![]() | ![]() |
Pagbalik ko ng kuwarto, tumawag agad ako kay Ryu. Pinilit kong mag-himig kalmado. Ayaw ko rin kasi siyang mag-alala. Baka kapag nalaman niyang kinulong na kami ng tiyuhin niya ay sumugod siya kaagad sa bahay at komprontahin na naman ito. Ayaw ko siyang mapahamak. Sa estado ngayon ni Otōsan alam kong kahit si Ryu ay hindi nito sasantuhin.
“Naabutan ako ni Mama. Ayaw niya akong paalisin,” pagdadahilan ko na lang. At least kung alam niyang si Mama lang ang pumigil sa akin hindi siya basta-basta susugod sa bahay.
“Sana sinabihan mo siyang delikado na kayo riyan ngayon. Akala ko ba alam na niyang may babae si Ojisan? Bakit pa siya sumisiksik diyan?”
Hindi ako nakasagot.
“Sumubok ka uli, ha? Hihintayin uli kita bukas sa bus stop.”
Paano ko ba sasabihin sa kanya na hindi na pupwede? May bantay na kaming goons ni Mama. Mino-monitor nila ang bawat galaw namin.
“Hindi ko maiwan si Mama, Ryu,” pagdadahilan ko ulit.
“Pansamantala lang naman. Babalikan din natin siya. Gusto ko lang munang masigurong ligtas ka. At least ang mama mo ay asawa ni Ojisan. Kahit papaano naman siguro may pagmamahal siya kay Tita.”
“Bakit? Anu-ano ba ang mga ginawa mo laban sa uncle mo?”
“Hinabla ko siya sa mga ginawa niyang pagnanakaw sa kompanya.”
“H-Ha? Hinabla mo? A-Ano’ng mangyayari kapag nanalo ka?”
“Ipapabalik sa kanya ang mga ninakaw niya at makukulong siya.”
Talaga ngang papatay iyon. Aba, bilyones ang kailangan niyang isoli! At hindi iyon Japanese yen. US Dollars!
“In a few days, I’ll be twenty years old. Ayon sa last will ni Lolo by the time I’ll reach the age of majority ako na ang kikilalaning presidente at righful owner ng kompanya kaya mawawalan na siya ng posisyon.”
Pero bakit nag-aalala pa rin si Otōsan sa kompanya? Bakit pinipilit pa rin si Ryu na pakasalan si Aya at sagipin sa bankruptcy ang negosyo ng pamilya? Tinanong ko iyon kay Ryu.
“Nakipag-deal siya sa mga Sugawara behind my back. Ipinangako niya sa mga ito na ipapakasal ako kay Aya. In return, nangako sa kanya ang mga ito na magpapautang sa amin ng two billion US dollars kung matuloy ang kasal. Dahil nagawan niya ng paraan ang engagement, binigyan na siya ng fifty percent advance loan. Sobra-sobra na sana iyon to revive the business, pero ibinulsa niya ang pera. Nang paimbestigahan ko siya napag-alaman kong nawaldas na niya ang kalahati ng nakuha sa mga casinos sa Macau at Las Vegas. Ang iba nama’y pinuslit at dineposito pa sa Swiss account nilang dalawa ni Mrs. Miller.”
“H-ha? Two billion US dollars?” Iyon kaagad ang tumatak sa isipan ko. Wow! May ganoong karaming pera ang pamilya nila Aya?
“Bakit naman kasi nagbigay agad ang mga Sugawara? Pambihira naman, oo! Tsaka kung may ganoon sila kalaking pera, bakit pa nila kailanganing ipakasal ng anak nila sa iyo?”
“Nangako sa kanila si Ojisan na kapag natuloy ang kasal namin ni Aya, ibibigay sa mga Sugawara ang exclusive contract para sa lahat ng steel, rubber at glass needs ng kompanya. Hindi lang iyon. Nangako pa siyang ime-merge na ang mga negosyo ng mga pamilya namin at ang matandang Sugawara raw ang mamumuno rito.”
Nangunot ang noo ko. May ganoon ding negosyo ang pamilya nila Sugawara-san? Ang alam ko kasi’y chain of hotels lang. Siguro nahulaan ni Ryu ang katanungan sa isipan ko kung kaya inisa-isa niya ang mga negosyo ng mga ito. Lalo akong nalula.
“At ano naman ang makukuha ni Otōsan diyan?”
