image
image
image

CHAPTER ELEVEN– REVELATION

image

Bago ako pumanhik sa silid ko dumaan muna ako sa reception desk at tinanong sila kung may nag-check in doong Hapon na Ryuhei Otsuji ang pangalan. Wala raw. Aalis na sana ako nang biglang hinabol ako ng babae.

“Ang nandito lang ay Ryu Santacruz. Taga-Osaka raw siya at naka-book siya sa room 305.”

Napaawang ang mga labi ko. Ryu Santacruz? Napangiti ako bigla. Wala pala siyang pinagkaiba sa akin. Ganoon din kasi ako. Mara Otsuji ang nakalagay sa mga notebooks ko sa school. Kung hindi nga lang ako nahiya kay Mama ay marahil ganoon din ang isusulat ko nang mag-register kami sa hotel noong isang araw.

“Maraming salamat, Miss!”

Mabilis kong natunton ang nasabing silid. Nag-buzzer ako pero walang sumagot. Saan kaya nagpunta iyon? Bumaba uli ako at hinalughog ang buong lobby. Wala rin siya roon. Lumabas na ako ng hotel at tumakbo sa dalampasigan. Nakita ko siyang nakatayo paharap sa dagat habang naghahagis ng bato sa tubig. Lumapit ako sa kanya.

“Gusto kong mag-usap tayo, Ryu. I want to explain,” sabi ko agad.

Napakislot siya pero hindi niya ako nilingon. Nagpatuloy siya sa paghagis ng bato sa tubig na para bang wala siyang narinig.

“Kausapin mo naman ako. Bakit ka ganyan? Ako pa nga dapat ang magalit, di ba? Hindi mo ako sinasabihan ng lahat tungkol sa inyo ni Sugawara-san, pero iniintindi kita. Bakit ako, hindi mo kayang intindihin?”

Hindi pa rin siya umimik. Nilunok ko na ang pride at yumakap sa likuran niya. Tumigil siya sa paghahagis ng bato.

“Sabi ni Ojisan nagkakaigihan na kayo ng Amerikanong iyon.”

“Hindi totoo iyan!” Napakasinungaling talaga ni Otōsan.

Binaklas niya ang mga kamay ko at hinarap na ako.

“Nakita ko kayo,” pigil ang galit na sabi niya sa akin.

“Dito lang din kami nagkita ni Aaron. Kasama niya ang parents niya. Sumamang mamasyal ni Mama sa mga magulang niya kung kaya naiwan kaming dalawa. So we decided to eat together. Pero wala iyong kahulugan.”

Nandoon pa rin ang pagdududa sa mga mata niya, pero humupa na ang galit. Tila tinitimbang niya ngayon kung sino sa amin ni Otōsan ang nagsasabi nang totoo. Mayamaya pa, napabuntong-hininga siya.

“Believe me, Ryu. Ikaw lang ang mahal ko at wala nang iba pa,” mangiyak-ngiyak kong sabi.

Hinila na niya ako at niyakap nang mahigpit.

**********

image

Napahinto ako saglit nang makita si Mama na nakasandal sa pintuan ng room ko. Mukhang nag-alala ito. Ano na naman kaya ang nangyari? Nang makita niya ako sinalubong niya ako agad ng yakap.

“Mabuti’t nandito ka na, anak. Kanina pa kita hinahanap, eh. Saan ka na naman ba nagpunta?”

“Diyan lang po,” sagot ko.

“Katatawag lang ng Otōsan mo. Hindi nila makontak si Ryu for two days na. Naka-off daw ang cell phone niya. Tumawag ba siya sa iyo?”

I was tempted to say na nasa ibaba lang si Ryu, pero ba’t ko naman ipagkakanulo ang boyfriend ko gayong hindi naman sila naging matapat ni Otōsan sa akin? Duda na rin ako sa kanya. Hindi ko siya kakampi.

“Baka ayaw lang pahanap ni Ryu dahil galit sa uncle niya.”

Napabuga ng hangin si Mama.

“Kailangang mahanap siya ng Otōsan mo dahil may dadaluhan silang importanteng event ni Aya in two days. Nakasalalay doon ang kinabukasan ng kompanya – ang future din natin. Kung may alam ka, anak, please huwag mo nang ipagkait kay Mama ang impormasyon.”

Tumango lang ako, pero hindi na nagsalita pa. Nang bumalik na siya sa kuwarto, pumasok na rin ako sa sarili kong silid. Pagdating sa loob, tinawagan ko si Ryu at ipinaalam sa kanya na pinaghahanap na siya ng uncle niya. Mukhang hindi siya natakot o nag-alala man lang.

“Two days na nila akong hinahanap pero wala pa rin silang clue kung nasaan ako? Ang hina naman nila kung ganoon.”

“Ba’t hindi mo siya harapin? Prangkahin mo siya sa natuklasan mo sa kompanya. Mag-usap kayong dalawa.”

