image
image
image

CHAPTER THIRTEEN – DARK CLOUDS

image

Sa tulong ni Jing napalabas ko si Ryu sa bahay nang walang nakakaalam kung kaya naobliga akong mag-esplika sa kanya kung bakit ko tinatago ang nobyo kina Mama at Otōsan. Hindi naman siya masyadong nang-usisa, which is what I like about her. Tinulungan pa niya kami ni Ryu na magkita uli nang araw ding iyon. Isinama niya ako sa mall. Ang paalam namin kina Mama gagala lang. Iniwan niya ako sa Greenbelt nang dumating na si Ryu.

“I like your cousin. She’s cool.”

“Oo. Talagang mabait iyan. Hindi tsismosa at hindi rin pakialamera.”

“Pero for sure nag-isip na iyon ng kung ano sa atin. Alam niya kasing doon ako sa kuwarto mo natulog kagabi,” nakangising pakli ni Ryu

Pinamulahan ako ng mukha nang maalala ko ang pinaggagawa namin. Natawa naman si Ryu. Huwag na raw akong mahiya dahil natural lang daw na ginagawa iyon ng magkasintahan. Ang problema lang naman daw ay kung hindi ko siya nobyo, pero dahil we’re officially lovers okay lang daw iyon. Mas masahol pa nga raw doon ang ginagawa ng ibang magnobyo. At least kami marunong pang magpigil.

Oo, magnobyo nga tayo, pero ikakasal ka na sa ibang babae. At ni hindi mo ako sinasabihan niyan.

Napatingala ako sa kanya. Gusto ko sana siyang tanungin tungkol doon, pero nag-aalala ako. Baka hindi ko rin kayang tanggapin ang kung ano mang maging sagot niya. Kinalimutan ko muna iyon para ma-enjoy ko ang pamamasyal namin.

Tumingin-tingin kami sa mga boutiques at tindahan ng mga sapatos. Gusto raw niya kasing ibili ako ng damit, sapatos at iba pang mga gamit. Huwag daw akong mahiya.

“Huwag mo akong biruin ng ganyan. Papatulan ko iyan talaga.”

Ngumiti siya. “I’m not joking. You can have anything you want.”

Seryoso nga ang mokong sa mga pinagsasabi dahil pagkapasok namin sa isang mamahaling tindahan ng mga damit kinuha niya agad sa hanger ang isang branded dress na tinitingnan ko. Itinapat pa niya ito sa akin. Pasimple ko namang sinilip ang price tag nito kaya bigla akong nahilo.

Sampong libong piso para lang sa iisang damit? No! Hindi praktikal.

“Nagbibiro lang naman ako kanina, Ryu. You don’t have to do this.”

“Well, I wasn’t. Don’t worry, I can afford it.”

Tiningnan ko siya at kunwari’y itinirik ang mga mata. Can afford it. Alam ko naman iyon. Pero hindi ako sanay sa ganoong side niya. Ang alam ko kasi’y may pagka-kuripot siya. May bigla akong naalala. Sinusuhulan ba niya ako? Pwede. No! The more I thought about it, the sadder I become. Pinilig-pilig ko ang ulo para alisin iyon sa isipan.

May lumapit sa aming sales lady. Nakangiti siyang tumingin sa aming dalawa. Nginitian ko rin siya tapos binalingan si Ryu na ngayo’y nawiwili na sa kapapamili ng mga damit para sa akin.

“C’mon, Ryu. Sa iba na lang tayo tumingin-tingin.”

“Bakit? Ayaw mo ba rito? Magaganda ang damit nila, ah. Wala ng mga ito sa atin sa Osaka,” sagot naman niya sa akin habang pumipili pa ng mga damit. May kinuha na naman ito at itinapat sa akin. “This one is really made for you.” Tiningnan ko uli ang tag. Kinse mil! Hihimatayin yata ako.

