![]() | ![]() |
Sinalubong agad kami ni Mama pagdating namin sa bahay. Halata sa mukha nito ang pagkabahala. Napatitig siya sa akin tapos kay Otōsan.
“Ano’ng ginawa mo sa anak ko?” galit nitong tanong.
“Magpasalamat ka nga dapat sa akin. At least hinabol ko pa. Aba’y makikipagtanan kay Aaron. Akala ko ba si Ryu ang boyfriend niyan? Bakit mukhang nakikipagmabutihan pa sa iba?”
"Hindi po totoo yan!” sabat ko agad.
Tumingin si Mama sa akin at nabatid kong hindi rin siya naniniwala sa asawa niya. Parang noon lang niya lubos na naintindihan ang lahat. Nakita ko siyang nasindak at biglang napayakap sa akin.
“I’m sorry, anak. I’m so sorry.” At hinaplos-haplos pa ang pisngi ko.
“Tama na ang drama. Halika na Marietta at matulog na tayo.”
Binaklas ni Otōsan ang kamay ni Mama na nakayakap sa akin. Nagkatinginan tuloy kaming mag-ina. Mababanaag na ang takot sa mga mata ng mama ko. Binalingan naman ako ni Otōsan at sa malumanay na tinig ay sinabihan ng, “Pumanhik ka na sa kuwarto mo Mara-chan at huwag na huwag mo na itong uulitin, ha?”
Tumakbo agad ako sa kuwarto. Lalo na akong nabahala ngayon. Wala na nga kaming kawalang mag-ina. Kapag hindi nito nakuha kay Ryu ang gusto, tiyak sa kangkungan kami pupulutin.
Kinabukasan, naabutan ko silang mag-asawa sa hapag kainan. Nagulat ako nang makita ang hitsura ni Mama. Pumutok din ang kanyang labi at nangingitim ang isa niyang mata. Sumulak agad ang dugo sa ulo ko.
“Ano’ng ginawa mo sa mama ko?” sigaw ko. Susugurin ko na sana si Otōsan, pero sinalubong ako ni Mama ng yakap.
“Wala ito. Nabangga lang ako sa headboard ng kama kagabi. Halika na at sumabay ka na sa amin.” At hinila na niya akong maupo sa tabi niya.
“Salbahe ka!” asik ko kay Otōsan.
“Narinig mo naman ang mama mo. Ba’t ka nanghuhusga agad?”
Napahigpit ang hawak ko sa chopsticks. Doon ko binunton ang sama ng loob. Hinagkan naman ako ni Mama sa sentido.
“Marietta, halika nga. Dito ka maupo sa tabi ko. Matanda na ang anak mo para pagsilbihan mo pa.”
Kaagad na tumalima si Mama at lumipat ng upuan. Lalo akong nanggalaiti sa galit. Iniwas ko na lang ang tingin sa kanilang dalawa.
Iyon ang kahuli-hulihan naming pagsalo sa dining table dahil nang sumunod na mga araw ay hindi na kami pinakain nang sabay at hindi rin pinalapit sa isa’t isa. Nawalan din kami ng contact from the outside world dahil pati panonood ng telebisyon ay pinagbawal na sa amin. Si Ryu na lang ang tanging pag-asa namin, pero mabigat ang hinihinging kapalit sa kanya ni Otōsan. Kailangan niyang pakasalan si Sugawara-san at iatras ang demanda. Kailangan rin niyang tanggapin bilang utang ng kompanya ang advance loan ng stepfather ko sa mga Sugawara na tinatayang umabot na sa isang bilyong dolyar. I doubt kung ganoon ako kahalaga sa kanya. Alam kong mahal niya ako, pero one billion dollars is one billion dollars! Kahit ako, ayaw ko ring pagbigyan ang suwapang kong stepfather kahit ang ibig sabihin no’n ay paglalagay ng buhay naming mag-ina sa panganib.
Tumunog ang intercom. Speaking of the devil. Pinapababa niya ako.
“Mara-chan!” Niyakap agad ako ni Ryu pagkakita niya sa akin. Halos madurog ang mga buto ko sa higpit ng yakap niya. “I missed you!” sabi pa niya at hinagkan niya ako sa buhok.
“Bakit ka nandito?” nag-aalala kong tanong.
Nahagip ng tingin ko si Otōsan na may winawasiwas na dokumento. Ginagawa niya iyong pamaypay habang ngumingisi sa akin.
“I came for you and your mother,” sagot ni Ryu.
“H-Hindi mo siya dapat pinagbigyan!”
“Ako na ang bahala roon. Ang mahalaga makukuha na kita rito ngayon din pati ang mama mo.”
Mayamaya pa, lumabas ng kuwarto si Mama dala ang kanyang mga maleta. Namumugto ang mga mata nito. Niyakap ko siya.
“Mag-impake ka na,” bulong niya sa akin.
Tumango ako at umakyat na rin sa kuwarto ko. Sumama si Ryu sa akin sa itaas at tinulungan ako.
“Hindi ka dapat nagpadala sa tiyuhin mo.”
“And worry about your safety here? Halika nga rito.” Hinalikan niya ako sa pisngi. “Mas mahalaga ka sa akin kaysa sa kung ano pa man.”
