KABANATA 7
Ibinaon ni Anentet sa lupa ang kanyang balisong. Yumuko s’ya para bunutin ito, saka ito hinitsa muli. Mainit sa baryong ito, tagaktak sa pawis ang mga balbas ng mga pesante. Nasa loob ng isang barong-barong ang kanyang ina, kinakausap ang isang matanda, na sabi ng kanilang napagtanungan ay pinakamarunong sa kanilang lugar, at ang tanging maaaring may alam tungkol sa kanilang hinahanap na balon.
Hinagis n’ya ang kanyang balisong, binunot ito, ibabaon sanang muli nang makita ang bulateng bumabangon mula sa lupa. Ibinulsa ni Anentet ang kanyang sandata, at inilabas ang isa pa, ang ibinigay ng kanyang ina. Ang agimat, ang susing bigay ng Reyna ng Misha.
Makinis ang kahoy sa kanyang mga kamay, malamig ito, parang sa bakal gawa. Mabigat ito, mas mabigat nang di hamak sa kanyang balisong. Sabi ng kanyang ina, magagamit daw n’ya ito para palakasin ang kanyang mahika. Nang itanong ni Anentet kung paano, simangot lang ang naging sagot nito.
Isa na naman sa mga bagay na kailangan n’yang matutunan mag-isa. Dapat ay matagal na s’yang nasanay sa kanyang ina, pero hanggang ngayon ay umaasa pa rin si Anentet na minsan ay akayin s’ya nito, kahit na minsan lang, sa pag-aaral. Hiling ito, imposibleng hiling, pangarap, pantasya, panaginip. Mas mauuna pang maging kastilyo ang barong-barong sa kanyang harap, mas mauuna pang maging kongkreto ang mga yero nitong pader, mas mauuna pang mawala ang mga pusa at goma sa paligid, kaysa dumating ang araw na magkaroon ng kalinga ang kanyang ina.
Ayaw kasi nitong lumaki s’yang mahina. Alam n’ya iyon. Tanggap n’ya iyon. Ipinagpapasalamat n’ya iyon. Ibinulsa n’ya ang agimat. Sa totoo, ang magpapalakas ng kanyang ugnayan sa mahika ay kaunti, kaunti lang, na pagmamahal.
Alam n’yang kaya pa nilang maging mas malapit ng kanyang ina. Nang magpakita s’ya ng interes sa pagpinta, naging mas mabait ito sa kanya. Alagad ito ng sining, mula noong batang-bata pa s’ya. Mahilig pa rin itong gumuhit. Kakaibang mga disenyo, salitan lang ng mga kulay. Mga bilog na asul katabi ng mga bilog na pula, mga bilog na asul katabi ng mga parisukat na asul, mga bilog na asul katabi ng mga pakisukat na pula.
Nang mawala ang interes ni Anentet sa pagpinta, pinilit n’ya talagang buhayin ang kanyang pagnanasa, pero hindi n’ya maintindihan ang pagpipintang nais ng kanyang ina, isang mahabang sermon ang kanyang natanggap, tungkol sa pagtitiyaga at pagkapit sa mga iniibig.
Pero hindi pa rin iyon ang pinakamalala ng kanyang ina, hindi pa rin s’ya ang pinakakawawa. Ang kanyang Ate Ena, binugbog nito nang bumagsak minsan sa isang pagsusulit sa eskwelahan.
Swerte pa rin si Anentet, mayroon s’yang mahika.
Sa simula’y ang ina n’ya ang may hawak ng agimat. Hindi naman daw nila ito kailangan sa Leta, hindi naman sila mapapaaway sa ibang panginoondito. Pero kagabi, mula sa isang baryo kung saan, nakabibigla, hindi nila natagpuan ang hinahanap na balon, kagabi inatake ang kanilang karwahe. Pauwi na sila, pagod, at huli na nang marinig ang mga iyak ng kanilang kutsero. Tumalon silang mag-ina palabas, tig-isang balisong ang mga kamay ni Anentet. Isang dosenang lobo ang kanilang kinaharap.
“Mga demonyo!” sigaw ng kanyang ina. Kumawala ang mga bolang apoy mula sa kamay nito.
