KABANATA 16
Binuksan ni Makina ang gripo. Una n’yang trinabaho ang mga baso, pagkatapos ang mga kutsara’t tinidor. Isang baso para sa mga tinidor, isa para sa mga kutsara. Kasunod nitoang mga platito’t plato. Malakas ang daloy ng tubig, natalsikan pati ang kanyang damit, pero mainit ang panahon at pati na rin ang kanyang ulo. Mabuting nawiwisikan ng malamig na tubig ang kanyang mukha. Inuna n’ya ang mga platito, na nakakainis dahil nasa ilalim. Saka ang mga plato, na sa tamang kaayusan ng mga bagay ay dapat nasa ilalim pag marumi, nasa ibabaw pag nalinis na ng tubig, saka babalik sa ilalim, at kung gayon ay huling malilinis nang buo. Kinuha n’ya ang sabon. Sa simula, pinagsasabihan pa s’ya ng kanyang amo na hindi tama ang kanyang paghuhugas ng pinggan. Pero ito ang itinuro ng kanyang ina, sabi n’ya, ito ang tanging paraan na masisigurado n’yang malinis ang kinakainan ng mga pumupunta sa kanyang pinagtatrabahuang bahay-kainan. Nagtalo sila nang paulit-ulit, at handa nang umalis sa trabaho si Makinakumatok sa bahay-parausan kung kailangan!—hanggang sa isang araw nang masigawan s’ya, at para bang natauhan ang lumba-lumbang lalakeng may-ari’t primarya ring kusinero. Hindi alam ni Makina kung naapektuhan n’ya ang utak nito. Sa kanyang pagkakaintindi, pareho sila ni Luis na hindi makahawak sa mahika sa lugar na ito.
Si Luis. Ang lalakeng iyon ang may kasalanan kung bakit mainit ang kanyang ulo. Patuloy nitong pinapaasa si Rosa, gayong alam naman nilang parehong walang patutunguhan ang pakikipagrelasyon sa lugar na ito. Pag natuklasan na rin nila sa wakas ang paraan para makaalis, aalis sila. Pareho silang may misyon. Ang alam nga ni Luis, iisa sila ng misyon. Dapat kayang sabihin na n’ya rito ang tunay n’yang pakay? Susunod kaya ang dating tagaparusa, na ngayo’y tagabuhat na lamang?
Ang lalakeng iyon ang dahilan kung bakit sila nasa lugar na ito, dito sa Baryong Tago. Ilang araw pagkatapos nilang marating ang kahariang pinakamalapit sa Gusaling Matangkad, kinailangan nilang magpalit ng karwahe. Bawal sa impyernong kaharian kung saan sila napadpad ang karwaheng pangtatlong kabayo. Sabi ni Makina sa pulis na pumigil sa kanila, pakakawalan nila ang isa sa tatlong kabayong humihila sa kanilang karwahe. Ang sabi ng matabang lalake, hindi sapat iyon. Kailangan ang disensyo ng karwahe ay pangdalawa. Sabi ni Luis, iiwan na lang nila ang karwahe at sasakay na lang sa tig-isang kabayo. Bawal din daw iyon, kailangang nakasakay sa karwahe ang sinumang maglalakbay sa kaharian.
“Ano ba ito,” tanong ni Makina, “ang kaharian ng Karwaheng Maganda?” Hindi s’ya nagbibiro, mayroon talagang bayang iyon ang pangalan, pero ayon sa mapa sa kanyang isip, mapang nakatatak sa kanyang utak, lahat ng magiging-reyna-isang-araw ay dapat memoryado ang mapa ng mundo, malayong-malayo ang Karwaheng Maganda sa Gusaling Matangkad.
“Hindi,” sabi ng pulis, ngumunguya-nguya ng baka’t tinapay, “ito ang kaharian ng Leta.” Hinati nito ang pagkaing hawak, ibinigay sa katabing aso ang mas malaking kapiraso. Dambuhala ang aso, sa unang tingin nga ay akala n’ya ito na ang mga osong inulat ng mga espiya.
“Kung gayon,” sabi ni Makina, “iiwan na lang namin sa iyo ang karwaheng ito, at ang mga kabayo. Sumenyas s’ya kay Luis, at kinuha nila ang mga gamit sa loob, ang pera at alahas na kanilang ninakaw sa dating may-ari ng karwahe.
