Sapit

Hindi kita kayakap sa tuwing pagsapit ng gabi.
Pagkat katabi mo ang iyong asawa.
Abala sa paghele sa anak.

Hindi kita kahalik sa tuwing pagsapit ng gabi.
Pagkat nakapinid ang iyong labi.
Ang susi’y nasa baul na iyong unan.

Hindi kita kabulungan sa tuwing pagsapit ng gabi.
Pagkat bingi ang iyong pandinig.
Sa tinig na pinipi ng lumbay.

Hindi kita kasalikop sa tuwing pagsapit ng gabi.
Pagkat manhid ang iyong pakiramdam.
Sa ink na iniluluwal ng aking katawan.

Hindi kita kapatong sa tuwing pagsapit ng gabi.
Pagkat ang iyong bigat at lambing
Ay palaging nakalutang sa hangin.

Hindi kita kaulayaw sa tuwing pagsapit ng gabi.
Pagkat punit-punit ang iyong kaanyuan.
Tinatahi ma’y napipigtal ng lubusan.

Hindi kita maangkin sa tuwing pagsapit ng gabi.
Subalit katalik kita sa pag-iisa.
Marahang inaaruga ang sandaling ligaya.