image
image
image

CHAPTER 39

image

London, United Kingdom

May kakayahang makita ng mga mata ng isang angel ang kulay ng mga kaluluwa ng bawat tao. At batid ni Hades na hindi mapo-possess ng isang demon ang isang white soul. Tanging mga taong may dark o may dark shade ang kaluluwa ang kaya nitong i-possess.

Pinagmasdan niya ang labinglimang tao sa café. Napakunot ang noo niya. Everyone had a grey soul! Imposible iyon. Bihira ang ganoong klase ng mga tao.

Malakas ang naging tawa ni Princess Nam.

"It's the coffee, Hades. May inilagay ako roong special potion that would temporarily color their souls grey. Hindi magiging exciting ang laro natin kung agad mong matutukoy ang klase ng pagkatao nila."

"Gusto mong basta na lamang ako pumili at ituro sila?"

"Of course not. Sabi ko sa iyo, you have ten minutes before you can choose. Sa loob ng ten minutes na iyon, maaari mong gawin ang lahat ng gusto mo. Talk to them. Tell them who you are or even their current situation. I really don't care. You could even make-up stories and lie to them. Oops!" Napabungisngis ito."Sa katauhan mo pala ngayon ay hindi mo kayang magsinungaling. Oh well, problema mo na iyon. Tandaan mo lamang na oras na matapos ang ten minutes, you need to choose kung sino sa kanila ang na-possess ng demon." Nagkaroon ng diin ang huling salita ng demoness. "If you don't, ako ang pipili ng papatayin ko."

Sinuri ni Hades ang mga taong nasa loob ng café. Iba-iba ang age ng mga taong nasa café. May teenagers, middle aged, in their twenties and thirties.

Naglakad si Hades palapit sa teenagers. Very emotional ang mga ito. Nasa age rin ang mga ito kung saan may tendency sila na mag-rebelde at baliwalain ang rules. Sa mga ganitong edad din napapasubo sa barkada o sa drugs ang mga ito. Parehong naka-T-shirt ang dalawang lalaking teenagers. Walang makita si Hades na needle marks sa braso ng mga ito. Pero mauutak na ngayon ang mga drug user, sa pagitan ng mga daliri sa paa na nagtuturok ang mga ito para tago at hindi agad makikita.

"Good morning, boys," bati niya sa mga ito. Sa isipan niya ay nagsimula ang pagbibilang pababa ng isang timer. "I got short of money. Could you lend me some change?" Totoong wala siyang pera. Si Alym ang may dala ng pera.

Ang isang taong may dark soul ay hindi siya papansinin o pauutangin. Kung uutusan ng demon na nasa loob ng isang tao ang huli para umarteng matulungin, agad na makikita ng mga mata ni Hades ang demonic aura nito. Automatic na lumalabas ang demonic aura ng isang Midnight employee sa tuwi siyang gagamit ng kapangyarihan. At kailangang gumamit ng demon ng kapangyarihan kapag pakikilusin nito ang isang possessed na tao. Ngunit sabay na humugot sa bulsa ang dalawang teenagers at inabutan siya ng coins. Wala ring lumabas na demonic aura sa mga ito. Wala siyang nagawa kung hindi ngumiti at magpasalamat. At least, maaalis na niya ang mga teenager sa kanyang suspects.

"Thanks!"

Sumunod siyang nagtungo sa dulo ng counter. Naroroon ang middle-aged man na mag-isang nag-aalmusal. Iniiwasan nitong tingnan ang sinuman na nasa loob ng café. Malinaw na ayaw nitong makipag-usap sa ibang tao. Gusto rin nitong magkaroon ng private space.

"What the bloody hell do you want!?" asik agad nito nang batiin niya ito.

Masungit ang lalaki. Ngunit hindi iyon senyales na possessed ito ng demon.

"I'm sorry, sir. It's just that you look like my Uncle Jacob." Hindi iyon kasinungalingan, dahil may employee sa Lightside na nagngangalang Jacob at masasabing kamag-anak niya ito through his mother Esther. At kapareho ng hairdo ng lalaki si Jacob. "And he is now in heaven..." Totoo rin iyon since pinapaniwalaan ng maraming tao na ang mga anghel ay nasa langit.

Nakita ni Hades ang pagkawala ng iritasyon ng lalaki. Noon niya napansin ang labis na kalungkutan sa mga mata nito. Malinaw na ang pagiging masungit nito at paglayo sa mga tao ay likha ng pagdurusa sa pagkawala ng isang mahal sa buhay

"I think I understand what you are going through." Itinuro ng lalaki ang silya sa tabi nito. "If you want to talk, you can sit here."

