image
image
image

CHAPTER NINETEEN – FIVE-MINUTE CEREMONY

image

Nalungkot ako nang malaman kong hindi raw ako nakapasa sa entrance exam sa isang unibersidad sa Nagoya. Parang ang hirap paniwalaan dahil nasagot ko namang mabuti ang pagsusulit.

Oo, balak ko sanang lumipat ng eskwelahan para mapalapit kay Ryu at nang sa ganoon ay hindi na siya mag-alala pa sa akin. Gusto ko ring iisang bubong na lang uli kami. Safe lang ang pakiramdam ko kapag kasama ko siya. Kahit kasi tinakot na ng papa niya ang kuya ni Sugawara-san, hindi pa rin ako kampante. Baka kumukuha lang iyon ng bwelo.

Nang nagkita kami ni Haruka, napag-alaman ko na sinusuportahan pala ng Sugawara Foundation ang inaplayan kong unibersidad. Hindi na ako nagpumilit doon kahit na ang sabi sa akin ni Ryu magagawan niya ng paraan kung talagang gusto ko sa eskwelahang iyon. Naghanap na lang ako ng iba pang school. Pinalad naman ako sa isang public university. Hindi ito kasing bongga ng Nagoya University kung saan nag-aaral si Ryu, pero okay na rin dahil nasa Aichi Prefecture pa rin kung saan naroon ang unibersidad niya. Okay na sana ang lahat kaso nga kinuwestiyon ng immigration officer ang kakayahan kong magbayad ng matrikula. Wala raw kasi akong scholarship. Dahil nakipagdiborsyo na ang mama ko sa tiyuhin niya, hindi na kami pamilya ni Ryu. Kahit nangako raw ito ng suporta hindi raw sapat iyon. Kapag daw kasi nagbago ang isipan nito, hindi nila maoobliga ang tao na i-honor ang nabitawang salita dahil wala siyang legal na obligasyon sa akin.

Naisipan ko tuloy umuwi na lang ng Pilipinas at doon ipagpatuloy ang pag-aaral. Pakiramdam ko kasi senyales na ang sunud-sunod na kabiguan para ipamulat sa akin ng tadhana na hindi ako para sa Japan. Nalungkot ako nang ma-realize na maaaring magbago ang damdamin ni Ryu sa oras na magkalayo kami, pero wala na akong ibang choice.  

Nag-iimpake na ako ng mga gamit nang dumating siya sa bahay nang hapong iyon. May hinagis siya sa kama ko. Ang lawak pa ng ngiti.

“Pakiramdam ko itong mga nangyayari sa atin ay senyales na we have to put matters into our own hands,” matalinghaga niyang sabi.

Nangunot ang noo ko. Ano ba’ng pinagsasabi ng mokong na ito?

“We’re getting married!” excited niyang anunsiyo.

“What?!” Gulat na gulat ako.

Dinampot niya ang dokumento sa kama at pinakita sa akin. Marriage application! Napaawang ang mga labi ko. Nang makita ko ang translated consent na galing kay Mama lalo akong nagulat. Bakit hindi niya sinabi sa akin? Nag-usap kami no’ng isang araw, ah.

“I asked your mother to keep this a secret. Pasensya na,” sagot niya. Nahulaan yata ang laman ng isipan ko.

“Ayaw mo ba?” nag-aalala niyang tanong.

“Hindi sa ayaw ko. Nabigla lang ako. Ang bilis, ah!”

“Siyempre, Hapon ito, eh. Hindi kami nagpapatumpik-tumpik kapag gusto namin,” nakangisi niyang sagot at hinila niya ako’t niyakap. Narinig ko ang malakas na tibok ng kanyang puso. Dumadagundong.

“Kaso...” At tiningala ko siya.

“Ano na naman?”  

“Hindi ko sukat-akalain na ikakasal ako’t lahat, pero ni hindi man lang nag-propose sa akin ang groom ko,” parinig ko sa kanya.

“C’mon. Hindi pa ba sapat ang halos araw-araw kong pagluhod sa harapan mo?” may himig pagbibiro na sabi nito sa akin.

Pinamulahan ako nang maalala ang mga pinaggagawa namin sa nakalipas na ilang araw. Tiningnan ko siya nang masama at lumayo sa kanya. Bigla siyang napabunghalit ng tawa.

