KABANATA 8
Makapal ang usok sa loob ng kainan. Bahagyang nahilo si Lourdes sa sabay-sabay na pag-atake ng amoy ng gamot sa kanyang ilong. Agad s’yang tumawag ng hangin para salain ang kanyang hinihinga.
Tumawag s’ya kahapon sa kanyang ina. Sa kalagitnaan ng klase bumagsak s’ya mula sa pagkakaupo. Pinaligiran s’ya ng kanyang mga kaklase. Agad nanumbalik ang kanyang lakas, pero inutusan ng kanilang guro na dalhin s’ya ni Agatha sa klinika ng unibersidad. Tahimik lang si Agatha, hindi man lang s’ya matingnan nito. Sa may pinto ng klinika, nang makita nilang nasa loob ang doktor, nagpaalam itong babalik na sa klase.
Dahil bigla s’yang bumagsak, dahil hindi n’ya malaman kung sa mga mata lang n’ya kakaiba ang pagkilos ni Agatha, ito ang mga dahilan kung bakit s’ya tumawag sa kanyang ina. Ang sabi nito, ‘wag na raw n’yang alalahanin ang kanyang panghihina. May gumamit daw ng matinding mahika sa ibang kaharian, at lahat ng panginoon ay naramdaman ito. At tungkol sa problema n’ya kay Agatha, malamig ang tinig ng kanyang ina, “Pinasok mo ’yan. Ikaw lang ang makakapagdesisyon kung kailan ka lalabas.”
Nasa Agora s’ya ngayon. Hindi na mananambang ang hinahanap. Ang kinalabasan, ang paring kanyang nakausap sa simbahan ang mananambang na akala n’ya’y kanyang naisantabi. Kahit saan kita n’ya ang mga kamay ng kanyang ina, inuutusan s’ya, pero sa huli ito rin ang gagawa ng misyon.
“Alam n’ya kasi na rito ka unang pupunta, kahit hindi dapat. Kaya tinawagan na n’ya ako,” sabi ng pari. “Maswerte kang mahaba ang pasensya ng iyong ina.” Hindi roon nagtapos ang kanilang usapan. Dumada nang dumada ang pari tungkol sa kabutihan ng ina ni Lourdes, tungkol sa pagiging dakila ng Makinang Mahal, tungkol sa pinakamahusay nitong estudyante, na nagsimula sa pag-aaral ng pagpaparusa pero tinawag ang puso ng pananambang.
Dalawa lang ang mabuting naidulot ng pagdalaw ni Lourdes sa simbahan. Una, nalaman n’ya ang dahilan kung bakit doon ang muog ng isang mananambang. “Dito hindi maaaring gumamit ng mahika. At bawal magpasok ng sandata. Kung mayroon mang pupunta rito na may baril, o panaksak, malalaman ko, makakapaghanda ako, at kung s’ya ang uri na hindi ko matatalo sa pisikal na labanan, s’ya iyong uri ng nilalang na matatalo ako kahit may gamit na mahika.”
Nang sa wakas ay makasingit si Lourdes para hingin ang ipinangakong kumpisal ng pari, tumawa lang ito. “Mahal kong Prinsesa,” sabi ng babae, “ako ’yung mananambang. Ako ang dapat mangumpisal sa iyo.” Ibinalik nito ang sandata ni Lourdes, at dinala s’ya sa may pinto ng simbahan.
At pangalawa, nalaman n’ya kung paano gumawa ng simbahan.
“Mahal kong Prinsesa,” sabi ng pari, “kailangan mo lang ialay sa dakilang lumikha ang pinakaimportanteng tao sa iyo.”
Sa labas, naroon pa rin si Maria, ang asong itim, malaki ang mga mata, nakalabas ang dila, para bang inaasar s’ya. Pinulot ni Lourdes ang hayop at inuwi. Dahil hindi pa gawa ang kanyang kastilyo, at bawal ang aso sa dormitoryo, sa kanilang kastilyo s’ya umuwi. Pagkatapos utusan ang mayordoma na paliguan at kutuhan si Maria, hinanap n’ya ang kanyang ina.
