“OH, GOD!” Napadilat si Hershey sa takot. Ramdam pa niya ang malakas na pagkabog ng dibdib niya. Mabuti na lang at naka-seat belt siya, kung hindi ay tumama sa windshield ang noo niya kung natuloy ang pagbalikwas niya.
Napanaginipan niya ang lola niya na kamamatay pa lang. Wala naman itong sinabing kahit ano pero mukhang malungkot ito. Ang ipinagtataka niya ay kung bakit sa kanya ito nagpakita.
Pero ayon sa mga kamag-anak niya, inaasahan na ng mga ito na sa kanya magpaparamdam ang lola niya dahil siya ang paboritong apo nito.
“Bakit?” tanong ni Race sa kanya. Ito ang nagma-maneho ng kotse nito na sinasakyan nila. Kagagaling lang nila sa bienvenida party ng kabarkada nilang si Luis na kararating lang galing London.
“Si Lola…”
“Di ba, patay na siya?”
“Napanaginipan ko siya, Race.”
“Ano’ng sabi niya?” tanong nito na parang buhay ang pinag-uusapan nila.
“Wala. Nakatingin lang siya sa akin at parang malungkot.” Nilingon niya sa backseat ang kapatid niyang si Skye na nakabaluktot at mahimbing na natutulog.
“Baka nami-miss ka lang niya kaya siya nagparamdam sa `yo.”
“Lola, nami-miss ko na rin kayo pero parang awa n'yo na, huwag na uli kayong magpakita sa akin.” Tumingala siya kahit bubong lang ng kotse ang nakikita niya.
Race chuckled. “Pagkatapos kang pamanahan ng kayamanan ng lola mo, sasabihan mo siya nang ganyan? Matutuwa nga siya sa `yo.” There was a hint of amusement in his voice.
“Hindi kasi ikaw ang pinagpaparamdaman kaya nakakapagsalita ka nang ganyan.”
“Hindi naman ako ang pinamanahan ng ekta-ektaryang lupain at saka alahas na may diyamante,” katwiran nito.
“Bakit ka pamamanahan, eh, hindi ka naman apo?” Umingos siya. Malaking isyu sa mga kamag-anak niya na malaking bahagi sa ari-arian ng lola niya ang namana niya gayong marami silang magpipinsan.
Sa kanya rin ibinigay ng lola niya ang paboritong alahas nito. It was a Tiffany emerald-cut diamond ring. Hindi raw iyon ang pinakamahal na alahas ng lola niya pero mahalaga raw iyon dahil iyon ang simbolo ng pagmamahal ng lolo niya sa lola niya.
Bago pa man mamatay ang lola niya ay ibinigay na nito ang singsing sa kanya. At ibinilin nito na huwag na huwag niyang huhubarin iyon.
Sinulyapan niya ang kanang kamay niya. Muntik na siyang himatayin nang makitang wala roon ang singsing niya.
Patay!
“Race!”
“A-ano?” Parang nahintakutang sinulyapan siya ni Race.
“Let’s go back! Lola will kill me!” Hinawakan niya ang braso nito. “Naiwan ko kanina sa CR `yong singsing bago tayo umalis.”
Nagkamot sa leeg si Race. “Bakit mo kasi hinubad?”
“Eh, sumakit ang tiyan ko—”
“Huwag mo nang ituloy, gets ko na.” Sinulyapan nito ang orasan sa dashboard. Ala-una y medya na nang madaling-araw. “Bukas na tayo bumalik. Malamang, tulog na sina Luis. Nakakahiya kung mang-aabala pa tayo.”
“Hindi puwede bukas. May meeting ako with a supplier tomorrow morning. `Tapos sa hapon, imi-meet ko rin `yong client ko na magde-debut. Gagawa pa ako ng cake samples—”
“I’ll do it, okay?” Nilingon uli siya nito. “Ako na ang babalik bukas. Mukhang pinariringgan mo naman ako, eh.”
“Hindi kaya,” pagkakaila niya kahit nagpaparinig talaga siya.
“Di hindi. Sige na, matulog ka na uli.”
“Baka mapanaginipan ko uli si Lola.”
“Nagparamdam lang siguro siya dahil gusto niyang ipaalam sa `yo na nawawala `yong singsing mo,” paliwanag nito. “Matulog ka na, hindi ka na pagpaparamdaman ni Lola. `Di ba, Lola?” dugtong pa nito na parang nasa tabi-tabi lang ang lola niya.
Nanayo ang mga balahibo niya sa batok. “Huwag mo nang tanungin, at baka sumagot! Saka bakit ba pinatutulog mo ako, eh, ayoko ngang matulog?”
