image
image
image

CHAPTER TEN - MESSAGE

image

Nang dahil sa confrontation nila Ryu at Aaron sa Takatsuki na ginawa na namang malaking isyu ng mga tabloids, hindi na ako pinayagang lumabas ng bahay. Sa tuwing papasok ako ng eskwela, pinabantayan na ako ng stepfather ko para masigurong hindi kami nagkikita nang patago ng pamangkin niya. Wala na nga akong ginagawa, marami pa ring artikulong lumalabas tungkol sa akin. Nahalungkat pa pati ang motibo ni Mama sa pagpapakasal kay Otōsan. Pati siya pinagdududahan na rin.

Nainis na rin ako kay Mama dahil wala siyang ginawa kundi maging sunud-sunuran sa asawa niya. Ni hindi niya ako naipagtanggol. Minsan, feeling ko mas pinapahalagahan pa niya ang damdamin ni Otōsan kaysa sa akin na anak niya. Kaya ayaw ko na siyang makasamang mag-dinner. Titiisin ko na lang ang gutom.

Nagtalukbong ako ng kumot nang maramdamang may pumasok sa kuwarto ko. Shit! Nakalimutan ko na naman palang i-lock iyon kanina. Sino kaya ang pumasok? Si Mama ba o si Otōsan?

“Alam kong galit ka sa akin, anak. Pero para rin naman sa inyo ni Ryu ang ginagawa ng Otōsan mo, eh. He’s just trying to protect the company. Intindihin mo naman sana siya.”

Nabunutan ako ng tinik na siya ang pumasok, pero hindi pa rin ako tuminag. Naiinis rin ako sa kanya at ayaw ko siyang kausapin. It would have made a difference sana kung kakampi ko siya, pero hindi, eh.

“Mahal na mahal kita, anak. It also pained me to see you hurt, but this is for the good of everybody. Isipin mo na lang na pagsubok lang ito sa inyo ni Ryu. Kung kayo talaga ang itinadhana, gagawa ng paraan ang tadhana para kayo pa rin sa bandang huli. Just have faith.”

Nang patuloy ko siyang dinedma, naramdaman kong umalis na rin siya sa kuwarto ko. Nang masiguro kong wala na siya, saka ko lang inalis ang talukbong at bumangon. Gusto ko na talagang makita si Ryu. Nami-miss ko na siya. Sana sumulpot na siya sa bahay at itakas ako. Nasaan kaya ang damuhong iyon?

Nasagot ang katanungan ko nang binuksan ko ang TV. Nakita ko si Ryu at Sugawara-san na nagso-slow dance sa isang romantikong awitin. Ayon sa TV reporter na nagko-cover ng event, 19th birthday party daw iyon ng heiress ng Sugawara empire kaya dinaos ang naturang selebrasyon sa isa sa pinakamalaki nilang hotel sa Tokyo. Pinakinggan kong mabuti ang sinasabi ng reporter dahil gusto kong masiguro kung kailan iyon dinaos. Napahawak ako sa dibdib nang makita ang salitang LIVE sa ibabaw ng screen. Pinalabas na nagkabalikan sila! Oh, my God! That explains Ryu’s behavior! Napakuyom ang mga palad ko.

Pero bakit hindi naimbitahan sina Mama at Otōsan? Dahil kaya sa akin? Nanggigil na naman ako kay Aya Sugawara.

Mayamaya pa nakita kong nagpahinga na ang dalawa. Inanunsyo ng emcee na mag-aalay daw ng isang awitin ang nobyo para sa birthday celebrator. Nagpalakpakan agad ang mga tao. Nanggalaiti naman ako. Mga utu-uto! Ang dali n’yong mapapaniwala sa pambobola!

Naglakad na si Ryu papunta sa piano na nasa gilid ng stage, paharap kay Sugawara-san. Ang lawak ng ngiti ng bruha. Tinesting ni Ryu ang piano at humarap sa camera. Sa may upper right ng screen ay may maliit na parisukat kung saan pinapakita naman ang mukha ni Sugawara-san. Todo-ngiti talaga siya. Parang wala nang bukas. Papatayin ko na lang sana ang TV sa inis nang biglang nagsalita si Ryu.

