![]() | ![]() |
Habang ipinagmamaneho kami papunta sa beach resort sa Kobe kung saan idadaos ang kasal, kumulo ang tiyan ko. Nanakit pati batok ko. Hinimas-himas nga iyon ni Mama. Pagdating namin sa venue, nagkislapan ang mga camera ng iba’t ibang TV stations sa Kansai. Magiliw naman kaming sinalubong ng stepfather ko. Sinong mag-aakala na isa itong monster?
Nang makita ko si Ryu na naka-tuxedo at nakatayo na sa harapan ng makeshift altar, naisip kong hindi na nga siya akin at baka iyon ay hanggang magpakailanman. Kahit na for convenience lang ang kasal sa ngayon, malaki ang posibilidad na mahuhulog din siya kay Sugawara-san. ‘Ika nga ng karamihan pati na rin si Ryu noon, she’s every man’s dream girl. Maganda, matalino, seksi, at mayaman pa. Nanlumo ako.
Naghudyat na ang wedding planner na sisimulan na ang kasal. Naglakad na sina Mama at Otōsan sa puwesto nila. Sumunod na rin ako. Mayamaya, pinatugtog na ang wedding march at lumitaw ang nakangiting si Sugawara-san. Ang ganda niya sa suot na wedding gown na marahil ang halaga’y hindi ko kayang kitain sa buong buhay ko kahit magtrabaho pa ako nang walang humpay. Ang dinig ko kasi, ito raw ang kahuli-hulihang dinesenyong trahe de boda ni Oscar dela Renta bago ito namatay.
Nanliit na naman ako nang ikompara ang sarili sa kanya. Ang suot ko kasi’y long dress lang na binili namin sa AEON noon. Wala na kasing oras para makapagpatahe pa ako ng sarili kong trahe. Isa pa, hindi naman happy occasion para sa akin ang kasal na pag-aaksayahan ko pa ng panahon ang pagpili ng maisusuot ko para rito. Kung hindi nga lang ako nag-aalala sa mga tabloids ay baka hindi na ako dumalo pa.
Nang maihatid na ng mga magulang si Sugawara-san kay Ryu, pinangiliran ako ng luha. Binaba ko na lang ang sombrero para hindi ito kita ng mga tao lalo na ng mga tabloid reporters.
Bago pa man maglakad ang dalawa papunta sa altar, umiwas na ako ng tingin kaya laking gulat ko nang umalingawngaw ang isang putok. Nagkagulo tuloy ang mga guests, pero boses ni Mama ang nangingibabaw sa lahat. Nakita ko na lang itong nakayakap sa dumadausdos na si Otōsan. Sa isang kisap-mata, nakahandusay na sa pulang carpet ang halos hindi gumagalaw na katawan ng stepfather ko. May tama raw ito ng bala.
“Kazuhito!” sigaw ni Mama. Paulit-ulit. Nakatutulig. Lumuhod pa siya sa harapan ni Otōsan. Nakahawak ang isa niyang kamay sa duguang balikat nito habang patuloy na nagsisisigaw ng tulong. Wala pa ring lumalapit. Naging abala kasi ang lahat sa paghahanap ng makukublian.
“Habulin n’yo! Huwag n’yong hayaang makatakas!” narinig kong sigaw ni Ryu sa mga tauhan. Nagkaroon ng habulan sa loob ng venue. May umalingawngaw uling putok. Lalong nagkagulo ang mga guests.
Ilang minuto akong hindi nakakilos. Hindi ko alam kung ano ang uunahin. Ang kaligtasan ko ba o ang pagsaklolo sa mama ko? Nangibabaw ang huli. Napatakbo ako kay Mama. From the corner of my eye, may isang nilalang na pinipigilan ng lahat na makalapit sa amin. Nang lingunin ko ito’y nakita ko ang naghi-hysterical na si Mrs. Miller na sa wakas ay nakahulagpos sa mga pumipigil sa kanya.
“Kazuhito! Kazuhito!” sigaw niya habang papalapit sa amin.
Nang ilang hibla na lang ang layo niya bigla na lang siyang napaluhod at pagapang na yumakap sa stepfather ko. Naitulak niya si Mama sa isang tabi nang hindi sinasadya.
“Kazuhito, huwag mo akong iwan!” tungayaw pa niya dahilan para magkislapan ang lente ng camera sa direksiyon namin. Pinagpiyestahan siya ng mga tabloid reporters, pero tila wala siyang pakialam.