“Ang sweet naman ng boyfriend n’yo, ma’am,” komento ng sales lady. “Hapon po ba siya, ma’am?”

“Opo,” pakli ko.

“Ang guwapo niya, ah. Ang ganda pa ng kutis. Artistahin.”

Kinikilig pa ang babae. Mayamaya pa, nagsilapitan din ang dalawa niyang kasama at nagbulung-bulungan sila na sadyang pinarinig sa akin. Ang swerte-swerte ko raw kay Ryu. Guwapo na, galante pa. Saan ka pa?

Kung alam n’yo lang mga ateng. Kung alam n’yo lang...

Nalingat lang ako saglit sandamakmak na damit na ang nakuha ni Ryu sa display. Ngayon nga’y tinutulak na ako sa dressing room.

“Kapag dumating ako mamaya sa bahay na may maraming pinamili tiyak na pagdududahan ako nila Mama. Malalaman nilang nandito ka. At hahantingin ka ni Otōsan. Gusto mo ba iyon?”

“I don’t fucking care. Try mo nga rin ito.” At pinatong niya sa ibabaw ng mga damit ang isang pares ng sapatos. Halos lumuwa na naman ang mga mata ko pagkakita sa price tag no’n. Biruin mo, singkwenta mil!

“Stop looking at the price tags. Nakakainis ka!”

Naghagikhikan ang mga sales lady. “Ay! Ang sweet ni sir!”

Isa-isa kong isinukat ang mga napili niyang damit para sa akin. Kada sukat ko lumalabas ako para matingnan niya ang fit no’n sa katawan ko. May isa siyang hindi nagustuhan at minadali pa akong hubarin iyon. Plunging kasi ang neckline ng damit kaya halos iluwa na ang kalahati ng dibdib ko. Idagdag pa roon, hanggang kalagitnaan lang ng hita ang inabot ng hemline. Masyado raw revealing at takaw-pansin na rin.

“Napaka-conservative pala ni sir,” humahagikhik na komento na naman ng mga sales girls. “Ang cute niya!” dagdag pa nila.

Tumingin si Ryu sa akin. Ano raw ang pinagsasabi ng mga sales lady.

“Guwapo ka raw,” sabi ko sa Nihongo.

Inasiman niya ako ng mukha, pero bahagya siyang yumuko sa mga sales ladies. Tuwang-tuwa naman sila, lalo pa’t tatlo ang biniling damit ni Ryu para sa akin at nagkakahalaga lahat iyon ng nobenta mil pesos. Kinilabutan ako, pero hindi man lang siya nagulat sa presyo. Nang iabot niya ang centurion card para pambayad sa mga nakuha namin, pati manager ng boutique ay lumapit na at naging super friendly. May mga kung anu-ano pang inalok ito sa amin. Mariin na akong tumanggi sa paninda nila. Hindi na kaya ng budhi ko.

A, onaka ga suita (Nagugutom ako),” reklamo ni Ryu paglabas ng boutique. Niyayaya agad niya ako sa isang high end restaurant ng mall.  

“Doon na lang sa ibaba. May restawran akong nakita doon kanina.”

“Baka Jollibee?” may himig-pagbibiro na tanong niya.

Napangiti ako sa biro niya. Lagi niya kasi akong nakakantiyawan na ang hilig-hilig ko raw sa value meal.

“Masarap naman doon kahit iyong value meal nila,” sabi ko naman.

He rolled his eyes, pero nagpahila rin sa akin sa ibaba.

Pagka-order namin ng pagkain sa isang kiosk na nasa food court, nagpaalam ako sa kanyang pupunta sa CR. Pagbalik ko may kausap na siya sa keitai niya at galit na.

“Fuck! That’s bullshit!” paulit-ulit pa niyang sabi. Pero nang makita ako’y kaagad na nagpaalam sa kausap.

Pagdating ng order namin halos hindi niya nagalaw ang para sa kanya. Nawalan na rin tuloy ako ng gana.