“Kung nanonood ka ngayon, gusto kong malaman mo na para sa iyo ang awiting ito. Na kung ako lang ang masusunod, mas gugustuhin kong nasa tabi mo kaysa rito. Miss na miss na kita. At mahal na mahal kita. Ikaw lang ang babaeng mamahalin ko habang buhay. Aishiteiru (I love you).”

Na-shocked ako sa mensahe niya dahil sinabi niya iyon sa Tagalog. Hindi ko sukat akalain na nag-abala pa siyang aralin iyon. Tama ang pagkakabigkas niya sa bawat salita at ramdam ko ang sincerity sa bawat kataga. Napaiyak ako.

Nakita kong parang nalito naman si Aya Sugawara, pero dahil sa salitang aishiteiru na binanggit ni Ryu habang nakatingin kunwari sa kanya, ngumiti na naman ito nang todo. Ang mga tao naman nakarinig lang ng aishiteiru natuwa na. Nag-side comment pa ang reporter na kung anong lenggwahe man daw iyon ay hindi na importante dahil ang mahalaga nagkaintindihan daw ang dalawang taong nagmamahalan.

Makaraan ang ilang sandali, tumawag si Ryu.

“Nasa TV ako kanina. Napanood mo ba?” tanong agad niya.

“Oo. Salamat sa mensahe. Pero hindi mo na sana sinabi iyon doon. Paano kung maghanap sila ng marunong mag-Tagalog at ipa-translate iyon? Di lagot na naman tayong dalawa.”

“Hayaan mo na sila. Wala naman akong binanggit na pangalan. Tsaka sa kanya naman ako nakatingin nang sinabi ko ang aishiteiru.”

“Nasa’n ka ngayon? Tapos na ba ang party?”

“Kanina pa. I’m in my hotel room right now. Ang boring dito. Nakakabanas. How I wish you were here.”

“Mas lalong boring dito sa bahay. Ang higpit pa ng mga guwardiya ko. Hindi nga ako makaalis dito nang hindi ko sila kasama. At kahit dito sa loob, nakamanman din si Mama. Nakakainis na.”

Saglit siyang hindi nakapagsalita. Nang muli kong marinig ang kanyang boses, nangilid ang mga luha ko.

“Pasensiya na kung hindi ko naipagtapat sa iyo ang bagong plano ni Ojisan na pagmukhain kaming nagkabalikan ni Aya. Pero don’t worry. Feeling ko mare-resolve na ito soon. Nasa Macau siya ngayon para kausapin ang ilang potential investors namin doon. Makakuha lang sana kami kahit ng additional eight hundred million dollars, we will be okay.”

“Magkano?” tanong ko. Muntik na akong masamid sa laway ko.

Inulit niya. Napaubo ako. No’n ko na-realize kung gaano ka-layo ang agwat naming dalawa. Ever since kasi ni hindi naman siya nagyayabang kung ano mayroon sila. In fact, napaka-simple ng way of life nilang mag-tiyo, hindi mo akalain na ganoon pala ka-laki ang kompanya nila. No’n ko rin napagtanto kung gaano rin ka-yaman sila Sugawara-san para kayang sagutin ng pamilya ang needed capital ng mga Otsuji kung sakaling mag-atrasan lahat ang major investors. Nakakapanliit.

“O ba’t natahimik ka na riyan?”

“W-wala. Pinapakinggan ko lang ang paghinga mo.”

“Baliw ka talaga.” At natawa na ito. “I miss you so much, pero hindi kita puwedeng puntahan diyan ngayon. Delikado pa ang sitwasyon. Nagbabanta na ang mga Sugawara na they will cancel the engagement kung may lumabas pang balita tungkol sa atin. Tiis-tiis lang muna tayo.”

Gosh! Tama ba itong pinaggagawa ko? Trying to hold on to him? Obviously, hindi ako ang kailangan niya.

Napapikit ako at inaalala ko ang maamo niyang mukha habang nagbibigay ng mensahe sa akin kanina at labis akong nalungkot.

**********

image

Panay singhot ko habang kinakabit ang seatbelt. Pakiramdam ko, ito na ang katapusan namin ni Ryu. Na hindi ko na siya makikita kailanman.

“Tumigil ka nga sa kaiiyak diyan. Nakakahiya sa ibang pasahero. Pinagtitinginan ka na. Magbabakasyon lang naman tayo sa Pilipinas. Hindi naman tayo forever na maninirahan doon kung iyan ang ikinatatakot mo.”