Halos hindi na kinailangan ni Anentet ang lumaban, isang lobo lang ang kanyang nasaksak, pero apoy pa rin ng kanyang ina ang tumapos dito. Isa pang lobo ang nabato n’ya ng balisong, baon ang sandata sa pagitan ng mga mata nito, pero hindi bumagsak ang hayop. Imbes, tumakbo lang ito papunta sa mga puno. Pinanood ni Anentet ang pagtakas nito, hanggang batukan s’ya ng kanyang ina. Habang hinahaplos ang kanyang bungo, masakit ang mabatukan, lalo ng kanyang ina, may naramdaman s’yang malapot. Nang tingnan n’ya ang kanyang kamay, nakita n’yang duguan ito. Alam n’yang hindi s’ya nasugatan. Nang tingnan n’ya ang kamay ng kanyang ina, na ang inaatupag na’y ang pagtingin kung kaya pang tumakbo ng mga kabayo, nakagat din ang mga ito, nakita ni Anentetng dumudugo ang mga daliri nito, at ang palasingsingan at hintuturo ng kaliwang kamay ay pareho nang walang kuko.
Pinigil ni Anentet ang kanyang mga luha. Ikakagalit lang ito ng kanyang ina. Pero hindi pa rin n’ya mapigilan ang kanyang lungkot. Anong magagawa ng balisong, ng mahika ng bulate, para hilumin ang kanyang ina?
Hinablot nito ang kamay mula sa mga kamay ni Anentet. Kumumpas ito at nag-apoy ang kabayong napuruhan ng mga lobo, isang puting lalakeng nakahandusay sa lupa. “Balik sa karwahe.”
Sumunod si Anentet. Mag-isa s’ya roon. Ang kanyang ina ang nagsilbing kutsero. Buong biyahe pabalik sa sentro, ramdam n’ya ang init at lamig ng paggamit nito ng mahika. Wala na silang kinaharap na atake sa gabing iyon.
Kaninang umaga, habang nag-aalmusal, inabot kay Anentet ng kanyang ina ang susi ng Reyna ng Misha sa loob ng isang supot. “Ibulsa mo agad,” bulong nito. Ngumuya at lumunok nang mas mabilis si Anentet. Sa loob ng karwahe, ibinigay ng kanyang ina ang ilang gabay sa paggamit ng agimat. Doon s’ya napagalitan nang magtanong. Pagdating nila sa baryong ito, paglabas sa karwahe, napansin ni Anentet na hindi s’ya matingnan ng kutsero nang diretso. Malakas at marahas ang pagkagalit ng kanyang ina.
Para hindi s’ya lumaking mahina.
Walang pinto ang barong-barong, kita n’ya ito sa loob, nakaupo sa isang silyang gawa sa bakal. Ang hindi nakikita ni Anentet ay ang matandang sabi ng mga pesante’y marunong. Isa raw itong paham, may isinusulat na libro. Nang itanong ni Anentet kung tungkol saan ang libro, hindi s’ya masagot ng mga tao. “Hindi iyon para sa amin,” sabi ng mga ito, pare-pareho ang kanilang sinabi, “para iyon sa susunod na henerasyon.”
“Patapos na ang Panahon ng Mahika,” narinig n’yang ibinulong ng kanyang ina. Napakagat si Anentet sa pisngi nang matanto n’ya kung saan n’ya unang narinig ang mga salitang iyon. Sa isang piging, mula sa Reyna ng Makinang Mahal.
Anong alam ng mga pesante tungkol sa kinabukasan? Bakit pare-pareho sila ng sagot, wala kahit isang dagdag na salita, wala ring bawas. Itinuro ba sa kanila ito mula pagkabata, pinaulit-ulit nang walang pag-iisip katulad ng mga dasal sa mga isinumpang simbahan?
“Anentet!” sigaw ng kanyang ina. “Halika.”
Ibinulsa n’ya ang kanyang balisong, kailangan n’yang bumili ng kapalit ng itinakas ng lobo pagbalik nila sa Gusaling Matangkad, kung babalik man sila roon, saka pumasok sa barong-barong. Tumayo s’ya sa likuran ng kanyang ina, pinagmasdan ang paham na may isinusulat di-umano na para sa kinabukasan lamang.
Lalake ang matanda, walang ibang suot kundi salawal, na para bang nasa bahay-paliguan, o di kaya’y residente ng Makinang Mahal. Maitim ang buhok nito, maikli, parang sa sundalo. Wala itong bigote o balbas, mahabang-mahaba ang kanyang mga patilya. Nakaupo ito sa sahig, napapaligiran ng mga papel at panulat.
Totoo ngang may isinusulat ito. Nang subukan ni Anenteng basahin ang ilang bahagi, ang nakita lang n’ya’y mga letrang tabi-tabi pero walang binubuong salita. Sa ibang wika nagsusulat ang matanda? O, sira-ulo lang ito, at hindi talaga alam kung nasaan ang balon.
Ang balon na iyon, bakit ba importante?
“Nasaan ang balon?” tanong ng kanyang ina.
