image
image
image

CHAPTER 8

image

Alas-siyete ng gabi ang simula ng celebration party para sa foundation anniversary ng University of Sta. Cruz. Expected na ni Hades na makitang bukas ang lahat ng ilaw sa buildings at mga poste sa school roads sa loob ng campus. Maging ang presence ng maraming makukulay na bombilya sa mga puno at buildings ay normal sa celebration.

Ngunit pagpasok nila ni Alym sa gate ng university ay hindi lamang ang maliliwanag na electric lights ang sumalubong sa kanya.

Libo-libong bulaklak ang makikita sa bawat sulok ng school campus! Bawat puno at halaman ay namumulaklak! Ang bango ng mga ito ay humahalimuyak sa paligid.

Napabaling siya kay Alym. Malinaw na ginamit nito ang kapangyarihan para mapagbulaklak ang lahat ng halaman at puno kahit na ang ilan sa mga ito ay hindi naman talaga namumulaklak at hindi flowering season ngayon.

"Hindi ba't sinabi ko na ako ang bahala sa decorations? And the best decorations para sa ganitong party ay ang natural beauty ng mga bulaklak. Na-inspire kasi ako sa cherry blossoms festival sa Japan. Every time na namumulaklak ang cherry trees doon ay nagkakaroon sila ng picnic at party."

"Paano mo ipapaliwanag ang mga ito? The only way para mangyari ang ganito ay dahil sa magic!" mahina niyang sabi. "Balak mo bang i-reveal na sa mga tao ang presence ng mga Niesmire?"

"Kapag nangyari iyon, hindi na kami matatahimik. Everyone would be searching for us. Asking us wishes. The leprechauns would definitely be the first ones to get harassed by gold-seeking people. The Niesmires should always remain a mystery and part of people's imagination. At meron kaming special group na umaasikaso para manatiling lihim ang aming presence sa mundong ito."

"Ang ganito kalaking celebration ng university ay nakaka-attract ng atensyon ng media. Tiyak na kukunan ng picture at video ang mga nangyayari rito. Hell, not only media, everyone here na merong cell phone ay tiyak nang kinukunan ang mga bulaklak na ito at i-a-upload sa internet! Hindi mo mapipigilan-"

"At wala akong balak since meron akong nakahandang paliwanag sa mga bulaklak na ito." Itinaas nito ang isang kamay at kinawayan ang isang grupo ng mga estudyante.

Isang lalaki na agad niyang nakilala bilang si Jude ang nakangiting lumapit sa kanila. May hawak itong mga flyer. Madali niyang nakita ang nakasulat sa mga flyer. The Flowers of The University of Sta. Cruz ang title noon.

"Alym, Hades! You two are really the perfect couple!" papuri nito.

"Paki-explain nga sa lalaking ito ang dahilan ng pamumulaklak ng lahat ng mga halaman at puno sa campus. He thinks it's magic!"

Natawa si Jude.

"It's not magic, Hades. It's science."

"Science?" Napasulyap siya kay Alym.

"Courtesy of the College of Agriculture," dagdag ni Jude.

"Sila ang responsable rito?"

"In a way. Pero idea ito ni Alym."

"Nakuha ko ang idea sa mga ginagawa ng flower and tree growers," singit ni Alym. "They would spray phosphorous fertilizers to plants and trees para ma-induce ang pamumulaklak nila. Do you know na ang pamumulaklak ng mga puno ng mangga ay dahil sa phosphorous fertilizer?"

"The geniuses in the College of Agriculture only made these sprays more potent," dagdag ni Jude. "Dahil sa ginawa nila, mas naging mabilis ang epekto. Usually inaabot ng ilang araw bago mapabulaklak ang mga halaman. But with this new formula, isang araw lamang ang kailangan. Kahapon lamang namin ibinigay sa gardeners ng school ang fertilizers na isasama nila sa mga tubig na gamit nilang pandilig sa mga halaman at puno rito sa university, but look at them now! Blooming na silang lahat!" masayang sabi ni Jude sabay lahad ng mga kamay nito.

Malakas ang kutob ni Hades na hindi na muling magtatagumpay ang College of Agriculture na ulitin ang paggawa sa fertilizer na nagpabulaklak sa lahat ng plants and trees sa campus. Naging effective lamang ang fertilizer dahil sa magic ni Alym.

