KABANATA 6
Madilim ang mga ulap dahil sa lungkot ng mga residente. Sa kanyang paligid, nagtataasan ang mga kulay abong gusali ng mga negosyante. Kanina pa umaawit ang lata ni Lourdes, pero hindi n’ya ito pinapansin. Katulad din ng mga taong nakapalibot sa kanya, pinapatay s’ya ng pag-iisa.
Nagkakasikuhan sila sa bangketa. Ilang kamay na ang kanyang natapakan sa kanyang paglalakad. Hinagisan na lang n’ya ng barya ang mga nagreklamo sa mga pulubi. Ang mga hindi nagbigay-tinig sa sakit na kanyang idinulot, ipinagpalagay na lang n’yang patay na.
S’ya man, at ang mga tao roon, para na ring bangkay sa lamig. Mahina ang ulan pero mataas na ang baha, umaabot na ito ngayon sa kanyang kasu-kasuan. Madla sila, tabi-tabi, siksikan, pero magkakahiwalay sila. Hindi alam ni Lourdes kung ano ang paliwanag ng iba, pero ang dahilan n’ya, paulit-ulit ito sa kanyang isip.
Isang buwan na silang lihim na nagkikita ni Amado. Nagpapanggap pa rin ang lalake na mahal nito si Agatha, bilang pagsunod sa hiling ni Lourdes. Ang plano n’ya sana’y hanapan muna ng bagong makakasama ang kanyang kaibigan bago n’ya ipaalam dito ang relasyon nila ni Amado. Pero lango sa pag-ibig si Agatha, halos nawalan na nga ito ng panahon sa pag-aaral, at nawalan na talaga ng panahon para kay Lourdes. “Mauunawaan mo rin,” sabi nito, “pag umibig ka na.”
At, ayun na nga, unawang-unawa ni Lourdes. Kung aaminin n’ya sa kanyang sarili, may sarap s’yang nahuhugot sa pagtatago. Sa mga tawag sa latang kailangang sagutin nang mag-isa. Sa mga liham na hindi maaaring pirmahan. Sa paglalaro ng mga paa sa ilalim ng mesa habang naroon si Agatha. Gustong-gusto n’ya iyon, at ilang beses na silang muntik mahuli, buti na lang madalang ang pagkikita nilang tatlo para maghapunan.
Pero tatlong araw na ang nakakaraan nang magkita sila ni Amado sa palengke malapit sa unibersidad pagkatapos masiguradong nasa laboratoryo si Agatha, bumabawi sa ibinagsak na pagsusulit, nang nakakita si Lourdes ng palabas na bumabagabag sa kanyang loob.
May mga alagad ng sining na hindi sapat ang pagpapakitang gilas sa kahon. Ang gusto nila’y kita mismo ng kanilang mga manonood ang katawan nila, rinig ang mismong boses nila, nang hindi ipinaparaan sa makina. Kaya nagtatanghal sila sa iba’t ibang lugar na pampubliko. Hindi planado ang mga ito, walang anunsyo para hindi dumating ang mga tagakahon para kuhanan at ipalabas nang malawakan sa kaharian. Espesyal ang mga pangyayaring ito, walang dalawang magkatulad. Swerte ang mga nakakapanood, at si Amado, natunugan n’ya, hindi sinabi ng lalake kung galing kanino, na may magaganap na palabas sa palengkeng malapit sa kanilang unibersidad.
May panganib, oo, na makita sila ng mga kaklase, kadorimotoryo, kaibigan, na magkasama nang wala si Agatha, o makita mismo ni Agatha. Pero may ligaya sa pakiramdam ng panganib na iyon, kaya hindi pa halos tapos ni Amado ang alok na manood, isinigaw na ni Lourdes ang kanyang oo.
Sa tapat ng tindahan ng kahon nag-abang ang dalawa. Magkatabi silang nakatayo, nakasandal sa pader, kinailangang makontento na ang mga braso ang magkadikit, imbes na ang mga kamay. Hindi katulad ng kanyang kinaroroonan ngayon, hindi siksikan ang mga tao sa palengkeng iyon. May mga nakatambay, tulad nilang nakasandal sa mga pader, pero kaunti lang, at hindi rin ganoon karami ang naglalakad papunta rito, papunta roon.
