KABANATA 12
Mula sa aparador pinanood ni Lourdes ang kanyang ina at ang reyna ng Misha sa harap ng kahon. Paulit-ulit nilang binabaklas ang isang eksena. Pinunasan n’ya ang pawis sa kanyang bibig gamit ang isa sa sandamukal na kapang sumasakal sa kanya sa loob ng aparador. Gawa ito sa bulak, at muntik tuloy s’yang mabahing.
“Kinukwento ba n’ya iyon sa lahat ng lalakeng kanyang naeengkwentro?”
“Sa tingin ko, doon lamang sa may kutob s’yang katulad n’ya. Sa pag-iisip yata n’ya’y ikukwento rin ng kanilang mga ina ang kinuwento ng kanyang ina sa kanya. Walang saysay, mas mabuti pang subukan n’yang bigyan ng indibidwal na pangalan ang mga ulap.”
Tumahimik ang dalawa, pinanood muli ang eksenang mga dalawampung beses na nilang pinanood. Pinilit lumaban ni Lourdes, pero bagaman kaya n’yang ‘wag humatsing, hindi n’ya mapigilan ang paghikab. Lumabas sila kaninang madaling araw ni Agatha, at wala pa s’yang tulog. Kumalam ang kanyang sikmura. Hindi pa rin s’ya nag-aagahan. At nagtatanghalian. Inisip n’ya kung makakapaghapunan pa s’ya. Malamang sa malamang hindi na. Kailangan n’yang makausap si Amado. Halos isang linggo na itong hindi sumasagot sa mga tawag. Wala rin ito sa dormitoryo. Kinakati na s’yang humingi ng tulong sa kanyang ina, pero takot s’yang baka magalit ito at tawaging pagsasayang ng tauhan ang pagpapahanap kay Amado sa mga sundalo.
Bagot sa panonood ng mga likod, pumikit s’ya. Pakikinggan ko, isip n’ya, pakikinggan ko sila.
Ginising s’ya ng kurot sa singit ng kanyang ina.
Napatayo si Lourdes sa loob ng aparador dahil sa sakit. Nauntog s’ya, at hindi n’ya alam kung kahoy ng aparador o ang kanyang bungo ang narinig n’yang nadurog. “Nanay?”
“Ikaw ang nagsabi na gusto mong marinig ang pag-uusapan namin, pagkatapos ganito lang ang gagawin mo?”
Tumingin si Lourdes sa labas. Madilim na. “Anong oras na?”
“Hay naku Lourdes, isang pagsubok na lang, hindi mo pa matapos.”
Lumabas s’ya ng aparador. “Ang pakikinig sa inyo, iyon ang huling pagsubok ko?” Dinilaan n’ya ang kanyang mga labi.
“Hindi,” sabi nito, “hindi iyon ang huling pagsubok. Pero kung narinig mo sana ang impormasyong binigay ni... Rina,” umiling ito, “e di sana nasa daan ka na patungo sa huli mong pagsubok.”
“Na?”
“Hindi ko sasabihin.” Umupo ito sa may paanan ng kama. Sumulyap sa kahon. Parehong eksena pa rin ang pinapakita nito. Dalawang lalakeng magkaharap na nakaupo. Isang nakagapos sa silya. Isang tuloy-tuloy sa pagsasalita. Walang lumalabas na tunog mula sa kahon.
Sinala ni Lourdes ang kanyang isip. Hindi ang lalakeng iyon ang dahilan ng kanyang pagpunta, kundi ang mga salita ng propeta. “Nanay, tungkol sa sinabi ko...”
“Anong gusto mo Lourdes, ipagbawal ko ang pagmamartilyo sa kaharian?”
“Hindi naman—”
“Sa tingin mo ba, may makakalapit sa akin na hindi salamangkero? At kung may mahika ang mananambang sa akin, at malamang iyon na nga ang sitwasyon, bakit naman s’ya gagamit na ganoong uri ng sandata? Sa tingin ko’y nag-iimbento lang ang maninira ng kasal na iyon. Dapat pareho sila ni Isagani ang ibitin nang patiwarik sa kung saang palengke.”
“Nanay—”
“Baka naman ang gusto mo, wala na lang pwedeng lumapit sa aking karpintero? Iyon ba? O iutos na, mula ngayon, sa gawa sa gomang pako na lamang ang maaaring gamitin?”
“Nanay, sabihin n’yo lang kasi sa akin ang mga bahagi ng planong hindi ko alam.”
