CHAPTER TWO

ABALA si Hershey sa paghahalo ng chocolate mixture sa private kitchen niya kung saan madalas niyang gawin ang mga iniimbento niyang recipe. Maliit iyon kompara sa kanugnog na kitchen kung saan nagtatrabaho ang mga tauhan ng bakeshop & café niya. Kailangan kasi niya ng tahimik na lugar para makapag-concentrate siya. Kung sa common kitchen kasi ay paroo’t parito ang mga tao roon.

Maya-maya ay pumasok doon si Race at lumapit sa kanya.

“Nakita mo?” tanong niya rito.

“Yeah,” sagot nito. “Agahan pa lang, nandoon na ako kina Luis.”

Ngumiti siya nang ubod-tamis. “Salamat.”

“Salamat lang?”

“Ano pa’ng gusto mo?”

Inginuso nito ang chocolate mixture na hinahalo niya.

“Eh, para sa client `to.” May kliyente siyang magde-debut kaya puspusan ang paggawa niya ng cake samples para ipatikim iyon sa debutante at sa mga magulang nito.

Itinaas ni Race sa harap niya ang isang kuwintas na walang pendant. Inilusot nito roon ang singsing na ipinakuha niya rito at saka inilapit sa kanya. “Ibinili na nga kita ng kuwintas para hindi mo maiwala ang singsing mo, `tapos chocolate lang, hindi mo ako mabigyan.”

“White gold ba `yan?”

“Oo naman.” Pinandilatan siya nito. “Nakakahiya naman sa diamond ring mo. Pero bayaran mo ang kalahati ng presyo, ha? I-full tank mo rin ang sasakyan ko.”

Tatanggi sana siya pero naisip niyang mabuti nang bayaran na lang niya ito para hindi ito madala. “Sige, utang,” sabi niya.

“I-card mo ang gas ko. Galing pa ako kina Luis kaya ubos na ang gas ko.”

“Oo na nga.” Isinalin niya ang chocolate mixture sa ibang lalagyan.

Lumapit naman ito sa likuran niya at isinuot sa kanya ang kuwintas.

She could feel his breath fanning the back of her neck. “Pero hintayin mo ako, ha. Tutal ako na ang magbabayad ng gas ng sasakyan mo, ihatid mo na ako sa amin,” hirit pa niya.

“Ibang klase ka rin talaga.” Umupo ito paharap sa kanya. “Hindi mo man lang ba ako pakakainin?”

“Bakit kailangang ako pa ang mag-asikaso sa `yo? Marami akong staff sa labas. Um-order ka na, kilala ka naman nila, eh.”

“Kapag ako, sunod ako nang sunod sa `yo,” sumbat nito sa kanya.

“Nanunumbat ka?”

“Hindi,” puno ng sarkasmong sagot nito sa kanya.

“Doon ka na nga sa labas. `Yong pinakamagandang staff ko ang magsisilbi sa `yo.”

Biglang ngumisi si Race. “Talagang maganda?” He looked like a little boy expecting a wonderful treat.

She almost rolled her eyes. Isa lang ang katapat nito—magandang babae. Pero sanay na sanay na siya rito dahil bata pa lang sila ay iyon na ang panuhol niya rito.

“Oo nga.” Itinaboy na niya ito palabas. Tumawag siya sa intercom sa private kitchen at inutusan si Megan—ang pinaka-sexy at pinakamaganda niyang waitress—na pagsilbihan si Race. She cringed. Para siyang bugaw.

Ipinagpatuloy niya ang paggawa ng cake samples. Enjoy na enjoy na siya sa ginagawa nang mag-ring ang intercom.

“Ma’am,” hinihingal na sabi ng assistant niyang si Liz.

“O, bakit?”

“Nandito si Sir Achilles, Ma’am,” mariing sabi nito.

Si Achilles ang kanyang super-duper-ultimate crush! Napatanga siya nang ilang segundo. “Okay. Walang magse-serve sa table niya, ha,” daig pa ang kondesang bilin niya rito. Hindi niya ipauubaya si Achilles kahit kanino.

Huminga siya nang malalim para bumalik sa normal ang tibok ng puso niya. Hinubad niya ang apron at hairnet at inayos ang buhok niya. Nagsuklay pa siya at nag-apply ng fresh coat ng lipstick. Iyon lang ang tanging makeup niya. Nagpaikot-ikot muna siya sa harap ng salamin bago siya pumunta sa common kitchen.

Inaabangan na siya roon ni Liz. May hawak itong tray na naglalaman ng isang slice ng mango torte at iced tea na ang yelo ay mayroong mint leaves sa loob. Mayroon iyong kasamang jar ng honey at dalawang pirasong calamansi na maaaring ihalo sa iced tea.

“Magandang-maganda ka na, Ma’am,” nakangiting sabi ni Liz. Iniabot na nito ang tray sa kanya.

