“BAKIT napadaan ka rito?” tanong ni Hershey kay Skye.
“Wala na kasi akong pera para kumain kaya dito ko na lang niyaya ang mga `yon.” Inginuso nito ang ilan sa mga kaibigan nito noong high school. “Nanood kasi kami ng Pirates Four. Panoorin mo, Ate.”
“Bakit hindi sina River at Forest ang kasama mo?” Sanay siyang iyong dalawa ang kasama ng kapatid niya, halos magkakaedad kasi ang mga ito.
“Hindi ko mahagilap ang dalawang `yon.” Skye wrinkled her nose. “Pero panoorin mo `yong Pirates. Yayain mo si Horacio, The Fourth.” Iyon ang tawag ni Skye kay Race. Hindi niya alam bakit aliw na aliw ang kapatid niya sa pangalang iyon.
“Mamaya na lang, may ipinapagawa pa ako sa kanya.”
“Ano?” Parang nakalimutan na ni Skye na kasama nito ang mga kaibigan nito. Sumunod pa ito sa kanya papunta sa private kitchen.
“Pinaliligawan ko si Kim Ynares.”
“The commercial model?”
Tumango siya.
Napanganga ito. “Bakit mo pinaligawan kay Horacio, The Fourth `yon? Ang ganda n’on!”
Natigilan siya at tiningnan niya ito nang mataman. “May gusto ka ba kay Race?”
“Ay, tanga!” Pinukpok nito ng palad ang sariling noo. “Maiwan na nga kita riyan. Kapag hindi ko naging pamangkin si Horacio, The Fifth, huwag kang iiyak-iyak.”
“Pamangkin si Horacio the Fifth? Anak ni Race?” tanong niya sa kanyang sarili nang makalabas na ng private kitchen si Skye.
Wala namang kapatid si Race na puwedeng mapangasawa niya para magkaroon si Skye ng pamangkin. At dalawa lang silang magkapatid. Ang ibig sabihin, siya ang tinutukoy ni Skye na magiging ina ni Horacio, The Fifth!
Hah! Nahihibang na si Skye kung inaakala nitong magkakatuluyan sila ni Race. Siya at si Race?
Diosmiocorazon naman!
“BAKIT seryosong-seryoso ka riyan?”
Nagulat si Hershey nang marinig niya ang boses ni Race. Hinding-hindi niya maipagkakamali ang timbre ng boses nito sa kahit na sino. Tiningnan niya ito. Nakatayo ito sa hamba ng pinto ng private kitchen niya. There was a slight smile on his lips.
“Wala lang, may iniisip lang,” sagot niya.
“Ano?”
“Kung ano-ano lang.” Hindi niya maaaring sabihin dito na iniisip niya ang sinabi ni Skye sa kanya.
Paano nga kaya kung… Erase, erase.
Umiling-iling siya.
“Bakit?” nagtatakang tanong ni Race sa kanya.
“Wala. Nandiyan pa ba sa labas sina Skye?”
“Wala na. Nakasalubong ko sila paglabas nila.”
“Umalis na? Hindi nagpaalam sa akin. Nagbayad kaya ang mga `yon?”
“Singilin mo na lang mamaya sa bahay.” Umupo ito sa silyang katapat niya. Inilagay nito ang mga kamay sa likod ng leeg at saka iniunat ang mga paa. Nasagi pa nito ang mga paa niya. “Is something bothering you?” There was tenderness in his eyes as he looked at her.
“Wala naman.”
“Let’s watch a movie,” yaya nito. Hinawakan nito ang isang kamay niya na naka-stretch sa mesa.
Hindi siya kumibo.
“C’mon,” untag nito sa kanya.
Gustong-gusto niyang manood ng Pirates of the Carribean na sinasabi ni Skye. Pero hindi siya puwedeng magpahalata kay Race. “What movie?”
Let it be Pirates, dasal niya.
“Pirates,” sagot ni Race.