“Anong problema?” tanong ng lalake habang nagsusuot ng mga singsing.
“Tulungan mo ako rito.” Tigtatlo ang butas ng mga tenga ni Makina, hindi n’ya maabot ang pinakamataas. “Ang Leta, bagaman walang kakayahang umatake, ay nasa permanenteng estado ng digmaan sa Makinang Mahal. Hindi mo ba alam?”
“Hindi. Kaya ka ba namumutla?”
Isinaksak ni Makina ang pera sa loob ng kanyang pantalon. “Hindi ako namumutla. Pero nag-aalala ako, kilala ang mukha ko sa lugar na ito. Sa huling ulat ng mga espiya, isang milyon ang matatanggap ng sinumang magdala ng aking pugot na ulo sa reyna,” halos idura n’ya ang salita, “ng Leta.”
“Mas malaki ba ang gantimpala pag buhay ka?”
“Ano?”
“Wala,” sabi ni Luis, palabas na ng karwahe, “nagbibiro lang.”
Tumungo sila sa isang bahay-parausan, dahil sabi ni Luis mas aasahan ang isang prinsesa na tumuloy sa kwartong lingguhan kung rentahin. “At saka,” dagdag pa nito, “mas mura rito.” Nasa kama sila, nagtatanggal ng damit si Makina. Hinalikan s’ya ni Luis sa balikat.
“Ayokong makipagtalik,” sabi n’ya.
“Ano?”
“Ayokong makipagtalik sa loob ng isang bahay-parausan.”
“Nagbibiro ka ba? Kaya nga nilikha ang lugar na ito para—” Nagtanggal ng muta ang lalake. “Pasensya na. Sige, matulog na lang tayo. Tatlong oras, sapat na siguro iyon, ayoko namang gabing-gabi bago tayo magnakaw ng karwahe.”
“Bakit nga ba tayo magnanakaw? Bakit hindi na lang tayo bumili?”
Ipinakita ni Luis ang isang kamay. “Lima ang singsing n’yan kanina, ngayon isa na lang. Hindi raw nila kinikilala ang perang merong tayo. Tagasaang kaharian ba naman kasi iyong huli nating ninakawan? O eto lang talagang Leta ang magulo?”
Tinabihan ni Makina ang lalake. Niyakap ito.
“O, akala ko ba ayaw mong—”
“Ayokong makipagtalik, gusto ko lang na may niyayakap.”
Lampas tatlong oras silang nakatulog, at nagbayad pa ng isang singsing dahil sumobra raw sila sa napagkasunduang panahon ng paggamit. Maliwanag ang buwan, at madali naman silang nakapagnakaw ng karwaheng pangdalawang kabayo. Madali nga lang silang nasundan ng mga pulis. May kung anong sandata mayroon ang mga ito, at sumabog ang kanilang sasakyan. Nasunog ang buhok at kilay ni Makina, luto ang kamay ni Luis, at patay ang dalawang kabayo. Sa isang parke sila natunton. Malakas ang sirena ng mga pulis, at narinig din ni Makina ang mga tahol ng mga asong dala ng kaaway. Nagawa pa nilang tumakbo, at makalayo. Maraming puno ang parke, halos gubat na nga ang lugar kung hindilang dahil sa mga bangkong kongkretong nakakalat sa paligid. Maya-maya pa’y kumonti ang mga bangko at mga puno, at saka tuluyang nawala. Sa liwanang ng buwan, natanaw nila ang isang balon.
“Walang mahika rito,” sabi ni Luis.
Nagtaas ng kilay si Makina. Magpapalipad sana s’ya ng bato para kutusan ang lalake nang matuklasan n’yang totoo ang sinabi nito. “Ito kaya ang dahilan?” Bago nakasagot si Luis, tinungo n’ya ang balon, tumingin sa loob nito. “Napakababaw naman,” sabi n’ya, “o nililito lang ako ng liwanag ng buwan?”
Bago nakasagot si Luis, narinig nila ang mga kahol ng mga aso. At bago sila nakatakbong muli, umalingawngaw ang isang putok, at nahulog sa balon si Luis. Dapat ay tumakbo si Makina, dapat ay tinuloy n’ya ang kanyang misyon. Imbes ay tumalon s’ya sa loob ng balon.
