PARA kay Michael ay siya ang pinakamasuwerteng lalaki sa mundo. Masayang-masaya siya na sa wakas ay sinagot na siya ni Serenade. Mahal na mahal niya ito. Wala siyang minahal nang ganoon sa buong buhay niya kundi ito lamang.
“Love-struck fool,” sabi ni Brian, saka tumawa. Umaga at nasa isang cafeteria sila, nagpapahinga. Galing sila ng gym.
Hindi niya ito pinansin. Masyado siyang masaya kaya hindi siya magpapaapekto sa pang-aasar nito. “Call me anything you want, pare, it’s fine with me.”
Umiling ito. “Ngayon lang kita nakitang ganyan. Daig mo pa ang high school boy na sinagot for the first time ng unang niligawan.”
Nagkibit-balikat siya. “I can’t help it. I’m so in love with her.”
“Kunsabagay, ang mga kagaya ni Serenade ang tipong dadalhin ng kahit sinong lalaki sa harap ng altar,” anito.
“Right,” pagsang-ayon niya.
“But, pare, you’re forgetting something. Masyado kang nadadala ngayon sa sitwasyon n’yo ni Serenade. Iyong naiwan mong problema sa Amerika, ayos na ba? Hindi puwedeng hindi mo harapin iyon,” paalala nito.
Biglang napawi ang saya niya. Inaamin niyang nawala na sa isip niya ang tungkol doon. How could he be so stupid? Paano niya ngayon sasabihin kay Serenade ang tungkol sa ex-girlfriend niyang ayaw siyang tigilan? Napapikit siya at hinilot ang kanyang sentido. Parang biglang sumakit ang ulo niya.
Sa totoo lang, matagal na silang hiwalay ni Debbie, ang ex-girlfriend niyang ayaw siyang tigilan mula nang makipaghiwalay siya rito. Anim na buwan lang ang itinagal ng relasyon nila. Masyado itong naging nagger sa kanya. Pakiramdam nito ay asawa na siya nito. Lahat ng babaeng kausap niya—kahit kaibigan niya—ay inaaway nito. Noong minsang dinalaw siya ni Jessica sa tinutuluyan niya noon sa Amerika, magkausap lang sila nito pero nagulat na lang sila nang biglang hablutin nito ang buhok ng kapatid niya at saka pinagsasampal. Nang malaman nito na magkapatid sila ni Jessica ay todo ang paghingi nito ng tawad. Noon siya natauhan pagkatapos ng tagpong iyon. Nakipaghiwalay siya rito, bagay na hindi nito matanggap. Mula rin noon ay palagi na itong nakasunod sa kanya. Nagmistulang stalker ito. Nang makahanap siya ng tiyempo ay umuwi siya sa Pilipinas. Ilang buwan na siyang nasa bansa pero hindi ito nagparamdam sa kanya kaya nakampante siya. Ngunit ilang araw bago siya magtapat ng pag-ibig kay Serenade ay may tumawag sa kanya sa telepono. Ganoon na lang ang gulat niya nang si Debbie iyon. Agad siyang nagpalit ng number pagkatapos niyon.
Natagpuan na niya ang babaeng inilaan ng Diyos para sa kanya. Hindi niya hahayaang sirain ni Debbie ang relasyon nila ni Serenade.
“Sa tingin ko, mahal mo nga siya. Kaya bago pa makakilos ang Debbie na `yan, unahan mo na. Alam mo naman ang topak ng babaeng `yon. Siguradong masasaktan si Serenade. Ayaw mo naman sigurong mawala sa `yo ang babaeng mahal mo. Debbie is damn obsessed with you,” paalala ni Brian.
“I know and I won’t let her get in our way,” sagot niya.
“Then tell Serenade about her as soon as possible.”
“I will.”
Ilang sandali lang ay nag-ring ang cell phone niya. Kumunot ang noo niya nang numero lang ang nakarehistro sa screen. Hindi naman siguro nagpalit ng number si Serenade dahil kung nagpalit ito, siguradong sasabihin nito iyon sa kanya.
Sinagot na niya ang tawag. Naisip din kasi niyang baka isa iyon sa mga kliyente ng kompanya.
“Hello.”
Hindi sumagot ang nasa kabilang linya kaya pinindot na niya ang End call button. Pero ilang sandali lang ang nakalilipas ay muling tumunog ang cell phone niya. Iyon ding numerong iyon ang tumawag. Nang sagutin niya iyon, mga tunog lang ng sasakyan ang naririnig niya sa background. Nagtatakang tiningnan niya ang cell phone, saka ibinalik iyon sa kanyang tainga.
