KABANATA 11
“Salamat ha?”
“Sa ano, Tiya?”
“Dahil nandito ka. Hindi ako mag-isa.”
Niyakap ni Lourdes ang matanda. “Kayo naman. Parang ito ang unang beses n’yong ginawa ito.”
Ibinalik sa pwesto ni Tiya Hilda ang salaming itim na unti-unting nahuhulog mula sa ilong nito. Maliit na babae ang kapatid ng ama ni Lourdes, wala itong mahika. “Hindi nga. Pero, matagal na rin ang huling beses. At kaunti lang ang mga babae. Ang mga pinsan mo kasi, pag nakikiapid, gusto madalas sa lalake. Kaya eto, nag-aalangan ako. Ano ba naman kasing anak ang gagawa nito sa kanyang ina?” Nagpahid ito ng luha, isang butil na hinayaang mahulog mula mata hanggang panga bago binura mula sa mundo. Iyon ang kailangan nitong gawin ngayong araw, magbura. Wala itong mahika, at meron itong tungkulin.
Yumugyog ang lata ni Lourdes sa kanyang bulsa, at tinawag s’ya ng kahol ni Maria. Nangati ang kanyang mga daliri, pero hindi n’ya ito nilabas. Kasimbilis ng takbo ng kabayo ang tibok ng kanyang puso.
“Sagutin mo lang, hindi ako makikinig.”
“Hindi naman iyon Tiya ang inisiip—”
“Sige lang, ‘wag kang mag-alala.” Hinawakan nito ang kanyang kamay at saka dumungaw sa labas ng karwahe.
Isa pang kahol at sinagot na ni Lourdes ang tawag. “Hoy, ano ka ba? Pag ito lokohan lang lagot ka sa akin.” Tanging mga tawag lang ni Amado ang ibinabalita ng mga tahol ni Maria, awit ang sa ibang tao, kahit sa kanyang ina. Ang usapan nila, s’ya lagi ang tatawag, puwera lang kung nasa panganib ang lalake. Isang beses na nitong nilabag ang kondisyong iyon, at muntik nang makipagkalas si Lourdes sa galit. Pero nangako itong hindi na uulit. At dahil para sa lalakeng ito pinagtaksilan ng ilangbeses ni Lourdes ang kanyang pinakamatalik na kaibigan, wala na s’yang ibang pagpipilian kundi patawarin ito. At dahil hindi kailanman ito umuulit ng kasalanan, halos pumutok na ang puso ni Lourdes sa pag-aalala.
Walang sumagot sa kanya. Katahimikan lang ang nasa kabilang linya.
Tatawagan na sana n’ya ang numero ni Amado nang kumahol ulit si Maria, isang beses lang. Hindi tawag kundi mensahe ang ibinabalita. Mabilis itong binasa ni Lourdes. “Nasa ospital. ‘Wag mag-alala. Wala sa panganib. Bisita ka pagbalik.”
“May problema?” Matinis ang tinig ni Tiya Hilda. Parang nasasabik, kahit halata na ang pagod nito sa itim sa ilalim ng mga mata.
“Wala, Tiya.” Ibinulsa ni Lourdes ang kanyang lata. Ligtas si Amado, o, wala sa panganib, pareho na rin. Bibisitahin n’ya ito, dadalhan ng bulaklak at kahel, hindi, hindi kahel, mansanas. Hindi lang ang kanyang Tiya Hilda ang mayr tungkulin.
Bumalik ang mga mata nito sa pagdungaw sa labas. Dilaw ang suot na damit nito, luntian ang paldang hanggang tuhod. Dilaw ang medyas na bumabalot sa buong binti. Luntian ang mga sapatos. “Nagpunta ako,” sabi nito, hindi humaharap kay Lourdes, “sa Leta nito lang isang linggo. May kataka-taka sa mga pulis, pero hindi ko malaman kung ano. Pero madalas ako sa bayang iyon, at alam kong may nagbago. Pero kutkutin ko man ang utak ko hindi ko malaman kung ano. Eto ang problema ng mga matanda. Mga matandang tao. Iyan lang ang kinaiinggitan ko sa inyong mga may mahika. Pagdating sa edad, mga aso kami sa inyo.”