“Nagbibiro lang. Ikaw naman. Halika nga.” At hinila niya ako.

“Ano ba!” asik ko sa kanya. Tinabig ko ang kanyang kamay.

Hindi niya ako binitawan. Sa halip, niyakap pa niya ako nang mahigpit saka hinagkan niya ang tungki ng ilong ko. Nalusaw din ang inis ko sa kanya. I hugged him back. Saglit niya akong nilayo at dahan-dahan siyang lumuhod sa harapan ko. Alanganing ngiti ang binigay ko sa kanya. Heto na naman kami. Niloloko na naman ako ng damuho. Tatalikod na sana ako nang buksan niya ang mga palad. Bumilis agad ang tibok ng puso ko nang makita ang isang maliit na kahon. Pagbukas niya nito, halos hindi ako nakahinga. That was the most exquisite diamond ring I have ever seen in my entire life! I was speechless.

“Mara Santacruz, will you marry me?” pabulong niyang tanong.

Hindi ko napigilan ang sarili. Napaiyak ako.

“Baliw, you’re supposed to answer me yes or no.”

Lumuhod din ako sa harapan niya at hinagkan ko siya sa labi sabay sabi ng maluha-luhang, “Yes!”

**********

image

Ang aga namin sa City Hall ng Ibaraki nang araw na iyon, pero nauna na pala ang mga kinuhang witness ni Ryu. Mga executives daw niya sa kompanya ang mga iyon. Nang maisumite namin ang kaukulang papeles, pinaghintay lang kami ng ilang sandali at binigyan na kami ng kopya na nagpapatunay na kasal na kaming dalawa. Mas mabilis pa sa pag-order ng fastfood! Nagulat ako. Napangiti si Ryu sa reaksiyon ko.

“Hindi na kailangan kasi ang seremonya sa amin. Mas binding pa nga ito kaysa sa magarbong wedding ceremonies. Iyong mga iyon, kung hindi sila magsumite ng dokumento na katulad ng ginawa natin wala ring saysay iyon,” paliwanag pa niya.

Magugulat ang mga kabarkada ko sa Manila kapag nalaman nila ito.

It really felt surreal. Mrs. Ryuhei Otsuji na ako! Gosh!

Dumeretso na kami sa isang Japanese restaurant pagkagaling ng city hall. Pinasara iyon ni Ryu para sa reception namin. Nagsidatingan doon ang mga pili niyang empleyado’t empleyada at ang iba pang mga kaibigan niya sa university. Nandoon din si Haruka at siyempre pa ang mga miyembro ng Bandage, pero hindi dumating si Yuki. Medyo nalungkot ako dahil siyempre malaking bahagi siya ng love story namin. Isa siya sa mga dahilan kung bakit umamin kaming mahal namin ang isa’t isa. Pero ganoon siguro talaga. May iba na siyang priorities ngayon. Ang sabi ni Ryu hindi raw nito maiwan-iwan ang bagong tayong boutique.

“Hayaan mo. Kapag lumuwag-luwag ang schedule ko sa office at sa university, bibisitahin natin siya sa New York,” pampalubag-loob na lang ni Ryu sa akin nang naglalakad na kami sa parking lot. Nairaos namin nang matiwasay ang reception. Eh, ano ngayon kung five-minute wedding lang iyon at wala pati si Mama? Ang importante si Ryu naman ang groom ko.

Ilang metro na lang ang layo namin sa kotse niya nang malaglag ang susi. Saglit niya akong binitawan para damputin iyon, pero bago siya makatayo uli may dalawang naka-maskarang lalaki na bigla na lang lumitaw at kaagad nila akong binuhat saka pinasok sa naghihintay nilang sasakyan. Hinabol sila ni Ryu, pero mabilis nilang napaandar ang limo. Tawa nang tawa ang mga hunghang na dumukot sa akin habang tinatanaw nila ang asawa ko na tumatakbo sa paghabol sa amin. Paliko na kami para pumunta sa highway nang makita ko si Ryu na bumalik sa kotse niya.

“Sino kayo? At saan n’yo ako dadalhin?”

“Secret!” sabi ng isa. Kinukutya ako. Nagtawanan ang grupo.

Nagpumiglas ako para hambalusin sana siya, pero hinawakan ng dalawa niyang kasama ang magkabila kong braso. Dinuraan ko sila. Sinampal naman ako ng isa.