Pinigil niya ang mapangiti. Isinubsob niya ang mukha sa mesa para hindi nito mahalata na tuwang-tuwa siya. So, she tried hard to keep her voice straight, devoid of any excitement that she was feeling. “Tinatamad akong manood,” pagsisinungaling niya.
“Maganda `yon,” pangungumbinsi nito sa kanya.
Alam ko.
“Wala sa budget ko na manood ng sine.” Tiningnan na siya pero pinanatili niyang walang ekspresyon ang mukha niya.
“My treat.”
Iyon ang gusto niya rito, hindi na ito kailangan pang pilitin para manlibre. Ito na mismo ang nag-o-offer. Sa tagal na nilang magkaibigan, kabisadong-kabisado na niya ang ugali nito, lalo na ang pagiging mapagbigay nito sa kapwa.
“Pero sagot mo ang popcorn at drinks,” hirit nito.
“Anong flavor ang gusto mo?” Kayang-kaya niyang mag-produce ng popcorn sa pinakamababang halaga.
“Salted lang.”
Tumawag agad siya ng isang staff at pinabili niya ng microwavable popcorn. Nagtimpla siya ng raspberry tea na nilagyan ng honey at calamansi.
“Ayaw mo talagang gumastos, `no?” puna nito na kanina pa nagmamasid sa kanya.
“`Sus.” Inilagay niya sa isang malaking paper bag ang dalawang supot ng popcorn at dalawang water bottle na may raspberry iced tea. “Gugustuhin mo pa ba `yong binibili mo riyan sa tabi-tabi? Mas masarap `to. Mura pa.”
Umiiling na inakbayan na lang siya nito at iginiya na palabas ng bakeshop. Nasa ilalim ng baba niya ang braso nito. “Wais ka talaga, kamahalan. Hinding-hindi ka maghihirap.”
She just cocked her head to the right, looking pleased with herself. “Teka, sinimulan mo na ba ang misyon mo?”
“Misyon?” parang walang ideyang balik-tanong nito sa kanya.
Inirapan niya ito.
Humalakhak ito. “I've already got her number, okay?”
“Eh, ano’ng ginagawa mo rito? Why don’t you invite her to a movie?”
“Are you serious, Hershey? You want me to ditch you so I could watch a movie with Kim?”
“Para magkakilala kayo nang husto,” sabi niya kahit parang tumututol naman ang isip niya sa ideyang hindi na siya ang makakasama ni Race na manood ng pelikula. She was full of contradictions.
“Hindi ako nakikipag-date sa movie house.”
“Bakit?”
“Ayoko, eh.”
“Bakit nga?”
“Sanay ako na ikaw ang kasama kong manood ng movie. Kaya tara na.” He grabbed her hand and pulled her closer.
The gesture warmed her heart that she grinned at him.
KINABUKASAN ay bisita naman ni Hershey si Achilles sa bakeshop niya. Malapit na nga yatang matupad ang mga pangarap niya.Napansin agad niya ang hawak nitong isang tulip na may laso sa tangkay.
“Hi.” Tumayo pa si Achilles nang makita siya.
“What brings you here?” tanong niya rito kahit duda siyang pagkain lang ang ipinunta nito roon.
“Gusto kong makatikim ng mango torte, eh. Meron ba?”
“Meron.”
“In that case, please accept this as a sign of my gratitude.” He winked at her and gave her the tulip.
“Thanks.” Hindi niya malaman kung paano tatanggapin ang isang stem ng tulip mula rito. College pa siya nang huling makatanggap siya ng tunay na bulaklak. Paper roses ni Race ang laging natatanggap niya. “Titingnan ko lang kung may mango torte pa, ha.”
Ngumiti si Achilles at saka tumango.