Nang magising s’ya, katabi n’ya sa kama si Luis. Wala itong damit, may benda sa braso. Isang babaeng mapusyaw ang balat, malaman ang katawan at nakatali ang mahabang buhok ang nakaupo sa tabi ng kama, pinagmamasdan ang pagtaas at pagbaba ng dibdib ni Luis. “Gising ka na pala,” sabi ng babae, nang hindi s’ya nililingon, “ligtas ang iyong kaibigan.”
“Kapatid,” sabi ni Makina. Marunong s’yang magbasa ng mga mata, at ang nasa mga mata ng babae ay pag-ibig.
Tiningnan s’ya nito. Mas mabait na ang boses nang nagpakilala. “Ako si Rosa,” sabi nito. “Maligayang pagdating.”
Habang naghihilom ang sugat ni Luis, mabilis na natuklasan ni Makina ang lahat ng maaaring malaman tungkol sa lugar sa Baryong Tago. Noon daw ay mga mamamayan sila ng Leta, bata pa si Leta, wala pang pitong taong gulang. Pero isang araw, bigla na lang binalot ang kanilang baryo ng liwanag. At nang mawala ito, napalitan ng pader ng dilim ang kanilang mga hangganan. Pinag-aralan nila ang pader ng dilim, at ang kongklusyon ng iilang alagad ng agham na kanilang kasama ay—walang dumadaan sa pader na maaaring makabalik. Agad nila itong nilagyan ng mga bakod, para walang batang aksidenteng mahiwalay.
Binigyan sila ng tunguhin ng pader, at ng proseso ng paggawa ng bakod. Nang matapos ang problemang ito, saka lang sila nakaramdam ng takot. Nakikita nila ang araw, at pinapalitan ito ng buwan, at mga ulap at bituin, paano nangyari iyon? At mas malala pa, bukod sa misteryo: Hindi gumagana ang mga gripo, walang tubig na lumalabas. Maraming pananim sa kanilang bakuran, pero katulad ng tao kailangan din ng tubig ng mga gulay at hayop. Saka umulan. Isang buong araw. Ang ate ni Rosa ang isa sa nakaisip mag-ipon. Marami ang hindi nakinig. Lumipas ang anim na araw na walang ulan. At nang dumating itong muli, wala nang hindi nag-ipon. At iyon na nga, lingguhan kung dumating ang ulan. Pagkatapos niyon, madali nang nag-organisa ang baryo. Kailangang magtipid ng pagkain, ng tubig. Nang dumaan ang isang dekada napagdesisyunang kailangan ding pangasiwaan ang pag-aanak. Hindi lang gulay, hayop at tubig ang kailangan ng tao, kundi espasyo. At kung lalaki nang lalaki ang kanilang populasyon nang hindi lumalaki ang kanilang lupain, isang araw maitutulak na sila sa pader ng dilim.
“Kayo ang una naming bisita sa loob ng apat na taon,” sabi ni Rosa, na labing=siyam na taon nang nasa Baryong Tago, “at ang lalakeng iyon, dalawang araw lang ay itinulak nila papasok sa pader ng dilim.”
“Dahil?”
“Nahuli s’yang nakikipagtalik nang walang pahintulot ng konseho. Pati iyong babae,” sabi ni Rosa, “itinulak din sa pader. Baka raw kasi nabuntis. Bunsong kapatid ko ’yon, pero ang sabi ng ina ko, isang batas para sa lahat, o wala na lang batas.” Nakangiti pa rin ito. “Kayong magkapatid, kailangang magkasama kayong tumira. Hindi naman lahat ng tagalabas itinutulak namin sa pader ng dilim.” Naglista ito ng mga pangalan ng mga bisitang naging bahagi na rin ng komunidad. “Ang kailangan lang, makatulong kayo sa mga gawain. Pwede kayong maglaba, mag-alaga ng hayop, maging manggagamot tulad ng aking ate noon, o kung mga alagad ng agham kayo?”
Mabuyog ang utak ni Makina. Tulog pa rin si Luis. Ano ba ang alam nilang dalawa, bukod sa pananakit ng ibang tao? “Marunong akong maghugas ng pinggan,” sabi n’ya. Iyon lang talaga ang karunungann’ya. Itinuro nga kasi ng ina n’ya. Tandaan, sabi nito noon, hindi lahat ng bagay ay madadaan sa mahika. Napakaangkop na aral. Naisip ni Makina kung propeta ang kanyang Reyna.