“Hello!” asik niya.
Hindi pa rin sumasagot ang kung sinumang tumatawag.
“Hello! Sino ito?” naiinis nang tanong niya. Nang hindi pa rin ito sumagot ay pinindot na uli niya ang End call button. Maya-maya lang ay tumawag na naman ang misteryosong numero. Nang sasagutin na niya iyon ay saka naman biglang nawala.
“Sino kaya iyon?” tanong ni Brian.
“Ewan.”
“Baka nanti-trip lang `yon. Hindi kaya si Debbie `yon?” hula nito.
“Imposible. Nagpalit na ako ng number,” aniya. Nang siya naman ang sumubok na tawagan ang number ay unattended na iyon.
“Baka wala lang magawa sa buhay ang isang `yon. Anyway, I have to go. May lakad pa kami ni Serene. May dinner kami sa bahay ng kapatid niya.”
“Naks! Seryosuhan na talaga `yan, ha.”
Tumawa siya. “Wala nang atrasan ito. Hindi ko na siya pakakawalan. Handa na nga akong iharap siya sa altar, eh. Walang pakialamanan.”
“Fine! Wala na akong sinabi.”
“Tara na nga,” yaya niya rito.
Sa kabila ng pagbibiruan nila ng kaibigan niya ay hindi pa rin mawala sa isip niya ang misteryosong caller. Hindi niya maintindihan ang kaba sa dibdib niya. Bakit parang may kung anong babalang biglang lumitaw sa isip niya? Ipinilig niya ang kanyang ulo. Hindi dapat siya magpaapekto kay Debbie, kung ito man iyon. Kailangan niyang patunayan sa sarili na mas malakas pa rin ang tunay niyang pag-ibig para kay Serenade.
HINDI alam ni Serenade kung matatawa siya o maaawa kay Michael. Habang nagmamaneho kasi ito ay halatang balisa ito. Kapag tinatanong naman niya ito ay okay lang naman daw ito. Kanina, nang bago sila umalis ay nakailang beses nitong itinanong sa kanya kung ayos na ba ang suot nito. At ngayon nga, habang hawak nito ang manibela ay tinatapik-tapik pa nito iyon. Nang hawakan niya ang kamay nito ay nanlalamig ito.
Papunta sila sa bahay ng Kuya Sam niya para sa napagkasunduan nilang dinner. Doon sila magkikitakita pati ng Kuya Simon niya at ng asawa nito.
“Hey, are you really okay? Nanlalamig ka. May sakit ka ba?” nag-aalalang tanong niya rito.
Marahas itong napabuga ng hangin, saka napailing. “I’m okay. Kaya lang, kinakabahan ako, eh,” pag-amin nito. Napakamot sa batok na alanganin itong ngumiti.
Natawa siya. “Seryoso ka?”
“Sino ba’ng hindi matetensiyon, dalawang kuya mo ang haharapin ko. Baka talupan ako nang buhay ng dalawang iyon,” sagot nito.
Natatawang ginagap niya ang kamay nito. “Relax ka lang. You have nothing to worry about. Mababait ang mga kuya ko.”
Huminga ito nang malalim. “Natatakot lang kasi ako. Baka ayaw nila sa akin para sa `yo.”
“Michael, wala silang rason para ayawan ka nila. Hindi mo naman ako sinaktan. You’ve been very honest to me ever since nagkakilala tayo. Kaya I’m sure magiging okay ka sa kanila. Just be yourself.”
Hindi ito umimik. Parang nahulog ito sa malalim na pag-iisip.
“Ikaw naman, o. Huwag ka ngang masyadong mag-alala diyan. Everything will be all right.”
“Y-yeah,” pilit ang ngiti na sagot nito.
Ilang sandali pa ay nasa tapat na sila ng gate ng bahay ng kuya niya. Nasa isang eksklusibong subdivision iyon sa Makati. Bumusina si Michael nang tatlong beses. Maya-maya pa ay bumukas ang malaking gate. Ipinasok ni Michael ang SUV nito at ipinarada iyon sa garahe. Pagbaba nila ng sasakyan ay agad silang sinalubong ng mga pamangkin niya.
“Tita Serene!” Nag-uunahang tumakbo ang mga ito palapit sa kanila ni Michael. Isa-isang humalik ang mga ito sa pisngi niya at yumakap sa kanya.
“Kumusta kayo?”
“Okay lang po,” sagot ni Hansen, ang panganay na anak ng Kuya Sam niya na sampung taon gulang.
“Tita, may dala ka pong cake?” tanong ni Samantha sa kanya. Sumunod ito kay Hansen.
