CHAPTER FIVE

MALUWALHATING nakarating si Race sa gasolinahan nina Tiffany. Kaya lang, pagdating niya roon, ayaw siyang pautangin ng mga tauhan ni Tiffany kaya naisip niyang ipagtanong na lang ang bahay nito para dito na lang mismo siya mangungutang.

“Race? Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong ni Tiffany sa kanya nang pagbuksan siya nito ng gate.

Nagkakamot sa ulong nagpaliwanag siya at nangutang ng gasolina.

“Saan ka ba galing?”

“Diyan lang…” Nagkibit-balikat siya. “Nagmuni-muni.” Alangan namang sabihin niyang sinundan niya si Hershey.

“Mabuti na lang at alam mo kung nasaan ang bahay namin.”

“Ipinagtanong-tanong ko pa nga. Ang lulupit ng tauhan mo sa gasolinahan, hinayaan akong magpalaboy-laboy,” sumbong niya.

Tumawa lang ito.

Papasok na sana sila sa bahay ng mga ito nang magulantang sila sa sunod-sunod na busina. Si Tita Henny ang bumaba at simangot na simangot ito sa kanya.

“Bakit nandito ka, Race?”

Malamang na pinaghihinalaan siya nitong nanliligaw kay Tiffany na ang hinala ni Hershey ay nais nitong gawing manugang.

Kinailangan pa niyang magpaliwanag dito para gumaan ang loob nito sa kanya. Nagprisinta siyang maging tagabitbit nang sabihin nitong maggo-grocery ang mga ito. Ipagluluto raw kasi ni Tiffany si Luis ng breakfast kinabukasan. Seryoso na si Tiffany sa pag-akyat ng ligaw kay Luis na nuknukan nga ng talino pero nuknukan naman ng ewan pagdating sa pag-ibig.

Dahil sa pagsama niya kina Tiffany at Tita Henny, halos alas-onse na siya nakabalik sa Maynila. Pagod na siya at gutom na gutom. Papunta na sana siya sa kusina nang mapansin niyang bukas pa ang ilaw sa entertainment room nila. Glass door lang na may kurtina ang pagitan niyon sa living room. Sumilip siya roon.

Nagulat siya nang makita niya si Hershey na nakabaluktot na nakahiga sa sofa bed na naroroon. Mukhang malalim na ang tulog nito.

Bahagya pang nakanganga si Hershey nang lapitan niya. Nakalaylay ang isang kamay nito at nasa ibaba na rin ng sahig ang remote ng TV set. Pinulot niya iyon at pinatay ang TV set. Saka niya inalog-alog ang balikat ni Hershey.

“Sshh…” sabi nito habang nakapikit. Mukhang nananaginip pa.

“Hershey, gumising ka na. Alas-onse na. Tiyak na hinahanap ka na sa inyo.”

Tinalikuran lang siya nito at umayos pa ng pagka-kahiga.

Lumuhod siya sa harap nito at itinapat ang bibig niya sa tainga nito. Saka niya iyon hinipan.

Parang zombie na dumilat ito at bumalikwas ng bangon. Muntik na nitong mahagip ang ilong niya kung hindi lang siya mabilis na nakalayo rito.

“Muntik na akong mamatay,” sabi nito, hawak ang dibdib. Hindi yata siya nakita nito.

“Ano?” naguguluhang tanong niya rito.

“Ang bilis ng tibok ng puso ko.”

Lihim siyang natawa dahil tila wala itong kaide-ideya sa ginawa niyang paggising dito. “Bakit?”

“Ewan. Kinakabahan ako. Nanaginip yata ako.” Ibinaba nito ang mga paa mula sa sofa bed. “Pahinging tubig,” utos nito sa kanya.

Napapailing na pumunta siya sa kusina at kumuha ng tubig para dito. Pagbalik niya ay iniabot niya rito ang isang baso ng tubig. “O.”

