![]() | ![]() |
Matagal nang natanggap ng Lightside Ambassador na si Samuel na ang kanyang assistant na Seraph na si Elios ay matindi ang fascination sa latest gadgets ng mga tao. Sa tuwing may lalabas na latest version ang mga gadget nito ay lagi itong nauuna na magkaroon noon bago pa man lumabas ang mga ito sa tindahan. Sa ngayon ay todo ang fascination nito sa latest Samsung Galaxy phone na nabili nito. Ang dati nitong paboritong iPhone ay nakalimutan na nito.
Ayon kay Elios, malinaw at mas mabilis daw ang latest phone nito. Wala raw anumang buffering na nangyayari at mapapanood sa malaki nitong monitor nang walang delay ang anumang current events na nagaganap sa mundo ng mga tao, anghel at demon. Mula nang kumalat sa lahat ng Lightside at Midnight employees ang nangyayaring paglalaban sa pagitan nina Apollo Horizon at Hades ay tumutok na nang husto ang atensyon ng Seraph sa smartphone nito. Nagmumula ang signal sa Information Network of Lightside na mas kilala sa tawag na INL. Ang department na iyon ang nagsisilbing 24/7 news channel ng Lightside. Mula sa mga nangyayari sa mundo ng tao, hanggang sa Lightside at Midnight ay ibinabalita roon. Ang tanging exception ay ang mundo ng Athenaeum. Hindi kasi makakuha ng anumang signal o reception ang INL mula sa mundong iyon. But then, wala nama'ng interesado sa nangyayari sa Athenaeum. Ang mundo ng mga grey soul ay masyadong boring.
Hindi katulad ng mundo ng tao kung saan nangyayari ang lahat ng mga excitement. Tulad na lamang ngayon. May ongoing coverage ang INL sa latest escapade ni Hades at ni Nephalym mula nang sumulpot sa buhay ng mga ito si Apollo Horizon.
Tutok na tutok si Elios sa labanan nina Hades at Apollo Horizon ngayon. Hula ni Samuel, lahat din ng ibang empleyado ng Lightside ay ganoon din ang ginagawa. Since kino-cover ng INL ang laban, one hundred percent na kino-cover din ng Midnight Information Network (MIB) ang mga pangyayari. Imposibleng magpalamang ang MIB. Todo rin tiyak ang nangyayaring pustahan sa Midnight sa kung sino ang mananalo sa ikatlong beses na paglalabang ito nina Hades at Apollo Horizon. Kung hindi lamang bawal ang gambling sa Lightside, nasisigurado ni Samuel na pupusta si Elios kay Hades.
Bagama't pilit na inililihim ng assistant niya ang paghanga nito sa fighting skills ni Hades, madali pa rin niyang nahalata iyon. Animo naging secret admirer ang Seraph ni Hades mula nang makaligtas ito sa death hunt ng Midnight last year. Sa klase ng ipinakitang katatagan, kakayahan at lakas ni Hades noon ay normal lamang na marami ang humanga rito.
Ngunit sa personal na opinyon ni Samuel, mali na magkaroon ng hero-worship ang isang anghel sa isang half-demon! Ngunit dahil hindi naman nakakaapekto sa trabaho at paniniwala ni Elios ang paghanga na iyon, ipinasya niyang pabayaan na lamang ang Seraph.
Inakala rin ni Samuel na lilipas din ang popularidad ni Hades. That he would soon fade away from the public eye dahil nagpasya itong mag-settle down at manahimik sa mundo ng mga tao sa piling ng asawa nito. Pero mukhang lapitin ng gulo at problema ang lalaki. Annually ata ay magkakaroon ito ng matitinding fighting scenes.
"Oh my Lord!" bulalas ni Elios habang titig na titig ito sa monitor ng smartphone nito. "Lady Iris is with Hades!"
Hindi na nagtaka si Samuel. Iris had always been biased when it came to Hades. Isinakripisyo ni Azael ang buhay nito sa pakikipaglaban sa tabi ni Hades at mukhang nakahanda ring gawin ni Iris iyon. Kung mabubuhay si Iris sa labanang ito, kakailanganin nitong humarap sa Board of Directors. Ang pagtulong ni Iris kay Hades ay hindi mapapalagpas ng Lightside at tiyak na mabibigyan ang anghel ng kaparusahan.
"Anong klaseng nilalang ba talaga si Apollo Horizon?! Puno ng bulate ang kanyang katawan!" patuloy na komento ni Elios.
Gusto nang batuhin ni Samuel ng hawak niyang ballpen ang assistant. Pero magiging useless lamang iyon. Natutunan na kasi nitong iwasan ang mga pambabato niya.