Huminga ito nang malalim. “Kasi, ayoko ng maingay. Ang ingay-ingay mo. Ang gusto ko, tahimik kapag nagmamaneho ako.”
Lumabi lang siya at pumikit na. Sana lang ay hindi na uli niya mapanaginipan ang lola niya. Kailangang makuha agad ni Race ang singsing dahil kung hindi ay baka magparamdam na naman ang lola niya. Baka hindi na niya kayanin ang isa pang pagpaparamdam nito.
Pasalamat na lang siya at may isang Horacio Agoncillo na nagmagandang-loob na balikan ang singsing niya. What would she do if Race hadn’t barged into her life like he did twenty-three years ago?
IT WAS the first day of school. Pinapasok si Hershey ng mommy niya sa isang kuwarto na punong-puno ng mga bata na katulad niya. Isang mataba at maputing babae ang umakay sa kanya papunta sa upuan niya. Ito raw ang teacher nila.
Ayon sa mommy niya, bawal daw ang matatanda sa loob ng classroom dahil magagalit ang teacher nila. Ayaw naman niyang mapagalitan ang mommy niya kaya pumayag siyang nasa labas lang ito at nakadungaw sa bintana.
Inutusan sila ng teacher nila na magsulat ng pangalan nila at mag-drawing ng shapes. May oras din na hinayaan lang nito na maglaro sila at kainin ang mga baon nila. Nagkantahan din sila ng “Ten Little Indians” at “Twinkle, Twinkle Little Star” hanggang sa tumunog ang bell. Uwian na raw kaya binuksan na ng teacher nila ang pinto ng classroom. Isa siya sa kauna-unahang lumabas doon.
Hinanap agad niya ang mommy niya pero hindi niya ito nakita. Nakasara ang gate palabas ng eskuwelahan nila at may malaking lalaking nagbabantay roon. Hindi yata pinapadaan ang mga batang walang mommy o daddy.
May kausap na isang mommy ang teacher nila kaya hindi niya ito matanong kung nasaan na ang mommy niya.
Paano na siya uuwi?
Umupo siya sa isang bench na nasa lilim ng puno ng acacia. Baka hinahanap din siya ng mommy niya at hindi lang siya makita nito dahil maraming bata roon na katulad pa niya ang damit.
Pero ilang minuto na siyang naghihintay roon ay hindi pa rin dumarating ang mommy niya. Kahit anong lingon niya ay hindi niya ito makita.
Paano kung ipinamigay na siya ng mommy niya dahil may bagong baby sa bahay nila—si Skye, ang dalawang buwang gulang na kapatid niya.
Baka nagalit ang mommy niya sa kanya nang nagdaang gabi dahil kinuha niya ang dede ni Skye. Nakita kasi niya ang bagong biling dede ni Skye kaya kinuha niya iyon at iyon ang dinede niya dahil sa baso na lang siya pinaiinom ng gatas. Ipinamigay na siguro siya ng mommy niya dahil nang-aagaw siya ng dede.
Napasinghot siya at tuluyan nang umiyak.
“Mommy…” Hininaan niya ang pag-iyak dahil baka marinig siya ni God. Ang sabi kasi ng mommy niya, masama raw ang umiiyak. Hindi na raw ila-love ni God. Yumuko siya upang walang makakita na umiiyak siya.
“Bata,” tawag sa kanya ng isang batang lalaki.
Hindi siya kumibo at ipinagpatuloy lang ang pag-iyak.
“Bata,” tawag uli nito at niyugyog na ang balikat niya.
Kinusot niya ang mga mata at nag-angat ng mukha. She saw a pair of curious chinito eyes staring at her.
“Why are you crying?” tanong ng batang lalaki na pinaglandas pa ang daliri sa pisngi niya.
Suminghot siya at pinahid ang mga luha niya. “Nawawala si mommy ko,” sagot niya.
“Wala pa rin si mommy ko,” sabi nito. Umupo ito sa tabi niya. “Huwag ka na iyak.”
“Wala nga si mommy ko,” giit niya. Hindi ba nito naiintindihan na kung wala ang mommy niya ay hindi siya makakauwi sa bahay nila?
“Wala nga rin si mommy ko.” Parang nakukulitan na ito sa kanya. “Darating siya mamaya, susundo niya `ko.”
Tumahimik na lang siya.
“What’s your name?” tanong nito.
“Hershey,” sagot niya
Namilog ang mga mata nito. “Chocolate?”
Umiling siya. “Hindi, bata ako.”
Tumango-tango ito. Ikinuyakoy nito ang mga paang nakalawit sa bench.
“Ikaw, ano’ng pangalan mo?” tanong niya.