“Maghugas ng pinggan,” sabi ni Rosa, “mahusay. Doon ka sa kainan. Buti na lang. Ayaw ko namang sa bahay-parausan ka mapadpad. Kayo ng iyong kapatid. Ano nga pala ang pangalan mo? Paumanhin, kwento na ako nang kwento hindi ko man lang natanong.”
“Maria,” sabi ni Luis, “ang pangalan n’ya ay Maria.”
Lumiwanag ang mga mata ni Rosa. “Gising ka na!”
Dahil napakinggan nito ang lahat ng napag-usapan nina Makina, madaling nakasama sa pagsisinungaling si Luis. Sinabi nitong alagad s’ya ng agham, bagaman nag-aaral pa lamang. Dumating ang ate ni Rosa, at dinala sila nito sa tanging nabubuhay na alagad ng agham ng Baryong Tago. Ulyanin na ang babaeng makapal na makapal ang suot na salamin, at wala namang nasabi tungkol sa pader ng dilim. Puro lang ito dada tungkol sa dating kasamang alagad, na asawa pala nito. Mabilis magsinungaling si Luis, at sa harap ng konseho ng baryo nakumbinsi n’yang dapat s’ya na ang mamuno sa laboratoryo. Sa tingin ni Makina, kahit naman marunong si Luis ay hindi rin n’ya mapapagana ang mga instrumento, at kahit naman mapagana n’ya ang mga ito, sa karanasan ng dalawang dating tunay na alagad ng agham, na may isang dekadang pagkakataon para suriin ang pader ng dilim, wala talagang magagawa sa pader ng dilim.
At ano ang ginagawa ni Luis buong araw sa laboratoryo? Lumilikha ng espada. Hindi naman ito panday, kaya’t puro walang silbing sandata ang nagagawa. Pag hapon na, alam ni Makina, bumibisita si Rosa. Bawal ang hindi opisyal na pagtatalik ang lalake at babae sa Baryong Tago, kaya’t ang mga ayaw makipagtalik sa parehong kasarian ay napilitanng mga taon na lumikha ng kung anu-anong baryasyon sa pagsisiping. Nariyang gumamit sila ng paa. Nariyang gumamit sila ng kutsilyo. Nariyang gumamit sila ng bangkay ng aso.
Bago s’ya umalis ng Makinang Mahal, sinabi ng ina ni Makina na may kakaiba raw sa titi ini Luis, kaya ito may kapangyarihan. Sa halos dalawang beses nila kada linggong pagtatalik sa loob ng dalawang buwan, wala namang mahagilap na kakaiba si Makina sa titi ni Luis. Niloloko lang kaya s’ya ng kanyang ina? O may natuklasan na si Rosa?
“Maria,” may boses sa kanyang likod, “Maria.” May tumapik sa kanyang balikat. “Maria, wala nang tubig paano ka naghuhugas?”
Tiningnan ni Makina ang platong hawak n’ya, tuloy pa rin s’ya sa paghimas nito. “A, e...”
“Sige na, tama na ’yan. Umuwi ka na. Wala na rin namang tubig. Bukas, uulan. Saka mo na ’yan ipagpatuloy.”
Hinarap ni Makina ang lumba-lumbang dati’y lagi s’yang inaaway. “Maraming salamat. Bukas, pag-iigihan ko.”
“Sige na, sunduin mo na ang kapatid mo.”
Nagpunas ng kamay si Makina, saka nilisan ang kainan. Alam n’yang Maria ang unang pangalang pumasok sa utak ni Luis dahil ito ang pinakakaraniwang pangalan sa Makinang Mahal. Karaniwan din kaya ang mukha ng babaeng mananambang na hinahanap nito? Minsan na s’yang nagtanong kung mayroong larawan si Luis ng kaibigan. “Meron,” sagot nito, “at hindi mo pwedeng makita.”
Nasa malayong bahagi ng Baryong Tago ang laboratoryo, at doon sila nagkikita ni Luis dahil hindi sila makapag-usap sa kanilang tinutuluyan. May kasama sila sa kwarto, dalawang lalakeng magsing-irog at isang lalake’t isang babaeng magkapatid. Tatlong kama sa isang kwarto. Minsan iniisip ni Makina, sana wala na lang s’yang kapangyarihan. Para maranasan n’ya ang sarap ng pagiging prinsesa nang wala ang mga obligasyong kapalit nito.