Hindi siya kaagad nakasagot. Kung hindi lang dahil sa paghinga niyang naririnig ko aakalain kong binabaan na ako ng telepono.

“Wala pa akong sapat na ebidensya. For sure, ikakaila lang niya iyon. Hihintayin ko muna ang resulta ng imbestigasyon namin bago ko siya komprontahin tungkol doon,” sabi niya makaraan ang ilang sandali.

“I hope na hindi ka makakalimot na siya ang taong nag-aruga at nagpalaki sa iyo,” malungkot kong sabi.

Hindi na iyon sinagot ni Ryu. Sa halip, nagpaalam siya dahil may tatawagan pa raw sa Osaka.

Kinabukasan, nagkita na naman kami ni Aaron at ng mga magulang niya sa restawran ng hotel. Inimbita nila agad kami na mag-breakfast with them, pero agarang tumanggi ang nanay ko. Nagulat nga ako. Ang sabi pa nito sa kanila may pag-uusapan daw kasi kaming importante. 

“Ma, hindi ba nakakahiya iyong ginawa n’yo?” pabulong kong sabi nang makalayo na ang mga Miller sa amin.

“Hindi tayo pumunta rito para makipagsosyalan sa kanila.”

Si Mama nga ba itong nagsasalita? Kahapon lang ay ang sweet naman niya sa mag-asawa. Halos ipagtulakan pa nga ako kay Aaron.

Nang matapos kaming mag-almusal, bumalik siya sa room niya samantalang ako nama’y lumabas ng hotel. May usapan kasi kami ni Ryu na magkikita sa dalampasigan kung saan ko siya natagpuan kahapon. Nandoon na nga siya pagdating ko.

Nagulat ako nang makita kong parang nagpapahid siya ng luha.

“Ryu,” tawag ko sa kanya.

Hindi siya kaagad lumingon. Ilang ulit muna siyang bumuntong-hininga bago niya ako hinarap. Nang ikuwento na niya sa akin kung bakit siya malungkot hindi ako nakapagsalita. Mayamaya, may inabot ito sa akin.

“Susi iyan ng bahay na nirentahan ko for you. Pag-uwi n’yo ng Japan, huwag ka nang tumuloy sa bahay sa Ibaraki. If you can convince your mother to go with you, the better. Ipapasundo ko kayo kay Sato-san. Siya ang maghahatid sa inyo sa bago niyong tirahan.”

Lalo akong kinabahan sa sinabi niya.

“Paano ko ipapaliwanag kay Mama lahat ito nang hindi ko sinasabi ang buong katotohanan?”

“Mag-imbento ka ng kuwento. Basta huwag mo munang sabihin ang tungkol sa pinagtapat ko dahil baka sabihan niya si Ojisan, mahirap na. Hindi pa tapos ang imbestigasyon. Ang nakuha kong impormasyaon kanina was just a tip of the iceberg.”

Tumangu-tango ako. Nag-aalala na nang sobra.

“Uuwi na ako mamaya. Promise me na babalik ka ng Japan. Na hindi mo ako iiwan kahit ano’ng mangyari,” pabulong niyang wika habang hawak-hawak ang magkabila kong pisngi.

“Siyempre naman,” sagot ko.

“Your mother might hate me for this, pero kailangan kong gawin ito para na rin sa kinabukasan ng libo-libong taong umaasa sa kompanya namin. Sana you’ll always be on my side.”

“Oo naman,” sagot ko. “Kakampi mo ako hanggang sa dulo ng walang hanggan. Pangako ko sa iyo iyan.”

Ang nangingilid niyang luha ay pumatak na. Niyakap ko siya at inalo. Pumikit siya at tahimik na umiyak sa balikat ko.

**********

image

Nang sumunod na araw, lalong umigting ang paniniwala kong may nangyari no’ng namasyal na magkasama sina Mama at ang mga Miller dahil napansin kong parang nainis sa kanila ang nanay ko. Ayaw na nga niya akong pasamahin kay Aaron. At tumanggi na naman siya sa paanyaya ni Mrs. Miller na mag-lunch kami together. Nang usisain ko naman siya, sinabi niyang wala na raw kaming oras dahil uuwi na kaming Maynila nang araw ding iyon. Minadali nga niya akong mag-impake na. Nagulat naman ako. Ang akala ko kasi’y isang linggo pa kami sa Boracay.

Naguguluhan man, nag-impake na rin ako ng mga gamit. Nang tapos na’y lumipat na ako sa kabilang silid. Bukas naman ang pinto kaya dumeretso na ako sa loob. Natigil ako sa kalagitnaan ng kuwarto nang marinig na sumisigaw si Mama sa kausap niya sa telepono. Nang mapagtanto kong si Otōsan ang nasa kabilang linya, dali-dali na akong lumabas. Pero narinig ko pa rin ang akusasyon niya na may babae raw si Otōsan! Pagbalik ko sa sariling kuwarto kaagad kong tinawagan si Ryu.