Lumutang ito. Naglalaro. Dahan-dahan sa paglapit sa dingding, at pagkabangga’y lulutang papunta sa ibang direksyon. “Sana, kung pwede lang, pumunta tayo sa isang lugar na hiwalay sa mundo. Sarili kong pribadong Makinang Mahal. O di kaya tumulad tayo sa mga multo, at mag-isang isip, kahit ilang saglit. Ang mga bahagi mong hindi alam, anak, ay ang mga bahaging hindi mo pa maiintindihan.” Marahang itong nauntog sa kisame, at parang dahon bumagsak pasahig.
“Nanay—”
“Iwan mo muna ako. Pumunta ka sa iyong bahay. Malapit nang matapos ang iyong kastilyo, pangako. Pag nabuo ito’y mapupuno ang kalangitan ng iba’t ibang uri ng liwanag, at makakarinig ka ng libu-libong paputok. Pero, pansalamantala, doon ka muna sa iyong bahay. Mag-iingat ka. Lagi mong tatandaan na wala ka nang bantay.”
Hinalikan ni Lourdes ang ina sa pisngi, at umalis. Isang araw, hindi na nito gagawin ang lahat para sa kanya. S’ya naman ang magpaplano, at s’ya naman ang magtatanggol dito. At s’ya na ang magmamapa ng kanyang tadhana, imbes na nakalublob ang mga kamay ng ina sa bawat detalye ng kanyang buhay.
Isang araw.
Hindi na s’ya sa kastilyo nakatira ngayon, hindi na rin sa dormitoryo. Ang kanyang tahanan ay dating bahay-parausan. Hindi nakapagbayad ng buwis ang mga may-ari, at kinumpiska ito ng Sentro ng Buwis. Binili ito ng reyna, dinurog ang mga pader, pininturahan ng asul, at binawasan ng apat na palapag. Hindi pa rin malaman ni Lourdes kung anong naisip ng kanyang ina sa pagbigay sa kanya ng tatlong palapag na pansamantalang tirahan, dahil hindi katulad ng ipinangakong kastilyo, wala naman itong lamang tagasilbi.
Sa karwahe, nakatanggap s’ya ng mensahe sa lata. “Saan ka?” Kay Amado ang numero.
Tinawagan ni Lourdes ang kasintahan. Oo, kasintahan n’ya ito. Sa isa’t isa lang sila nagdeklara ng pag-ibig, pero hindi naman kailangang marinig ng ibang tao ang sumpa para maging totoo ito. Tinawagan n’ya ito, kahit s’ya ang galit, kahit s’ya ang nagmura, kahit s’ya ang gusto nang makipaghiwalay dahil sa takot masaktan si Agatha, takot na mawalan ng respeto ng kanyang ina, takot na nabubulag s’ya ng pag-ibig. Tinawagan n’ya si Amado dahil iniibig n’ya ito.
Isang linya lang ng awit ng lata ni Amado ang kanyang narinig, ang paborito nilang “Sa Karnabal,” nang putulin ang kanyang tawag. Tatawag na sana s’yang muli nang may dumating na mensahe: “Saan ka? Pupuntahan kita. Kailangan nating mag-usap.”
Bakit ayaw ni Amadong mag-usap sa lata? Impertinenteng lalake! O baka naman, o baka naman ang mga sasabihin nito’y kailangang harapang sabihin... Ang pakikipaghiwalay, tulad ng sumpa ng pag-ibig, ay kailangang personal na marinig ng kasintahan.
Nilabanan ni Lourdes ang mga naghuhulagpos na luha. Prinsesa s’ya. Malapit nang mapasakanya ang pangalang Makina. Hindi s’ya papaiyakin ng isang simpleng lalake lamang.
Sinabi n’ya kung nasaan ang kanyang tirahan. “Nasa ilalim ng paso sa may pinto, iyong pasong walang lamang halaman sa may kaliwa, ang susi. Pumasok ka na. Isang oras pa ako.”
Sumagot si Amado. “Hihintayin kita, Mahal.”
Napasinghot si Lourdes. Ilang beses lang s’yang tinawag na Mahal ni Amado. Ito kasi ang tawagan nila ni Agatha.
Si Agatha. Kailangan n’ya itong makausap.
Lagi n’yang sinasabing tapos na s’ya sa pagtatago, sa pagpapanggap, sa pagsisinungaling, sa pagtataksil. Pero paulit-ulit naman s’yang nahuhulog sa butas na sinasabi n’yang gusto n’yang takasan. Baka naman kasi ito ang kanyang kalikasan, ang magsuot ng maskara, ang tunay na s’ya ay kung ano ang kanyang iniimbento sa bawat sandali. Kwento s’ya nang kwento, puro kontradiksyon at pilit na interpretasyon, para lang magkaroon ng saysay. Hindi kaya’t gulo ang kanyang kaayusan, sigalot ang kanyang kapayapaan? Hindi kaya isa ito sa kanyang mga pagsusulit, sa daan pagiging prinsesa? Ang kunin ang kanyang nais, kalimutan ang damdamin ng iba? Kaya ba paiba-iba ng payo ang kanyang ina?