"Experimental pa lamang ang fertilizers na ito at hindi pa nakakakuha ng patent ang College of Agriculture. Pero sa nakikita ko, wala silang dapat na ipag-alala. Marami tiyak sa kanila ang yayaman kapag naging commercialized na ang fertilizer na naimbento nila." Inabutan ni Jude ng isang flyer si Hades. "The rest of the scientific jargon and explanation ay nakasulat diyan. Hindi ko lamang igagarantiya na maiitindihan mo ang sinasabi nila dahil nahihirapan din akong intindihin," natatawa nitong sabi.

"Kumusta pala ang mga pagkain?" usisa niya para mabago ang usapan.

"Dumating sila on time! And every college offers a different kind of food. Kaya kapag interesado kayo sa junk foods, punta kayo sa College of Engineering. Vegetarian food is in the College of Medicine." Nagsimula na itong maglakad pabalik sa gate para salubungin ang mga estudyante at mga guest na dumarating. "I have to go now, guys, marami pa akong kailangang asikasuhin."

"So, tell me about this fertilizer?" mahinang usisa ni Hades sa asawa nang makalayo na sa kanila si Jude.

"Totoo ang lahat ng sinabi niya."

"Wala kang ginawa?"

"Of course, meron. Pinakialaman ko 'yung chemical formula and mixed in some magic kaya naging very effective iyon."

"At ang mga libreng pagkain na ito? How did you manage to get-"

"Money! I used money para bayaran ang 100 caterers."

"One hundred... May kinalaman ba ang Finder Unit sa mga pagkain?" Ang Finder Unit ng Niesmires ay eksaktong one hundred ang members.

"Sila ang nakatulong ko sa paghahanap ng mga mura at masarap na maglutong caterers. Kilala mo naman sila, they can find anything! Pero siyempre ang members ng student councils ang tumawag sa caterers at gumawa ng arrangement."

Iginala ni Hades ang mga mata sa paligid. Hindi nakaila sa kanya na well organized ang nagaganap na kasiyahan. Hindi lamang volunteer students ang nasa security detail, meron ding mga pulis.

"How come, lahat ng miyembro ng student council at maging mga head ng bawat colleges ay abala, pero ikaw ay walang ginagawa?"

"I masterminded all of this! And as a leader, I simply delegated the work and the duties to people who are most capable for the job."

"Bilang president ng student council, dapat ay pinamamahalaan mo sila."

"Why should I? Ibinigay ko na ang management sa event na ito sa isang professional group. Sila ang nagha-handle rito. Sanay na sanay sila sa pamamahala ng malalaking parties and celebrations. And since I have the money to pay them, I don't have to work tonight."

Matagal nang batid ni Hades na mayaman ang mga Niesmire. Kung gagawin sigurong pera ang lahat ng precious metals and stones na pagmamay-ari ng Niesmires, lalabas na si Alym ang pinakamayamang babae sa buong mundo.

Isang malakas na announcement sa bagong install na sound system sa campus ang nagbigay ng kasiyahan sa lahat.

"Fellow students and guests, the ballroom is now open! Anyone who wants to dance can go to the former football field. It has now been transformed as a proper ballroom!"

Marami ang nagsigawan at nagpalakpakan. Napansin ni Hades na mistulang malaking alon ang naging pagkilos ng mga tao patungo sa isang direksyon. Lahat ay nadadala.

"Marunong ka bang sumayaw, Hades?" usisa ni Alym.

"Unfortunately, no," pag-amin niya. Hindi nakasama sa mga natutunan niya sa kanyang mga guardian at maging sa naging apprenticeship niya sa Midnight Corp. at Lightside Inc. ang pagsayaw. Wala kasi siyang sapat na panahon kahit na mayroong isang department ang Midnight na nag-specialize sa art of dancing at may angelic choir ang Lightside.

"But you like music?"

Tumango siya.

"Then wala tayong magiging problema. Just follow my lead."

"Magsasayaw tayo?"

"Of course! May special number ako. And you are going to be my partner. Ang music natin ay mash-up ng mga well-known ballroom dance."

"Alym! Hindi ako marunong sumayaw!" pagpapaintindi niya rito.

Inilapit nito ang bibig sa tenga niya.

"Believe in magic, my husband."

Napatingin siya sa boots na suot niya. Ngayon niya naalaala na hindi iyon kasama sa binili ni Alym sa department store. Kasama iyon sa mga dinala ni Sabu sa bahay noong isang araw.

"With those boots, kahit ano ay makakaya mong sayawin."

Huminga siya nang malalim. Mukhang wala na talaga siyang kawala pa rito.

"Kailan tayo magsasayaw?"

"Sabi ko sa namamahala sa ballroom dance, we will perform after thirty minutes na magsimula ang ballroom dancing."