“I know.” She winked. Pagkatapos ay pumormal na siya at lumabas ng common kitchen. Nakangiti siya habang naglalakad papunta sa mesa na nasa pinakasulok na bahagi ng café. Lalo siyang napangiti nang makita niya si Achilles. Moreno ito at mukhang napakabango. Nakatupi ang mga manggas ng pink long-sleeves nito. She even suppressed a giggle.

“Hoy!”

Hindi niya pinansin ang kung sinumang tumawag sa kanya. Mahalaga ang bawat segundo kaya nagpatuloy siya sa paglalakad. “Hello,” bati niya kay Achilles paghinto niya sa tapat ng mesa nito.

“Hi, Hershey,” ganting-bati nito sa kanya. Saka ito ngumti. The corners of his eyes were slightly crinkling. Mukhang inaasahan na nito ang paglapit niya. “Mukhang hindi ka masyadong busy, ha.”

“Hindi naman, Sir.” Ibinaba niya sa mesa ang tray at saka i-s-in-erve dito ang plato ng mango torte at iced tea, pati na rin iyong lalagyan ng honey at calamansi.

Mukhang amused na tumingin ito sa kanya. “Hanggang ngayon, ‘Sir' pa rin ang tawag mo sa akin? Mas magaling ka pa sa akin, eh. Kaya nga binabalik-balikan ko `tong mango torte n'yo.” Yumuko ito at ginamit ang tinidor para pumiraso ng mango torte.

“You know it’s not really mine. It’s my mom’s recipe,” pa-humble na sabi niya.

Isinubo nito ang mango torte at ninamnam iyon. “But it feels and tastes nicer than how I remembered it. I’m sure may binago ka sa recipe ng mommy mo.”

“Oo, may idinagdag kasi akong ingredient, `yong—”

Nakangiting itinaas ni Achilles ang isang kamay nito. “Huwag mong sabihin sa akin. Best seller n'yo `to. Secret recipe mo `yon, remember that.” Achilles winked at her.

Napahiya siya nang kaunti. Masyado naman kasi siyang eager na i-please si Achilles, ibibigay niya siguro dito kahit top secret ng isang bansa. “Mapagkakatiwalaan ko naman siguro kayo, Sir.”

“'Achilles,'” pagtatama nito sa kanya. “Partners na tayo ngayon, `di ba? Teka, a-attend ka nga ba?” tanong nito. Ang tinutukoy nito ay ang cooking seminar na gaganapin sa Tagaytay. Silang dalawa ni Achilles ang inimbitahan para sa live cooking lessons. Si Achilles sa main dishes at appetizers. Siya naman ay sa pastries at desserts.

“Oo naman. Sige, Achilles, enjoy the food.” Nagpasya na siyang iwan ito para makakain ito nang hindi niya iniistorbo.

“I surely will. Thanks.”

Tinalikuran na niya ito.

Malapit na siya sa pinto ng private kitchen niya nang may humawak sa balikat niya. Si Race ang nalingunan niya.

“O, bakit?” Napakunot-noo siya dahil nakatiim-bagang ito habang nakatingin sa kanya.

“Ang daya mo, eh. Ako na ang pumunta sa Cavite para kunin ang singsing mo, hindi mo man lang ako ipinag-serve ng pagkain pero dumating lang `yong chef, lumabas ka na ng lungga mo. Nasaan ang hustisya roon?” reklamo nito nang makapasok na sila sa private kitchen.

“Paimportante ka talaga.” Pabirong pinisil niya ang pisngi nito.

Sinimangutan siya nito. “Bilisan mo na riyan sa ginagawa mong cake samples at inip na inip na ako.” Umupo ito sa isang upuan malapit sa table. “Huwag na huwag kang magkakamaling lumabas kahit presidente pa ang dumating. Iiwan talaga kita, bahala kang mag-commute.”

Binalikan niya ang cake samples na ginagawa niya.

Tahimik lang si Race pero alam niyang pinagma-masdan siya nito. Maya-maya ay tumayo ito at naglakad-lakad. Kapagkuwan ay binuksan nito ang ref at inilabas ang isang bowl ng cherries.

“Saan mo gagamitin `to? Ang dami,” tanong nito sa kanya.

“Cake toppings.”

“Puwedeng humingi nang kaunti?”

“Kumuha ka.”

Naglagay ito ng ilang cherries sa isang platito at saka bumalik sa upuan nito. Sumubo ito ng isa at hinila ang tangkay niyon.

“Hindi pala masarap. Matamis na ewan. Maganda lang palang tingnan,” reklamo nito habang pinipilit na lunukin ang cherry.

Natawa siya sa hitsura nito. “Ibuhol mo na lang ang tangkay niyan gamit ang dila mo,” suhestiyon niya.