Tumalikod agad siya at pumunta sa private kitchen. Inilagay niya ang tulip sa vase kung saan nakalagay ang paper roses na ginawa ni Race. Bumalik siya sa common kitchen para ihanda ang mango torte ni Achilles. Nakangiti sa kanya ang ilan sa mga tauhan niya. Bago siya tuluyang makalabas ng common kitchen ay narinig pa niya ang sinabi ng isa sa mga waiter niya.
“Naloko na, mukhang masasawi ang manok ko.”
May palagay siyang tungkol iyon sa kanya pero hindi na siya nag-usisa pa.
Binalikan niya si Achilles at inihain dito ang mango torte at iced tea.
“Ah, Hershey,” tawag nito sa kanya nang paalis na siya.
Nilingon uli niya ito. Nakangiti ito pero parang nangangamba. “Bakit?”
“Are you free tonight?”
“Bakit?”
“May movie tickets ako. Baka gusto mong manood ng movie.”
Who would say “no” to a free movie? “Anong movie?”
“Pirates Four.”
Naka! Kapapanood lang niya niyon nang nagdaang gabi kasama si Race. Kunsabagay, okay na rin, makakatabi niya nang matagal si Achilles sa sinehan. “Sige. Anong oras ba `yan?”
“Seven-forty. We can have early dinner na rin.”
“Great!” Tiningnan niya ang wristwatch niya. Alas-dos pa lang ng hapon.
“I’ll pick you up at five-thirty,” sabi ni Achilles. Pabor iyon sa kanya dahil marami rin siyang gagawin. “Go ahead. Do what you have to do.”
Tinotoo ni Achilles ang sinabi nito. Limang minuto bago mag-alas-singko y medya ay dumating ito. Siya na ang tinanong nito kung saan niya gustong mag-dinner. Gusto sana niya na sa restaurant na lang nito sila kumain pero malayo iyon sa sinehan. Instead she opted for the Kitchen Restaurant in Greenbelt.
She was already enjoying her Washed Ashore pasta—penne pasta smothered with different cheeses and topped with stewed tomato—when someone called Achilles' name.
Nalaglag ang mga panga niya nang makita si Kim Ynares na naglalakad palapit sa kanila. Nakalingon dito ang lahat ng patrons ng restaurant. Hindi na iyon nakapagtataka dahil kapansin-pansin talaga ang kaputian at kagandahan nito. Ang mas nakakagulat—na hindi naman niya dapat ikinakagulat dahil siya ang may pakana niyon—ay kasama ni Kim Ynares si Race.
Tumayo si Achilles nang makalapit ang dalawa. Kim gave Achilles a peck on the cheek. Nanatili lang siyang nakatanga. Mas maganda pala sa malapitan si Kim. Napakakinis nito, parang walang pores.
May narinig siyang tumikhim kaya napakurap siya mula sa pagkakatitig kay Kim. Napalingon siya kay Race na nakatingin sa kanya. Hindi ito nakangiti at hindi rin nakasimangot. Hindi niya mabasa kung ano ang ekspresyon nito.
Nag-iwas na lang siya ng tingin hanggang sa magtama ang mga mata nila ni Kim. Nakangiti ito sa kanya.
Pagkaganda-gandang babae.
“Hi, I’m Kim.” Iniabot nito ang isang kamay sa kanya. She seemed nice and friendly. Dapat nga yata siyang makonsiyensiya. “Magkaibigan daw kayo ni Race.” Sinulyapan pa nito ang kaibigan niya.
“Hershey.” Tinanggap niya ang kamay nito na mahihiya ang bulak sa kalambutan. “Join us na lang here,” anyaya niya rito. Saka niya tiningnan uli si Race na tinanguan lang siya.
Ipinaghila nito si Kim ng upuan.
“Why are you, guys, here?” tanong ni Kim pagkaupo nito.
“Early dinner. Manonood kami ng movie mamaya,” sagot ni Achilles.
Nakatingin lang siya kay Race. He seemed to be gritting his teeth.
“Movie? What movie?” Kim asked.