Sa isang kwarto sa ilalim ng lupa n’ya ito natagpuan, kwartong nakalaan para sa mga bisitang panginoon mula sa ibang bayan na ayaw may makaalam na nakikipag-usap sila sa Reyna ng Makinang Mahal. Ang huling dumalaw dito ay si Lucy Pos, mula sa isang mahinang angkan mula sa Gusaling Matangkad, dala-dala ang sakitin nitong anak.
Nang marinig ni Lourdes ang sigawan ng kanyang ina at ng bago nitong bisita, tinanggal n’ya ang kanyang mga sapatos. Naisip n’yang gamitin ang mahika ng hangin para tumahimik ang kanyang mga hakbang, pero natanto n’ya agad na mararamdaman ng kanyang ina kung gagamit s’ya ng kapangyarihan. Muntik na s’yang madulas, bagong linis ang batong sahig. Dapat ay magtatanggal s’ya ng medyas, pero baka wala na s’yang marinig kung magsasayang pa s’ya ng oras. Itinulak n’ya nang bahagya ang pinto, sumilip, at nagpatuloy sa pakikinig.
“Buti naman hindi ’yung kandado ang binigay mo!”
“Ikaw, hindi detalyado ang mga utos mo, pagkatapos, ako ang sisisihin mo.” May tuwa sa sagot ng babaeng kausap ng kanyang ina.
“Hindi lang naman kasi tulong sa misyon ang ginawa mo e. Binigyan mo s’ya ng sandata.”
“Ano iyon, kumpara sa maaari n’yang makita? Hindi naman natin kayang harapin ang,” umubo ang babae, “ang darating. Kung hindi n’ya makita ang kailangan n’yang makita, alam mo naman ang ibig sabihin, ang magiging, ang mangyayari, ang magiging dapat mong gawin. Kung hindi natin s’ya tutulungan, baka ikaw ang—”
“’Wag na nating pag-usapan ’yon. Gagawin ko ang kailangan kong gawin.” Huminahon ang tinig ng kanyang ina. “May iba ka pa bang balita?”
Malamang sa malamang nabumulong ang kausap nito, dahil walang narinig si Lourdes. Tumuntong s’ya sa mga daliri ng kanyang paa, bahagyang idiniian ang tenga sa pinto. Nadulas s’ya at sumupalpal sa sahig ng lihim na kwarto.
Pinilit n’yang tumayo agad, pero naabutan pa rin s’ya ng kanyang ina na kalahating nakaluhod. Hinila s’ya nito patayo. Nang nilibot ng mga mata ni Lourdes ang paligid, nakita n’yang walang ibang tao sa kwarto. Hindi pa s’ya nagsasalita’y nagsimula na ang sermon ng kanyang ina. Tungkol sa pagpiling pumunta muna sa simbahan. Tungkol sa pakikinig sa usapang pribado. Tungkol sa kawalan ng dominasyon sa katawan.
“Nagagawa mong tumakbo nang mabilis gamit ang hangin, sumirko-sirko sa tulong ng mahika. Iyon siguro ang problema? Akala ko ba’y naghahanda ka para sa mga pisikal na laban nang hindi umaasa sa kapangyarihan? Bakit ka lalampa-lampa?”
“Hindi ko,” nilabanan ni Lourdes ang pag-iyak, hindi s’ya madalas makaranas ng ganoong uri ng pagpapagalit, na pati ang kanyang mga kakayahan ay nilait, “hindi ko alam, Nanay. May, may nagbabago sa akin. May mga araw na hindi ako makahawak ng espada nang tuwid.”
“Kung gayon ay pagbutihin mo ang paggamit sa baril.”
“’Wag mo naman sana sa akin ilabas ang iyong galit sa—”
“Tama na. Umakyat ka na lang muna, magpahinga. Lalo lang akong pinapahirapan ng iyong mga luha.”