“He will get fifteen percent for each of the contract he’ll arrange.”
Nag-quote si Ryu ng halaga. Nahilo ako. Malamang hindi alam ni Mama iyon. Nang maalala ko siya nalungkot ako para sa kanya. Wala siyang kaalam-alam na hindi siya kasali sa future plans ni Otōsan.
Sasagot pa sana ako nang may marinig na mahihinang katok sa pintuan. Naisip ko agad si Mama. Siya lang naman kasi ang palaging bumibisita sa kuwarto ko. Binulsa ko muna ang cell phone bago ko binuksan ang pintuan. Ganoon na lamang ang pagkabigla ko nang magtama ang paningin namin ni Otōsan. Ngumiti ito sa akin. Para siyang character sa napanood kong movie na sobrang bait ng mukha pero cold-blooded murderer pala. Nanuyo ang lalamunan ko.
“Naisipan kong hiramin sandali ang keitai mo. Mas mainam siguro kung nasa akin muna iyon.”
“H-Ho? Ba-bakit p-po?”
Hindi na siya sumagot pa. Ngumiti lang siya at humalukipkip, pero pinanlamigan na ako sa takot.
“S-sige po. Ku-kukunin k-ko l-lang p-po.” At kaagad kong sinara ang pintuan. Dali-dali kong binura ang inbox ng emails ko pati na ang call history. Nag-text din ako agad kay Ryu na huwag na akong tawagan sa phone dahil wala na ito sa akin. Ganoon din ang ginawa ko kay Haruka.
Nang buksan ko ulit ang pintuan maasim na ang mukha ni Otōsan.
“H-hinanap k-ko p-pa k-kasi sa mga gamit ko. Pasensya na po.”
Binuksan nito sa harap ko ang keitai at naningkit ang kanyang mga mata. “You deleted everything,” nagngingitngit niyang sabi. Tinitigan pa ako nang matalim. Pero makalipas ang ilang segundo’y ngumiti na naman. “You’re wise. So unlike your mother,” sabi lang nito uli at tumalikod na.
Hindi ako nakatulog nang gabing iyon. Dahil napuyat sa maraming alalahanin, tinanghali ako ng gising. Pagbaba ko sa kumedor, wala nang tao. Kinatok ko ang kuwarto nila Mama, walang sumasagot. Napasigaw ako nang may bigla na lang lumapit na lalaking hindi ko kilala. Naka-business suit ito, pero mukhang mandurugas.
“Umalis ang mama mo kasama si Mr. Yasuda.”
Kumunot ang noo ko. Umalis sila mama at Otōsan? May kutob akong walang kaalam-alam ang nanay ko sa mga nangyari sa akin. Baka nabola na naman siya ng asawa niya. Gusto kong umiyak in frustration.
Madilim na nang makauwi silang dalawa. Ang dami nilang pinang-shopping. Mukhang masaya na naman si Mama. Nagpakatanga nga uli! Tama si Ryu. Nainis na ako sa kanya. And to think na isinaalang-alang ko siya sa mga naging desisyon ko.
Tinawag niya ako nang makita ako sa may paanan ng hagdan. Pero hindi ko na siya pinansin. Tumakbo na ako agad sa kuwarto. Mayamaya pa, may narinig akong mga katok. Hindi ako tuminag. Para ano pa? Hindi rin naman siya maniniwala sa akin. Alam kong kahit ano pa ang sasabihin ko laban kay Otōsan, hindi pa rin niya ako paniniwalaan. Mas matindi pa rin ang pangangailangan niya sa materyal na bagay.
Nabigla ako nang bumukas ang pintuan ko. Nai-lock ko iyon, ah. Niluwa ng pinto si Mama, pero kabuntot niya ang stepfather ko. Marami silang pinamili para sa akin.
“O, magpasalamat ka sa Otōsan mo. Sa kanya galing lahat iyan. Reward mo raw for getting good grades last semester,” natutuwang sabi pa ni Mama. Gusto ko siyang sampalin para matauhan. Pero sa halip, yumuko ako sa harap ni Otōsan at nagpasalamat.
“H-hindi n-na po sana kayo nag-abala pa,” sabi ko.
