Camilo M. Villanueva, Jr.

Awit Para sa Mamang Magbabalut

Kung mamamakyaw kaya ako at mamamapak

Ng balut

Lalakas kaya ang tuhod o loob,

Para masabing

Kung mamamapak kaya ako at babangka

Ng kwento

Tatagal kaya ang resistensya o pagkikita

Para masabing

Kung babangka kaya ako at magdadagdag

Ng sitsaron

Maiibigan kaya ang pagbili o pagngiti

Para masabing

Kung magdadagdag kaya ako at tutungga

Ng suka

Mapapansin kaya ang pagdila o luha

Para masabing

Kung tutungga kaya ako at magpapaalam

Ng paghanga

Ikagulat kaya ang kabaduyan o bagal

Para masabing

Kung magpapaalam kaya ako at dudukot

Ng pamasahe

Aalis kaya ang libog o hinayang

Para masabing

Kung dudukot kaya ako at manakot

Ng lamok

Maburyong kaya ang gabi o malugi

Para masabing

Kung manakot kaya ako at lalayo

Ng lakad

Maiisip kayang nagkurus ang landas o magmadali

Para masabing

Buo na ang gabi

Nitong binatilyong namamalikmata sa iyo!