Tumakbo palabas si Lourdes. Hindi n’ya tinawag ang hangin para protektahan ang kanyang mga paang walang sapatos. Pagdating sa kanyang kwarto, nagtanggal s’ya ng medyas at sumalampak sa kanyang kama. Binasa n’ya ang kanyang mga unan hanggang sa maramdaman n’yang may dumidila sa kanyang tenga. Niyakap n’ya si Maria at ang mga balahibo naman nito ang pinansalo n’ya ng kanyang mga luha.
Nakatulog s’ya. Ginising s’ya ng tinig ng kanyang ina. Nagbigay ito ng maikling paumanhin, hinalikan s’ya sa pisngi, hinaplos si Maria, at umalis. Nang mag-agahan sila kinabukasan, ang kilos nito’y parang walang nangyari. Hindi na lang nagpilit si Lourdes. Minsan lang sila mag-away ng kanyang ina. Mas mabuti nang kalimutan ito, imbes na ungkatin. Ang higit sa lahat na ayaw n’ya ay iyong nagpapanana ng sugat na mayroon nang langib. Ayaw n’ya sa mga nangungutngot.
Pumasok s’ya, at iyon na nga, bumagsak s’ya habang nakikinig sa pagdada ng kanyang guro tungkol sa mga bituin.
Hindi na n’ya maalala kung ilang araw na n’yang hindi nakakausap si Amado.
Kumaway ang isang lalake sa kanya. Nakaasul na polo ito, tulad ng inaasahan. Tumayo ito nang nakalapit na si Lourdes, at hindi umupo hanggang hindi s’ya umuupo. Kumakain ito ng tinola. Maraming pechay. Halos umapaw ang sabaw sa plato nito. Nanginginig ang balbas, nagtanong ang lalake, “Nahanap n’yo na ba ang bomba?”
Alam ni Lourdes na iyon ang itatanong nito. Alam n’ya ang dapat n’yang isagot. Pero hindi n’ya alam kung ano ang ibig sabihin ng tanong at ng sagot. “Oo,” sagot n’ya.
“Anak ng hinagpis,” bulong ng lalake. “Mabuti na rin. Alam naman naming darating ang araw na ito.” Bumalik ito sa pagkain. “Makakaalis ka na.”
Dinilaan ni Lourdes ang kanyang mga labi. “Sandali lang.” Tumingin s’ya sa kanyang paligid. Walang nakatingin sa kanila, lahat ay may kanya-kanyang pribadong usapan, pero pakiramdam n’ya’y may nakikinig sa kanila. May kumikiliti sa kanyang mga tenga. “Sabihin mo sa akin,” bulong n’ya, “ano ang bomba?”
“Kung hindi mo alam,” sabi ng lalake, sabay higop, “hindi ko pwedeng sabihin sa ’yo.”
Pinatalas ni Lourdes ang kanyang tingin, tulad ng ginagawa ng kanyang ina pag meron itong tinatakot. “Alam ko kung ano ang bomba. Alam ko ngang natagpuan ito, ikaw hindi, kinailangan mo ako para malaman mo. Alam ko kung ano ang bomba. Pagsusulit mo ito, sinusubukan ko kung nararapat ka pang maging tagapagsilbi ng trono.” Kinuha n’ya ang kutsara nito, hinila papalapit ang plato. “Tagapagsilbi ng aking ina.”
Nagtinga ang lalake. “Umalis ka na, Prinsesa.” Lumagok ito ng isang basong tubig. “Hindi mo problema ang bomba. Sa iba ka tinutulak ng iyong tadhana.” Tumayo ito. Tumitig kay Lourdes.
Pagkatapos ng ilang sandali, tumayo na rin s’ya. Tumango, tumalikod, umalis. Masarap ang tinola ng kainan. Naghanap s’ya ng bakanteng mesa. Malayo sa lalakeng nanginginig ang balbas.