Parang hangin lang ang paglipas ng isang oras. Pagkababa sa karwahe, bago makarating sa pinto, may naaaninag s’yang tao sa may bubong. Taong may pakpak. Umiling si Lourdes. Kailangan na talaga n’ya ng tulog. Sa kama sila mag-uusap ni Amado. Pumasok s’ya sa loob. Binuksan n’ya ang ilaw. Nasa may paanan ng hagdan si Maria, malaki ang tiyang taas-baba sa mahimbing na tulog.
“Dito sa kwarto.”
“May sipon ka yata?” Umakyat si Lourdes. Mahihirapan silang magtalik kung may sipon si Amado. Ayaw na ayaw n’yang nahuhulugan ng uhog habang nakikipaghalikan. Sa kwarto, walang liwanag na dumating nang binuksan n’ya ang ilaw. May munting liwanag mula sa labas, hinaharang ng makapal na kurtina, kaya maliit na anino lang ang kanyang naaninag. “Amado?”
“Maghubad ka.”
Ngumiti si Lourdes. Gusto n’ya ng ganitong uri ng laro. Mabilis s’yang nagtanggal ng damit at pantalon. “O, ayan,” sabi n’ya.
Bumukas ang mga ilaw.
Bumulaga sa kanya ang mukha ni Amado. Luwa ang mga mata nito, tumutulo ang laway mula sa bukang bibig. Nakaanggulo pakanan ang ulo. Nag-iba na rin ang katawan nito, lumaki. Hindi tumaba kundi lumobo. May kuba ito, at parang komang ang parehong braso. Gulagulanit ang damit, kita ang mga masebo nitong suso. Wala itong pantalon, pero halos hindi makita ni Lourdes ang titi ng kasintahan. Luoy ito, parang namatay na rosas.
Nakalabas ang mga pangil, sumugod sa kanya si Amado.
Hindi s’ya nabigla sa hitsura nito, hindi s’ya nabigla sa atake. Pero nabigla s’ya nang tawagin n’ya ang hangin at hindi ito sumagot. Sa hindi n’ya malamang dahilan, nawawala ang kanyang mahika.
Nabagok ang kanyang ulo sa pagbagsak n’ya sa sahig. Nasa ibabaw n’ya si Amado, at himala na lang na nahawakan n’ya ang ulo nito bago tuluyan nitong sagpangin ang kanyang leeg. Tumulo sa kanyang panga at balikat ang laway nito.
Nasa tabi sila ng kama. Sa ilalim ng isang unan sa kamang iyon ang isa sa kanyang mga espada. Binayagan n’ya si Amado. Walang epekto. Inuntog n’ya ang kanyang ulo sa ulo nito. Walang epekto. Umungol si Amado, kumalam ang bondat na tiyan. Dumudulas ang kanyang hawak sa ulo nito, lumalapit ang mga pangil sa kanyang leeg. Naisip n’yang hindi na dapat Amado ang tawag n’ya sa kanyang kalaban. Inipon n’ya ang kanyang lakas at kinagat ang leeg ng halimaw.
Humiyaw ito, at nagawa ni Lourdes na itulak ito palayo. Hawak-hawak ang leeg, tinitigan s’ya ng mga patay na mata. Gamit na tungkod ang mga braso, tumalon si Lourdes papatong sa kanyang kama. Apat ang kanyang unan. Wala ang kanyang espada sa ilalim ng kahit isa.
Hindi lang ang halimaw ang kanyang kaaway. May kasama ito, nasa kwarto pa rin, malamang sa malamang. At ang mga unan lang ang kanyang sandata.
Idinura n’ya ang kapirasong lamang napunit n’ya mula sa leeg ng kalaban.
Hawak ang pinakamatigas na unan sa kanyang kaliwang kamay at pinakamalambot sa kanyang kanan, s’ya naman ang sumugod.
Ipinangharang n’ya ang pinakamatigas na unan sa bigwas nito, at sinikmuraan n’ya ito gamit ang kanang kamao.
