![]() | ![]() |
Tawa ako nang tawa habang pilit na sinisilip ni Aiko ang bandang puwetan ng papa niya. Noong nagpakuwento kasi siya kung paano nagsimula ang love story namin ng kanyang ama, nasabi kong katakot-takot na paghihirap ang sinuong ng huli para lamang makuha ang matamis kong ‘oo’. Ang sabi ko pa kinailangan ng kanyang ama na akyatin ang pitong bundok at tawirin ang pitong nagngangalit na ilog para lamang makarating sa bahay namin. At isang araw dahil sa pagmamadali niyang ako’y makita’t makasama, nag-short cut siya sa isang mabangis na ilog kung saan mayroong pitong buwaya. Nalusutan niya ang anim, pero nahagip ng pampito ang likuran ng pantalon niya at nasakmal ang kanyang puwetan. Kaya sabi ko, may malaking peklat sa puwet ang papa niya dulot ng kagat ng buwaya. At iyon ang inuurirat ng mag-aapat na taong gulang kong anak.
“Ano ba’ng pinagsasabi mo rito sa anak mo?” nagtatakang tanong ni Ryu habang hinahatak pataas ang pantalon. Pilit namang binababa iyon ng beybi namin. Naiinis na ito dahil hindi siya pinagbibigyan ng ama.
“Sige na, Papa, please. Gusto ko kasing makita ang peklat mo.”
“Peklat? Paano naman ako magkakapeklat diyan?” naguguluhang tanong naman nito. Hindi ko pa kasi nasabi sa kanya ang kuwento ko.
“Iyong kinagat ng buwaya!”
Napatingin sa akin si Ryu, nagtatanong ang mga mata. Lalo akong humagalpak ng tawa. Imbes na sagutin ko siya, hinarap ko ang anak.
“Wala na’ng bakas ang sugat na iyon diyan, anak. Pina-plastic surgery na kasi ni Papa.”
“Ano na namang kabaliwan ang sinabi mo sa bata?”
“Secret,” nakangisi kong pakli.
Bago pa makasagot si Ryu, sumilip sa amin sa living room si Yano-san, ang driver con personal bodyguard niya. Handa na raw ang sasakyan na magdadala sa amin sa sementeryo. Ngayon kasi ang araw ng dalaw namin kay Otōsan.
“Ay! Bakit niya pina-plastic surgery? Sana pinakita muna sa akin,” nayayamot na sagot naman ni Aiko-chan. Lumabi ito at naghalukipkip.
Dinampot siya ni Ryu at kinarga saka hinagkan sa magkabilang pisngi. Inalo-alo pa niya ang bata dahil naiinis na ito sa kanya ngayon.
“Niloloko ka lang ng baliw mong ina. Joke lang iyon, ano ka ba? Hindi iyon totoo,” pagpapaliwanag pa nito kay Aiko-chan.
Tumingin ang baby girl sa akin na parang kinokompirma ang sinabi ng ama. Hinagkan ko rin siya sa magkabilang pisngi.
“Joke lang pala iyon, Mama eh!” Sa akin na ito naiinis ngayon.
Imbes na kompirmahin ang sinabi niyang iyon, ginulu-gulo ko ang kanyang buhok saka hinagkan din sa pisngi.
“Pero ang hindi joke, tinaya ng Papa mo ang buhay niya para kay Mama. Sobra pa sa mga mababangis na buwaya ang sinuong niya para lang maprotektahan niya si Mama.”
Namilog na naman ang mga mata ni Aiko. Mukhang na-excite uli.
“Bakit po? Ano po ang nangyari?”
“Paglaki mo, ikukuwento ko sa iyo nang buong-buo,” sagot ko naman.
“Ay! Nakakainis naman iyan! Ang tagal pa no’n, eh.”
“Kahit naman kasi ikuwento ni Mama sa iyo ngayon hindi mo rin lubusang maiintindihan ang lahat kaya saka na lang. Tsaka, anong matagal ka riyan. ‘Pag lagi mong iniinom ang gatas mo at hindi ka na nagpapapilit kay Mama, ilang tulog na lang iyon, ano.”
“Hayan ka na naman, eh. Kung anu-ano na naman ang pinagsasabi mo sa bata,” pangaral ni Ryu sa akin.
Ngumisi lang ako sa kanya at ikinawit na ang isang braso sa baywang niya. Masuyo niya akong inakbayan at lumabas na kaming tatlo sa bahay.
Ilang sandali pa, nakarating na kami sa sementeryo. Magkahawak-kamay kaming naglakad papunta sa libingan ni Otōsan. Si Aiko ang nasa gitna. Ilang dipa mula sa kinahihimlayan ng dati kong stepfather, napatigil kami. May nauna na sa amin doon. Nakasuot ng eleganteng itim na bestida ang babae habang nakatungo paharap sa puntod ni Otōsan. Nagkatinginan kami ni Ryu. Mayamaya pa, umalis na rin ito. Nang humarap siya sa direksyon namin, bumulaga sa aming paningin ang hilam sa luhang mukha ni Mrs. Miller. Nabigla ito nang makita kami. Nang makabawi, dali-dali itong naglakad palayo. Umiwas sa amin.
“Siya pala ang misteryosong panauhin ni Otōsan all these years,” nasabi ko na lang bigla. Sa tuwing bumibisita kasi kami sa puntod ni Otōsan kada Obon (Japanese Buddhist custom to honor the spirits of one's ancestors), lagi na lang may nauna nang nakapag-alay ng mga bulaklak. Naisip din namin siya, pero may pagdududa lang kami dahil sa ginawa niya ilang buwan bago bumalik ng Japan si Otōsan.