Napasinghot si Lourdes sa pagtawa. “Naku, Tiya, hindi rin naman masaya ang palipat-lipat ng katawan.” Hindi lahat ng salamangkero ay kailangang gawin ito, pero ang mga matatanda, ang kanyang ina, halimbawa, kailangan talaga. Kundi, mabubulok ito sa pisikal, pagkatapos ay susunod na pati isip at mahika.
“Kung sabagay. Paminsan-minsan ay nakikita ko ang mukha ng iyong ina na nakikilala ko pa. Kung bakit naman kasi n’ya pinili ang katawan ng babaeng iyon, hindi ko maiintidihan. A, pero sino naman ako para kwestyunin ang mga prinsipyo ng Reyna?Mabuhay s’ya nang walang hanggan.”
Ang huling pangungusap ay mabilis na idinugtong. Hindi mahahalata ng ibang nakikinig, pero kilala ni Lourdes ang boses ng kanyang Tiya. Sa lahat ng kapatid ng kanyang ama, ito ang pinakakilala n’ya. At s’ya ang pinakakilala nito. Kaya nga s’ya ang kasama ngayon.
Papunta sila sa bahay ng kalaguyo ng pinakabatang pinsan ni Lourdes. Nakabuntis nang maaga si Isagani, at sa pamimilit ng pamilya ng babae ay nag-asawa ang dalawang labinlimang gulang. Sa paghahangad, malamang sa malamang, na maitaas ang ranggo ng pamilya sa ibang panginoon. Ayaw sana nina Tiya Hilda, hindi talaga sila dapat magpapapilit, pero bulag sa pag-ibig at kabataan noon si Isagani. At ngayong labimpitong gulang na ito at dalawa na ang anak, ngayon ay nakikiapid ito sa isang babaeng miyembro ng isang maliit na pamilya na mas mababa ang ranggo sa mga panginoon. Sa sitwasyong normal, ang dapat gagawin ni Tiya Hilda, ayon sa batas ng Makinang Mahal, para hindi mawalan ng dangal ang manugang nito, ay patayin ang kalaguyo ng anak. Wala namang kontrata ang mag-asawananagsasabing maaari silang makipagtalik sa iba.
Ang problema’y may mahika ang kalaguyo. Sa sitwasyong normal, dapat ay rerenta ng mananambang si Tiya Hilda para ayusin ang kanyang problema. Pero, nang magkonsulta ito sa nanay ni Lourdes, kahapon, pagkatapos pagtapatin si Isagani ng asawa, nagdesisyon ang reyna na mahusay itong pagsubok para sa kanya, sa paghahanda n’yang maging karapat-dapat na prinsesa. Si Lourdes ngayon ang papatay sa kalaguyo. Kasabay—unahan!—sila ng kanyang Tiya Hilda.
Nagpustahan pa ang kanyang mga magulang—sa harap n’ya!—na si Tiya Hilda pa rin ang makakakitil sa babaeng may mahikang kaapid ni Isagani. Biruan lang ito, pero medyo nag-init ang ulo ni Lourdes. At lalo pa s’yang nagalit nang tinawagan s’ya ni Isagani kanina lang, bago s’ya sunduin ng karwahe ni Tiya Hilda.Nakikiusap ang kanyang pinsan. Mahal nito si Paulita, at kung maaari raw ay ‘wag n’yang pahirapan. “Tanggap ko nang papatayin mo s’ya,” sabi nito, “pero kung maaari, iyong mabilis na kamatayan ang iyong igawad.”
Binagsakan ni Lourdes ng lata ang lalake. Pero nang makapag-isip s’ya, natanto n’yang naniwala ang kanyang pinsan na s’ya ang makakapatay kay Paulita, at hindi si Tiya Hilda. Medyo nabawasan ang
init ng kanyang ulo.