Mahina ang tinig ng matanda, parang sa multo, parang galing sa ilalim ng balon. “Gusto ko munang makita—”
“Hindi iyon ang napagkasunduan natin.” Dinuro ng kanyang ina ang matanda. “’Wag mo akong ipapahiya sa harap ng anak ko.”
Ngumiti ang matanda. May bakal ang mga ngipin nito. “Nasa gubat.”
“Aling gubat?”
“Malapit lang dito, sa may silangan.” Itinuro nito ang alam ni Anentet ay kanluran. “Hindi kayomaliligaw. Kung maligawkayo, balik bayad.”
Tumayo ang ina ni Anentet. “Halina,” sabi nito.
“At nasaan,” sabi ng matanda mula sa kanilang likuran, “ang iyong bayad. Gusto kong makita ang tatlong utong ng iyong anak.”
Tumigil sila sa paglalakad. Naramdaman ni Anentet ang init ng bagong panganak na bolang apoy. Malamig ang tinig ng kanyang ina. “Gusto mo ba talagang makita?”
Hindi sumagot ang paham.
“Maraming salamat, kung gayon.” Itinulak si Anentet ng kanyang ina palabas ng barong-barong. “Magandang hapon, at paalam. Sana’y swertehin ka sa iyong pinagsusulat.”
Sa labas, mabilis silang naglakad papunta sa karwahe. Wala ang kutsero, at wala ang mga kabayo.
“Mga demonyo!” sigaw ng kanyang ina. Tumingin ito sa kanilang paligid. “Dapat ay pinatay ko na lang talaga ang matandang iyon.” Hinawakan nito ang braso ni Anentet. “Halina.” Nagmartsa sila pasilangan.
“Mahal kong ina...” Nang hindi ito sumagot nagpatuloy si Anentet. “Ang mga lobo ay sa mga puno tumakbo kagabi.” Nang hindi pa rin ito sumagot, o tumingin man lang sa kanya, sinabi na lang ni Anentet, “Sa wakas, ang balon.”
“Sana nga.”
Muntik matapilok si Anentet.
Halos isang oras silang naglakad bago makakita ng ilang puno. Lampas isang oras ang lumipas bago marating ang bukana ng gubat. Naglabas si Anentet ng tinapay at tubig. Hindi n’ya inalok ang kanyang ina. Ilang beses na rin s’yang nabulyawan nito dahil sa kanyang pag-aalok. “Hindi lang ikaw,” sigaw nito, “ang kailangang maghanda laban sa panghihina. Kung laging may pagkain, paano ka masasanay sa gutom? Sa labanang walang tubig, ang ikamamatay mo ba ay sandata ng iyong kaaway, o uhaw?” Alok lang nang alok si Anentet noon, dahil bata s’ya. Pero nang batukan s’ya ng kanyang ina sa kanyang kaarawan nang alukin n’ya ito ng ensaymada na kanilang handa, natutuhan n’yang ayaw sa pagkain ng kanyang ina. Malakas itong kumain, oo, pero ayaw nitong nagmumula sa kanya.
“Halina sa loob, tama na ’yan.”
Lumagok si Anentet, saka ibinulsa ang lalagyan ng tubig. Hindi n’ya itinago ang tinapay. Maingay ang mga nguya, sinundan n’ya ang kanyang ina papasok sa gubat.
Mabilis ang kanilang paglalakad, at mabilis din ang pagdamit ng mga puno sa kanilang paligid. Ang katakataka’y hindi naman normal ang pagkakatabi-tabi ng mga ito. May narra, may mansanas, may balete, halos walang isang dipa ang layo sa isa’t isa. Isa pa, para bang may nakahandang daan ang gubat para sa kanila. May kumpol-kumpol na puno, may espasyo, may kumpol-kumpol na puno. Ang mga ito ang nagdesisyon kung kakaliwa sila, kung kakanan. Inisip ni Anentet kung kailangan na nilang magtanggal ng damit para isuot ang mga ito nang baliktad. Iyon lang ang alam n’yang paraan para makita ang tamang daan pagnaliligaw. Pero sa tuwid ng lakad ng kanyang ina, nakita n’yang wala itong duda sa kanilang direksyon.
Nang maubos n’ya ang tinapay, nagsimulang sumipol si Anentet.
Sumenyas ang kanyang ina. “Narinig mo ’yon?”
Napatigil sa paglalakad si Anentet. “Ang sipol ko, mahal kong ina? Tinatanong mo kung narinig ko ang sarili kong sipol?” Tatawa sana s’ya nang marinig n’ya ang mga alulong.