“I think I need to go back home tonight. May dapat akong ayusin.”

Gusto ko sana siyang tanungin tungkol sa narinig ko sa pakikipag-usap niya sa telepono, pero ayaw ko namang totally masira ang mood niya.

Minadali namin ang panaghalian dahil binili pa niya ako ng sapatos at knapsack bago nagsabi na kailangan na niyang bumalik sa hotel. Hindi na siya mapakali. Kalmado ang hitsura niya, pero ang mga mata’y may nakalambong na hindi naman masasabing lungkot lang. Parang dark clouds on a sunny day. Ang saya-saya na sana naming dalawa kanina.

“Ilagay mo ang lahat ng pinamili natin sa knapsack para pagdating mo ng bahay n’yo hindi halatang marami kang pinang-shopping.”

Wais. Oo nga naman.

Pababa na kami sa entrance ng mall nang bigla akong itinulos sa pagkakatayo. Nagtama agad ang paningin namin ni Mama. Papasok sila ni Otōsan sa loob! Nabigla sila pareho nang makita kami ni Ryu. Nakitaan ko pa ng galit ang mga mata ni Otōsan na kaagad din naman niyang sinupil nang mapatingin sa akin.

“Kaya pala wala ka na naman sa Osaka ngayon. Hindi mo ba alam na hinahanap ka na ni Aya-chan? Tumawag siya sa akin kanina.”

Cool na cool ang boses ni Otōsan. Sa hindi nakakaalam ng sitwasyon, hindi nila maiisip na may hidwaan ang magtiyo. Hindi sumagot si Ryu.

“Pa-pauwi n-na p-po kami, Ma,” sabi ko naman.

Hinila ako agad ni Ryu na umalis na roon. Ni hindi man lang siya nag-abalang magbigay-galang sa tiyuhin. Kay Mama lang siya nag-bow.

“Okay ka lang ba kapag ikaw na lang ang umuwi sa inyo?” tanong niya sa akin nang nasa loob na kami ng taksi. Tumango ako, pero hindi ko napigilan ang panginginig. Inakbayan niya ako at hinagkan sa noo. Hindi rin niya nagawang pauwiin akong mag-isa. Hinatid niya ako sa bahay.

“Kapag may ginawa sila sa iyo, don’t hesitate to call me, okay?”

Tango ulit ang sagot ko. Iniwasan kong isipin ang komprontasyon namin mamaya nila Mama at Otōsan. Lalo lang kasi akong natatakot. 

Nang marating namin ang tapat ng bahay, niyakap niya ako nang mahigpit na mahigpit bago pinalabas ng taxi.

**********

image

Nang marinig kong dumating na ang kotse nila Mama sa bahay nang gabing iyon, kaagad akong nagtulug-tulugan. Alam kong kokomprontahin nila ako tungkol kay Ryu - kung bakit hindi ko sila sinabihan na nandito rin siya sa Pilipinas. Natatakot ako sa reaksyon nilang dalawa kung kaya minabuti ko na lang na umiwas muna. Saka ko na lang sila haharapin.

Makaraan ang ilang sandali, may kumatok sa kuwarto ko. Tinangka pang buksan. Mabuti na lang nai-lock ko. Pero ganoon na lamang ang takot ko nang narinig ko ang pagpihit ng seradura. Ginamitan ng spare key!

“Mara, alam kong gising ka,” narinig kong sabi sa akin ni Mama.

Hindi ako gumalaw. Pinangatawanan ko na ang pagiging tulog.

“Tulog na yata,” narinig ko namang sabi ni Otōsan.

Gumalaw ang kama ko at mayamaya pa’y may nag-alis ng kumot sa ulo ko. Sinikap kong huwag mag-react.