Dahan-dahang napadilat si Otōsan. Narinig siguro ang boses ni Mrs. Miller. Napangiti siya rito kahit nahihirapan.
“N-naomi-chan. H-hwag m-mo k-kong i-iwan,” sabi pa niya.
Nag-unahan naman sa pagpatak ang mga luha ni Mama dahil sa nasaksihan kaya masuyo ko siyang inakbayan at nilayo ko na roon.
Sa unahan, nakikita ko si Ryu na hindi magkamayaw sa pagbigay ng instruksiyon sa mga tauhan. Mayamaya pa, nilapitan siya ng kuya ni Sugawara-san na galit na galit na sa kanya. Nagkaroon ng confrontation. Muntik na silang mag-away kung hindi naawat ng mga bisitang naroon. Pati nga mga bodyguards nila ay nagsipagbunot na ng kani-kanilang baril. Natigil lamang ang komosyon ng dumating ang ambulansiya.
“Paraanin sila!” sigaw ng isang tauhan sa kulumpon ng mga taong nakapaikot sa stepfather ko at kay Mrs. Miller. Nagsiatrasan naman ang mga ito at pinadaan ang mga paramedics. Nilapitan sila ni Ryu at inalam ang lagay ng tiyuhin. Nang mapag-alaman na humihinga pa ito, tumalikod na siya at lumapit naman sa amin.
“Bumalik na kayo sa sasakyan nang makauwi na’t makapagpahinga. Ako na ang bahala kay Ojisan.”
Hindi tuminag si Mama. Parang nawala ito sa sarili. Nakatingin lang siya sa stepfather ko na ngayo’y sinasakay na ng mga paramedics sa ambulansiya. Nagkatinginan kami ni Ryu. Nakita ko ang boyfriend kong tila nalungkot nang sobra sa nakikitang hinagpis ni Mama. Inakbayan niya ito at pinisil-pisil pa sa balikat.
“He doesn’t deserve you, Tita.”
Walang imik pa rin si Mama. Patuloy lang siyang nakamasid kay Mrs. Miller na halos ay hindi na bumibitaw kay Otōsan. After like an eternity, dumating ang nalilitong si Aaron sa tabi ng ina. Labis itong nagtataka kung bakit ganoon na lamang ang reaksiyon ng mommy niya sa nangyari sa stepfather ko. Ang dad naman niya’y nakamasid lang. Hindi ko alam kung ano ang reaksiyon niya dahil natatakpan ng sunglasses ang kanyang mukha.
Nang nagpumilit na sumama si Mrs. Miller sa ambulansiya, saka lang umawat ang asawa nito. Masuyo nitong nilayo roon ang babae.
Dahil abala ang lahat kina Mrs. Miller at Otōsan, hindi nabigyang-pansin ang kawawang bride na humahagulgol sa isang tabi. Wala halos dumadamay sa kanya dahil abala rin ang kanyang kapamilya sa ama niyang bigla na lang ay inatake sa puso.
“Hindi mo ba siya dadaluhan?” tanong ko kay Ryu. Saglit lang nitong tiningnan si Sugawara-san at nagkibit-balikat.
“Nandiyan ang kuya niya. She’ll be fine.”
Pagkasabi ni Ryu no’n may dumating na chopper at nilipad na ang lahat ng miyembro ng Sugawara family. Nang wala nang natira ni isa sa pamilya, saka pa lang pumagitna ang wedding planner at inanunsiyo nitong kanselado na raw ang kasal. Humingi ito ng dispensa on behalf of the Otsuji and Sugawara family. Pinasalamatan rin nito ang lahat na dumalo at inayos ang paglabas ng bawat isa sa resort. Hindi kami sumama sa mga panauhing inalalayan palabas ng mga tao ng wedding planner. Iba ang dinaanan namin at pinaikutan pa kami ng mga bodyguards ni Ryu para masiguro ang aming kaligtasan. Nang nakasakay na kami sa kotseng maghahatid sa amin sa bago naming tirahan, saka lang din umalis doon si Ryu para habulin ang ambulansiya.
“Ayaw ko munang umuwi! Ihatid n’yo ako sa ospital!” bigla na lang ay sigaw ni Mama nang nakalabas na kami sa beach resort. Nagtinginan ang dalawang bodyguards ni Ryu na escort namin. Pinaliwanag nila kay Mama na hindi pupwede dahil iyon ang bilin ng amo nila.
“Please! Ihatid n’yo ako roon! Kailangan ako ni Kazuhito!”
