Hindi na raw ako nahiya. Inagaw ko na nga raw si Ryu kay Sugawara-san, nakipagmabutihan pa ako sa anak ng kilalang fastfood retailer. Masyado raw mataas ang pangarap ko.
Dahil doon lalong nagalit si Otōsan sa akin. Wala na raw akong dinadala sa pamamahay niya kundi kahihiyan. Nagdesisyon agad itong ipadala na ako sa Pilipinas ora-orada. Mabuti na lang at napakiusapan pa siya ni Mama na patapusin muna nila ang Spring Semester bago ako pauwiin sa amin sa Maynila. Dahil doon labis akong nagdamdam. Itutulog ko na lang sana ang sama ng loob nang biglang tumawag si Ryu. Nasa boses nito ang labis na pag-aalala.
“Nabasa ko na ang panibagong artikulo tungkol sa ating dalawa. Kumusta ka riyan? Wala bang nanggugulo sa iyong mga reporters?”
“Hindi ako pumasok kahapon dahil sinundan ako hanggang sa university. Palagay ko, naiinis na ang ibang students sa akin dahil laging may taga-TV station sa school namin.”
“I just want you to know that I always care about you, Mara-chan. Kung pwede nga lang tayong magpakasal ngayon din ay ginawa ko na.”
Kinilig ako nang marinig iyon. Pero at the same time kinabahan na rin. Hindi siya ang tipo na open sa feelings niya kung kaya kinutuban ako.
“Ryu? May nangyari ba sa iyo riyan? Magsabi ka nga nang totoo.”
Tumawa ito nang mahina.
“Kung hindi ako magsasabi niyan, nagrereklamo ka. Ngayon namang binibigay ko ang hilig mo nagrereklamo ka rin. Ano ba talaga, ha?”
“Naninibago lang ako. Hindi ka naman kasi ganyan, eh.”
“Pwes, from now on, lagi mo nang maririnig sa akin iyan. Mahal na mahal kita. Wala ba akong sagot diyan mula sa iyo?”
Sasagot na rin sana ako ng “I love you, too, Ryu,” nang bigla ko na lang narinig ang pamilyar na boses ng babae na tumatawag sa pangalan niya. Bago ako maka-react, nagpaalam na siya agad sa akin.