Kalahating oras din s’yang naglakad. Masyadong kaunti ang mga kabayo rito para gamitin lang sa karwahe. Inaalagaan ang mga hayop dito nang lubos-lubosan. Para kainin. Pag masyadong dumami, bagaman madalang ito, wala namang magagalit kung itutulak sila sa pader ng dilim.
Ang pader ng dilim! Nakakatuwa ito. Noong simula raw ay mas mataas lang ito nang kaunti sa tao. Nang magpatong-patong daw ang mga naunang residente ng mesa para makita kung ano ang nasa labas, tumaas lalo ang pader. Nang kumuha raw sila ng isa pa, at iyon ang tinayuan ng dalawa sa pinakamatangkad na residente, lalong tumaas ang pader. Umabot ito ng dalawang palapag bago ideklara ng konseho na hindi dapat subukang tingnan kung ano ang nasa labas ng kanilang baryo. Tanaw ni Makina ang pader. Alam n’ya kung ano ang nasa labas nito. Ang misyon n’ya.
Kumatok nang malakas si Makina sa pinto, tatlong beses. Halos mabuwag n’ya ang manipis na kahoy. Noong simula, hindi s’ya kumakatok. Hanggang sa isang beses ay madatnan n’yang napasok ang titi ni Luis sa pwet ni Rosa. Hindi naman sa ayaw n’ya sa ganoong uri ng posisyon. Siguro’y nagseselos lang s’ya, kahit na parang tangang makaramdam ng selos. Ang nakakainis pa, inimbitahan s’yang manood ni Rosa. Na pinaunlakan n’ya, dahil iyon ang gawi ng mga taga-Baryong Tago.
Pinagbuksan s’ya ni Luis. Sa loob, nadatnan n’yang nagbibihis si Rosa. Nang matapos, nagpaalam ito kay Luis, at walang salitang tumungo kay Makina. “Anong problema ng babaeng iyon?” tanong n’ya nang marinig n’yang ibinalibag pasara ang pinto. May nakapulupot na lubid sa tanging silya sa laboratoryo, kaya umupo s’ya sa mesa ng ulyaning alagad ng agham na hindi na pumapasok sa laboratoryo at pinagdedebatihan ng konseho kung panahon na para itulak sa pader ng dilim. Nakita ni Makina ang panalisa buhok ni Rosa. Dilaw ito. Paborito n’yang kulay. Kulay ng ihi, sabi noon ng kanyang ina. Nangungulila s’ya sa diretso nitong paraan ng pakikipag-usap at pamumuhay.
“Kadalasan kasi, hindi ko s’ya pinagmamadali. Kung kailan s’ya matapos, doon kami nagtatapos.”
“At ngayon?”
“Ang sabi ko’y may pag-uusapan tayo, at kailangan naming maghiwalay nang mas maaga.”
Suminghot si Makina. “At anong sabi n’ya?”
“Pumayag naman. Alam naman n’yang hindi tayo magtatalik o kung anuman. Selosang babae. Pero lahat naman ng babae ay selosa.” May hinahanap si Luis sa tambak ng instrumento. “Puwera ikaw, syempre.”
“Iyon lang ang hindi ko maintindihan sa kanilang sistema. Hindi ba nila naiisip na hindi nagtatalik ang mga magkapatid?”
“Wala tayo sa Makinang Mahal, Maria. Tandaan mong iba ang pinapalagay ng mga tao rito, iba ang kanilang kinalakhan, tradisyon, paniniwala. Sa kanila, imposibleng isiping magtatalik ang magkapatid, parang iyong tingin mo sa patay na hayop. O sa hayop nga ba?”
“Ano ba kasi ang hinahanap mo?”
“Ito!” May hinila si Luis sa tambak, at ang inilabas ay isang espada. Kakatawang espada, malapad, masyadong mahaba. Halos mahulog ito ni Luis, at dalawang kamay na ang gamit n’yang panghawak.
“Iyan? Iyan ang gusto mong pag-usapan? Kaya lalo mong ginalit si Rosa laban sa akin, kasi gusto mong ipagmalaki ’yan?”