Tatakbo sana sila pabalik, pero nakita nilang ang daang kanilang pinagmulan ay natatakpan na ngayon ng mga puno. Mga kawayan, matatangkad na kawayan. At isang ubod ng laking kamagong. Sa estima n’ya’y kahit limang doble ng kanyang ina ang maghawakan ng kamay, hindi pa rin nila ito mayayakap.
Magandang kapangyarihan iyon, ang paglikha ng doble. Sa totoo lang, lahat naman ng mahika mas maganda kaysa sa pagtawag ng mga bulate.
Kukumpas na ang kanyang ina para magbato ng bolang apoy nang marinig nila ang boses ng matanda. Pinatahimik nito ang mga alulong.
“Subukan mo lang, at lalo kang pagtutulungan ng mga puno.”
Sabay hinarap ng mag-ina ang kanilang kalaban. May damit na ang lalake, malamlam ang asul ng uniporme ng pulis. Binilang ni Anentet, isang dosenang lobo ang kasama nito. Apat na puti, apat na itim, apat na kulay abo. Ang kulang na lang ay kayumanggi at para na itong palabas mula sa Makinang Mahal.
May baril na hawak ang matanda, nakatutok ito kay Anentet. “Kagabi kasi,” sabi nito, “mabilis ang takbo ng inyong karwahe. Kalahati lang ang nakaabot sa inyo. Hindi na mangyayari iyon. Kahit kailan, maniwala kayo. May batas na. Hindi ba mahilig kayong mga Matangkad sa batas?”
Nakalabas ang mga pangil ng mga lobo. Naglalaway ang mga hayop. Isa sa mga ito’y may malaking peklat sa noo, langib ang mayroon kung saan dapat may balahibo. Napasimangot si Anentet.
Kaliwa ang panghawak ng matanda sa baril. Gamit ang kanan, dumukot ito sa bulsa at inilabas ang isang balisong. “Ngayon, wala akong pakialam tungkol sa kung ano ang kinuha n’yo sa palengke.” Hinitsa nito ang saradong balisong sa may paanan ni Anentet. “Ayokong magpatayan tayo rito. Dalawang kutsero na ang nalalagas dahil sa inyong dalawa, kaya pasimplehin na lang natin. Akin na ang latang may retrato. Ibigay n’yo, at aalis kami ng mga lobo. Hindi akin ang pangako, kundi sa Reyna ng Leta.”
Ang salamangkero ng sisne! Hindi ito isa sa pitong pinakamakapangyarihan, pero patunay ang sitwasyon ngayon nila Anentet na hindi ito kasama sa pinakamahina.
“Wag ka nang magpanggap na meron kang pagpipilian, Isdes Opo. Hindi mo kami kayang patayin nang sabay-sabay. Labintatlo kami, tandaan mo. Matagpuan mo man ang balon, masunog mo man ako, mapapasabog ko pa rin ang bungo ng anak mo. At kung s’ya ang una mong bibigyan ng pangalang...”
Suminghal ang kanyang ina. “Tingnan natin. Ibibigay ko sa ’yo ang mapa, at papatayin mo ang anak ko. O, kukunin mo mula sa bangkay ko ang mapa, at papatayin mo ang anak ko. Napakaganda ng aking pagpipilian.”
“Nangako ang Reyna ng Sisne!”
Nagkaroon ng pader na apoy sa harap ni Anentet. Sinunog nito ang kanyang mga pilik-mata bago s’ya nakaatras. Pinaligiran s’ya ng apoy. Sa labas nito, narinig n’ya ang mga alulong ng mga lobo at ang sigaw ng kanyang ina. At ang mga putok ng baril ng lalakeng matanda.
Pinulot n’ya ang balisong. Mainit ito, at nang buksan n’ya’y natagpuang wala na ang patalim. Hawakan na lang ito. Hinitsa n’ya ang walang silbing sandata sa apoy.
Taksil ang pulis na utusan ng Reyna ng Leta. At ngayo’y pinapatay nito, kasama ang isang dosenang lobo, ang kanyang ina.
Kinapa ni Anentet ang kanyang mga bulsa. Hindi n’ya matandaan kung saan n’ya isinaksak ang susing kahoy. Hindi alam kung pawis o luha ang bumabagsak sa kanyang mukha. Ang alam lang n’ya’y tanging ang regalo ng Reyna ng Misha ang magliligtas sa kanila.
Sabay ng pagkalabas n’ya sa agimat ang paglaho ng pader na apoy.
Agad hinanap ng kanyang mga mata ang kanyang ina. Nasa lupa ito, pinaliligiran ng apat na lobo. Umuusok pa ang mga balahibo ng mga hayop. Ang mga itim at puti, abo na lang ang mga ito. Hanggang sa kamatayan ay alagad ng sining ang kanyang ina.