“Tulog na nga iyan. Saka mo na lang kausapin, pero kailangan n’yong makabalik agad ng Japan. Mas mabuti nang nasa Osaka kayo pareho nang sa gayon ay mamomonitor natin ang kilos nilang dalawa hangga’t hindi pa nakakasal si Ryu kay Aya. Pansamantala lang naman ang kasal na iyon, eh. Kapag naka-recover na ang kompanya namin, magdidiborsiyo din sila agad. Pangako ko iyan,” sabi uli ni Otōsan. May pakiramdam ako na pinaparinggan niya ako. Marahil hindi siya naniniwala na tulog na nga ako.

Narinig kong napabuntong-hininga si Mama. Mayamaya pa, narinig ko ang mga papalabas na yabag at ang pagsara ng pintuan. Nakahinga ako nang maluwag. Pero hindi pa rin muna ako gumalaw. Mahirap na. Baka kasi bigla silang bumalik sa room ko.

Kinabukasan, maaga akong ginising ni Jing. Utos daw ng mama ko.

“Babalik na raw kayo ng Osaka ngayong araw mismo kaya kailangan mo nang mag-impake. Wala na raw kayong oras.”

Bago ako makabangon, sumilip si Mama sa kuwarto ko.

“Kung hindi ka sana tulog kagabi nang dumating kami baka naisama na rin tayong dalawa ng Otōsan mo at sana naranasan din natin kung ano ang pakiramdam ng sumasakay sa private jet,” sabi pa nito.

Nahagip agad ng pansin ko ang suut-suot niyang Cartier gold necklace pati ang Bvlgari pink gold diamond bangle na matagal na niyang pangarap bilhin, hindi pa niya nakikilala si Otōsan. Biglang dumagundong ang puso ko at lihim akong napamura. Shit! Nasuhulan siya ng stepfather ko! Napakuyom ang mga palad ko sa galit. Hindi lang ako nagpahalata.

Tumahimik na lang ako dahil baka usisain pa ako tungkol kay Ryu. Mabuti na itong abala siya sa madalian naming pagbabalik sa Japan.

Nang makaalis siya, may inabot sa aking papel si Jing.

“Bigay iyan kanina ng lalaking nautusan ng boyfriend mo. Huwag mo raw iwala. Phone number iyan ng taong tatawagan mo just in case na kakailanganin mo ng tulong. Nakalimutan niyang ibigay sa iyo kahapon.”

“Salamat, Jing. Heaven sent ka talaga. Pakisabi sa mama’t papa mo salamat din. Kayo na uli ang bahala sa bahay namin, ha?”

Biglang nalungkot nang sobra si Jing. “Mag-ingat ka, pinsan. Sana makabalik uli kayo rito. I’ll pray for your safety.” At nagyakapan kami.

Kada dako ng tingin ko sa mga mamahaling alahas ni Mama, naiinis ako. Dahil doon nagbago bigla ang tingin ko sa kanya. Tinamad na tuloy akong kausapin siya. Saka ko lang siya kinausap nang lumapag na ang eroplano namin sa Kansai. Dinahan-dahan ko sa kanya ang sinabi ni Ryu tungkol sa nirentahang bahay para sa amin. Napamulagat siya sa narinig. 

“Nabilog na ni Ryu ang ulo mo,” sagot niya sa akin na ikinainis ko. Hindi ba dapat ako ang magsabi no’n tungkol sa kanya? Nabilog na naman ni Otōsan ang ulo niya!

Pagdating namin sa arrival area, nakita niya agad si Sato-san. Nilapitan niya ito at sinabihang hindi kami sasama sa kanya. Yumuko ako nang bahagya sa Hapon bilang paghingi ng dispensa. Ang mama ko nama’y dali-dali nang pumunta sa naghihintay na limo na pinadala ng stepfather ko para sa amin. My heart sank, pero wala akong nagawa.