Napilitan si Hades na maupo para hindi ito mapahiya. Wala siyang maaaksayang minuto para makipagkuwentuhan. Malinaw rin na hindi niya malalapitan o makakausap ang lahat ng tao sa café bago matapos ang ten minutes.

Mukhang mali rin ang tactic na ito. Kahit na kausapin pa niya nang matagal ang isang tao, hindi mare-reveal ang demon na pumo-possess dito. Mananatiling tahimik at nagtatago lamang ang demon at papayagang mangibabaw ang tunay na personalidad ng isang tao. Dapat ay gumawa siya ng isang nakakagulat na bagay para ma-reveal ang demon-possessed sa labinglimang taong naririto.

Nag-isip siya nang husto. Ano ba ang ipinagkaiba ng mga demon sa tao? What do demons want? What do they fear most?

"If you'll excuse me for a moment, sir," aniya nang sumulpot sa isipan niya ang isang idea.

Tumakbo siya sa gitna ng café. Nakuha niya ang atensyon ng mga naroroon nang humila siya ng lamesa at tumayo sa ibabaw nito. Lahat ay napatingin sa kanya, maging ang mga staff ng café ay napatigil sa kanilang ginagawa.

"Good morning, ladies and gentlemen. I am here to kill a demon." Itinaas niya ang kanyang kanang kamay. Nagulat ang lahat nang magliwanag iyon. Ilan sa mga babae ang napabulalas nang lumitaw sa kamay niya ang crossbow ng ina niyang si Archangel Esther. Noong isa pa siyang half-demon at half-angel, tanging illusion crossbow lamang ang nagagawa niya. Ngunit dahil isa na siya ngayong pure angel, kaya niyang tawagin ang tunay na crossbow ng ina.

"Thirteen seconds, Hades!" paalaala ni Princess Nam na kampanteng nakangiti sa isang tabi.

"I'm sorry everyone," aniya bago siya lumikha ng labinglimang light arrows! Sabay-sabay niyang pinakawalan ang mga iyon sa mga taong nasa loob ng café!

Walang magiging epekto ang light arrows sa mga tao, ngunit kung ito ay possessed ng demon, tiyak na magre-react ito.

Isang babae na nakasuot ng business suit ang tumayo at inihagis ang katawan sa glass wall ng café at nagtatakbo palayo. Hinabol ito ng light arrow.

Itinuro niya ito.

"That is your accomplice, Princess Nam!" malakas niyang sabi.

Ang mga light arrow na tumusok sa katawan ng ilang mga tao ay naglaho.

"What's going on here?" reklamo ng isa sa mga lalaking naroroon.

Pumalakpak si Princess Nam.

"You won this game, Hades."

"Thank you everyone for participating in my magic trick," malakas niyang pahayag sa lahat bago siya nag-bow at bumaba sa lamesa. Nilapitan niya si Princess Nam.

"So, it was just an illusion?" komento nito.

"The crossbow is real. The arrows are not. At dahil nasisigurado kong isang low-ranked demon ang ginamit mo, tiyak na hindi niya kayang i-distinguish kung totoo o hindi ang arrow na ginamit ko." Tiningnan niya nang masama ang demoness. "I won this game. Nasaan si Alym?"

"She's in Liang Feng. Isa iyong town sa China. Iyon din ang itinuturing na pinaka-polluted place sa buong mundo ng tao."

Napatanga siya. Pollution would kill Alym!

"Sa tantiya ko, after five minutes of exposure from that pollution, mamamatay siya. So, you should hurry. Baka hindi mo na siya abutang buhay since ten minutes na ang nakakalipas."

Kinontrol ni Hades ang galit na bumalot sa kanyang katauhan. Hindi ito ang oras para komprontahin si Princess Nam. Kailangan niyang iligtas si Alym!

Sumibad siya ng takbo palabas ng café! Without his wings, hindi siya makakalipad papunta sa Liang Feng. Ngunit kung isang town ito, tiyak na merong mga building. At kapag may building may staircases!

Pumasok siya sa pinakamalapit na building. Dumiretso sa hagdanan. Ini-activate niya ang transport system ng Lightside Inc. Nabalik siya sa Lightside Inc. Headquarters. Kung batid lamang niya ang eksaktong kinaroroonan ng Liang Feng, madali niyang masasabi sa teleportation system kung saan siya dadalhin. But he had never heard of the place! Madalian niyang hinanap ang coordinates ng Liang Feng sa computer network systems ng Lightside. Oras na makita niya iyon ay magiging madali na para sa kanya na puntahan si Alym.

Animo naging napakatagal ng paglitaw ng lokasyon ng Liang Feng. Lalong nadoble ang pag-aalala ni Hades sa kaligtasan ng asawa.