“Ryu! Si Mama!” At umiyak na ako.

Narinig ko itong parang nabigla at nataranta. Kinuwento ko na sa kanya ang nasagap kong balita. Nainis siya sa akin.

“Kahit kailan napaka-OA mo! Akala ko na kung ano’ng nangyari kay Tita dahil sa tono ng pananalita mo tapos sasabihin mo lang pala na nag-away sila ni Ojisan? Saan ka ba kumukuha ng kaartehan?”

“Masyadong nasasaktan ang Mama ko! Akala mo ba madali lang ang niloloko ka ng taong mahal mo?” pahaging ko pa.

“Alam ko,” sagot niya sa kalmado nang boses. “Pero kanina ang tono ng pananalita mo’y parang may masamang nangyari sa mama mo.”

“Ano’ng gagawin natin, Ryu?”

"Hindi ba ang sabi ko sa iyo noon, Ojisan has always been a one-woman man? Hindi niya magagawa iyang bintang ng mama mo.”

“Paano ka nakasisiguro? Ano’ng pinanghahawakan mo?”

Hindi agad nakaimik si Ryu. Akala ko pinutol na niya ang linya.

“Iisa lang ang naging girlfriend ni Ojisan since junior high school until early adulthood. Kaso nga lang, hindi sila nagkatuluyan ng babae dahil hindi boto sa kanya ang lolo ko. Nang pinamili siya ni Lolo between the family and the girl, he chose to stay with us. Simula noon, sa pagkakaalam ko, wala na siyang nakarelasyon pang iba kaya nga nabigla ako nang dinala niya sa bahay ang mama mo – kayo.”

Hindi ako makapaniwala sa narinig.

“Kung gano’n pala, ginawa niyang panakip-butas ang mama ko?”

“No, I don’t think so. Kung gusto niya lang makalimot through your mother dapat noon niya pa ginawa iyan. Hindi na sana siya naghintay pa ng dalawang dekada.”

Kung sa bagay may katwiran nga naman si Ryu.

“Hindi kaya masyado lang paranoid ang mama mo? Kausapin mo kaya siya. At balitaan mo ako agad. Basta, tandaan mo ang usapan natin, ha? Tawagan mo ako as soon as you arrive in Kansai.”

“Okay,” pakli ko.

Kaagad akong nagpaalam kay Ryu nang marinig ko ang mahihinang katok sa kuwarto. Dali-dali kong binuksan ang pintuan. Nakasimangot na mukha ng mama ko ang nakita ko agad. Bago pa ako mapagalitan, humingi na ako ng dispensa. Hindi niya pinansin iyon. Minadali niya lang akong lumipat na sa silid niya dahil dumating na raw ang lunch namin.

“Magagalit ka ba kay Mama kung paglilipatin ka uli ng eskwelahan?”

Gosh, sasabihin na ba niyang hindi na kami babalik ng Japan?

“B-Bakit n-naman po? M-may problema p-po ba?”

“Naisipan ko lang. Forget it. Mama is just stressed out.”

Hindi ko na siya inusisa pa. Kinakabahan naman kasi ako sa isasagot niya. At hindi pa handa ang puso’t diwa ko para doon. Umaasa pa kasi akong maaayos ang lahat pagkabalik namin sa Osaka.

Nang matapos kaming kumain, nag-check out kami agad. Habang inaayos ni Mama ang lahat, nagpaalam muna ako sa kanya na magtungo sa CR. Gusto ko ulit tawagan si Ryu. Pipindutin ko na sana ang numero ng boyfriend ko nang may marinig na pamilyar na boses na nagsasalita ng Japanese. Inalam ko ang pinanggalingan ng boses. Sa isa sa mga cubicle sa CR. Pinakinggan ko pa ang nagsasalita. At nakilala ko na ang may-ari ng tinig. Si Mrs. Miller! Nangunot ang noo ko nang mabanggit niya si Mama. At pinanlamigan ako nang maunawaan ang konteksto ng usapan nila ng kung sino man sa kabilang linya.

Si Mrs. Miller ang babae ni Otōsan! My God!

Nanlambot ang mga tuhod ko sa nadiskubre. Hindi na ako natuloy sa pagtawag kay Ryu. Nagmadali na kasi akong bumalik sa tabi ni Mama. Pagkakita ko sa nanay ko, kaagad ko siyang niyakap nang mahigpit na mahigpit. Gusto kong iparamdam sa kanya na mawala man si Otōsan sa buhay niya, nandito lang ako lagi sa tabi niya at handang dumamay sa kung ano mang hinagpis ang pagdaraanan niya. Nagulat siya sa ginawa ko. Pinangunutan pa niya ako ng noo.