“Kumain ka na ba? Marami akong dalang food. Nasa ref. Gusto mong iinit ko?” tanong nito pagkatapos uminom ng tubig. Mukhang maganda na ang mood nito.

“Sige.”

Magkasama silang pumunta sa kusina.

“Saan ka pala galing?” tanong nito sa kanya.

Nagkamot siya sa batok. Alangan namang sabihin niyang sinundan niya ito maghapon?

“Bakit parang may ginawa kang hindi maganda? Kakamot-kamot ka pa riyan.” Matalas talaga ang pakiramdam nito. “Saan ka nga galing?” She seemed to demand an honest answer.

“Wala, kina Tiffany lang.” May katotohanan naman ang isinagot niya. Talaga namang dumaan siya kina Tiffany dahil nangutang siya ng gasolina.

Parang inis na inis na ikinuskos ni Hershey ang mga kamay nito sa mukha. “`Akala ko, wala kang balak na pormahan si Tiff, bakit may padalaw-dalaw ka pang nalalaman? Paano si Luis?”

“Bakit ba galit na galit ka? Hindi naman ikaw si Luis,” katwiran niya.

“Eh, kasi…” Parang nag-isip muna ito nang malalim. “Basta nakakainis kasi nga barkada natin si Luis. Nararamdaman ko ang nararamdaman niya.”

“Are you kidding me, Hershey? You’re not even close to Luis.” Tumawa siya nang bahagya.

Napapadyak ito at bubulong-bulong na inilagay sa plato ang nainit na pagkain. “Kumain ka na, aalis na ako.”

Tinawanan niya ito.

Matalim na irap ang nakuha niya mula rito.

“Kung anuman ang iniisip mo, mali `yon. Hindi ko sinasalisihan si Luis. Wala akong ginagawang masama. At para sa kaalaman mo, mahal na prinsesa, hindi ako traidor.” He could hear the bitterness and pain in his own voice. Sa tinagal-tagal nilang magkaibigan, pinag-iisipan pa pala siya nito nang ganoon.

“Hindi talaga?” Mukhang humihingi pa ito ng garantiya sa kanya.

“Hindi ka naniniwala na hindi ako traidor? Iniinsulto mo ba talaga ako?”

“Hindi `yon. Hindi mo talaga nililigawan si Tiff?” Parang sa kuting ang mga mata nito nang tumingin sa kanya.

“No.”

“Eh, bakit nandoon ka sa kanila?”

Mabilis na humabi siya ng alibi. “May piyesa siya na kailangan para sa Mini Cooper niya. I-d-in-eliver ko na sa kanya.”

“Nagpapa-good shot ka, eh!” akusa nito sa kanya.

“Because I want to be her friend. Iyon lang. Ang malisyosa mo naman.” Dumulog na siya sa mesa at naghandang kumain. Nakatanghod pa rin si Hershey sa kanya. “Kakain ka rin?” tanong niya rito.

“H-hindi. Sige lang, kumain ka na.”

“Kumain ka na rin, naiilang ako kapag tinitingnan mo lang ako, eh.”

“Sige na nga.” Umupo na rin ito sa tabi niya pero hindi na ito kumuha ng ibang plato. Inagawan pa siya ng tinidor.

“Aba, kamahalan, `akala ko ba ako ang papakainin mo?”

“Kumuha ka na lang ng tinidor mo. Bahay mo naman `to, eh,” utos pa nito sa kanya na sinunod naman niya. He honestly didn’t know how he could put up with a girl like her. Siguro ay dahil sanay na siya rito.

Nagsalo sila sa iisang plato dahil gabi na at tulog na rin naman si Manang Sylvia. Ibig sabihin, siya rin ang magliligpit ng pinagkainan nila. Inuna na niyang tikman ang potato marbles na hindi niya alam kung baked ba o boiled. “Masarap.” Tumango-tango pa siya. Kumuha uli siya ng isang potato marble at isinawsaw iyon sa dip na nasa tabi niyon.