“Kadiri ka! Ewan ko ba kung bakit nahumaling sa iyo si Otsuji-san!”

“Baka may pinatikim?” sabat naman ng isa at dumila-dila pa sa harap ko. Naghagalpakan ng tawa ang mga kasama nito. Nandiri naman ako.

Malayu-layo na rin kami sa parking lot ng pinagdausan ng reception namin sa kasal nang biglang may umarangkadang motorsiklo at humarang sa amin. Hindi iyon iniwasan ng driver ng limo. Inararo niya ang motor. Buti na lang nakatalon ang sakay no’n. Gumewang-gewang ang sasakyan namin, pero mabilis naman itong nakabawi. May nagsulputan pang ibang motorsiklo buhat sa kung saan kung kaya binaba ng isang lalaking katabi ko ang bintana sa gawi niya at pinaputukan ang mga ito. May isang bumulagta. Napasigaw ako. Sinampal uli ako ng kasama niya. Kumuha pa ito ng panyo at binusalan ako. Mayamaya pa, lumiko na ang kotse sa isang malaking garahe. Mabilis din itong sumara pagkapasok namin.

Nagpumiglas ako nang kaladkarin nila ako palabas, pero wala rin akong nagawa dahil dalawa ang may hawak sa akin. Makaraan ang ilang sandali, dumating ang kuya ni Sugawara-san.

“Magaling, mga bata!” tuwang-tuwa na bati nito sa mga alalay. Tinapik-tapik niya ang mga balikat ng mga ito.

“Hindi ba kayo nasundan?” tanong nito.

Bago makasagot ang sinuman sa tauhan niya may pumailanlang na boses galing sa megaphone. Napapaligiran na raw kami ng mga pulis.

“Kahit kailan, ang tatanga n’yo!” At sinuntok niya ang pinakamalapit sa kanya. Nagsisihan ang grupo.

Nagmando ang kuya ni Sugawara-san na ihanda na ang getaway vehicle nila. Sa likuran daw sila dadaan. Pinauna na niya roon ang isang bodyguard. Nang bumalik ito at sinabing safe pa raw dumaan sa likod, kinaladkad na niya ako papasok sa kotse. Siya na ang nagmaneho ng sasakyan. Maayos kaming nakalabas kaya napahiyaw ito sa kagalakan. Pero ilang daang yarda mula sa garahe, pumutok ang gulong ng kotse. Mayamaya pa, may tumama na kung ano sa bintana sa unahan at bigla na lang napasigaw ang hunghang sa sakit. Yumuko na ako dahil baka ako na ang susunod. Naiihi na rin ako sa takot. Mabilis na lumabas ang iba pang tauhan at nagpaulan ng putok. Inisip ko nang katapusan ko na iyon. Naiyak ako nang maalala si Ryu at si Mama. Hindi ko na sila makikita pa kahit kailan. Napadasal ako nang mataimtim. Nang bumukas ang pintuan sa gilid ko, inisip ko nang gagawin akong pananggalan ng mga walanghiya, pero nagulat ako nang makita kung sino ang may hawak ng braso ko. Ang naka-mask na mama!

Daijoubu desu ka? (Okay ka lang ba?)”

“K-Kayo uli?” nasabi ko, almost in disbelief.

Hindi siya sumagot. Sa halip, tinuro niya lang sa akin ang daan papunta sa mga pulis bago sumampa sa motor niya at sumibad palayo.

Nang makita ako ni Ryu, tumakbo na siya papunta sa akin at niyakap ako nang mahigpit na mahigpit. “I thought I’ve lost you forever.”

Nakita kong tumakbo na sa likuran ng garahe ang mga pulis at pinagdadampot nila ang mga salarin. Buhay pa pala ang mga ungas!

**********

image

Sinampahan ni Ryu ng kasong attempted murder ang kuya ni Sugawara-san. Lalong umigting ang galit ng pamilya nito sa asawa ko at tuluyan nang kinansela ang pagsu-supply ng raw materials sa car plants ng mga Otsuji. Nag-demand pa ang mga ito na kailangang bayaran ni Ryu ang inutang ng kanyang tiyuhin sa lalong madaling panahon. Hindi naman nabahala roon ang asawa ko. Naghanap siya ng mga panibagong suppliers ng raw materials at sinunod pa rin niya ang loan terms na pinirmahan ng tiyuhin. Nang pumalag ang mga Sugawara, dinala niya iyon sa korte at pinanigan naman siya ng hustisya. Dahil sa nangyari, bukod sa personal naming bodyguards may mga pulis ding nagbabantay sa amin.