Ilang sandali pa’y may isang babaeng may mahabang damit at mas mahabang palda ang tumayo ilang dipa mula sa kanila. Nakatalikod ito, mahigpit ang yakap ng telang lila sa payat na katawan. Si Amado ang nakapansin. Nagtatanggal ito ng mga suot. Supil sa buhok, mga hikaw. Kwintas, sinturon. Nang magtanggal ito ng damit, nakita nilang wala itong suot sa ilalim. Kaunti lang sa mga tambay ang napalingon, mas kaunti mula sa ranggo ng mga naglalakad sa paligid. Wala namang batas na nagbabawal maghubad sa pampublikong lugar sa Makinang Mahal, at bagaman hindi ito pangkaraniwan, hindi rin ito itinuturing na eskandaloso.
Nagtanggal ng mga sapatos ang babae, saka ng palda. Buo na ang pagkakahubo nito. Bumilis ang tibok ng puso ni Lourdes. Hindi dahil nakahubad ang babae, wala namang kaso iyon sa kanya, hindi naman s’ya taga-Gusaling Matangkad, kundi dahil alam n’yang parating na ang iba pang mga alagad ng sining. Sa pagkakaintindi n’ya sa mga kwento, ang mga pangyayaring ito’y may paputok, at sayawan, at kantahan, at hagisan ng tubig mula sa mga balde, at mga payaso, at minsan pa nga may nagdala ng karwahe para hugasan ng mga babae’t lalakeng abito ang suot.
Hinintay n’ya ang mga payaso, ang mga paputok, ang sayawan at hagisan ng tubig. Si Amado ang unang nakahalata. “Umiiyak s’ya,” bulong nito.
Lalapit na sana si Lourdes sa babae, para itanong kung ano ang problema nito, nang bigla itong nagsisigaw. “Mga taksil kayo! Mga taksil kayo!” Nakabuka ang mga braso nito, nakabukaka ang mga hita. Si Amado rin ang nakahalatang ang hinihiyaw nito’y may puntirya. Ngumuso ang lalake sa direksyon ng isang kainan sa ikalawang palapag ng gusaling kaharap ng babae.
“Ako lang!” sigaw nito. “Sabi mo ako lang ang mahal mo!”
Nakita sila ni Lourdes. Dalawang lalake, kumakain sa may balkonahe. Pilit hindi pinapansin ang babaeng hubad na minumura sila. Minumura ang isa sa kanila. Nagsubuan pa ang dalawa, pero nang magsimulang mambato ang babae, tumakbo sila paloob ng kainan.
Nakahakbang na si Lourdes papalapit dito nang hilahin s’ya paatras ni Amado. Hinatak s’ya nito papasok sa tindahan ng kahon, kinaladkad sa dulong bahagi, kung saan mga luma’t maliit na kahon ang mabibili sa murang halaga. Bago pa s’ya makapagtanong, bumulong ang lalake. “Si Agatha.”
“Hindi si Agatha ’yon!”
Marahan nitong hinawakan ang kanyang mga labi. “Hindi nga. Pero naglalakad s’ya, nakita ko, papunta sa direksyon natin. Narinig n’ya rin siguro ’yung babae.”
Nang sandaling iyon may sumabog sa puso ni Lourdes. Ayaw na n’yang magpanggap, ayaw na n’yang magsinungaling. Pupuntahan n’ya sa labas si Agatha, ikukumpisal ang kanyang pagtataksil. Itinulak n’ya si Amado at naglalakad na nang bumakas ang pinto ng tindahan at bumuhos paloob ang mga payaso.
Tatlong araw na ang nakakalipas. Pagkatapos ng pangyayaring iyon, tumakbo papunta ng estasyon ng tren si Lourdes. Hindi n’ya sinagot ang mga sigaw ni Amado, at hindi n’ya sinasagot ang mga tawag nito sa lata. Si Agatha rin, hindi n’ya magawang kausapin, bagaman nawala na s’ya ng loob sabihin sa kaibigan ang totoo.
Kagabi, nagsaliksik s’ya sa kahon kung saan mayroong may lamang simbahan sa Makinang Mahal. Hindi s’ya makapaniwalang hindi lang walang nagsisimba kundi walang pari sa tatlong pinakamalapit na simbahan sa dormitoryo. Kung hindi man abandonado, ang laman ng mga ito’y hayop. Alam dapat n’ya iyon, alam n’ya dapat na ang mga tao’y madalas magsalita tungkol sa Diyos, pero ayaw makinig sa iba na magsalita tungkol dito. Alam dapat iyon ng isang gustong maging reyna, pero hindi alam, o hindi n’ya maintindihan. Ang tanging nasa utak n’ya’y ang pangangailangan na may makausap tungkol sa kasalanan. Ang tangi n’yang natutuhang bago’y ang pamahiin tungkol sa mga simbahan, kung bakit tinitirhan ng mga umuokopa ng ibang abandonadong gusali ang mga ito: tahanan daw ito ng mga multo.