Ngising-ngisi naman si Hershey. “Tikman mo `yong pasta.”

Seafood pasta yata iyon dahil may nakikita pa siyang shrimps at squid. “Masarap din. Saan ba galing `to?”

“Kay Achilles,” pagmamalaki nito.

Muntik na niyang mailuwa ang nasa bibig niya. Nagkandaubo siya.

“Bakit?” tanong nito habang hinahagod ang likod niya. Maagap na inabutan siya nito ng baso. “Dahan-dahan kasi ang pagkain. Pero masarap, `no?”

“`Sarap.” He hoped she could sense the sarcasm in his voice this time.

“Hindi na ako magugutom kapag si Achilles ang nakatuluyan ko,” parang nangangarap nang gising na sabi nito sa kanya.

“Seryoso ka ba talaga riyan kay Achilles?” seryosong tanong niya rito.

“Oo naman. Will I go through such great lengths if I weren’t?”

Tumikhim siya dahil parang bumara na sa lalamunan niya ang puso niya. “At kaya ka nandito at nagtiyagang maghintay sa akin dahil gusto mong ipaalam na successful ang pagpapa-cute mo sa kanya. Ganoon ba?”

Tumango-tango ito.

“O, `ayan, nasabi mo na. Puwede na siguro kitang ihatid para makatulog ka na at ako rin.”

“Teka lang. May pag-uusapan pa tayo. Hindi pa rin ako tapos kumain. Tapos ka na ba?” Nakakatatlong subo pa lang siya pero wala na siyang gana.

“`Nga pala, tikman mo `to.” Iniabot nito sa kanya ang isang microwavable container na naglalaman ng kung anong isda.

“Ano `to?” Duda na siya sa ibinibigay ni Hershey. Baka si Achilles na naman ang nagluto niyon.

“Salmon Teriyaki a la Hershey.” She gave him a shy, hesitant smile. “They say it’s good.” Mukhang naghihintay rin itong tikman niya iyon.

“I bet.” Pumiraso siya ng salmon gamit ang tinidor. Nakita pa niyang kinagat ni Hershey ang ibabang labi nito nang isubo niya ang salmon. Ninamnam muna niya iyon habang inaabangan ni Hershey ang reaksiyon niya. “It’s good.”

“Really?” Parang biglang kumislap ang mga mata nito. Nahulog yata ang puso niya.

“Oo. Parang kakaiba `yong Teriyaki sauce mo pero masarap. Iniisip ko kung bakit kakaiba, eh.” He tried to keep his voice as steady as possible.

She was grinning from ear to ear. “I put a little of myself in there.” She looked adorable and sweet when she winked at him. “Some kisses, you know.”

Nagtatakang tumingin siya rito.

“Hershey’s kisses, stupid. Pinalitan ko `yong brown sugar ng kisses,” paliwanag nito.

“Masarap. Ilalagay mo na `to sa menu ng café mo?”

“Ano sa tingin mo?” tanong nito sa kanya na parang sa sagot niya nakasalalay ang kapalaran ng pagkaing inimbento nito.

“You should. Kahit hindi araw-araw. For special occasions lang muna kung gusto mo.”

“Sige, pagplanuhan natin `yan,” sabi nito sa kanya na parang kasosyo siya sa negosyo nito. “Pero bago `yon, mag-isip muna tayo ng plano para mapalapit sa `yo si Kim Ynares.”

Napangiwi siya. “Kailangan pa ba?”

“Natural. Para siguradong hindi na siya hahadlang sa pangarap ko.” Her eyes turned dreamy again.

“Mukhang okay naman na kayo ni Achilles,” sabi niya kahit masama sa loob niya ang isiping nagkakamabutihan nga ang dalawa.