Ayon sa ulat ng mga espiya, iisa lang ang kapangyarihan ng babae. Mahinang mahika: paminsan-minsan ay nakikita nito ang kinabukasan. Isang beses,napatunayang totoo ang mga imaheng pumapasok sa utak
nito pag nagkukumbulsyon: ang pagbagsak ng kaharian ng Etnad. Noon pa iyon, iba pa ang katawan ng babae, iba pa ang katawan ng ina ni Lourdes.
Gagawin ni Lourdes ang anumang iutos ng reyna sa kanya, pero may isang dahilan kung bakit personal s’yang nasasabik sa misyong ito. S’ya man o si Tiya Hilda ang makapatay kay Paulita, ito ang unang beses na makikita n’yang maghiwalay ang katawan ng isang salamangkerong matanda. Oo, madalas may pekeng mukha ang kanyang ina, at nakita na n’ya itong magpalit, pero iyon ay kapangyarihang iba pa sa kakayahan ng lahat ng may mahika. Ang makikita ni Lourdes sa araw na ito ay ang paghihiwalay ng pinakamatanda, ang unang katawan ni Paulita, at ang pinakabago nito. Noon pa kasi s’ya interesado sa kalikasan ng pagsasanib.
Inisip n’ya ang katawang hawak ngayon ng kanyang ina. Kung hindi dahil sa mahika nito, iyon dapat ang nakikita ng lahat ng tao. Pero dahil nga sa mahika, nakakalikha ang reyna ng pekeng mukha na mukha n’ya talaga. Anomalya ang kanyang ina, alam ni Lourdes. Minsan ay hindi n’ya maintindihan ang kalikasan ng mahika dahil sa pagiging espesyal nito. Para bang may batas para sa ibang salamangkero, at may batas para sa Salamangkero ng Tandang. Pero siguro, anomalya ang buong pitong paham.
Iwinaksi ni Lourdes ang mga pagmumuni-muning ito sa kanyang isip. Dapat ay nakatingin s’ya sa kasalukuyan. Nakatututok sa kanyang misyon. Sisiguraduhin n’yang matatalo ang kanyang ama sa pustahan. S’ya ang papatay kay Paulita. S’ya ang magbabalik ng dangal sa asawa ni Isagani. Ano nga ba ang pangalan ng babaeng iyon?
“Iniisip ko kung pwede natin s’yang ilibing ng buhay.”
“Pwede lang natin s’yang patayin, Tiya, hindi pahirapan.”
Umiling si Tiya Hilda. “Oo, oo. Naisip ko lang naman. At ikaw, Lourdes, may karelasyon ka ba ngayon?”
Napaigtad s’ya. Hindi lang dahil biglang nagpalit ng paksa ang kanyang kausap, kundi dahil ang paksang iyon pa ang pinili nito. “A,” sabi n’ya, “mayroon, Tiya.”
“S’ya ba ang tumawag sa iyo, iyong ngayon lang?”
Tumango si Lourdes.
“Naipakilala mo na ba s’ya sa iyong ina?”
Umiling si Lourdes. “Nakukwento ko, Tiya, pero hindi ko madala sa kastilyo.”
“Dahil sa iyong pagkukubli?”
Tumango si Lourdes.
“Mahirap din ang iyong sitwasyon, alam ’yan ng lahat,” sabi nito, “ni hindi namin alam ang iyong kaarawan. Ikaw din yata, hindi mo alam?” Hindi ito naghintay ng sagot. “Alam kong tinuturuan ka ng iyong ina, kung paano kumilos bilang panginoon, at bilang,” bumulong ito, tumingin sa direksyon ng kutsero, “bilang prinsesa. Pero, kung iyong mamarapatin, may isang payo lang akong gustong ibigay sa iyo. Maaari ba?”
Lito, ngumiti na lang si Lourdes.
“Hindi ko alam kung ano ang tunay mong eded, pero alam kong ngayon, sa sandaling ito, ang nakikita ko’y isang dalaga. ‘Wag mong sayangin ang iyong pagkakataon, ang iyong kabataan. Bukas, baka mapigtal na ang mahika ng panahon ng iyong ina, at ikaw na ang namumuno sa kaharian. Umibig ka, habang maaari pa. Baka mamaya, hindi na pwedeng puso ang pairalin mo sa pagdedesisyon tungkol sa iyong karelasyon.” Humarap ito kay Lourdes, marahang sinampal ang kanyang kanang pisngi.