Tumaas nang bahagya ang isang kilay nito. “Ano na namang pauso `yon?”

“`Sabi nila, kapag magaling magbuhol ng cherry stem, magaling ding humalik.”

“Hindi totoo `yon.” Tumingin ito sa kanya na animo may iniisip na hindi naman niya alam kung ano. “Sino naman ang makapagbubuhol ng tangkay nito gamit ang dila? Unless may daliri sa dila siguro.”

“Pustahan, meron. Kapag naibuhol ko `yan sa pamamagitan ng dila ko, ibig sabihin puwede talagang magawa `yon at magaling talagang humalik ang mga nakapagbubuhol ng tangkay ng cherry,” hamon niya rito.

“Kahit sangkaterbang cherry stems ang ibuhol mo, hindi ako maniniwalang magaling kang humalik.”

“At bakit?” Pinamaywangan niya ito.

“Bano ang ex mo, paano ka matututo?”

“Hah! Ang kapal ng mukha mo. Akala mo naman, pagkagaling-galing mo.”

“Gusto mong patunayan ko?” hamon nito sa kanya. Itinaas-baba pa nito ang mga kilay nito.

Napanganga tuloy siya at hindi makaapuhap ng sasabihin.

“Joke lang, okay?” Inakala yata ni Race na hindi niya nagustuhan ang biro nito. Dumampot ito ng isang cherry at iniabot sa kanya. “Payag na ako sa pustahan. Ano ba ang gusto mong bet?”

“Ang matalo, gagawin lahat ang kahit anong gusto ng mananalo sa loob ng isang buwan.”

Race snorted. “Sinasabi ko na nga ba, balak mo na naman akong alilain.”

“Kaya nga pustahan, eh. Kapag nanalo ka naman, gagawin ko kahit ano’ng gusto mo.”

Biglang ngumisi ito na tila may ibinabadyang kalokohan. Lumitaw ang dimples sa gilid ng mga labi nito. Parang bigla siyang natakot.

“Ano? Bakit natigilan ka?” tanong nito sa kanya.

“W-wala,” sagot niya. Siya ang naghamon kaya hindi siya puwedeng umatras. At ano nga ba naman ang alam nito sa pagbubuhol ng tangkay ng cherry? There was no way she would lose against him. Alam na niya ang tricks sa pagbubuhol ng cherry stem sa pamamagitan ng dila. “Habang nasa daan tayo pauwi, magbubuhol tayo ng cherry stem.”

“Sige, tapusin mo na `yang ginagawa mo.” Umupo uli ito sa puwesto nito kanina at kumuha ng isang cherry.

“Ano’ng ginagawa mo?”

“Nagpa-practice magbuhol. Wala kang sinabing bawal mag-practice.”

“Baka naman sabihin mo, dehado ka. Sige, mag-practice ka.” Pinigilan niya ang mapangiwi. Hindi na siya masyadong confident sa pustahan nila.

Ipinagpatuloy niya ang pagde-design sa cake samples. Nang dumating ang kliyente niya ay tapos na ang cakes niya. Katabi pa niya si Race habang namimili ang debutante at ang mga magulang nito.

May panibago na namang cherry stem sa bibig ni Race dahil madalas naman iyong napuputol. Pagkatapos ng meeting niya sa kliyente niya ay nagyaya nang umuwi si Race. Mukhang handang-handa na ito sa gaganaping laban.

“Ready?” excited na tanong nito sa kanya. Therefore, hindi ito ganoon kadehado gaya ng iniisip niya. Kailangan niyang galingan.

“I’m ready when you are,” sagot niya. Kunwari na lang ang confidence niya.

Kumuha ito ng dalawang cherries mula sa platitong kanina pa nito hawak at ibinigay nito ang isa sa kanya.

“Huwag kang magkakamaling papanalunin ako, Hershey,” nanunudyong banta nito sa kanya.

“Tama na ang daldal. Simulan na ang laban,” deklara niya.

Nang tapakan nito ang silinyador, sabay silang sumubo ng cherry. Walang nagsasalita sa kanila habang nasa daan. They were both determined to win. Kahit noong nagpa-gas sila ay walang nagsasalita. Sinenyasan lang nila ang gasoline boy na i-full tank ang sasakyan.

Nang tumigil sa tapat ng bahay nila ang sasakyan ni Race ay seryosong humarap sila sa isa’t isa. Nagbilang ito ng hanggang tatlo gamit ang mga daliri nito. Pagkatapos ay sabay nilang inilabas ang dila nila. Ganoon na lang ang tuwa niya—tinapik-tapik niya ang pisngi ni Race—nang makitang nalanta lang ang tangkay ng cherry nito at wala kahit katiting na buhol samantalang dalawang knots pa ang nagawa niya sa cherry stem niya.

“Sorry, my friend. It’s not your night.”

“Damn.”