KAY TAGAL

 

Puso ay nasasabik

Sa iyong pagbabalik

Oh aking giliw

Sa iyo’y naaaliw

 

Wari isip ay ligalig

Ganito yata kapag umiibig

Palaging ikaw ang iniisip

Habang damdamin ay nakasilip

 

Sadyang di mapakali

Sa tuwinang kawili-wili

Oras ay kay bilis

Ikaw lang ang ninanais

 

Halaga mo’y walang kawangis

Sa pusong hanap ka ng labis

Ikaw ay sadyang naiiba

Sapagkat nandito ka na sa alaala

 

Kung puso ay natuturuan

Sana matagal na kitang natagpuan

Ngunit mapagbiro ang tadhana

Ikaw ay patuloy na nawawala

 

Walang ibang hangad

Kundi ika’y magalugad

Ngunit ang pag-ibig ay mailap

Sa tulad kong nangangarap

 

Kay tagal ko ng naghahanap

Sa iyo maging sa alapaap

Kailan kaya kita makikita

Upang ‘di na ‘ko mag-isa pa

 

Sa iyong pagdating

Sana ay makapiling

Dahil andito lang ako

Laging nagmamahal sa’yo

 

Ang aking buhay

Ay walang kapantay

Kung ikaw at ako

Magkasama ng buo

 

Ang bawat panalangin

Nitong nagsusumamong damdamin

Sana’y ibigay ang hiling

Na ikaw ay maging akin