Bali ang mga daliri ni Lourdes sa batong kanyang sinapak. Nabitiwan n’ya ang pinakamalambot na unan. Bumigwas ulit ang halimaw, sapul s’ya sa ulo, at kasamang bumagsak sa kama ng pinakamatigas na unan ang kanyang katawan. Sasagpangin na sana s’ya ng halimaw nang umalingawngaw sa kwarto ang isang tinig, “Tigil!”
Tumigil ang halimaw. “Hawakan mo lang ang kanyang mga braso.” Dinaganan ng halimaw ang mga braso ni Lourdes gamit ang mga binti nito. “Mahusay.” Hindi na sigaw. Nakilala ni Lourdes ang tinig bago lumabas sa kanyang aparador si Agatha.
May paltik itong hawak, nakaputing unipormeng panlaboratoryo. Ibinaba ng babae ang baril sa maliit na mesa katabi ng kama. Umupo ito sa tabi ni Lourdes. “Nasa aparador ’yung espada mong pangkama, kasama iyong galing sa kusina at banyo. Hindi ka na ba nagtatago ng baril? Wala akong makita.”
“Nasa loob ng tangke ng inodoro.”
“A,” ngumiti ito, “ikaw talaga at ’yang pagmamahal mo sa banyo.” Mula sa bulsa naglabas ito ng titi. “Nakilala mo ito.” Inilapit ni Agatha ang titi sa mukha ni Lourdes. Halos maduling na s’ya. Mga tatlong pulgada ang titi, mataba, lalo na ang ulo. Nababalot ito ng dilaw na likido. “Dapat sinagot mo ’yung tawag n’ya noong,” inamoy-amoy nito ang titi, “kung kailan man ’yon. Iyon ang huli n’yang hiling, bago ko s’ya gawing... ganito.” Hinaplos nito ang binti ng halimaw, na humagikhik. “Naputulan ko na s’ya, para na lang s’yang bulate sa sahig, namimilipit, at nang tanungin ko s’ya kung ano ang huli n’yang hiling, sa maniwala ka’t sa hindi, hindi mabilis na kamatayan ang kanyang sinabi. Ang gusto raw n’ya ay,” dinuraan ni Agatha si Lourdes, “makausap ka ng isa pang beses.” Walang saya sa tawa nito. “Parang iyong mga palabas na pinapadala natin sa ibang bayan. Walang hanggang pag-ibig. Basura. Bakit, sa tingin mo, na mas mahigpit tayo na mapanood sa ibang kaharian iyong mga kwento natin tungkol sa pakikiapid? Ang gusto ba natin, iyong ibang mamamayan ang maniwala sa wagas na pagmamahal? Bakit natin nililihim ang bahaging ito ng pakikipagrelasyon?”
“Agatha—”
Hinampas s’ya nito ng bukas na palad sa ilong. “Hindi ako humihingi ng sagot. Nagtatanong lang ako.” Idinikit nito ang titi ni Amado sa ilong ng halimaw. Tuloy pa rin ang hagikhik nito. “Pumunta ako para patayin s’ya, alam mo ba? Akala ko talaga noong sinabi mong makipaghihiwalay ka para sa akin, nakipaghiwalay ka. Prinsesa ka e, at may isang salita ang mga prinsesa. Pumunta ako sa bahay n’ya para maghiganti dahil s’ya, s’ya hindi humingi ng tawad. Sinaktan n’ya ako at ipinagmamalaki pa n’ya ang kanyang pagtataksil.” Dinilaan nito ang titi. “Matamis. Nasaan na ako? A, oo. Naputulan ko na s’ya, at pinapanood ko s’yang namimilipit sa sakit nang makakita ako ng kwaderno kasama ng kanyang mga libro. Bukas ito, may sinusulat s’ya nang dumating ako. May busal s’ya nito, naiintindihan mo? Sigaw s’ya nang sigaw, wala nga lang makarinig, pero sigaw s’ya nang sigaw kasi umaasa pa s’yang may magliligtas sa kanya. Pero nang lumapit ako sa kanyang kwarderno, nang makita n’yang kunin ko ito, at nang sinimulan ko itong basahin sa kanyang harapan, tumigil s’ya sa pagsigaw. Nawala ang kanyang pag-asa dahil alam n’ya, alam n’ya ang isang pangungusap pa lang ang mabasa ko’y patay na s’ya. At tama s’ya, patay na s’ya. Kalahating pangungsap pa lang nga, patay na s’ya. Alam mo ba kung ano ang laman ng kwadernong iyon? Alam mo ba? Hoy, tinatanong kita.”
“Mga sulat?”