Tumawag s’ya sa kanyang ina.
“Pari, hindi mo alam kung saan may pari sa Makinang Mahal?” Tanong nito, may tuwa sa tinig, parang may nangyaring swerte. “Pumunta ka rito, meron akong mapa.”
Ang mahirap sa malaking kaharian tulad ng Makinang Mahal, may ilang teritoryong hindi nararating ng tren. Nasa kabilang dulo ng kanilang bayan ang tanging lugar kung saan mayroong simbahan, eksaktong katapat ng baryo kung nasaan ang kastilyo ni Lourdes, na malapit na raw maayos mula sa pagkakawasak ng mga nalasing na mamamayan sa piging. Kailangan ng mapa ni Lourdes para mapuntirya ang Agora, lugar kung saan, ayon sa kanyang ina, “Hindi lang simbahan kundi kung nasaan ang iyong ikalawang malaking pagsusulit.”
Natuwa si Lourdes nang marinig n’ya iyon, muntik na n’yang makalimutan ang tungkol kay Agatha. Pero pagtapak pa lamang n’ya sa Agora, bumaha pabalik ang mga agam-agam. At hindi lang agam-agam!
Mababaliw din ba ito, tulad ng babaeng iyon sa palengke, pag nalaman nito ang pakikiapid ng kasintahan sa pinakamatalik na kaibigan? Magagalit kaya? Hahayaan silang mamuhay at magmahalan nang payapa? Magsasampa ng kaso? Magpapakamatay?
Hindi maisipni Lourdes noon na magagawaito ng kanyang kaibigan, hindi ang pagpapakamatay. Pero nabanggit nito minsan ang paglaslas, nang, ilang linggo na ang nakalilipas, bago magsimula ang pakikiapid ni Lourdes kay Amado, mapag-usapan nila ang mangyayari sakaling mahiwalay si Agatha sa kasintahan. “O di kaya,” sabi nito, nakangiti, ibig sabihin, seryoso, “o di kaya magsusunog.”
“Ng... gusali?”
“Ng katawan.” Tumawa ito. “Ano ba Lou, sinasakyan ka na nga e...”
Hindi malaman ni Lourdes kung bakit walang malapit na estasyon ng tren sa lugar na inilaan para sa mga muog ng mga negosyante. Hindi rin n’ya malaman kung bakit maraming pulubi sa lugar na sabi n’ya’y matatagpuan ang tirahan ng mga mananambang ng kanilang kaharian. Hindi man n’ya maintindihan, alam n’ya, nasa Agora s’ya, nasa isang misyon, at tulad ng mga pulubing mahirap at pulubing mayaman sa kanyang paligid, malungkot s’ya. Pinadidilim nila ang mga ulap.
Ang utos ng kanyang ina, unahin n’ya muna ang pagpunta sa kainan, saka s’ya tumungo sa simbahan. Tiningnan ni Lourdes ang retrato ng mapa sa kanyang lata, saka inilibot ang mga mata sa kanyang paligid. Pare-pareho ang hitsura ng mga tao, ng mga gusali, at hindi tulad ng mga baryo, walang kahit anong palatandaan na s’ya’y nasa gitna o gilid ng Agora.
Narinig n’ya ang kalembang ng mga kampana. Umiikot-ikot s’ya para pakiramdaman kung saang direksyon nanggagaling ang tunog, at napatigil nang makitang ang mga taong kanina’y nakikipagsikuhan habang naglalakad, pati na rin ang mga pulubing nakahiga sa mga bangketa, ay ngayo’y nakaluhod, nakapikit ang mata, nakaposisyon ang katawan at mukha paharap sa silangan.
Lumuhod si Lourdes, pero hindi s’ya pumikit. Agad nabasa ang kanyang mga tuhod, pati na rin ang kanyang mga binti. Tuloy lang ang ingay ng mga kalembang. Sa silangan, nasa silangan ang simbahan. Doon muna s’ya pupunta, saka n’ya hahanapin ang kainan. Gusto n’yang maging mabuting reyna, gusto n’yang tuparin ang kanyang mga tungkulin, pero para magawa iyon, kailangan n’ya munang pamahalaan ang kanyang sariling isip. Kung maagnas ang kanyang utak dahil sa pang-uusig ng mga tinig na nagsasabing pinagtataksilan n’ya si Agatha, hindi s’ya magiging mahusay na pinuno, makita at mabigay man n’ya ang utos ng taong kanyang hinahanap.