Saktong pagkatapos n’yang kumain, nakatanggap s’ya ng tawag mula kay Agatha. “May lakbay-aral sa Sentro ng Pagpaparusa,” sabi nito, halos tumitili, “samahan mo ako. Samahan mo ako, pakiusap.”
Doble sa presyo ng kinain ang iniwan ni Lourdes sa mesa. Agad s’yang umalis para maglakad papunta sa napakalayong estasyon ng tren.
Inabutan n’ya ang inip na inip na Agatha sa labas ng Sentro. Pasirko-sirko ito sa hagdan, pinagtitinginan ng ilang dumadaan. Nang makita nito si Lourdes, tumalon ito nang mataas, dumobleng ikot sa ere at para bang dahong inaakay ng hangin na lumutang sa pagbagsak nito sa tapat ni Lourdes. Pumalakpak s’ya, pati na rin ang isang bata.
“Ang magaling, alam mo kung sino, si Amado. Kaya n’ya kahit sa loob ng mga kwarto. Ako pag sinusubukan ko, mali ang talon, sa kama ako lagi nahuhulog.” Hinila s’ya ni Agatha paakyat sa mga hagdan. “Kanina pa sila sa loob. Ikaw, pag tapos na sila pagpasok natin, lagot ka sa akin.”
Hindi lang si Amado ang lihim ni Lourdes sa kaibigan. Isa pa n’yang sinisikreto ang takot n’ya sa Sentro ng Pagpaparusa. Paano’y tuwang-tuwa si Agatha nang unang binanggit na magkakaroon ng lakbay-aral dito. Lahat ng mamamayan ay maaari namang pumunta sa Sentro para tumingin-tingin sa paligid, pero sa mga lakbay-aral kahit nawawala ang mga limitasyon sa ordinaryong residente. Tuwing nahihila s’ya ni Agatha sa lugar na ito, hindi mapakali si Lourdes. Nakatayo ang kanyang mga balahibo sa mga braso, handa s’ya laging gumamit ng mahika. Para saan, iyon ang hindi n’ya alam.
Nasusuka s’ya sa mga kwarto, sa mga hawla. Bagaman hindi ipinapakita sa kanila ang nagaganap sa loob nito, isa ito sa mga naglalakbay-aral na pinapayagan, alam n’ya sa kanyang isip ang mga nangyayaring pagpapahirap. Halos lagnatin s’ya nang madaanan nila ni Agatha ang klinika ng Sentro, kung saan mabilis na pinaghihilom ang mga pinaparusahan, para maaari muling saktan kinabukasan. Ang hindi n’ya matanggap ay ang parke, kung saan maaaaring maglakad-lakad ang mga pinaparusan pag hindi sila nakahawla. Iyon ang lugar na pinakagustong puntahan ni Agatha, pinanonood n’ya ang mga tao roon na parang mga hayop sa mga piitan. Sa kanilang mga pagbisita, ilang minuto lang ang tinatagal ni Lourdes sa parke. Lagi s’yang nagpapaalam sa kaibigan na pupunta sa banyo. Sa hagdan sa labas ng Sentro na n’ya ito muling makikita. “Nawala ka na,” laging sinasabi ni Agatha.
At laging sagot ni Lourdes, “Kinailangan ko lang ng hangin.”
Iyon ay sa mga ordinaryong pagbisita. Ano pa kaya ngayong lakbay-aral na?
Sa ikalawang palapag sila napadpad. Sa mga opisina ng mga tagaparusa. Habang laglag-pangang pinagmamasdan ni Agatha ang mga sandata ng pagpaparusa, nakatitig lang si Lourdes sa kisame. Kinamumuhian n’ya ang mga sandata ng pagpaparusa. Ang baril at espada, ang silbi ng mga ito’y pagtatanggol sa sarili. Ang lagareng kwintas, ang de-kuryenteng salawal, ang bulateng-pangtenga, anong uri ng proteksyon ang binibigay ng mga ito? Wala. Humihilab ang kanyang tiyan.
Kinalabit s’ya ni Agatha. Hindi s’ya tumingin dito. “Ano iyon?” tanong n’ya, pilit pinapagaan ang kanyang tinig.