Bumaling ito sa kanya. “Race,” sagot nito na tila proud na proud sa pangalan nito.
Nang hindi na siya nagsalita ay parang nanamlay ito. Parang may hinihintay itong sabihin niya na hindi niya sinabi.
“Car ako, car,” kapagkuwan ay sabi nito.
Kumunot ang noo niya. Paano magiging car ito, wala naman itong gulong? May mga paa itong katulad ng sa kanya.
“Bata ka,” sabi niya kay Race.
“Car nga ako,” giit nito.
“Bata ka nga,” pagkontra niya.
Parang nainis na ito sa kanya. Kinuha nito ang bag na nasa likod nito at ipinatong sa kandungan nito. May kinuha itong supot mula roon. Isinuot nito ang kamay sa loob ng supot at saka inilabas ang kamay na may hawak nang Gummy Bear!
Napanganga siya. Paborito niya iyon. Nang gilalas pa siya nang isubo ni Race ang isang pulang Gummy Bear, una ang ulo pagkatapos ay ang dalawang kamay. Inihuli nito ang mismong katawan ng Gummy Bear.
“Car ako,” sabi ni Race na nakatingin sa kanya at sumubo naman ng dilaw na Gummy Bear.
Napalunok siya at napakamot sa ulo. “Bata ka nga!” giit pa rin niya.
“Car!” sabi uli ni Race. Itinaas pa nito ang isang Gummy Bear malapit sa mukha niya.
Nagkandaduling siya. Pagkatapos ay kinagat na naman ni Race ang ulo ng Gummy Bear.
“Car ka!” sigaw niya nang susubo uli si Race ng Gummy Bear.
Ngumiti ito nang maluwang. Lumabas ang mga biloy sa gilid ng mga labi nito. Iniabot nito sa kanya ang buong supot ng Gummy Bear. Tinanggap niya iyon nang buong puso at kumuha ng isang dakot na Gummy Bear mula roon, saka niya ibinalik kay Race ang supot. Pero binuksan nito ang pink bag niya at maingat na inilagay nito roon ang supot.
Naguguluhang tumingin siya rito.
“Yours na,” sabi nito na tinapik-tapik pa ang bag niya.
Ngumiti siya. “T-thank you.”
“Race!”
“Hershey!”
Magkasabay silang lumingon sa mga tumawag sa kanila. Nakita niya ang mommy niya na naglalakad palapit sa kanila. May kasama itong isang babae. Patalong bumaba si Race mula sa bench. Hinawakan nito ang kamay niya upang alalayan siyang bumaba ng bench. Tumalon din siya nang bahagya.
“Hi, Hershey,” bati ng babaeng kasama ng mommy niya. Pagkatapos ay hinawakan ng babae ang isang kamay ni Race.
“H-hello po,” kiming sagot niya.
Ngumiti ang babae. “Your little girl really looks like you, Hera,” sabi nito sa mommy niya at saka ginulo nang bahagya ang buhok niya.
Sinimulan na nilang maglakad palabas ng compound ng school nila ni Race habang nagkukuwentuhan ang mommy niya at ang babaeng napag-alaman niyang mommy pala ni Race.
Nasa magkabilang dulo sila ni Race habang naglalakad. Sinisilip-silip siya nito kaya sinisilip din niya ito.
Nahalata yata ng mga mommy nila ang ginagawa nilang pagsilip sa isa’t isa kaya tumawa ang mga ito at ipinagitna silang dalawa ni Race. Magkaagapay na sila habang naglalakad. Nakangiting hinawakan nito ang kamay niya.
Nang makarating sila sa kotse ng mommy niya ay nagpaalam na siya kay Race. Kinawayan siya nito habang papalayo. And to their moms' amusement, as well as hers, he blew her a kiss.
She did not cry again when she went to school the next day. And the next. And the next. Dahil may instant best friend forever siya—si Horacio Agoncillo IV...
“HERSHEY!”
Parang naalimpungatan siya kahit hindi naman niya masasabing natutulog siya. Dumilat siya.
“We’re here,” sabi sa kanya ni Race. Nasa labas na ito ng sasakyan at nasa tapat na niya habang nakatunghay sa kanya. Nakabukas na rin ang pinto sa tabi niya.
Luminga-linga siya. Nasa tapat na nga sila ng bahay nila. Ginising niya si Skye na nakabaluktot pa rin sa backseat at bahagyang naghihilik. Saka siya bumaba ng kotse at nag-inat.
“Huwag mong kalilimutan bukas, ha?”
“Oo na, mahal na prinsesa.” Tumango pa si Race. “Sige na, pumasok ka na at nang makauwi na ako.”
Tumango siya at tumalikod na. “Ingat, Race.”