“Paanong hindi po ako iiyak, Ma? Ni hindi n’yo po ako pinayagang magpaalam kay Ryu,” himutok ko.

“Huwag na nga tayong magtalo, Mara, please. Stressed na stressed na ako! Nahihirapan din ako sa sitwasyon natin!”

Napasandal ako sa upuan at pinikit na ang mga mata. Wala na kaming imikang mag-ina hanggang sa makarating ang eroplano sa Pilipinas.

Paanong hindi ako magdamdam? Pati siya’y nakikiayon na rin sa plano ni Otōsan. Alam ko namang gusto no’n na magkahiwalay na kaming tuluyan ni Ryu para maipakasal niya ang pamangkin at ang Sugawara-san na iyon. Siyempre, mas convenient iyon para sa kanya. Hindi na niya kailangan pang maghanap ng investors dahil handang-handa ang pamilya ng bruha na sagipin ang kompanya. Sa pagsanib-pwersa ng dalawang pamilya, parehong makikinabang ang mga negosyo nila. At palagay ko sa bandang huli, mahuhulog din ang kalooban ni Ryu sa babaeng iyon. Masakit man isipin pero aminado akong hindi naman mahirap mahalin ang malanding iyon. Nasa kanya na yata ang lahat - looks, money, and brains.

Sinundo kami ni Tito Mario, kapatid ni Mama, sa paliparan. No’n pa lang ako nagsalita. Binati ko ito at nagkumustahan kaming mag-tiyuhin. Pagdating sa bahay namin sa Makati, dumeretso agad ako sa kuwarto ko buhat-buhat ang maliit kong bagahe. Hinayaan kong si Mama lang ang makipagtsikahan sa mga pinsan ko’t asawa ni Tito.

Pagkakita ko sa dating silid, nanumbalik ang masayang alaala ng buhay ko sa Pilipinas. Nakatulong iyon sa pag-improve ng mood ko. At ang ikinagagalak ko sa lahat, naalagaang mabuti ni Jing, anak na babae ni Tito Mario, ang iniwan kong gamit sa kuwarto.

Umupo ako sa harap ng luma kong desktop computer. Hinagud-hagod ko ito. Inalala ko ang kung ilang oras kong nilaan doon sa pag-aaral ng Nihongo. Parang kailang lang iyon. No’n naman sumulpot si Jing. May dala-dala siyang orange juice.

“Hindi ko pinalitan ang password niyan. Iyon pa ring luma mo.”

Nag-check agad ako ng emails nang malaman na connected pa rin iyon sa Internet. Inuna kong buksan ang galing kay Haruka.

“Okay ka lang, Mara?” nag-aalalang tanong ni Jing sabay sulyap sa monitor ng computer. “Ang galing mo na palang magbasa ng Japanese characters,” nangingiti nitong komento.

Tumangu-tango lang ako dahil biglang nanikip ang dibdib ko. Napahawak ako sa mesa at napatayo. Nabahala si Jing sa hitsura ko.

“Huwag mo akong intindihin. Okay lang ako. Gusto ko sanang mapag-isa,” sabi ko sa mahinang tinig na tila hapung-hapo. Hindi naman nang-usisa pa ang pinsan ko, lumabas na siya agad ng silid. Nang mapag-isa na, napaiyak ako. Ikakasal na si Ryu at Sugawara-san!

Tinawagan ko agad si Haruka para usisain at kinompirma nga niya ang balita. Hindi raw iyon fake news. Naka-schedule nga raw ang kasal sa ikalabindalawampung kaarawan ni Ryu. Nilansi nila ako!

“Pero may tsika ako sa iyo. Nag-away ang stepfather mo at si Ryu sa isang restawran sa Nagoya no’ng nakaraang araw. Muntik na silang magsuntukan. Hindi naman sinabi sa nabasa kong artikulo kung bakit.”

May kinalaman kaya sa akin iyon? Hindi naman siguro.

Binaba ko ang telepono nang biglang may kumatok. Boses ni Mama ang kabuntot no’n. Mayamaya pa nga, bumukas ang pintuan at sumilip siya sa loob. Nang makita niya ang hitsura ko, lumapit siya agad at sinalat-salat ang noo ko’t leeg. Sinumbatan ko siya tungkol sa ibinalita ni Haruka.