Napahikbi ako at napayakap din sa kanya. “I’m so sorry, Ryu. Sana pinilit ko talaga si Mama na umayon sa plano mo. I’m so sorry for putting you into this.” Pinaliwanag ko rin na hindi ko natawagan ang iniwan niyang number ng tutulong sana sa aming mag-ina dahil kinuha ni Otōsan ang phone ko at pinabantayan din ang lahat ng telepono sa bahay.
“It’s okay. You’re safe now.”
Pagkababa namin, sinalubong kami ng nakangising si Otōsan. Nagpasalamat siya sa akin. Ang laking tulong ko raw. Hindi niya raw ako makakalimutan kailanman. Tumawa pa siya nang malakas na parang baliw.
“Tama na ang iyak, Marietta. Mamaya niyan hindi madadala sa make-up iyang mugto ng mga mata mo. Nakakahiya sa mga bisita.”
Napatingin ako kay Ryu. Ano’ng pinagsasabi ng baliw na ito?
“The wedding is today. Pasensya na,” malungkot na sagot niya.
Para iyong bombang sumabog sa pandinig ko. Although I was already expecting it, hindi ko inisip na mapapaaga nang ganito. Inalalayan niya ako papunta sa naghihintay na limo. Pagkakita ko sa mga tao sa loob, nag-atubili akong pumasok. Bakit kasama namin ang mga tauhan ni Otōsan?
“Driver ko ang magmamaneho nito at katabi niya ang dalawa ko pang bodyguards kaya safe tayo. Takot lang ni Ojisan na hindi matuloy ang kasal.” At kinuha pa ni Ryu ang isa kong kamay para pisil-pisilin at halik-halikan. Tinulungan din niya akong makaakyat sa sasakyan.
The wedding is today. Paulit-ulit iyong umaalingawngaw sa isipan ko kung kaya nang isara ang limo, nanikip agad ang dibdib ko. Parang hindi ako makahinga. Daig ko pa ang claustrophobic. Kung wala lang doon ang mga tauhan ni Otōsan siguro’y nagdrama na naman ako. Kaso nakakailang sila lalo pa’t hindi umaalis ang mga mata nila sa aming tatlo nila Mama at Ryu. Ang talim pa ng mga titig nila. If looks could kill nangisay na kami.
Nakahinga lang ako nang maluwag nang makarating kami sa bahay sa Osaka City. Typical Japanese ang pagkakagawa rito. Mayroon itong tiled roofs at gawa sa kahoy ang dingding. Sa loob nito’y may tinatawag na fusuma o sliding doors na gawa sa light materials na siyang nagsisilbing dingding o partition ng mga silid. Kakaiba ito sa bahay namin sa Ibaraki na hango naman ang architectural design sa mga bahay sa Europa.
“Ito sana ang nirentahan ko para sa inyong dalawa. Dito ko sana kayo pinaderetso mula sa Maynila.”
Biglang napahagulgol si Mama pagkarinig n’yon. Humingi siya agad ng dispensa sa aming dalawa ni Ryu. Hindi sumagot ang boyfriend ko. Sa halip lumabas siya ng bahay at nagpahatid sa hotel na tinutuluyan.
“Pasensya na talaga, anak. Masyado lang kasing ambisyosa ang mama mo. Nasilaw ako sa Hermes, Louis Vuitton, at Gucci bags. Bata pa lang kasi ako, obssession ko na ang mga iyon. Mahal ko lang masyado ang papa mo kaya kahit alam kong hindi niya kayang ibigay ang mga iyon, nagpakasal ako sa kanya. He knew it kaya bukambibig niya na kapag binigyan siya ng pagkakataon, he will get me one of those. Biniro pa nga ako na kahit sa kabilang buhay na raw siya ay ikukuha pa rin niya ako no’n. Kaya nang makilala ko ang Otōsan mo at pinaulanan niya ako ng mga iyon, I thought reincarnation siya ng papa mo.”
Napabuntong-hininga ako. Naisip ko ang mga naisakripisyo ni Ryu dahil sa katangahan at pagiging materialistic ni Mama. Gusto kong magalit, pero nang halos lumuhod na siya sa paghingi ng paumanhin nalusaw din ang lahat kong pagdaramdam sa kanya. Ganunpaman, kailangan ko rin siyang paalalahanan dahil baka maulit na naman ang nangyari.
“Sana maging leksiyon na sa atin ang pangyayaring ito. Hindi totoong tao si Otōsan. Lahat ng pinakita niyang kabaitan sa atin noon ay isa lamang pagkukunwari. Parte lang tayo ng imahe na gusto niyang ipakita sa publiko para sa pansariling adhikain. Huwag n’yo sanang kalimutan iyan, Mama.”
May gumuhit na pait sa kanyang mukha. Nasaktan ko siya nang hindi ko sinasadya. Huwag niyang sabihin na totoo ang pagmamahal niya kay Otōsan? Kasasabi niya lang na nagustuhan niya ito dahil sa pag-aakala na reincarnation ito ni Papa.
“Iidlip lang ako saglit. Gisingin mo lang ako kapag dumating na ang mag-aayos sa atin,” pag-iba niya ng usapan.
Bago pa ako makasagot pumunta na siya sa kuwarto niya. Dahil manipis na sliding door na gawa sa papel lamang ang pagitan ng mga silid namin, narinig ko ang impit niyang pag-iyak. Nang silipin ko, nakita kong hawak-hawak niya ang larawan nila Otōsan nang ikasal sila noon sa amin. Napailing-iling na lang ako.