“Mga ulat. Tungkol sa ’yo, tungkol sa pagtatalik n’yo. Tungkol sa mga kwentuhan n’yo at paglabas n’yo. Tungkol sa mga impormasyong napipiga n’ya mula sa iyo, tungkol sa pag-aaral mo, tungkol sa pamilya mo, tungkol sa kapangyarihan mo.”
Nanlaki ang mga mata ni Lourdes.
“Buong saya ko, Lourdes, buong galit at takot. Nakahuli ako ng espiya. Naloko n’ya ako, naloko ka n’ya, pero nahuli ko na s’ya at sa wakas, sa lahat ng nagawa mo para sa akin, mayroon na rin akong kaunting bayad. Saka ko nabasa ang mga petsa. Isang buwan, Lourdes, isang buwan mo akong niloko. Pero pinatawad kita. Kasi humingi ka ng tawad, at mahal kita. Pagkatapos, pagkatapos, pinagtaksilan mo ako ulit. Anak ng hinagpis Lourdes, sabi mo ako ang mahal mo.”
Hindi s’ya makasagot. Patay na s’ya, alam n’ya. Pinagtaksilan s’ya ni Amado. Pinagtaksilan n’ya si Agatha. Patay na s’ya. Noon pa.
“A, bale, iyon na nga. Ano ba ’to’t paligoy-ligoy ako. A, oo, basta. Nagbunga rin ang kakaeksperimento ko. Hindi lang pala s’ya nambobola nang sabihin n’ya noon na mas matalino ako sa iyo.” Hinalikan n’ya sa pisngi ang halimaw. “Kaya mo bang lumikha?” Idinikit nito ang titi ni Amado sa noo ni Lourdes, ang mula roon ay gumuhit ng hugis puso sa kanyang mukha. “Hindi ko malaman kung bakit hindi ka gumamit ng mahika mo. Mahina ba ang hangin? Ang plano ko dapat, tatalunin mo s’ya sa laban, pagkatapos ay lalabas ako mula sa aparador atmawawalan ka ng bungo. Imbes, imbes, narito tayo ngayon, nagkukwentuhan. Sabi ko na nga ba sisikmuraan mo s’ya e. Iyon lang naman ang alam mo. Kaya doon ko nilagay ang baluti. Paninikmura, pambabayag. Iyon lang ang alam mong atake.”
Nasa gitna ng mga suso ni Lourdes ang titi ni Amado, taas-baba. Malamig sa kanyang balat ang dilaw na likido. “Agatha,” sabi n’ya.
“Ano?”
Ipinasok nito ang titi ni Amado sa puke ni Lourdes. Ang akala n’ya’y masasaktan s’ya, pero pareho lang ang pakiramdam nito sa pagpasok ni Amado sa kanya pag sila’y nagtatalik. Masarap, payapa, parang pagtatanggal ng sapatos pagkatapos ng mahabang araw ng pagtayo at paglalakad. Umungol si Lourdes. “Agatha,” sabi n’ya, “hindi ako nagsisisi.”
“Ako man,” sabi nito, “ako man.” Hinalikan nito si Lourdes. “Mahal kita.”
“Mahal din kita.”
Tumayo si Agatha para kunin ang paltik. Naunang narinig ni Lourdes ang tahol. Sa una’y akala n’ya tumatawag si Amado sa kanyang lata. Pero isang saglit at natanto n’yang naroon si Maria, isang bolang itim ng galit, kagat-kagat ang binti ng halimaw. Gumulong si Lourdes pakanan, at halos mabasag ang kanyang mga tenga sa putok ng paltik. Narinig n’ya ang iyak ni Maria, at nadurog ang kanyang puso. Umigpaw s’ya, gumulong, at nasa loob na s’ya ng banyo. Tinanggal n’ya ang takip ng tangke, nilublob ang kanyang kamay at mahigpit ang hawak sa baril sumugod s’ya palabas.
Ang nakita n’ya’y ang hating katawan ng halimaw sa kanyang kama, at ang nakaluhod na si Agatha, at ang kanyang kalbuhing bantay, nakasuot ng itim, may tig-isang espada sa parehong kamay. “’Wag,” sigaw ni Lourdes, “’wag, kaibigan ko s’ya.”
Ibinaba ng babae ang mga sandata.
Tinanggal ni Lourdes ang titi ni Amado mula sa kanyang puke, lumuhod sa tabi ng kanyang hinubad na pantalon, ibinaba ang kanyang baril at inilabas ang kanyang lata. Habang nakikinig sa awit ng lata ng kanyang ina, napansin n’yang ramdam na n’yang muli ang mahika, at maaari na n’yang gamitin muli ang kapangyarihan ng hangin.