“Meron. Hayun, hawak ni Tito Michael n’yo,” sagot niya, sabay turo sa huli na nakatayo sa tabi niya.
Itinaas naman ni Michael ang hawak na malaking kahon ng cake.
“Tita, sino po siya?” tanong naman ng limang taong gulang na si Simone, ang unica hija ng Kuya Simon niya.
“Kids, I want you to meet Michael. ‘Tito Michael’ ang itatawag ninyo sa kanya,” sabi niya sa mga ito.
“Hello sa inyo,” bati ni Michael sa mga bata.
“Hi po. Boyfriend ka po ng tita ko?” deretsong tanong ni Hansen.
Nagkatinginan sila ng binata.
“Mukhang dito pa lang, may mag-i-interrogate na sa akin, ah,” nakangiting sabi nito, kapagkuwan ay tumingin ito kay Hansen. “Yes, boyfriend ako ng tita mo.”
“Ano po’ng trabaho n’yo?” tanong uli ng pamangkin niya kay Michael.
“I used to be a pilot. Pero ngayon, architect ako,” sagot ng binata.
Nagliwanag ang mukha ng pamangkin niya. “Wow! Talaga po, pilot kayo dati? Iyon pong nagpapalipad ng airplane?”
“Yup.”
“Tito Michael, nasaan po `yong airplane n’yo? Bakit hindi n’yo dala?” sabad ni Simone.
Natawa sila. “Kasi, baby, masyadong malaki `yon para dalhin ni Tito Michael.”
“Serene.”
Paglingon niya ay nakita niya ang Kuya Simon at Kuya Sam niya. Nakangiti ang mga ito. Medyo matagal silang hindi nagkita ng Kuya Simon niya dahil ilang buwan itong nawala. Nagpunta ito sa Amerika para asikasuhin ang negosyo nito roon. Sa kanilang tatlong magkakapatid, dito siya pinakaclose. Halos ito na ang nag-alaga sa kanya mula noong maulila sila. Ang Kuya Sam naman niya ay maagang namulat sa responsibilidad na iniwan ng daddy nila.
“Kuya Simon!” Patakbong lumapit siya rito at niyakap ito nang mahigpit.
“Kumusta ka na?”
“Okay lang, Kuya. May ipapakilala ako sa `yo.”
Lumapit si Michael sa kanila. Kumalas siya sa pagkakayakap sa kuya niya at hinawakan niya ang kamay ng nobyo niya.
“Kuya Simon, Kuya Sam, I want you to meet my boyfriend. Michael Illagan, Jr.” pagpapakilala niya kay Michael sa mga kuya niya.
Kinamayan ng boyfriend niya ang mga kapatid niya. Natatawa siya sa Kuya Simon niya dahil base sa pagkakatitig nito kay Michael ay halatang kinikilatis nito ang huli.
Saglit niyang iniwan si Michael nang lumabas ang Ate Mariz at Ate Joan niya. Asawa ng Kuya Simon niya ang una at asawa naman ng Kuya Sam niya ang huli. Binati niya ang mga ito. Sandali siyang nakipagkuwentuhan sa mga hipag niya.
“Bagay kayong dalawa,” anang Ate Mariz niya.
“Thanks, Ate.”
“Kaya lang, tingnan mo ang mga kapatid mo. Kunwari, kinakausap siya pero kulang na lang ay itiwarik at itaktak siya,” sabi ng Ate Joan niya.
Nagtawanan sila. Napapagitnaan si Michael ng dalawang kapatid niya habang sunod-sunod ang tanong ng mga ito sa binata.
“Ah, kayong dalawa diyan, mamaya n’yo na bitayin si Michael. Kumain na muna tayo. Nagugutom na rin ang mga bata,” anang Ate Joan niya sa mga kuya niya.
Nang makapasok na ang mga kuya niya sa loob, narinig niyang napahinga nang malalim si Michael. Natatawang bumaling siya rito. “Are you okay?” tanong niya rito.
Tumango ito. “Oo naman. Medyo ninerbiyos lang ako sa mga kuya mo, lalo na sa Kuya Simon mo. Akala ko, bibigwasan na niya ako.”
“Sira. Hindi ganoon `yon. Binibiro ka lang n’on,” natatawang wika niya.
“Basta, kinabahan pa rin ako.”
“Pumasok na nga tayo sa loob. Maya-maya lang, magiging kampante ka na ring kakuwentuhan ang dalawang `yon.”