Matagal ang ritwal ng mga kampana. Limang minuto, ayon sa kanyang lata. Nang magsitayuan ang mga tao, at ang mga pulubi’y humiga nang muli, nahuli si Lourdes nang ilang sandali, at naparusahan s’ya ng mga siko at tulak. Nang sa wakas ay makatindig, tumakbo s’ya pasilangan. Bagaman madilim pa rin ang mga ulap, may naaaninag s’yang ilang linya ng liwanag. Para bang kahit papaano’y pinagalaw ng ingay ng ritwal ang mga nakaharang sa araw.
Saka bumuhos ang ulan. Isinaksak n’ya ang kanyang lata sa bulsa at tumakbo nang mas mabilis. Sa isang eskinita hinabol s’ya ng aso, pero sa tulong ng mahika ng hangin, kaunting tulong lang ang nakuha n’ya, hindi pa s’ya kasing husay ng kanyang ina, sumirko s’ya pabaliktad, at s’ya ang humabol sa aso. Itim ito, mataba, parang butas-butas na damit ang balahibo. Ang pagkabigla nito sa pagpalit nila ng posisyon ay mabilis napalitan ng takot. Gamit ang mahika ng hangin, pinitik ni Lourdes ang bayag ng aso, na kumaripas lalo. Ang naalala n’ya’y si Agatha, ang atleta sa kanilang dalawa, ang kaibigang nagtitiwala sa kanya.
Nang makita n’ya ang parating na dulo ng eskinita, muli, gamit ang mahika ng hangin, inigpawan n’ya ang aso, nakipagpalit muli ng pwesto, saka kinain ang mga dipang nasa pagitan n’ya at ng simbahan. Malayo na sa aso, tumalon s’ya para tawirin ang kalsada, at walang tunog na dumapo sa harap ng simbahan.
Maliit lang ito, kumpara sa tatlong kanyang unang binisita. Tatlong palapag na gusali, dwende kumpara sa mga muog ng mga negosyante, hiwalay ang toreng kinaroroonan ng mga kampana, ng tatlong kampana.
Mula sa labas, nakita ni Lourdes na bagaman nagsiluhuran ang mga tao dahil sa pagtunog ng mga kampana, kaunti pa rin ang bumibisita sa simbahan mismo. Bukas ang pintong gawa sa manipis na kahoy sa harapan nito. Naglipana ang mga kongkretong bangko sa paligid.
Tumalikod s’ya, nakitang narating na rin ng asong itim ang dulo ng eskinita. Kinawayan n’ya ito. Tumahol sa kanya ang aso. Tinalikuran n’ya ito, pinasok ang simbahan, at narinig muli ang tahol. Lumingon s’ya. Nakatawid na rin ng kalsada ang aso, at mukhang susunod papasok. Pipitikin n’yang muli ang bayag nito, kaunting sakit para malaman nitong may mga lugar ng tao na hindi para sa hayop. Pipitikin n’ya dapat ito, pero hindi s’ya sinunod ng hangin. Pipitikin n’ya dapat ang bayag ng asong itim, pero hindi n’ya matawag ang mahika.
Madalas, sa pag-aaral hanggang hating-gabi, nakakatulog s’ya sa mesa imbes na sa kama, nakaupo imbes na nakahiga. Nagiging unan n’ya ang sariling braso. Tuwing gumigising, manhid ito. Hindi n’ya magalaw. Ganito ang pakiramdam n’ya ngayon, sa loob ng simbahan. Manhid ang kanyang mahika. Hindi n’ya itong magalaw.
Tumalon s’ya palabas. Kalahating dipa lang, hindi pa naman s’ya nakakapasok nang tuluyan. Bumagsak s’ya sa lupa, halos dumausdos dito ang kanyang mukha.
Naroon nag-aabang ang asong itim. At ang mahika. “Salamat sa Diyos!” bulong n’ya, hindi napansin kung ano ang pinagsasabi. Ang buong akala n’ya’y mayroon s’yang salamangkerong kalaban sa loob, ang kapangyariha’y pigilin ang paggamit n’ya ng mahika. Kinapa n’ya ang kanyang bulsa. Katabi ng kanyang lata ang kanyang baril.