“Buhay pa s’ya,” sabi ng pulis, “maaari pa rin kayong makaalis dito na parehong buhay.” Nasa lupa ang baril nito. Nasa kaliwang kamay nito ang latang may retrato ng mapa. Wala na itong kanang kamay. “Sabihin mo lang sa akin kung saan n’yo nakuha ang mapa. Sabihin mo, at ipinangangako ko sa iyo, papatakasin ko kayo. Magtiwala ka. Hindi ba’t ibinigay ko sa iyo ang iyong balisong? Magtiwala ka. Hindi natin kailangang mag-away. At saka, ano pa ba ang pagpipilian mo? Gusto mo bang kainin ng mga uod ang bangkay n’yong mag-ina sa gubat na ito?”
“Uod?”
“Oo, uod.”
“Wala akong pakialam sa uod.” Pinadaloy ni Anentet ang kanyang mahika sa agimat, at lumindol. Sumigaw ng utos ang pulis, sumugod ang apat na lobo. Nahati ang lupa sa pagitan n’ya at ng mga hayop. Isang dambuhalang bulate, sinlaki ng kamagong na humarang sa kanilang pagtakas. Dinaganan nito ang mga lobo, tumalsik ang dugo sa pagkakapisa ng mga ito. Nilamon ng bulate ang pulis, kasama ang latang may retrato ng mapa.
Nanghina si Anentet. Napaluhod s’ya, at nabitiwan ang agimat. Bumalik sa lupa ang dambuhalang bulate, lumindol, napahiga si Anentet sa lupa, nawala ang lindol. Ang huling nakita n’ya bago mawalan ng malay ay ang katawan ng kanyang ina.
Ginising s’ya ng napakatinding init. Ang akala n’ya’y napapaligiran na naman s’ya ng pader ng apoy. Pero nang dumilat s’ya, ang nakita n’ya’y ang batok ng kanyang ina. Agad n’yang natantong nakasakay sila sa kabayo. Nang sinubukan n’yang gumalaw, natuklasan n’yang nakatali ang kanyang mga kamay sa isa’t isa, para hindi makakawala sa pagkayap sa bewang ng kanyang ina.
“Sapat na siguro ang layo natin. Wala silang pwedeng maging patunay na may kinalaman ang Gusaling Matangkad sa gagawin ko.” Yumuko pakaliwa ang kanyang ina.
Nasa isang burol sila. Namumukhaan ni Anentet ang mga barong-barong na kanyang natatanaw. Ilang milya lang ang layo nila mula sa huling baryong pinuntahan. “At ano ang iyong gagawin, mahal kong ina?” Bilang sagot, mas lalong uminit. Nahirapan sa paghinga si Anentet. At para s’yang nalulunod nang makita n’ya ang pagkahulog ng mga bola ng apoy mula sa langit. Bumabagsak ang mga ito sa iba’t ibang bahagi ng Leta.
“Kakailanganin na talaga nila ngayon ang balon.”
“Mahal kong ina,” halos mawalan na ng malay muli si Anentet, “may mga tao sa Letang walang kinalam—”
Nawala ang init. Tumigil ang pag-ulan ng apoy. “Mahal kong anak,” pinakawalan nito mula sa pagkakagapos si Anentet. “Hindi mga tao ang aking pinatay.”
Hindi na n’ya tinanong kung ano nga ang pinatay ng kanyang ina. Alam n’yang pwede n’yang pagkatiwalaan ang salita nito. “May kopya naman tayo ng mapa, mahal kong ina. Maaari tayong bumalik.”
Tinalikuran na nila ang baryo, ang umaapoy na bayan. May inabot ito kay Anentet. “Itago mo sa iyong mga kahong de-kandado.”
Kapiraso ito ng sunog na kahoy. Ibinulsa ito ni Anentet.
Mabilis ang takbo ng kabayo. “Sayang ang agimat oo, pero hindi naman tayo pwedeng hindi gumanti.” Lumamig ang katawan nito. “At hindi, hindi na pwede. Sa susunod, hindi lang isang pulis ang magmamanman sa atin. Ibang sandata na ang kailangan nating hanapin.”
Tahimik pa rin si Anentet. Wala na ang agimat, kung gayon ay hindi n’ya na maaaring tawaging muli ang dambuhalang bulate. Sigurado s’yang kung iyon ang kanyang kasa-kasama, matutuwa ang kanyang ina. Sayang talaga. “Kung ano man ang sandatang iyon, mahal kong ina, at kung nasaan man ito, mahahanap mo iyon, sigurado ako. At ako ang iyong kasama.”