Sang-ayon sa tradisyon, bilang indikasyon na susundin n’ya ang payo, inalok ni Lourdes ang kaliwa, na marahan ding sinampal ni Tiya Hilda. Ilang sandali pa at tumigil na ang karwahe. Pinagbuksan sila ng pinto ng kutsero. Naunang bumaba si Lourdes, tinulungan n’yang tumuntong sa lupa ang kapatid ng kanyang ama.
Mababa ang ranggo ng pamilya ni Paulita sa saray ng mga panginoon, at kita ito sa kanilang bahay. Dalawang palapag lang ito, hugis kahon. Itim, kayumanggi, at abo ang kulay, maraming bintana. May maliit na hardin sa harap nito, may eskultura ng isang elepante. Napanganga nang bahagya si Lourdes, halos kasintaas nito ang bahay.
“Mula sa Mesang Itim ’yan,” sabi ng isang babae.
Sa sandaling iyon lang n’ya nakita ang kalaguyo ni Isagani. Nakaluntiang damit ito, at luntiang palda, nakaluhod sa damuhan, kaya hindi n’ya napansin. Gusto n’ya sanang batukan ang sarili. Hindi n’ya nakitang napakalapit sa kanila ng kaaway. Kung taksil lang itong lumaban, nabaril na sana silang magtiyahin sa tabi ng karwahe.
“Halina, Lourdes,” bulong ni Tiya Hilda, na nanguna nang maglakad. Nakalabas ang baril nito.
Sa paglapit nila, nakita ni Lourdes ang espada sa may tuhod ni Paulita. Ang hubog ng mukha nito na sa unang tingin ay inakala n’yang katapangan ay kahandaan pala. Kahandaan sa kamatayan.
Napasinghot si Tiya Hilda. Ibinaba nito ang baril. Hindi ibinulsa, alam nitong hindi dapat lubos na nagtitiwala sa isang sumusukong kalaban, pero ibinaba nito ang baril, senyales na nagtitiwala. “May kaunti ka pa lang kahihiyan,” sabi nito sa babaeng nakaluhod.
“Hindi lang kakaunti,” sabi ni Paulita, sabay palakpak.
Itinaas agad ni Tiya Hilda ang baril na hawak. Muntik nang gamitin ni Lourdes ang hangin para pabagsakin ang eskultura ng elepante. Ngumiti lang nang maliit si Paulita at sinensyasan ang mga katulong na lumabas mula sa bahay. Tatlong babae, puti at luntian ang uniporme, may dala-dalang dalawang bangko at isang maliit na mesa, at tatlong tasa at isang takure.
“Anong uri ng pagsuko ito?” Nagtaas ng kilay si Tiya Hilda, pero umupo ito sa bangko.
Pagkababa ng mesa sa gitna nila agad hinawakan ni Paulita ang takure. Pinuno nito ng tsaa ang tatlong tasa. “Hindi pagsuko. Alok.”
Umupo si Lourdes nang senyasan ng tiyahin. “Alok?”
Humigop ng tsaa si Paulita. “Oo, alok. Hinihingi kong bigyan ako ng pagkakataon. Kung tatanggapin n’yo ako, hihiwalayan ni Isagani si Maria at papakasal sa akin.”
Ilang segundo bago matanto ni Lourdes na hindi ang kanyang aso ang tinutukoy ng nakaluhod na babae. Mumurahin na sana n’ya ito nang magsalita si Tiya Hilda.
“Ano ang iyong inaalok na kapalit?”
“Kalahati ng aming mga lupain. Kalahati ng aming mga alipin.”
Napangiwi si Lourdes. Ang pamilya ni Paulita ang iilang natitirang mayroon pa ring alipin. Mga nahuli sa gerang sibil, ilang dekada na ang nakalilipas. Bagaman di sang-ayon ang kanyang ina sa pang-aalipin, pinagbibigyan nito ang mga pamilyang tapat na sumuporta noon.
“Iyon lang?”