"Get out of the office, Elios!" bulyaw niya rito.
Sa sobrang lakas ng sigaw niya ay bumuwal ang inuupuan nitong silya. Ngunit nanatiling hawak pa rin ng Seraph ang phone nito. Sumulyap ito sa kanya.
Itinuro niya ang pintuan.
"Kung tapos na ang lahat ng dapat mong gawin, don't remain here in the office and bother me with news and events na hindi ako interesado!" mariin niyang sabi.
Tumayo ito. Bahagyang yumukod sa kanya.
"Sorry, sir," anito bago ito nagmamadaling lumabas ng office.
Nakahinga nang maayos si Samuel. Ibinalik niya ang atensyon sa pagbabasa ng latest petition na dinala sa kanya ni Aramis noong huling meeting nila. May kinalaman ito sa territorial dispute. Ayon sa petition ng Midnight, inokupahan daw ng isang religious organization ang lupain nito sa Australia na pinamamahalaan ng isang duke mula sa Midnight. Gumamit ng dirty tactics ang duke para paalisin ang religious organization. Nagkataon naman na dumadaan noon sa lugar na iyon ang dalawang Lightside employees. Napilitang ipagtanggol ng dalawang Lightside employees ang grupo, at isang labanan ang nangyari. May counter petition din ang mga Lightside employee na involved sa gulo at naibigay na rin niya iyon kay Aramis. Sa pagbabasa niya ng Midnight petition, natuklasan niyang baligtad and version ng duke ng Midnight. Totally opposite sa claim ng mga Lightside employee.
Hindi maitatanggi ni Samuel na medyo bias siya sa Lightside employees ngunit bilang bahagi ng kanyang responsibilidad, kailangan niyang makakita ng butas para mabaliwala ang petition ng Midnight at maparusahan ang duke. Kakailanganin ang masusing pag-uusap bago sila magkaroon ni Aramis ng settlement. Hindi pupuwedeng mauwi ang insidente sa marami pang paglalaban. The dispute must be settled pero dapat ay mas nakakalamang ang Lightside.
Biglang bumukas ang pintuan ng office niya. Isinarado ni Elios ang pintuan nang makapasok ito at humahangos na lumapit sa kanya. Malakas ang kutob niyang sa ayaw man niya o gusto ay maririnig niya ang kuwento ng pagwawakas ng laban nina Hades at Apollo.
"Who won?" Inunahan na niya ang kuwento nito.
"Hades! But-"
Itinaas niya ang isang kamay para pigilan pa sa pagsasalita ang Seraph.
"Hindi ko na kailangang marinig pa ang detalye. Tapos na ang trabaho mo sa araw na ito, Elios, umuwi ka na at huwag mo na akong guluhin pa."
"Pero sir-"
"Sabi ko naman sa iyo-"
"But Hades-"
"Hindi ako interesado!" malakas niyang sabi.
Isang malakas na dagundong ang narinig nila. Sabay rin nilang naramdaman ang pag-uga ng building na kinaroroonan nila. Earthquake proof ang building, kaya't nasisigurado ni Samuel na hindi iyon lindol.
"Anong nangyayari?"
"It's Hades, sir! Dito siya sumugod matapos niyang matalo si Apollo! I believe, nasiraan siya ng bait dahil sa pakikipaglaban niya kay Apollo. It must be battle lust. Naghahanap pa rin siya ng away, and we seem to be the closest opponents na nakita niya!" Puno ng labis na pag-aalala ang boses ni Elios.
"Tinatangka ba niyang pumasok sa building natin?"
Tumango si Elios. Sumulyap ito sa smartphone nito. Umiiling na ito ngayon. Naguluhan siya.
"What's happening?"
"Nasira na niya ang barrier ng building. At sinisimulan na niyang sirain ang lahat ng pintuan sa kanyang harapan."
"Then start preparing a letter to Ambassador Aramis. Midnight will pay for all the destructions na ginagawa ngayon dito ni Hades."
"Sir, papunta rito si Hades! Mukhang kayo ang target niya dahil kayo ang anghel na may pinakamataas na katungkulan sa siyudad na ito!" hintakutang sigaw ni Elios. "Sir, kailangan nating umalis. Hindi ninyo makakayang labanan ang nagwawalang si Hades! At hindi niya pakikinggan ang inyong sasabihin sa takbo ng isipan niya ngayon!"
Eksaktong pagkatapos ng pagsasalita ni Elios ay lumipad ang pintuan ng office niya. Mabilis itong iniwasan ni Elios. Tumama sa dingding sa may likuran ni Samuel ang pintuan. Yari iyon sa matibay na materyal kaya't imbes na masira, bumaon ito sa dingding.