“Walang katotohanan iyan dahil nangako sa akin ang Otōsan mo na pansamantala lang ang engagement nila Ryu at Aya.”

“Oo nga po! Pansamantala! Dahil ikakasal na sila agad.”

Nakita ko sa mukha niya na para siyang nalilito. Naisip ko na baka nga hindi rin niya alam ang buong plano ng stepfather ko. Pero posible ring nagmamaangmaangan lang siya para hindi ako mamuhi sa kanya.

I felt so helpless. Hindi ko na alam kung ano ang totoo.

Para mawala ang isipan ko kay Ryu, nagdesisyon si Mama na pumunta kaming Boracay kinabukasan. Sinigurado niyang magkadikit kami lagi doon para wala akong pagkakataong makatawag kay Haruka. Lagi rin kami sa labas ng hotel kahit na wala kaming balak maligo. Importante raw kasing iba-iba ang mga nakikita namin para mawala pansamantala ang iniinda naming alalahanin.

Naglalakad kami sa dalampasigan isang umaga nang biglang may pamilyar na boses na tumawag sa akin. Nang lingunin ko, ganoon na lamang ang pagkagulat ko nang makita si Aaron. Mukhang shocked din si Mama. May kasama si Aaron. Isang middle-aged interracial couple.

“I never thought I would see you here,” natutuwang sabi nito. Pinakilala niya kami agad sa kanyang mga magulang. Nagulat ako nang malaman na Haponesa pala ang nanay niya. Hindi ko sukat-akalain.

Mabilis na nakapalagayang-loob ng nanay ko ang mga magulang ni Aaron kung kaya sumama ito sa kanila na mamasyal sa kabilang isla. Kami naman ni Aaron ay nagpa-iwan at naglunoy sa dagat. Masaya siyang kasama, pero iba pa rin si Ryu. Na-miss ko nga iyon habang kausap siya.

Madilim na nang bumalik kami sa hotel, pero wala pa rin ang mga magulang namin. Nagdesisyon na lang kaming mauna nang mag-dinner sa restawran doon. Habang hinihintay namin ang main course ng inorder, nagpa-serve si Aaron ng red wine. Tinutulan ko sana ito, pero pinaalala niyang nasa Pilipinas kami.

“The Japanese rule on drinking does not apply here, remember?”

Oo nga, ano? Natawa ako nang ma-realize iyon. Masyado ko na palang na-imbibe ang kulturang-Hapon.

Pagdating ng drinks namin, pinagkiskis namin ang hawak-hawak na kopita sabay sambit ng, “Kampai!

“See? It tastes good, right?” sabi pa niya nang tikman ko ang wine.

Masarap nga. Nang matapos ko ang isang kopita, dumulas na ang dila ko. Natanong ko siya kung bakit sila napapunta sa Pilipinas. May kutob kasi ako na baka kasabwat sila ni Otōsan.

“My family loves going to beaches. When we heard about Boracay from a friend, my parents decided to spend our summer here.”

Friend? Sino naman kayang friend ito?

“I thought Ojisan was just exaggerating. Tama pala ang balita.”

Bigla kaming napalingon sa pinanggalingan ng boses. Gulat na gulat ako nang makita si Ryu na nakatayo sa bandang likuran namin. Napatayo ako agad. Kulang na lang ay salubungin ko siya ng yakap at halik, pero kaagad din akong natigilan nang makita ko ang madilim niyang anyo.

“Kaya pala hindi ka na nagpaalam. May kakatagpuin ka pala rito. Naisip mo siguro na safe kayong magkita kung dito sa Pilipinas.”

“Hindi iyan ang dahilan ng pag-uwi ko at hindi namin sinadya ni Aaron na magkita rito! You can ask him. Right, Aaron?” Hindi ito sumagot.

Nagpalipat-lipat ng tingin sa amin si Ryu pagkatapos ay mabilis itong lumabas ng restawran. Hahabulin ko sana siya pero pinigilan ako ni Aaron.

“It’s difficult to explain to someone when he’s so mad.”

Tinapunan ko siya ng masamang tingin. Kanina nang hinihingi ko ang suporta niya ni hindi siya nagsalita. Nainis na tuloy ako sa kanya.

“I want to go now. Thanks for the company.” At tumalikod na rin ako. Hindi na ako nagpapigil pa sa kanya.