“Pirates Four,” sagot pa rin ni Achilles.
Napangiwi siya nang makita ang reaksiyon ni Race. Nakataas ang isang kilay nito sa kanya.
“Wow, gusto ko ring panoorin `yan. Okay raw ang reviews n’on, eh,” ani Kim.
“No’n can watch it with them,” suhestiyon ni Race na nag-iwas ng tingin sa kanya.
Aba, nang nagdaang gabi lang ay sinasabi nitong ayaw nitong manood ng movie kapag hindi siya ang kasama. Ngayon ay iniimbita na nito si Kim!
“That is, kung okay lang kina Achilles at Hershey,” dugtong ng kaibigan niya.
Ngumiti si Kim nang pagkatamis-tamis sa kanya.
“Sure!” sabi niya na pinipilit gawing excited ang tinig. Wala rin naman siyang magagawa. Isa pa, parang hindi niya gusto ang ideya na manonood sina Race at Kim nang walang ibang kasama.
Bakit? tanong ng isip niya.
Basta!
Binalingan naman ni Kim si Achilles. “Okay lang, `Di ba, cousin dear?”
Nakangiting umiling si Achilles.
“Cousin dear?” Tama ba ang narinig niya kay Kim? “Magpinsan kayo?”
“Unfortunately.” Kim giggled. Sinulyapan pa ni Kim si Race na mukhang aliw na aliw sa hagikgik ni Kim.
Oh, shit. What have I done?
Pagkatapos nilang mag-dinner ay dumeretso na sila sa sinehan.
Nakaupo sa aisle si Achilles habang katabi niya ito. Kim was seated on her right. Si Race naman ay katabi ni Kim.
Habang pinapanood ng lahat ang adventures ni Jack Sparrow, siya naman ay maya’t mayang sumusulyap kina Kim at Race. Magka-share pa ang dalawa sa popcorn. Nakita pa niyang inabutan ni Race ng inumin si Kim.
Bakit kapag magkasama sila ni Race, kahit nagkakandaubo na siya sa popcorn ay hindi man lang siya naaalalang abutan nito ng inumin?
“Hershey, popcorn,” alok ni Achilles sa kanya. Nakatingin ito sa kanya na mukhang inaaninag siya sa dilim.
“Salamat.”
Nabawasan nang kaunti ang pagngingitngit niya. Ano ba naman ang pakialam niya kina Race at Kim? May Achilles naman siya. Pinilit niyang mag-concentrate na lang sa panonood ng pelikula. Pagkatapos ay kanya-kanya sila ng review kahit ang totoo, lahat ng puwedeng pag-usapan tungkol sa Pirates ay napag-usapan na nila ni Race nang nagdaang gabi.
“Gusto n'yong mag-coffee muna before we head home?” tanong ni Achilles sa kanilang tatlo.
Tatango sana siya nang makita niyang umiling si Kim.
“Kailangan kong gumising nang maaga. May practice run kami bukas. `Di ba, Race?” sabi ni Kim.
Hindi na siya nakapagpigil na magtanong. “Anong practice run?”
“May fun run na ang sponsor ay `yong isang product na ine-endorse ni Kim. Tumatakbo naman talaga ako kaya sasamahan ko na lang siya na mag-train,” paliwanag ni Race.
She wrinkled her nose. Hindi siya mahilig sa mga ganoong takbuhan. Lampayatot at hikain kasi siya noong bata pa siya. Ang alam lang niya ay ngumuyngoy.
“Kung gano’n, sige, tara na. Let’s just call it a day.” Hinawakan siya ni Achilles sa siko. “Ikaw, Kim? May dala kang sasakyan?”
“Ihahatid ko na siya,” sabi ni Race.
“Tara na, Hershey?” yaya ni Achilles sa kanya.
“S-sige.” Tinanguan na lang niya sina Kim at Race at tumalikod na.
She blinked several times and tried to flee from that sinking feeling that she was letting go of something special.