image
image
image

CHAPTER TWENTY – THE RETURN

image

Hindi ako mapakali sa birthday party ni Haruka. Parang nakita ko kasi si Otōsan sa kumpol ng mga bisita. Nakatingin siya sa akin. Natakot tuloy ako. Pero inisip ko rin na baka namamalikmata lang ako. Ang alam ko kasi’y nasa Europa siya ngayon at wala na raw balak bumalik pa ng Osaka.

Natapos ang party na wala namang trahedyang naganap kung kaya naisip kong guni-guni ko lang ang nakita. Nakampante ako. Pauwi na kami nang mamataan ko na naman siya sa parking lot. Hindi na ako nakatiis. Sinabi ko na ito kay Ryu na hindi naman pinaniwalaan ng mokong. Takot lang daw ng tiyuhin niyang umuwi sa Osaka knowing na inaabangan na siya rito ni Mr. Miller at ng mga taong pinagloloko niya.

Nakalayo lang kami nang kaunti sa parking lot nang mapansin kong may bumubuntot sa aming itim na kotseng BMW. Napatingin nga rin si Ryu sa rearview mirror niya.

“Palagay ko si Otōsan na iyan!”

“Tumigil ka nga riyan. Mas kinakabahan ako sa pagpa-panic mo, eh.”

Mayamaya pa, hindi ko na nakita sa salamin ang nasabing sasakyan.

“False alarm, hindi ba? Sabi ko sa iyo, eh.”

Hindi pa rin ako napanatag. I have a gut feeling, may gusto na namang gumambala sa katahimikan namin. Kung kailan naipakulong na namin ang kuya ni Sugawara-san heto na naman uli.

“Sana kasi pinasama na natin ang mga bodyguards,” paninisi ko pa.

“We’re safe, don’t worry.” Katatapos lang sabihin ni Ryu iyon nang may humarang na sasakyan sa daraanan namin. Bigla siyang napapreno kaya lumabas ang airbags ng kotse. Ninerbiyos ako nang sobra. At lalo akong nanginig nang makita kung sino ang bumaba sa sasakyang humarang. Si Otōsan! Kabuntot pa niya ang tatlong armadong alalay. Tinutukan nila kami agad ng baril. Napilitang bumaba si Ryu. Pero bago iyon, inutusan niya akong tumawag ng mga pulis. Pinipindot ko na ang numero ng pinakamalapit na police station nang may maalala.

“Well, well, well. Nagkita rin tayo ulit, mahal kong pamangkin. Dinig ko nakuha mo na rin sa wakas ang mana mo.” At humalakhak ito.

Hindi sumagot si Ryu.

“|Napakawalang-hiya talaga ng matandang iyon! Ako ang halos nagpakamatay sa kompanya niya, pero nanaig pa rin ang lukso ng dugo!”

“Ano pa’ng kailangan mo sa amin? Hindi ba’t binabayaran ko naman ang mga inutang mo sa mga Sugawara? Ano pa ang kulang?” Narinig kong sagot ni Ryu sa mahinahong boses.

“Ano pa ang kulang? Alam mo ba’ng pinagtatanong mo?”

Napabuntong-hininga si Ryu. “Wala na akong magagawa sa desisyon ni Lolo. Pero hindi ka naman niya pinabayaan. Binigyan ka rin naman ng twenty percent shares sa kompanya at dalawang residential building. Para sa isang hindi tunay na anak, sobra-sobra na iyon.”

Sumigaw si Otōsan na parang baliw. Nakanti ni Ryu ang pinaka-insecurity niya. Lalo akong naihi sa takot.

“Boss, may paparating,” naaalarmang babala ng isang tauhan.

“Hindi pa tayo tapos!” sigaw ni Otōsan kay Ryu bago ito tumakbo pabalik sa kotse. Nakaatras lang sila nang sumulpot ang unang batch ng motorsiklo. Tatlo sila. Hindi na nila naabutan si Otōsan dahil pinasibad na nito palayo ang sasakyan. Pagkakita ni Ryu sa grupo ng ama, kinatok niya ako sa bintana. Hindi maipinta ang kanyang mukha.

“Ang sabi ko, tumawag ka ng pulis at hindi mga gangsters!”

Hindi ko pinansin ang pag-asim ng mukha niya. Kumaway ako sa mga sumaklolo sa amin mula sa loob ng sasakyan. Galit namang pumasok si Ryu at pinaarangkada agad ito. Nakita ko tuloy ang paglambong ng lungkot sa mga mata ng papa niya. At nadurog ang puso ko.

“Kung sinabi kong pulis ang tatawagan, pulis ang tawagan mo!” bulyaw niya sa akin uli habang nagmamaneho. Hindi na ako umimik. 

Pagdating namin sa bahay, nauna itong umibis ng kotse. Hindi na ako pinagbuksan gaya ng nakagawian niya. Dumeretso agad siya sa kuwarto namin nang nagdadabog. For the first time, natulog kaming masama ang loob niya sa akin.