Mayamaya nang kaunti, tumunog ang keitai ng stepfather ko. Isa sa mga tauhan niya sa ibaba. May bisita raw ako. Dumagundong ang puso ko. Bababa na sana ako agad nang pinigilan ako ni Otōsan. Hintayin ko raw ang tawag niya. Nilingon nito si Mama at sinabihang bumaba na raw sila.
Talagang napaka-wais niya. Hindi niya talaga kami bibigyan ng pagkakataong makapag-usap na mag-ina.
Mayamaya pa, tinawagan ako sa intercom. Pinapababa na nila.
Nadismaya ako nang si Aaron ang makita imbes na si Ryu. Kaya pala kalmado ang boses ni Otōsan sa intercom.
“Hey. How are you?” Mahina lang ang boses ni Aaron.
“Not good,” pasuplada kong sagot.
Hindi na ako nagkunwari pa. Hindi ko siya gustong makita. Anak siya ng babaeng nanakit ng kalooban ng mama ko.
“Haruka called me up. I know what’s going on with you and your mom. There are five men surrounding your house. Two in the backyard, and three in front. I guess it would be difficult to plan your escape.”
Hindi agad ako nakapagsalita nang marinig ang sinabi niya. Lihim akong napatingin sa dalawang mama na nakatayo sa gilid namin pareho.
“They don’t understand English,” sabi uli ni Aaron.
Nakahinga ako nang maluwag.
“I heard from one of the men that their duty is only until 12 midnight. The next shift comes at half past 12. I think your stepfather thought that a 30-minute gap wouldn’t make a difference since you may be already sleeping by then. I’ll come back later at 12:05. I will wait for you outside the house,” sabi pa nito.
Tama ba ang narinig ko? Tutulungan niya akong makatakas?
Nang mapagtantong seryoso nga siya, nayakap ko siya sa tuwa. Ngumiti lang siya at nagpaalam agad.
Hindi na ako natulog nang gabing iyon. Paghudyat ng alas dose, sumilip ako sa may balkonahe. Nakita ko na isa-isa nang nagsilabasan ang mga guwardya namin. Tama nga si Aaron. Naghanda na ako sa gagawing pagtakas. Ang lakas-lakas ng kabog ng dibdib ko.
Pinalipas ko muna ang sampong minuto bago bumaba. Dahan-dahan lang akong naglakad sa sala dahil baka maulinigan ako ni Otōsan gaya noong isang gabi. Nang tuluyan na akong makalabas ng front door, tumakbo na ako papunta sa gate ng bahay. Nabuksan ko ito agad dahil hindi pa pala napalitan ang number combination ng lock. Pero laking gulat ko nang sa pagsara ko’y umilaw ang laser beam at umalingawngaw ang tunog ng sirena. Paglingon ko nakita kong bumukas ang front door ng bahay at lumabas si Otōsan. Kumaripas na ako ng takbo papunta kay Aaron. Pagkaangkas ko sa motor niya, pinaharurot niya agad ito. Nang hindi na namin nakita ang anino ng stepfather ko, sumigaw kami sa tuwa.
“Yes! We made it!” sabi pa namin sabay suntok sa ere.
Akala namin ligtas na kami kay Otōsan dahil halos kalahating oras na hindi namin siya namataang nakabuntot, kaya nagulat kami nang bigla na lang itong sumulpot buhat kung saan at hinarangan ang daraanan namin. Mabuti na lang at nakapreno kaagad si Aaron. Hindi kami sumalpok sa kotse niya. Umatras kami at lumiko sa kanan, pero may lumitaw din doong sasakyan at hinarangan kami. At bago pa makaatras si Aaron at lumiko sa kaliwa, sumulpot na rin ang isa pang sasakyan. Nakorner kami. Nang mapatingin ako kay Otōsan nakita ko ang pagngangalit ng bagang nito. Lumapit siya agad sa amin at marahas akong ibinaba sa motor. Hindi pa nakontento roon. Hinaltak niya pa ang helmet ko at pinalagapak ang malakas na sampal sa pisngi ko. Kaagad na pumagitna sana si Aaron, pero kaagad siyang hinablot ng mga pumaligid na bodyguards. Kinwelyuhan nila ito at akmang susuntukin na sana nang awatin sila ni Otōsan.
“Hindi ka dapat nakikialam ditong bata ka. Go home. Your mother must be worried about you now,” mahinahon nitong sabi kay Aaron.
“What are you going to do with Mara?” nag-aalalang tanong ni Aaron.
“It’s none of your goddamn business.”