“Tingnan mo sila o.”
“May pinaparusahan sila sa labas ng hawla?” Ilegal iyon. Dapat n’yang pigilin. Tiningnan n’ya ang mukha ni Agatha, na malaki ang ngiti. “Nasaan?”
Ngumuso ito. “Sila o. Halata mong mahal na mahal ng babae iyong lalake.”
Sinundan n’ya ang direksyon ng mga labi nito. Isang nakaputing uniporme, mataba, kulot ang buhok, sarat at nakangising lalake ang kausap ng isang nakapaldang babae. Parang ibon ang hitsura nito, malaki ang mukha, matalas ang ilong. Malaki ang mga suso, pero pakiramdan ni Lourdes ay dinadaan lang nito sa damit ang pagiging kaakit-akit. Nakatitig ito sa lalake. “Ano ka ba? Malamang sa malamang sekretarya ’yan.”
“Sekretarya na kung sekretarya, basta iniibig n’ya ’yung lalake.”
“Sa isang tingin lang ay alam mo, a? At ang lalake, ano ang pakiramdam n’ya sa babae?”
Umiling si Agatha. “Napapasaya s’ya nito. Pero nanlalamig na s’ya. Obligasyon na sa kanya ang ngumiti rito, ang humaplos, ang bumulong tungkol sa pagmamahal.” Bumalik ito sa pagsamba sa mga sandata ng pagpaparusa. “May gamot akong nililikha,” sabi nito, “na bagay na bagay sa Sentro. Ang kaso, unang bahagi pa lamang nito ang napeperpekto ko. Pag tapos na, ipepresenta ko sa ating guro. May kilala raw ’yun dito e, baka bigyan ako ng rekomendasyon.”
“Dalawang bahagi, bale?”
Tumango ang babaeng nakanganga na ulit. “Ang una’y para makalimutan mo kung ano ka. Lalabas ang iyong... kinukubling mga pagnanasa. Ang ikalwa’y para maalala mo kung ano ka. At ang iyong ginawa habang hindi napipigilan ang iyong mga damdamin. Iyon ang magdudulot ng hiya. Iyon ang parusa.”
Nahilo si Lourdes. Tumawag s’ya ng hangin para salain ang kanyang hinihinga, kahit alam n’yang minamanipula para maging normal ang panahon sa mga gusali ng Sentro. “Hanapin ko lang ang banyo, ha?” Hindi s’ya naghintay ng sagot mula kay Agatha. Mas mabuti pang makipagdebate sa lalakeng nanginginig ang balbas tungkol sa bomba kaysa pag-isipan kung ano ang kahulugan ng mga salita ng kanyang kaibigan. Mas nakakatakot pa sa lagareng kwintas ang mangyayari kung ibig nitong sabihin ang iniisip ni Lourdes na ibig nitong sabihin.
Dahil sa pagkahilo, matagal bago n’ya matagpuan ang banyo. Inaabot n’ya ang hawakan ng pinto nang bumukas ito at lumabas ang nakaputing tagaparusa.
“A, e,” sabi nito, “paumanhin. Sira ang banyo at... kinailangan ko na talagang maglabas... ang ibig kong sabihin ay... paumanhin.” Nagmamadali itong naglakad palayo.
Mabilis na pinasok ni Lourdes ang banyo. Ang inaasahan n’ya’y makakita ng bangkay na nakabalandra sa gitna ng sahig. Ang natagpuan n’ya’y ang sekretarya. Umiiyak ito habang naghihilamos sa isang lababo.
Pinagmasdan ni Lourdes ang mukhang ibong babae sa salamin. Nang matanto n’yang nakakabastos na ang kanyang pagtitig, lumapit s’ya sa isang malayong lababo at naghilamos din. Maitim ang tubig na kanyang pinanlinis sa mukha. Masarap ang pagkain sa lugar kung saan sila nagkita ng lalakeng alam kung ano ang bomba, pero hindi na s’ya babalik ulit doon. Halos pantay sa kanyang pagkamuhi sa pagpaparusa ang pagkamuhi n’ya sa usok.