**********

image

Tatlong araw ding hindi ako kinibo ni Ryu. Iyon na yata ang pinakamatagal na pagtikis niya sa akin. Natakot nga ako dahil baka gawin niyang grounds iyon para hiwalayan ako. Hindi rin pala ako natiis ng mokong. Humingi pa nga siya ng dispensa at binigyan ako ng isang tangkay ng talutot ng pulang rosas. Hindi na ako nagpakipot pa.

“’Lika, may pupuntahan tayo,” sabi niya, hila-hila ang kamay ko.

“Ha? Saan tayo pupunta?”

Hindi siya sumagot. Naisip kong may sorpresa siguro siya sa akin dahil ang tagal niya akong hindi kinibo. Na-excite ako.

Malayu-layo na ang nilakbay namin nang nagdahan-dahan ang sasakyan at pumasok sa parking lot ng pinakamalaking flower shop sa Aichi Prefecture. Mabilis siyang bumaba at pinagbuksan ako ng pintuan. Napangiti ako. May balak pala siyang mamakyaw ng mga bulaklak, ha.

Sinalubong kami ng maganda at eleganteng ginang na nagpakilalang may-ari ng shop. Dinala niya kami sa isang pribadong silid at binigyan pa ng espesyal na green tea. May inabot siyang brochure sa amin at tinuro ang mga rekomendadong disenyo para sa centerpiece, bouquet, isle decor at kung anu-ano pa. Dumagundong ang dibdib ko sa narinig, pero hindi ako nagpahalata na nahulaan ko na kung bakit kami nandoon.

Pinag-aralan muna ni Ryu ang mga designs bago bumaling sa akin at nagtanong kung ano raw ba ang tingin ko sa kanila.

“Sino ba ang ikakasal?” patay-mali kong tanong.

“Sino ba sa tingin mo?”

Gusto ko nang sumigaw ng yohoo! Nahihiya lang ako sa magandang Haponesa sa harapan namin.

Sumilip uli ako sa brochure at tiningnan ang presyo ng bawat tinuro ng ginang. Nalula ako sa nakita. Nilapit ko pa ang brochure sa mukha dahil baka nanlalabo lang ang paningin ko. Nakita kong napatirik ng mga mata si Ryu at napahingi pa ng dispensa sa may-ari. Narinig ko ang mahinang pagtawa ng mahinhing ginang.

“Kasal na rin naman tayo, ah. Aanhin pa natin iyan?” hirit ko pa ulit.

“Pwede ba huwag ka nang mag-iinarte riyan? Kung hindi ko pa alam. Ito ang matagal mo nang pangarap, hindi ba? To walk down the aisle? Heto na at pinagbibigyan ko na ang kabaliwan mo.”

“Ay, tayo pala ang ikakasal? Akala ko kasi kakilala mo lang, eh,” sarkastiko kong sagot.

He gave me his stoic look.

“Kanina pa ako nagtatanong ni wala kang sinasabi. Pa-mysterious-mysterious ka pa kasi riyan. Nakakainis ka!”

“Pipili ka na ba o hindi? Sinasayang natin ang oras ni Yamada-san,” asik niya sa akin. Binalingan nito ang may-ari at humingi uli ng dispensa.

May napili na sana ako, pero nakakakonsensya ang presyo. Sinong hibang ang mag-aaksaya ng two million dollars para lang sa mga bulaklak na gagamitin lang sa isang araw? Dahil nakita ko ang impatience sa mukha niya, napilitan din akong magturo kung alin doon ang napusuan ko.

“Iyan ba talaga ang gusto mo? O, baka dahil iyan ang pinakamura?”

Nag-init ang mukha ko. Palihim kong hinampas ang hita niya sa tabi ko. Binalingan naman niya ang may-ari at magalang na nagsabi na kung maari ay iwan daw muna niya kami.

“My gosh! Ano ba’ng akala nila sa mga bulaklak nila rito? Ginto? Bakit ganito ka mahal ang mga ito?!”

“Kung nagustuhan mo naman sila, bakit kailangan nating magtipid? Tsaka hindi naman ikaw ang magbabayad, ba’t nagrereklamo ka?”

“Nanghihinayang ako sa pera.”

Pero sa loob-loob ko pumapalakpak ang tainga ko habang iniisip na handa siyang gumastos ng dalawang milyong dolyar para sa mga bulaklak ng kasal namin. Ibig sabihin ganoon ako ka importante sa kanya. Tingin ko kasi mas praktikal siya kaysa romantiko, eh. Nakakapanibago tuloy.

Maganda na ang mood naming dalawa nang lisanin namin ang nasabing flower shop. Ini-imagine ko na ang sarili habang nagmamartsa sa gitna ng malaparaisong hardin. Hindi na ako makapaghintay.