Makaraan ang ilang sandali, narating na namin ang bahay sa Ibaraki. Aakyat na sana ako sa kuwarto nang may narinig na kalabog mula sa study room. Narinig din pala iyon ni Mama. Kapwa kami natigilan. Mayamaya pa, may naulinigan na kaming dalawang pamilyar na boses na nagtatalo. Nagsisigawan sila. Nasa bahay din si Ryu! At sinusumbatan na nito ang tiyuhin sa mga ginawa nitong pagwawaldas sa pera ng kompanya. Ang pagkahumaling nito sa mga casinos. Ang pagliliwaliw nito sa Europa kasama ang kerida. At kung anu-ano pang kabulastugan.

Napatingin ako kay Mama. Namutla ito. Nakita kong nagtakip pa siya ng tainga at napahikbi. Yayakapin ko sana siya, pero tumakbo na agad sa kuwarto nila Otōsan. Sinundan ko siya, pero ni-lock niya ang pinto. Ilang beses akong kumatok, pero hindi niya ako pinagbuksan.

Bumalik ako sa living room. Dinig pa rin hanggang doon ang pagtatalo nila Ryu at Otōsan sa study room. Aakyat na lang sana ako ng kuwarto nang bigla akong natigilan sa narinig.

“Huwag na huwag mong idamay si Mara! Labas na siya sa usaping ito!” sigaw ni Ryu. Nagbabanta.

Narinig kong tumawa si Otōsan na parang baliw. Kinilabutan ako.

“I cannot promise you that,” narinig ko pang sagot niya.

Nagalit si Ryu. Parang may hinagis. Gumawa iyon ng ingay. Nang maulinigan kong may papalabas, tumakbo na ako sa kuwarto ko.

Kaya pala pinapaderetso na kami ni Ryu sa inupahan nitong bahay. Nag-alala na tuloy ako sa safety naming mag-ina.

Tempted na akong tawagan si Ryu, pero baka kasama pa niya ang stepfather ko. Naisip ko, kung nag-aalala iyon sa akin tatawag din iyon. Namimigat na ang talukap ng mga mata ko nang tumawag nga siya. Nang malaman niyang nasa bahay kami sa Ibaraki, nagalit siya agad.

“Kaya pala ang lakas ng loob ni Ojisan! Shit!”

“Sorry,” naiiyak kong paghingi ng dispensa.

“Mag-impake ka na. Hihintayin kita sa bus stop.”

“Paano si Mama?”

“Babalikan natin siya. Uunahin lang kita dahil mas delikado ang kalagayan mo. Ikaw ang babalikan ni Ojisan dahil sa ginawa ko.”

“Bakit? Ano ba’ng ginawa mo?”

“Umatras na ako sa kasal namin ni Aya.”

“Ano?! Ginawa mo iyon?”

Natuwa agad ang puso ko, pero nanaig din ang takot. Kailangan ko ngang umalis na sa bahay na iyon agad-agad. Pagkababa ko ng telepono, kinuha ko ang maleta sa closet. Mabuti’t hindi pa ako nakakapag-unpack.

Patay na ang lahat ng ilaw sa bahay nang bumaba ako. Porch light na lang ang nakabukas. Ilang dipa na lang sana ako sa front door namin nang lumiwanag ang paligid. Hinarangan agad ni Otōsan ang daraanan ko.

“Gabi na, ah. Saan ka pupunta?” mahinahon niyang tanong sa akin.

“H-ho? A-e, k-uwan p-po,” nauutal kong sagot.

Nahagip ng tingin ko ang galit sa mga mata niya bago siya nagbait-baitan uli. Nakakapangilabot siya.

“Bukas mo na puntahan si Haruka-chan. Gabi na,” nakangiti niyang sabi sabay balik sa kuwarto nila ni Mama. Relaxed ang bawat galaw niya. Iyong tipong buo ang paniniwala sa sarili.

Pagkaalis niya tumakbo agad ako palabas ng bahay. Hindi pa ako nakalalayo sa bakuran namin, may sumalubong nang dalawang mukhang gangster. Binuhat nila ako at binalik sa amin.

I’ve never felt so scared and so helpless.