“Ang hayop na iyon,” sabi ng babae. “Hindi naman n’ya kasintahan, sabi n’ya parang kapatid n’ya, parang anak n’ya. Pero hindi n’ya maiwan.”
Tumingin si Lourdes sa paligid. Walang ibang tao sa banyo.
“Palibahasa’y isip bata,” sabi ng sekretarya. “Ako naman ’tong si tanga, nagmahal ng may mahal na iba.” Nagpunas ito ng mukha at iniwan si Lourdes.
Tuloy lang ang daloy ng tubig. Pinagmasdan n’ya ang pagbagsak nito mula sa gripo pababa sa kanyang mga kamay. Marumi. Hindi ang kanyang mga kamay, hindi ang kanyang mukha, kundi s’ya mismo. Ginagawa s’yang marumi ng kanyang pagsisinungaling, ng kanyang pagtataksil. Isa lang ang paraan para maging malinis muli.
Hinanap n’ya si Agatha. Sa parke n’ya ito natagpuan, ang huling lugar na kanyang pinuntahan. Nakaupo ito sa kongkretong bangko, hawak-hawak ang lata, nakatitig sa isang lalakeng nakahiga sa damuhan, dilat ang mga mata.
Tinabihan ni Lourdes ang kaibigan. Nakita n’yang nanginginig ito. “Anong—”
Niyakap s’ya ni Agatha. “Salamat, salamat. Buti na lang nandiyan ka.”
Hinaplos ni Lourdes ang likod nito. “Tha? Bakit?”
“Nandito ka. Hindi na ako nag-iisa.”
“Anong nangyari?”
“Kakatawag lang ni Amado. Hiwalay na kami. Ayaw n’ya na sa akin. Mayroon na raw s’yang iba.”
Sukang-suka na si Lourdes. Hindi sa parke, hindi sa Sentro, kundi sa sarili n’yang kasamaan. “Tha, ako ang—”
“Alam ko, alam ko.” Humigpit ang yakap nito. “Hindi ako tanga, Prinsesa.”
Tumalon ang pagtibok ng puso ni Lourdes. Hindi nga tanga ang kaibigan n’ya. Alam nito, lahat, lahat-lahat. “Tha ayaw—”
“’Wag mo ’kong iwan Lou. Pakiusap wag. Alam kong gwapo s’ya. Masarap kausap, masarap sa kama. Pero ‘wag mo ’kong iwan, Lou, ‘wag para sa kanya. Nasa iyo na lahat. Kapangyarihan, yaman. Ako ang piliin mo, ‘wag s’ya. Ako ’yung kaibigan mo, di ba? Hindi s’ya. Marami kang pwedeng maging kasintahan pero isa lang ako, di ba? Isa lang akong pwedeng maging kaibigan mo nang ganito.” Hindi ito umiiyak, pero nahawaan nito ng panginginig si Lourdes.
Sunod-sunod ang pagbagsak ng mga imahen sa kanyang isip. Ang mga nakita n’yang mangyayari sa kanila ni Amado, mula sa kung anong kinabukasan. At, ang mga nangyari na sa pagitan nila nitong nakaraang buwan. Hindi dala ng mahika, kundi ng realidad. Ang maiikling pag-uusap sa lata. Ang pagtatalik sa ibabaw ng mesa ng kanilang guro. Ang mga liham na iniiwan sa mga libro, bulsa, pitaka. Ang pagtatago sa mga tren. Mabilis lang lahat, parang palatastas sa kahon. At sa sandaling iyon, yakap ang kaibigang pinatawad ang kanyang mga kasalanan at itinago ang kanyang mga lihim, kasing bigatlamang ng patalastas ang mga nangyari at mangyayari sa kanila ni Amado. “Ikaw lang ang kaibigan ko,” bulong ni Lourdes, “maraming lalake sa mundo.”