“Sino po ito, Papa?” Si Aiko uli nang nasa harap na kami ng puntod.
“Siya ang isa mo pang lolo,” sagot naman agad ni Ryu.
“Bakit siya namatay?”
“Mahabang kuwento, anak. Pero ang kamatayan niya ang naging dahilan kung bakit nabuo uli ang pamilya ni Papa - kung bakit kapiling na natin ang lolo mo ngayon.”
Akala ko magtatanong pa uli si Aiko, pero nakontento na ito sa sagot ng ama. Lumapit na lang siya sa puntod at pinatong sa harap nito ang dala naming incense. Ako naman ang naglagay ng bulaklak at nagsindi ng kandila. Inalayan namin ng dasal si Otōsan.
Ang dami kong hinanakit sa kanya, pero sa paglipas ng mga taon ay unti-unti ring nalusaw lahat. Nakikita ko kasi kay Ryu na sa kabila ng ginawa ng tiyuhin niya sa amin, napatawad niya agad ito. Katunayan, mas naging madali ang pagpapatawad niya kay Otōsan kaysa sa kanyang ama. Ang katwiran naman niya, kahit na gano’n pa ang ginawa ng stepfather ko, it didn’t change the fact that he brought us together. At dahil doon, sobrang nagpapasalamat na raw sa kanya ang asawa ko. Naisip ko rin, kung hindi nga rin naging scheming at mapaghangad si Otōsan, marahil ay hindi kami nagkita ni Ryu - ang soulmate ko.
Nang maisip ko ang salitang soulmate, naalala ko na naman si Mrs. Miller. Palagay ko totoong minahal niya ang stepfather ko kaso nga lang nadaig lang din siguro ng sundot ng konsensya kung kaya bumalik sa sariling pamilya at iniwan sa Europe si Otōsan. Sa tingin ko, ang pag-iwang iyon ni Mrs. Miller ang nagtulak sa dati kong stepfather na bumalik ng Japan for a suicidal mission.
Narinig kong nagsabi na ng, “May you rest in peace” si Ryu kung kaya nagsabi rin ako ng ganoon. Yumuko pa ako nang bahagya sa puntod ni Otōsan at nagpasalamat. Gano’n din ang ginawa ng mag-ama ko.
Nang pabalik na kami ng bahay, bumulaga sa paningin namin ang headline sa diyaryo na naka-display sa nadaanan naming newsstand. Nag-slow down kasi ang sasakyan dahil sa dami ng mga tao sa kalye kaya nabistahan naming mabuti ang nasabing larawan.
“Good for them,” komento agad ni Ryu.
Sinenyasan ko si Yano-san na itigil saglit ang sasakyan sa gilid at bumili ng isang diyaryo para mabasa namin sa loob ng kotse.
“Mayroon naman tayo niyan sa bahay. Mamaya na,” sabi ni Ryu.
“I can’t wait,” sagot ko naman.
Itinirik niya ang mga mata. Nagpalipat-lipat tuloy ng tingin sa amin ang driver. Nagtatanong ang mga mata kung bibili pa ba siya o ano. Sinenyasan kong bumaba na siya. Kaagad naman itong tumalima.
“Ang pogi pa rin ni Keisuke,” sabi ko habang nakatingin sa picture.
Nagtaas ng kilay si Ryu. Mabilis niyang pinasadahan ng tingin ang hawak kong diyaryo at nagsabi ng, “Mas guwapo naman ako riyan.”
Nakiusyuso na rin si Aiko sa hawak-hawak ko. Nagtatanong-tanong ito kung sino ang magandang babae at guwapong lalaki sa picture.
“Mga schoolmates dati nila Mama at Papa,” sagot ko naman sa bata.
Parang kailan lang. Ilang taon na rin pala ang lumipas. It’s good to know na sa dami ng mga pangyayari sa buhay naming apat, we both ended up with the right guy for us. Wala na akong makapang hinanakit kay Minami kaya masaya ako na ikakasal na rin pala sila ni Keisuke. Pagkatapos ng ilang taon nilang on and off relationship, sila pa rin pala ang magkakatuluyan sa bandang huli.
Kagaya ng inaasahan, naging tanyag na modelo sa buong Japan si Minami at naging star swimmer naman si Keisuke. Katunayan, nag-uwi ito ng ilang medalya nang sumali sa Olympics kung kaya itinuturing siyang parang bayani ng mga Hapon. Sa palagay ko, mate-telecast sa buong Japan ang pag-iisang dibdib nilang dalawa.
“Ang ganda niya talaga, Mama, ‘no?” komento naman ni Aiko habang pinagmamasdan ang larawan ni Minami. Hinipo-hipo pa niya ito.
“Sino’ng mas maganda, ang Mama o siya?” biro ko sa bata.
Pabiro nitong itinuro ang picture. Nang kunwari’y sumimangot ako at iiyak na, tumawa ito at itinuro ang mukha ko. Pinupog pa ako ng halik.
“Joke lang po,” sabi pa niya.
Napangiti sa kanya si Ryu. Ginulu-gulo nito ang buhok ng anak at dinampot pa para paupuin sa kandungan. Hinagkan-hagkan niya ang ulo ni Aiko saka binulungan.
“Talagang mas maganda nang di-hamak diyan ang Mama mo. Dati, alam mo bang hinabol-habol si Papa ng babaeng iyan? Pero si Mama ang pinili ni Papa kasi mas maganda nga si Mama inside and out.”
Pumalakpak naman ang tainga ko sa narinig. Humilig pa ako sa balikat ni Ryu sabay hawak sa maliit na kamay ng beybi namin. Nag-uumapaw sa kaligayahan ang puso ko.