Sa doorframe ay nakita niyang nakatayo si Hades. Nanlilisik ang mga mata nito sa galit.
"Nasisiraan na siya ng bait!" Tarantang pinagpipindot ni Elios ang smartphone nito. "Kailangan nating kontakin ang mga Archangel para mapigilan siya!"
"Give us privacy, Elios. Bago ka umalis ay ibalik mo ang pintuan sa dati nitong kinalalagyan."
"Sir?" Naguluhan ito.
"Siguraduhin mo rin na walang gagambala sa pag-uusap namin ni Hades."
"Pag-uusap?" Hindi makapaniwala si Elios.
"Hindi ko ugaling makipaglaban. I talk and negotiate. Now then, iwanan mo na kami. This is a very private meeting."
Nagsimulang humakbang si Hades palapit kay Samuel. Nanatili siyang nakaupo sa kanyang silya.
"Now, Elios!" malakas niyang utos nang manatiling nakatayo pa rin ang assistant niya.
"Kokontakin ko pa ba ang mga Archangel?" Atubili ito. Palipat-lipat ang tingin mula sa kanya at kay Hades.
"I don't need them. Kaya kong i-handle ang sitwasyon," malakas niyang pahayag.
Napilitang sumunod ang Seraph. Hinugot nito sa dingding ang pintuan at ibinalik sa dating kinalalagyan nito.
"Lock the door before you leave," bilin niya rito bago niya pinagtuunan ng pansin si Hades na nakatayo na ngayon sa harapan ng kanyang mesa.
Nag-aapoy ang mga mata nito. Duguan at puno rin ito ng mga sugat. Marumi rin ito. Ang isang pakpak nito ay bali. Malinaw na iyon ang dahilan kaya kinailangan nitong dumaan sa front door at hindi na lamang dumiretso sa bintana niya.
Itinuro nito sa kanya ang isang daliri na may mahabang kuko.
"Alym is dying! At kung hindi mo siya tutulungan, Samuel, sisiguraduhin kong agad kang susunod sa kanya! I will also destroy-"
"Shut up, Hades," kalmado niyang pahayag. Binuksan niya ang upper drawer ng kanyang mesa. Isang crystal bottle ang kinuha niya roon at iniabot sa lalaki.
Nakita niya ang pagkagulat nito. Nawala rin ang apoy sa mga mata nito.
"Bago ka pa man nakipaglaban kay Apollo ay nahulaan ko nang pupunta ka rito. I am not stupid. Aware ako sa lahat ng mga nangyayari sa inyo ni Alym. I have no choice since kayong dalawa ang laman ng balita sa INL at lagi akong updated ng assistant ko."
"You knew!" bulalas nito. "Alam mong nasa panganib si Alym, that she's dying pero wala ka pa ring ginawa, hinayaan mo siyang-"
Pinutol niya ang pagsasalita nito.
"Hindi ako required na tulungan ang isang Niesmire, even if she claims to be my daughter!" mariin niyang pahayag. "Now then, kukunin mo ba o hindi ang spirit bottle na ito?"
"Is that part of your spirit?" paninigurado ni Hades.
"Yes. At bago mo ako pagdudahan, I don't lie."
Hinablot ni Hades ang spirit bottle.
"Pag napahamak dito si Alym-"
"Mapapahamak lamang siya kung nagsinungaling siya nang sabihin niyang anak ko siya. If she really is my daughter, then that spirit will revive her. Just be sure to pour that in the middle of her chest. Sa tapat ng puso niya, or at least sa lugar kung saan dapat naroroon ang kanyang puso."
Ikinumpas ni Samuel ang isa niyang kamay. Nabasag ang isa sa mga bintana ng office niya.
"Now, go away. Marami pa akong kailangang asikasuhin na trabaho." Itinuro niya ang sirang bintana. "And by the way, tell Aramis na may bago siyang petition na matatanggap mula sa akin." Gagamitin niyang bargaining point ang gulong ito na ginawa ni Hades para maayos ang problema sa duke na nasa Australia.
Ikinumpas niyang muli ang isa pa niyang kamay. Humagis palabas ng bintana si Hades. Narinig niya ang malakas na pagbagsak ng katawan nito sa pavement. Nasisigurado niyang may malaking butas na sa parking space ng office nila.
Saglit pa at nag-init ang tenga niya sa katakot-takot na murang nagmula sa bibig ng lalaki sa ibaba. Senyales iyon na buhay pa ang lalaki. Imposibleng mamatay si Hades sa ganitong paraan. Napahawak si Samuel sa ulo. Hinding-hindi niya tatanggapin ang walang modo at bastos na Hades na iyon bilang kanyang son-in-law oras na mapatunayan na anak nga niya si Nephalym!