Maraming inihandang pagkain ang Ate Joan niya. Hindi matapos-tapos ang kuwentuhan nila habang kumakain. Napuno ng tawanan ang buong dining area. Isa na yata iyon sa mga pinakamasayang dinner na nangyari sa buhay niya. Kompleto silang pamilya at higit sa lahat ay kasama niya ang lalaking mahal niya.
“So you’re an architect. Mabuti naman. At least, hindi magugutom ang kapatid ko kapag kayo ang nagkatuluyan,” patuloy na pag-i-interview ng Kuya Simon niya kay Michael.
“Kuya,” saway niya sa kapatid.
Pinandilatan siya nito.
Bumaling siya kay Michael. “Pasensiya ka na sa mga kapatid ko. Mabait naman talaga sila. Kaya lang, madalas na abnormal sila, lalo na kapag bilog ang buwan,” biro niya.
“Hoy, bata. Nagsalita ang hindi abnormal. Tumahimik ka nga diyan,” anang Kuya Sam niya.
Nakangising nag-peace sign siya rito. Nang tumingin siya kay Michael ay nakita niyang napapailing ito.
“But seriously speaking, pare, mahal na mahal namin si Serene. Nag-iisa siyang babaeng kapatid namin kaya ayaw namin na nakikita siyang nasasaktan,” seryosong sabi ng Kuya Simon niya.
“And I’m sure kung may kapatid kang babae, pareho lang tayo ng gagawin,” sabi naman ng Kuya Sam niya.
“I understand. I promise, hinding-hindi ko sasaktan si Serene. Mahal na mahal ko siya. Ayokong mawala siya sa buhay ko. Gagawin ko ang lahat, sumaya lang siya sa piling ko,” sagot ni Michael.
Binalot ng saya ang puso niya. Damang-dama niya ang sinseridad nito sa bawat salitang binitawan nito. Sa katunayan, higit pa sa saya ang nararamdaman niya. Hindi niya kayang ilarawan. Sana hindi na matapos ang sandaling iyon.
“HE LOOKS fine to me,” narinig ni Serenade na komento ng Ate Mariz niya patungkol kay Michael. Naroon sila sa garden sa harap ng bahay ng Kuya Sam niya at nagkakape.
“Mukhang mabait siya at guwapo pa,” dagdag naman ng Ate Joan niya.
“Mabait talaga siya. Sobrang sweet at caring din siya. Wala na yata akong mahihiling pa,” sabi niya.
“Mukhang mahal na mahal ka rin niya. Kaya lang, mag-ingat ka pa rin. Hindi mo pa rin siya lubos na kilala,” paalala ng Ate Mariz niya.
“Yeah, your Ate Mariz is right. Walang masama kung mag-iingat ka. After all, it’s for your own good,” anang Ate Joan niya.
Tumanim sa isip niya ang mga sinabi ng mga hipag niya. Eksaktong pagtingin niya sa gawi ni Michael ay tumingin din ito sa kanya at kinindatan siya. Parang hinipan ang nabubuong pagdududa sa isip niya. Pero sana, hindi siya sasaktan nito.
“Ipinangako niya kay Kuya Simon na hindi niya ako sasaktan, so, I’ll take his word. Mahal na mahal ko siya, Ate. Ayoko siyang mawala sa buhay ko. Ngayon lang ako nagmahal nang ganito,” sabi niya.
Inakbayan siya ng Ate Joan niya. “Alam naman namin `yon. At nakikita namin na nagmamahalan kayo. Ang sa amin lang naman ay nagpapaalala lang. Ayaw kasi namin na dumating ang araw na makikita ka namin na nasasaktan.”
“I know and I appreciate your concern. Thank you sa inyo.”
Maya-maya ay nakita niyang lumayo sa mga kuya niya si Michael. Nagtaka siya. Parang may kausap ito sa cell phone nito. Panaka-naka pang lumilingon ito sa kanya. Maya-maya ay kumunot ang noo nito. Mababakas ang galit sa mukha nito. Lalapitan na sana niya ito nang husto namang natapos ang pakikipagusap nito sa kung sino mang kausap nito. Bumalik ito sa pakikipagkuwentuhan sa mga kapatid niya. Kumaway pa ito sa kanya at ngumiti nang makita nitong nakamasid siya rito. Bumalik sa isip niya ang mga paalala ng mga hipag niya sa kanya. Muling bumangon ang pagdududa sa dibdib niya.
She took the risk when she fell in love with Michael. Hinayaan niyang mahulog ang loob niya rito. Ibinuhos niya ang pagmamahal niya rito, dalangin lang niya ay huwag dumating ang araw na luluha siya nang dahil dito. Hindi niya kakayanin kapag sinaktan siya nito.