“Akala ko ho ba tanggap n’yo nang Otōsan was living a dual life. Na iba ang motibo niya sa pagpapakasal sa inyo.”
“Asawa ko pa rin siya, Mara!”
“Kahit na niloko po kayo?”
“Shut up, Mara!”
Tumawag ang isang bodyguard kay Ryu para ipaalam ang kagustuhan ni Mama. Napakagat-labi naman ako. Nagpipigil ng galit. Hindi ko kasi matanggap na totoong in love siya kay Otōsan at hindi lang dahil nasilaw siya sa mga materyal na bagay na kaya nitong ibigay sa kanya.
Pagdating namin sa ospital, nandoon na rin si Ryu. Sinalubong niya kami. Hinagkan niya ako sa noo at pinatong ang baba niya sa ulo ko. Ipipikit ko na sana ang mga mata para namnamin ang moment namin nang nahagip ng tingin ko ang palabas sa TV sa likuran niya. Tinapik ko siya sa balikat para mapanood din niya ang flash report.
Ayon sa scoop ng Nippon News Network (NNN), malaki raw ang posibilidad na si Ryu rin ang nagmando na barilin ang tiyuhin dahil nagkaroon daw sila ng alitan kamakailan at labag sa kalooban niya ang pagpapakasal kay Sugawara-san. Na-i-scoop din ang pag-agaw-eksena ni Mrs. Miller. Nagtatanong daw tuloy ang taong-bayan kung totoo nga bang may ibang babae ang CEO ng Otsuji Car Manufacturing Company.
Nang balingan ko si Mama nagpapahid na naman ito ng pisngi.
“Let’s go. Wala namang kuwenta ang news na iyan.” At hinila na ako ni Ryu na lumayo roon. Sumama din si Mama sa amin. Dahil bawat corner ng ospital may TV monitor, naghanap kami ng puwesto na malayo rito.
Prenteng-prente na akong nakahilig sa balikat ni Ryu nang tumunog ang keitai niya. Narinig ko ang sigaw ng caller dahil ang lapit ko kay Ryu.
“Sino iyan?” nababahala kong tanong.
“Kuya ni Aya,” sagot niya sabay layo sa phone.
“Paano na ngayon iyan? Palagay ko naniwala siya doon sa balita.”
“Why don’t we all go back home muna para makapagpalit ng damit? Balik na lang tayo later pag gising na si Ojisan,” pag-iba niya ng usapan.
“Hihintayin ko munang magising siya,” pagmamatigas ni Mama.
“Ma! Let’s go.” At hinila ko agad ang kamay niya. Napilitan siyang sumama sa akin, pero panay ang singhot niya. Minsan gusto ko na siyang sigawan at batukan. Kung bakit halos magpapakamatay siya sa taong hindi naman siya mahal at kailanman minahal?
Imbes na plano pa sana ni Ryu na bumalik din ng ospital pagkatapos naming makapagpahinga sa bahay, hindi na natuloy. Paano kasi, tumawag ang supervisor ng kanilang car factories sa Nagoya na sinuspinde raw ng suppliers ang delivery ng aluminum at glass supplies kung kaya napilitan silang itigil ang operasyon nila. Tumuloy siya sa planta nila at pinahatid na lang kami sa ospital sa isa niyang driver con bodyguard.
Good news ang sinalubong ng nurse pagdating namin doon. Binalita nitong nakalipat na sa ICU ang stepfather ko. Pagkarinig no’n ni Mama minadali niya akong pumunta sa silid ni Otōsan. Dahil sa pagmamadali namin, muntik na naming makabanggaan ang doktor na papalabas naman sa kuwartong iyon.
“Dok! Kumusta na po ang lagay ng asawa ko?”
“M-mabuti naman. L-ligtas na siya sa panganib.”
“Wala po bang na-damage na muscles o tissue niya sa balikat?”
“Mukhang okay naman siya, Misis. I hope wala,” sagot lang nito.
Pagpasok namin, gising na nga si Otōsan. Umuungol itong parang takot na takot. Nataranta tuloy kami. Pinahabol sa akin ni Mama ang kalalabas lang na doktor, pero hindi ko na siya naabutan. Bumalik na lang ako sa kuwarto at pinindot ang buzzer ng nurses’ station. Mayamaya pa, nagdatingan ang mga ito. Nangunot ang noo ko nang may nagpakilalang doktor at siyang nagpaliwanag kay Mama ng kalagayan ni Otōsan. Iba ang mukha nito kaysa doon sa nakasalubong namin. Sino naman kaya iyon?