Dinilaan ng asong itim ang pisngi ni Lourdes. Inayos n’ya ang kanyang sarili, umupo, sumandal sa isang kongkretong bangko malapit sa kinabagsakan. Niyakap n’ya ang aso. Lagi na lang may nagbabantay sa kanya, kahit wala ang kalbuhing si Maria. Ano kaya talaga ang pangalan ng babaeng iyon?
Kinamot ni Lourdes ang likod ng mga tenga ng asong itim. “Maria,” sabi n’ya, “Maria ang ipapangalan ko sa ’yo.” Mainsulto kaya ang kanyang dating bantay? Pero hindi naman Maria ang pangalan nito, hindi, hindi naman siguro ito magagalit. Nakalabas ang dila, tumitig sa kanyang ang aso na hindi lang parang naiintindihan nito ang kanyang sinasabi, kundi na ang sinasabi n’yang iyon ay puno ng karunungan at dalang-ligaya.
Kumahol nang mahina ang aso, at nilingon ni Lourdes ang pintuan ng simbahan. Isang babaeng nakaabito ang palabas. Nakangiti ito, at umupo sa kongkretong bangko sa tabi nila ng hayop. Tahimik lang ito, pero may sinasabi ang mga mata: alam nitong tumalon si Lourdes palabas ng simbahan, at alam nito kung bakit.
“Paanong—?”
“Ako rin mismo,” sabi nito.Kumumpas at sumayaw-sayaw ang buntot ng asong itim.
“Hindi—”
“Panginoon?” Inalok nito ang kamay, tinulungan si Lourdes umupo sa kongkretong bangko. “Mula sa isang... maliit na pamilya. Hindi ko gustong magkaroon ng anak, o mamahala. Ang tanging nais ko’y maglingkod sa Diyos. Kung bukas, mamatay lahat mula sa Reyna, pagpalain ang kanyang kaluluwa, hanggang sa pinakamaliit na panginoon, at ako lang ang natira, isang walang mahika ang magiging pinuno ng Makinang Mahal, at hindi ako magrereklamo.”
“Bakit? Hindi mo ba gusto ang... ang kapangyihan? Kung hindi man ng mahika, ng posisyon. Kahit sa angkan man lang?”
Pangkaraniwan lang ang mukha ng babae, manipis ang mga labi, makinis ang kayumangging balat, tuwid ang buhok. Tanging ang mga mata nito ang espesyal. Hindi pa man ito nagsasalita ay alam na ni Lourdes ang pananaw nito sa kapangyarihan. “Ang mga iyan ay mga bitag. Sabihin mo sa akin, prinsesa, makapangyarihan ka, pero masaya ka ba?”
Nayanig ang loob ni Lourdes sa pagbanggit ng pari sa kanyang posisyon, paano nito nalaman? Pinigilan n’ya ang pagnganga. Imbes, sumimangot s’ya, inalala ang orihinal na dahilan ng pagpunta sa simbahan, at sinabi, “Hindi ako hindi masaya dahil sa mahika. Mayroon akong problema.”
“Tungkol sa lalake.”
Hindi patanong ang tono ng pangungusap. Inisip ni Lourdes kung ang paring ito’y pari ba talaga, o isang maliit na panginoonng nautusan ng kanyang ina. “Oo, lalake. At isa pa, pari ka ba talaga?”
Nanatili ang ngiti ng babae, pero tumawa ang mga mata nito. “Halika,” sabi nito, sabay tayo, pumasok itong muli sa simbahan, “dito lang sa loob maaaring magkumpisal.”
“Ayokong...” simula ni Lourdes, pero nakatayo na s’ya, papunta na, sumusunod na... “Ayoko.”
“’Wag kang matakot.” Nanghahalina ang mga mata nito, parang ipo-ipong hinihigop si Lourdes. “At oo nga pala, kailangan mong ibigay sa akin ang iyong baril. Iyon ang batas ng simbahan. Matanong nga kita, naituro na ba sa ‘yo kung paano gumawa ng simbahan?”
Hindi man lang natigilan si Lourdes. Walang mahika, walang baril, walang paraan para protektahan n’ya ang kanyang sarili. Marunong s’yang sumuntok, sumipa, oo, pero alam n’yang sa loob, hindi pisikal na pakikipagsapalaran ang magaganap. Sa kanyang likod, tumatahol si Maria. Isang imahen sa kanyang utak, si Agatha, nakahubad sa gitna ng palengke, at tuluyang nagtulak sa kanya paloob ng simbahan.