Nang may nadaanan kaming cake shop, kinalabit ko siya at sinabihang gusto kong bumili ng pasalubong ko kay Mama. Tiyak na matutuwa iyon kapag may blueberry cheesecake na naghihintay sa kanya pagkagaling sa trabaho.

Oo, magkasama na naman kaming mag-ina. Naipasok na rin siya ni Ryu sa kompanya nila noong nakaraang linggo.

“Okay, bilisan mo. Hihintayin na lang kita rito sa kotse.”

Pa-skip-skip ako papunta sa cake shop nang bigla na lang may humablot sa akin at tinakbo ako sa naghihintay na sasakyan na nasa likuran lang ng kotse namin. Sigaw ako nang sigaw, kaya bigla na lang may naglagay ng panyo sa ilong ko at nawalan ako ng malay. Paggising ko nando’n na kami sa rooftop ng isang lumang building. Nakatali na ang dalawa kong paa’t kamay. Hindi na ako nagtaka nang makita ko ang nakangising si Otōsan. Napukaw uli ang pagkamuhi ko sa kanya.

“Gising na pala ang prinsesa. Tingnan nga natin kung gaano ka kamahal ng pamangkin ko. Tutubusin ka kaya niya?”

“Wala kang kasing suwapang! Pero hindi ka pa rin mananalo!”

“You wanna bet?” At humalakhak pa siya na parang baliw.

“Boss, may dumating na mga parak!” natatarantang sabi ng isa sa mga tauhan niya, pero hindi ko man lang nakitang nabahala si Otōsan.

Sagad talaga sa buto ang kasamaan mo!

Mayamaya pa narinig na naming nagsalita sa megaphone ang lider ng mga pulis. Sinasabihan ang mga kidnappers kong napapaligiran na raw nila kami. Bumunot ng baril si Otōsan at itinayo ako. Nang mapagtanto ko ang gagawin niya, pinanlamigan ako. Gagawin niya akong human shield!

Napatalon ako sa kabiglaanan nang may umalingawngaw na putok. Gumanti rin sila ni Otōsan at napasigaw ako. Sinampal niya ako nang ilang beses habang tinutulak sa kanyang harapan. Butil-butil na pawis ang tumulo mula sa sentido ko. Grabe ang kaba ko.

“Maawa ka sa akin, Otōsan!”

Hindi niya ako pinansin. Palinga-linga siya sa paligid. Nakikiramdam. Makaraan ang ilang sandali, natigil ang putukan. Tatlong pulis ang nakita kong nakabulagta samantalang lima naman sa mga tauhan ni Otōsan ang nakahandusay na rin. Sa pagkakataong iyon, naramdaman ko talagang malapit na ang oras ko. Umiyak ako habang tinatawag ang pangalan ni Ryu. Nang marinig niya iyon, tumawa siya. Inalaska pa ako. Natigil lang iyon nang may dumating. Hinawakan niya ako nang mahigpit at lalo siyang napahalakhak. Ako nama’y parang itinulos.

“Kung sinusuwerte ka nga naman, oo.”

“Baliw ka ba, Ryu? Bakit ka pumunta rito? Hindi ka sasantuhin ng tiyuhin mo! Sana pinaubaya mo na lang sa mga pulis ang lahat!”

Hindi ako pinansin ni Ryu.

“Maawa ka sa asawa ko. Wala naman siyang kasalanan sa iyo. Ako na lang ang kunin mo total naman tayo ang magkagalit!”

“Totoo pala ang balita. Nagpakasal na nga kayong dalawa. Well, congratulations, my dear nephew!”

Umabante na naman si Ryu. Binalaan siya ng tiyuhin na papuputukan na ito kung hindi pa rin titigil sa paglapit. Hindi kasi siya naniniwalang walang dalang armas si Ryu. Iniisip niyang ginagawang pain ng mga pulis ang huli para madakip siya.

Habang nagpapalitan sila ng salita, biglang may nagpaputok. Sapol sa braso si Otōsan. Nag-hysterical ako dahil gahibla lang ang layo no’n sa sentido ko. Nang ma-realize kong nabitawan ako ni Otōsan, tumakbo agad ako kay Ryu para mayakap siya.

“Mara!” sigaw naman ni Ryu. Nakatutulig. Takot na takot ito. Paglingon ko, nakaamba pala sa direksyon ko ang baril ng tiyuhin niya. Huli na para makaiwas ako. Nang umalingawngaw ang putok inasahan ko na ang pagbagsak ko, pero naabot ko si Ryu at nayakap ko pa siya. Hinintay ko ang pag-agos ng dugo mula sa katawan ko, pero walang dumaloy. Nakita ko na lang ang mga pulis na kumaripas ng takbo papunta sa direksyon ni Otōsan. Nakabulagta na ito. Pero bukod sa kanya mayroon ding isa pa na nakahandusay sa semento. At ganoon na lamang ang panlalamig ko nang makilala kung sino iyon. Ang papa ni Ryu! Umalingawngaw sa buong rooftop ng building ang sigaw ko.