![]() | ![]() |
Maraming lahi ang bumubuo sa mga Niesmire at mula sa mga ito ang labingtatlong miyembro ng Elders na namumuno sa kanila. Sa lahat ng Elders, pinakamalapit si Nephalym kay Elder Savin. Ang matandang Tarosian kasi ang nagpalaki sa babae matapos mamatay ang ina nito at dating reyna ng mga Niesmire.
Nang masugatan si Hades noon sa pakikipaglaban niya kay Prince Clodius, dinala siya ni Alym sa mga Tarosian. Ngayon ay naririto silang muli sa village ng mga Tarosian na matatagpuan sa crater ng isang dead volcano sa gitna ng mga kabundukang makikita sa bansang Russia.
Tahimik na nakaupo si Elder Savin sa armchair na gawa sa yelo habang humihithit ito ng tabako nito. Pinapakinggan nito ang kuwento ni Alym tungkol sa naganap kagabi na paghaharap nila ni Apollo Horizon. Matagal nang curious si Hades kung ano ang inilalagay ng Tarosian sa tabako nito. Iba kasi ang amoy ng usok na nagmumula sa tabako, hindi katulad ng normal na tobacco. May pagka-minty ang usok mula sa tabako ng Tarosian.
"So, he has awakened," ang naging komento ng Elder nang matapos ang kuwento ni Alym. Tumutok kay Hades ang malalaking bilugang mata nito. Animo hinihintay nito ang opinyon niya sa sitwasyon.
"Hindi ako papayag na makuha niya si Alym sa akin."
"Dapat lamang. Hindi ka namin pinili para sa Nephalym para lamang bumagsak siya sa kamay ng sun god na iyon."
"Hindi sapat ang lakas ni Hades para talunin si Apollo," ani Alym. "Baka mapahamak siya, Elder Savin, kapag natuloy ang laban nila."
Bagama't isang parte ni Hades ang natutuwa dahil sa pag-aalala sa kanya ng asawa, nasasaktan din ang pride niya dahil sa kawalang tiwala nito sa kanyang kakayahan.
"Your wife is right, Hades," ani Elder Savin. Napuno ng pag-aalala at takot ang mukha nito.
Kung minsan pakiramdam ni Hades ay nababasa ng Tarosian ang kanyang iniisip.
"Sino ba talaga itong Apollo na ito at tila kinatatakutan ninyo siya? Hindi dahil ipinagsisigawan niya na isa siyang diyos ay diyos na nga siya."
"He is not a god," ani Elder Savin. Nagbuga ito ng usok.
Napakurap si Hades. Ang usok mula sa bibig ng Elder ay nagsimulang maging kahugis ni Apollo!
"Ngunit kung makikita siya ng mga tao, ituturing siya ng mga itong diyos at sasambahin dahil sa kanyang kapangyarihan."
"Kung hindi siya diyos, ano talaga siya? Isang Niesmire?"
"The Niesmires are the children of nature. We come from the earth itself. Si Apollo, nagmula siya sa kalangitan. He is a child of the air. At least iyon ang sinasabi sa mga lumang kuwento tungkol sa kanya," paliwanag ni Elder Savin. "Ayon sa mga kuwento, siya ang consort and husband ng unang reyna ng mga Niesmire na si Rune. Rune was the child of earth and Apollo, then called Ra was the son of the sky. Nilikha sila para sa isa't-isa. Fated to be together as husband and wife."
"Sinasabi ba ninyong ancestor ni Alym si Apollo? Like some great, great, great grandfather? Then ang pagnanasa niya kay Alym is incestuous!"
"Hades, incestuous relationships are part of the lives of powerful beings. Sa Greek Mythology ay magkapatid sina Zeus at Hera at naging mag-asawa sila. At hindi miminsan na naging lover ni Zeus ang isa sa mga naging apo ng mga babaeng minsan ay nakarelasyon niya."
"So, this Apollo is like this Zeus na walang pakialam kung kamag-anak man niya o hindi ang isang babae?"
"Sigurado ka bang half-demon ka talaga, Hades? You are such a prude!" panunukso ni Alym.
"Pwede ko na bang ituloy ang kuwento ko o mag-aaway pa kayong mag-asawa?" singit ni Elder Savin.
"You can continue, Elder Savin," ani Hades. "Kailangan kong malaman kung sino talaga ang lalaking ito. Best way to defeat an enemy is to know him." Iyon ang madalas sabihin sa kanya ni Azael. Naalaala niya bigla na isa sa mga araw na ito ay maaaring ipatawag din siya para sa investigation committee tungkol sa nangyayaring serial killings.
Napabuntunghininga siya. Simple lamang ang pangarap niya, ang magkaroon ng peaceful life. Pero mukhang maya't maya ay may mga pagsubok at problemang dumarating sa kanyang buhay kahit na wala siyang ginagawa.