Inabot sa kanya ni Luis ang espada. “Hindi, hindi. Alam ko na kung ano ang pader.”
Nahulog ni Makina ang espada. Nabasag ito. “Ano?” sabi n’ya.
“Ba’t mo binasag?”
“Alam mo na ba kung paano tayo makakatakas?”
“Pero sabagay, sino naman nga ang mag-aakalang mababasa ang bakal?”
“Halika kung gayon.”
“Humingi ka naman ng paumanhin.”
Nagkatinginan sila. Sabay na tumawa. “Hay naku, Luis,” sabi n’ya, “puro ka lang kasi kalokohan. Hindi mo alam ano, niloloko mo lang ako?”
“Hindi ko alam kung ano talaga ito,” sabi ni Luis, sabay pulot sa espadang ngayon ay tatlong piraso na, “pero alam ko kung paano tayo makakatakas.”
Umirap na lang si Makina.
“Makinig ka. Ikaw kasi, wala kang tiwala sa akin. Ganito kasi. Nasa ilalim tayo ng talon, o ilog, basta dumadaloy ito papunta sa isang araw. Ngayon, pag sumusobra na ang tubig, umuulan rito.” Naglabas si Luis ng papel at panulat, nagsimulang lumikha ng larawan. Kita mo?”
“Iyong bilog?”
“Ang baryo.”
“Iyong itim.”
“Ang dilim.”
“Iyong mga alon?”
“Ang tubig.”
“Kung iyan nga ang ating sitwasyon, kung dadaan man tayo sa pader ay malulunod tayo. Masyadong malalim, base sa laki ng baryo at taas ng dilim. Kaya, ang totoo, baliktad ng sinabi mo, alam mo kung ano ito, pero hindi mo alam kung paano tayo makakatakas.” Kinapa ni Makina ang panalisa loob ng kanyang bulsa. “Aminin na natin, Luis, wala tayong pwedeng patayin para makatas sa problemang ito.”
“May solusyon.” Tumabi ito sa kanya sa mesa. “Ang ating mahika.”
“Walang mahika sa lugar na ito.”
“Dito. Pero malamang, sa tubig, meron.”
“At paano kung mali?”
“May paraan para malaman.” Itinuro nito ang lubid sa silya. “Kanina, itinuro sa akin ni Rosa ang tungkol sa sining ng pagtatali. Naisip ko, kung itatali mo ako—”
“Ayoko ng mga laro nila, Luis, sinabi ko na ’yan.”
“Hindi, hindi. Itatali mo ako, tas lulusot ako sa tubig. Pagkatapos ng ilang sandali, bago ako malunod, hihilahin mo ako. Simpleng-simple.”
Simple nga. Bakit kaya hindi iyon naisip ng konseho, o ng mga alagad ng sining man lang? O mayroon s’yang hindi nababasa sa mga tagabaryong ito? “Ako dapat ang itali. Mas matagal kong napipigilan ang aking hininga.”
“Akala ko ba ayaw mo sa mga laro?”
Hinarap n’ya ito. “Hindi ako selosa. Hindi ako katulad mong hayok sa pag-ibig.” Dinakma n’ya ang titi nito.
“Hindi raw...” Hinablot nito ang kanyang damit, nilamas ang kanyang mga suso. “Sige nga, ikwento ko sa ’yo kung anong ginawa namin sa lubid?”
“O sige na,” sabi ni Makina. Naamin na rin naman n’ya sa kanyang sarili, bakit hindi pa kay Luis. Hinalikan n’ya ito sa mga labi. “Akin ka lang. Akin ka lang.” Isinigaw n’ya sa buong laboratoryo. “Akin lang si Luis, anak ni Maria.”
Hinaplos ni Luis ang kanyang pisngi. “Akin ka—”
Bumukas ang pinto. “Naiwan ko ’yung tali sa buhok—” Tinitigan sila ni Rosa. Nakabuka ang bibig nito, mapusyaw na nga ang balat ay lalo pang nawalan ng kulay. Tumakbo ito palayo. Humabol si Luis, hawak-hawak ang kapiraso ng espada. Sinunggaban ito ni Makina. Bumagsak sila sa sahig. “Hindi,” sabi n’ya, “hindi dudungisan ng dugo ang ating pag-ibig.”