“Ang dalawa kong anak na may mahika ay ikakasal din sa iyong mga binata.”
“Anong edad?”
“Tatlo at limang taong gulang.”
Dalawang kilay ni Tiya Hilda ang tumaas.
“Taon naming mga... salamangkero, syempre.” Nagpakita ng pangil ang ngiti nito.
Suminghot si Tiya Hilda. “Nakakaakit, oo, pero hindi. Maling manugang ang iyong binigyan ng kahihiyan. Kinamumuhian ko si Agatha.”
Halos mapasigaw si Lourdes sa bigla, bago n’ya matantong malamang ay hindi ang kanyang kaibigan ang tinutukoy ng kanyang tiyahin. “Pag ako naging reyna,” sabi n’ya sa sarili, “ipagbabawal ko ang isa samperang pangalan.” Nahilo s’ya nang bahagya, at muntik nang abutin ang tasa ng tsaa nang mapansin n’yang nanatiling hindi nahahawakan ang tasa ni Tiya Hilda. “Lason?” isip n’ya. “Pero inom naman nang inom ang babae.”
“Wala na akong dahilan pa para pahabain ang ritwal na ito,” sabi ni Tiya Hilda, “akin na ’yang espada at ilabas mo na ang iyong kultsilyo.”
“May isa pa.”
Tumayo na si Tiya Hilda. Itinutok nito ang baril sa noo ni Paulita. “Wala ka nang pwedeng sabihing—”
“Isang mensahe mula sa kinabukasan.”
Sa sandaling iyon piniling tumahol ng lata ni Lourdes. Nakapakawala pa ito ng ikalawang kahol bago n’ya nadurog ang makina gamit ang mahika ng hangin.
“Magsalita ka,” sabi ni Tiya Hilda, “at alam mo namang may paraan para malaman kung nagsisinungaling ka.”
“Papasa ako sa kahit anong pagsusuri,” hinawakan nito ang bibig ng baril, ibiniba hanggang sa mesa na nakatutok, “pero una muna’y kailangan ko ng iyong pangako—”
“Walang mangangako—”
Nasira ang luhod ni Paulita, napaatras ito’t napahiga sa damo. “Papatayin ang iyong hipag ng isang karpintero.”
Nabingi si Lourdes sa lakas ng putok, at nahati ang mesang tinamaan ng bala. “Karpintero?” sigaw ni Tiya Hilda.
“Lalakeng may martilyo at pako, ano pa’ng itatawag mo roon?”
“Lourdes.”
Hindi sumagot si Lourdes. Nakatitig lang s’ya sa babae ni Isagani. Kung tinanggap ng kanyang tiyahin ang kayamanan at mga alipin at mga anak nito, sasabihin pa kaya ni Paulita ang tungkol sa imaheng mula sa hinaharap?
“Lourdes!”
Inisip n’ya kung dapat ay sakalin n’ya ito gamit ang hangin. Pero, hindi maaari. Baka may detalye sa mensahe na hindi pa nito binabanggit, na plano nitong ilihim para gamitin sa mga negosasyon. Pilit n’yang inaalala lahat ng itinuro ng kanyang ina tungkol sa mga propeta.
“Lourdes sa ngalan ng reyna, mabuhay nawa s’ya nang walang hanggan, pahiram ng lata mo!”
Noon lamang nalipat ang kanyang mga mata sa kasama. “Tiya?”
“Kung hindi mo kayang tumawag ako ang tatawag. Naiwan ko ang akin sa karwahe. Ano ba? Ilabas mo na, bilis.”
“Sira ang lata ko, Tiya. Sinira ko kanina para hindi magulo ang pagsuko.”
“Mahal kong ina,” sabi ni Paulita, “may lata ako sa loob—”
Binaril ni Tiya Hilda ang isa sa mga bintana sa ikalawang palapag. Sinabuyan silang tatlo ng bubog sa hardin. “’Wag mo akong tawaging ina hindi pa kayo kasal.”
“Pa?” bulong ni Paulita, “Pa!”
“Dalhin mo ako sa loob, malandi ka.” Ibinulsa ni Tiya Hilda ang baril.