"Matapos isilang ni Rune ang anak niyang si Solaria, namatay siya," pagtutuloy ni Elder Savin sa kanyang kuwento.
Napasulyap si Hades kay Alym. Ganoon din ang kapalarang naghihintay sa asawa. Oras na manganak ito, mamamatay rin ito. Ibibigay nito ang lahat ng mga alaalang taglay nito kasama na rin ang mga namana nitong alaala sa mga ninuno sa magiging anak para ito ang magpatuloy sa tungkulin nito bilang protector ng Niesmire clan. Bagama't natural sa mga Niesmire ang ganoon, hanggang ngayon ay hindi pa rin niya matanggap na oras na magkaroon ng anak si Alym ay mamamatay na ito.
"Dahil ang buhay ni Rune at tungkulin ay nasalin kay Solaria," kuwento ni Elder Savin, "gusto ni Ra na maging asawa rin si Solaria sa kabila ng pagiging anak niya ito in spirit. Nagmula ang katawan ni Solaria kay Rune, ngunit ang espiritong nagbigay-buhay sa kanya ay bahagi ng espiritu ni Ra."
Nakadama ng kalungkutan si Hades sa bahaging ito ng kuwento. As a half-demon and a half-angel, wala siyang kaluluwa o espiritu. He could never father Alym's child. On a positive note, dahil sa sitwasyon niya, masisigurado niyang hindi mamamatay ang babae habang mag-asawa sila. Hindi siya sigurado kung batid ni Alym ang katotohanang ito. Ayaw niyang tanungin ang asawa dahil baka ma-disappoint ito kapag natuklasan ang totoo. Ngunit nasisigurado niyang hindi siya basta na lamang hihiwalayan ng babae dahil nagagawa niyang immune si Alym sa pollution na gawa ng mga tao.
Naputol ang pag-iisip niya nang magpatuloy si Elder Savin sa kanyang kuwento.
"Pero dahil namana ni Solaria ang memories ng ina niyang si Rune, batid niya ang tunay na pagkatao ni Apollo. Kasama sa mga alaalang iyon ang isang huling habilin ni Rune sa anak. Iyon ay ang huwag papayagan ang sarili na makasal kay Ra. Mahigpit ang bilin ni Rune na humanap si Solaria ng paraan para mabago ang nakatakda nilang kapalaran."
"Kapalaran?" singit ni Hades. "Iyon ba ang sinasabi ni Apollo na siya ang nakatakdang maging asawa at makasama habangbuhay ni Alym?"
Napatango-tango si Elder Savin. Bumuga ito ng usok. Nagsimulang maging hugis babae ang usok. Dumami ang hugis ng mga babae at nagmistulang mga nakapila.
"It's an ancient belief, that the earth belongs to the sky and vice versa. Sila ang magkatapat at magkakasama hanggang wakas. Tulad din ng liwanag at dilim. One cannot exist without the other. So the earth and the sky are destined for each other."
"Hindi ako papayag na makuha ni Apollo si Alym," mariin niyang ulit. Napangiti si Alym. Ginagap nito ang isa niyang kamay.
Ipinagpatuloy ni Elder Savin ang pagsasalaysay.
"Sa mga panahong iyon, meron ng mga tao sa mundo. The angels and the demons have not yet appeared kaya't usong-uso noon ang mga diyos-diyosan. Solaria was worshipped as a goddess and Ra was worshipped as a god. Hindi interesado si Solaria na maging diyosa, pero gusto iyon ni Ra kaya't pinalawak niya ang pagsamba sa kanya sa lahat ng lahi ng tao. Ngunit sa kabila ng kapangyarihan ni Ra, nagawa siyang lansihin at takasan ni Solaria."
"Paano nalansi ni Solaria si Ra? Siya ba ang responsable kaya nakatulog ng ilang libong taon si Ra?" pagbabalik ni Hades sa topic dahil mukhang napupunta ang kuwento ng Elder sa ibang subplot.
Tumango si Elder Savin.
"Solaria sang him to sleep. At para masiguradong hindi siya agad makakatakas oras na magising siya, sinabihan niya ang mga ancient human na gumawa ng pyramid sa ibabaw ng kinalilibingan ng sarcophagus ni Ra. Napapanatili nilang natutulog si Ra dahil ang sumunod na descendant ni Solaria ay inuulit ang awiting ito upang manatili siyang natutulog."
"Then, kailangan lamang na kantahin muli ni Alym ito para makatulog si Ra!" bulalas niya.
"Naging effective lamang ang awiting iyon noong mga panahong wala pa ang Lightside at Midnight."
"Anong ibig ninyong sabihin?"
"Dahil sa paglalaban at competition ng Lightside at Midnight, tinulungan nila ang mga tao na umunlad nang husto ang kanilang civilization. Cars, trains, airplanes, radio, TV, mp3's, cell phones, computers and other inventions and devices of man make noises! Matalas ang pandinig ni Ra. Sa sobrang ingay ng mundo ngayon, hindi na siya mapapatulog pa, unless of course, paiinumin natin siya ng daan-daang sleeping pills. Pero questionable pa rin kung magiging epektibo iyon sa kanya."