Pagdating ko nang hapong iyon sa bahay mula sa pinapasukang unibersidad, napansin kong may hindi pamilyar na kotse sa harapan ng bahay. Naisip ko agad na baka may kinuha na namang dagdag na bantay namin si Ryu kaya medyo nagulat ako nang matanda ang naabutan kong kausap niya sa study room. Abogado pala siya ng kanyang lolo.

“Ito ba ang asawa mo?” tanong nito kay Ryu habang nakatingin sa akin. Yumuko ako rito nang bahagya. Sinenyasan naman ako ni Ryu na pumasok na nang tuluyan sa study room.

“Hajimemashite,” bati ko sa abogado.

“Aba, ang galing at marunong ka pala ng salita namin.”

“Opo. Nag-aral po ako ng Nihongo bago pumunta rito sa inyo.”

Tumangu-tango ang abogado at hinarap na nito si Ryu. Naglabas ito ng mga dokumento mula sa dalang attache case at binigay ito sa asawa ko. Nakiusyuso na rin ako roon.

Muntik na akong himatayin nang mapag-alamang two billion US dollars ang pamana sa kanyang cash amount. Makukuha lamang daw niya iyon kalahating taon makalipas ang ika-dalawampong taong gulang niya. Iyan ay kung hindi siya lumabag sa kondisyon ng lolo niya. Oras na umibig daw siya sa isa sa mga kadugo ni Tadashi Sugawara, ang mortal na kaaway ng matanda, awtomatikong mawawalan siya ng mana. Mapupunta ang lahat na pera sa pinakamalapit nilang kadugo—-ang tiyuhin niya. Ang kompanya nama’y hahatiin sa mga loyal employees nito, pero siyempre ang saisenta porsiyento no’n ay mapupunta pa rin sa tiyuhin niya.

“Dalawa lang kami ng lolo mo ang nakakaalam sa last will and testament na ito kaya nakakapagtaka na nalaman pa rin ito ng tiyuhin mo,” kuwento pa ng abogado.

Nang makaalis ang abogado, napasuntok sa dingding si Ryu. Sa lakas ng pagsuntok, dumugo ang kamao niya. Nataranta ako.

“Huwag ka nang magalit, please. Hindi naman siya nagtagumpay.”

“Kaya pala pinilit niyang sa kanya ako mapunta nang mamatay si Mama! Akala ko dahil mahal niya ako! Akala ko dahil itinuring niya akong parang anak! Kinamumuhian ko siya!”

Nanginginig na si Ryu sa galit. Lumayo ito sa akin at nagpalinga-linga. Parang naghahanap ng maihahagis. Nang wala siyang madampot, sumuntok na naman siya sa dingding. Nang makita kong umaagos na ang dugo sa dalawa niyang kamao, hinawakan ko ang mga ito at napaiyak na. Nakita kong dahan-dahang humupa ang emosyon niya. Sinapo niya ang magkabila kong pisngi at pinagdikit ang mga noo namin.

“If I married her, doble pala sana ang nawala sa akin,” mahina nitong sabi. Nakapikit na siya.

“Oo. Kung hindi nakialam ang papa mo, nawalan ka na ng mana, yumaman pa ang sakim mong tiyuhin at your expense.”

Bigla siyang napadilat. “Hindi iyon. Ang ibig kong sabihin, nawalan na ako ng mana, nawala ka pa sa buhay ko,” halos pabulong niyang sagot.

“We should thank your Papa for that. Siya ang gumawa ng paraan na hindi matuloy ang kasal.”

“Minsan, nakakainis ka rin sa kabaliwan mo! I know that you want me and my father to reconcile, pero hindi pa ako handa roon. Huwag mo kong pilitin. Kahit ikaw pa ang makiusap hindi kita mapapaunlakan.”

“Hindi naman kita pinipilit, ah.”

Tumaas ang isa niyang kilay. “Kilala kita, Mara.”

Hindi pala nakalampas sa kanya ang pagbibida ko sa ama niya. Ang smart ng lolo!