Humagikgik ito na tila kinikilig. “Oo nga. Kanina, pakiramdam ko malaki ang chance na magkatuluyan kami. Ang dami naming similarities. And he’s such a sweet guy. Hindi nakakailang na lapitan, walang kaere-ere. Naku, kapag kaharap mo si Achilles, mahihiya ang kayabangan mo.” Pati kayabangan niya ay idinamay pa nito. Ang sarap pilipitin ng leeg nito nang matauhan.

“Pero kailangan ko pa rin ng tulong mo, ha. Ligawan mo si Kim Ynares kung gusto mo. I-date mo. Whatever. Basta ilayo mo siya kay Achilles,” pagpapatuloy ni Hershey.

“Hindi ka nakokonsiyensiya?”

“Bakit ako makokonsiyensiya? Malay mo kayo nga ang para sa isa’t isa. Two less lonely people in the world.” At balak pala talaga nitong i-match make siya kay Kim Ynares.

Hindi na siya sumagot. Ipinagpatuloy na lang niya ang pagkain ng Salmon Teriyaki na ipinagmamalaki ni Hershey.

Kinain naman ni Hershey ang mga pagkaing ayon dito ay gawa ni Achilles.

Maya-maya ay tumayo na si Hershey. “Late na, Race. Uuwi na ako.”

“Wait, ihahatid na kita.” Tumayo na rin siya.

“`Wag na. Malapit lang naman ang uuwian ko, kaunting tumbling lang,” sabi nito at saka mabilis na tinungo ang pinto palabas ng kusina.

“Silly. Kung magsisimula kang mag-tumbling pauwi sa inyo hindi ka na makakarating dahil hindi ka naman marunong mag-tumbling.” Iniligpit niya ang pinagkainan nila at hinawakan ang balikat nito.

“Expression lang `yon, tange.”

Ilang sandali pa ay nasa garahe na sila. Natigilan si Hershey nang makita ang kotseng naroroon. Iyon ang ginamit niya nang sundan niya ang mga ito sa Tagaytay. Nawala sa isip niya na hindi pa niya iyon naisasauli. Hindi kasi niya inakalang pupunta si Hershey sa bahay nila.

Shit! Ano na lang ang sasabihin niya kung makilala ni Hershey ang kotse?

Inikutan ni Hershey ang kotse at pinasadahan ng mapanuring tingin.

Pigil niya ang paghinga habang ginagawa nito iyon.

“Kanino `to? Nasaan `yong Strada mo? Bago ba `to?” sunod-sunod na tanong nito.

“Ha? Ano, sa kaibigan ko `to, pina-test drive lang sa akin.”

“Hanggang Cavite? Ang bait naman ng kaibigan mo,” sabi nito habang nakatitig sa mga mata niya.

Naku po! Alam niyang sinundan ko siya sa Tagaytay.

“Sa Cavite? H-hindi ako galing sa Cavite,” pagkakaila pa rin niya. Magkamatayan na pero hindi talaga siya aamin na sinundan niya ito.

Sumimangot ito. “Hindi ka galing sa Cavite?”

“H-hindi.” Hindi niya malaman kung paano iiling.

“Hibang ka ba?” Pinandilatan siya nito. “`Di ba, galing ka `kamo kina Tiffany dahil nag-deliver ka ng piyesa? Hindi pa naman yata lumilipat ng bahay sina Tiffany. Taga-Cavite pa rin naman yata sila.”

Natawa siya nang bahaw. Sa sobrang pagkataranta niya, nakalimutan niyang sinabi nga pala niya rito na pumunta siya kina Tiffany.

Ang tanga mo, Race. “Ah, oo nga pala,” aniyang kakamot-kamot sa ulo.

“`Pagamot ka na, Race. May mga taong maagang nagkakaroon ng Alzheimer ’s disease. Mukhang candidate ka na.”

Sigurado siyang hindi Alzheimer’s ang sakit niya. Kung magkakaroon man siya ng sakit, siguradong hindi sa utak—he cringed inwardly—nasa puso. Muntik na siyang atakihin sa nerbiyos.