"Kung matagal na ninyong alam ang posibilidad ng paggising niya, bakit hindi kayo umisip o gumawa ng paraan para mapigilan siya?"
"We did." Tumutok sa kanya ang mga mata ng Tarosian. "Pumili kami ng isang nilalang na maaaring makakita ng solusyon sa problema at gapiin siya."
"Wait, sinasabi ba ninyong ako ang nilalang na ito? Kanina lamang ay sinabi ninyong kulang ang lakas ko para talunin si Apollo."
"Kulang ang lakas mo para talunin si Apollo ngayon. Ngunit tulad ng dalawang korporasyon naniniwala kaming lalakas ka pagdating ng araw, Hades. At gamit ang lakas na iyon ay magagapi at mapapatay mo si Ra," ani Elder Savin.
"Gising na si Apollo at hindi ko pa nakukuha ang lakas na sinasabi ng lahat," buntunghininga niya. "At habang gising siya, hindi siya titigil hangga't 'di niya ako napapatay at nakukuha sa akin si Alym.
"Hades," singit ni Alym, "dinala kita rito sa bahay ni Elder Savin para maintindihan mo na imposible mong matalo si Apollo sa taglay mong kapangyarihan ngayon. We need to postpone your duel so that you could train and become stronger or we could find another way of defeating him."
"Maraming beses na rin akong pinagsabihan ng lahat na hindi ko maaaring gawin ang isang bagay. That I will never succeed. I have proven all of them wrong. Kung sinuman o anuman ang nakalaban noon ni Apollo na 'di siya napatay, mahinang klase ang mga iyon. I am not like them at ito ang unang beses na makakaharap niya ang isang tulad ko. Because I am sure that he had never faced anyone like me before."
"At paano mo siya tatalunin o papatayin gayong walang tumatalab na sandata sa kanya?" bulalas ni Alym. "Walang sinumang nakakaalam kung paano siya tatalunin o papatayin. But everyone knows how to kill you!"
"Sinasabi mo bang umurong ako sa labang ito?"
"Dinala kita rito para marinig mo mismo kay Elder Savin ang tunay na lakas at pagkatao ni Apollo Horizon. Gusto kong ma-realize mo, Hades, at tanggapin na imposibleng matalo mo siya. Na mamamatay ka kung lalabanan mo siya!"
"Hindi ako tatakbo o magtatago sa kanya!" Tuluyan nang nangibabaw ang pride ni Hades.
"He can't kill you kung hindi ka niya makikita! At kung hindi ka niya mapapatay, hindi ako magiging kanya."
"Balak mo ba akong patulugin at ilibing?" sarkastiko niyang sabi.
"I want you safe and alive!"
"Magkakasakit kang muli kung magkakahiwalay tayo! Ang polusyong gawa ng tao ay posibleng pumatay sa iyo kung mawawala ako sa tabi mo!" paalaala niya rito.
"Sino'ng maysabi sa iyo na pababayaan kitang magtago at matulog nang mag-isa. I am going to come with you."
Saglit na napangiti si Hades sa sinabi ng asawa. Pero dahil sa mabigat na sitwasyon nila ngayon, mabilis ding napawi ang ngiti niya.
"Then we will just postpone the inevitable. Kahit na ilang daang taon tayong matulog at magtago sa kanya, darating ang panahon na matatagpuan din niya tayo."
"There is a big possibility na bago niya tayo matagpuan ay maging mas malakas ka na sa kanya o nakuha na niya ang atensyon ng Lightside at Midnight. Sa klase ng ugali niya at paggigiit na isa siyang diyos, Lightside and Midnight would definitely get rid of him! Kung hindi man siya mapatay, tiyak na makakagawa ng paraan ang dalawang kumpanya para mapigilan siya. Posibleng ikulong nila si Apollo. Hindi mo kailangang lumaban sa pagkakataong ito. Pabayaan nating Lightside at Midnight ang gumawa ng solusyon sa problemang dala ni Apollo.
Napatitig si Hades sa asawa. As always, may punto ito. Isang idea ang kumislap sa isipan niya.
"Maybe, hindi na natin kailangang magtago pa, Alym, at hintayin na ituring siyang panganib ng Lightside at Midnight."
"Anong iniisip mo, Hades?"
"Ang committee investigation."
Napakurap si Alym.
"If we can convince that committee na si Apollo Horizon ang responsable sa serial killings na nangyayari sa mundo-"
Napangiti si Alym.
"Then we better start preparing kung paano natin mapapalabas na siya nga ang nasa likuran ng mga krimeng iyon! Dapat ay kapani-paniwala ang frame-up na gagawin natin sa kanya!"