CHAPTER 3

THE JESTER

 

 

“Ate Jermie, pwede na ba akong pumunta do’n?”

Napatingin si Jermie sa nagkukumpulang mga bata kung saan nakaturo ang five years old niyang pinsan na si Popoy. Napakunot-noo pa siya nang makitang kumaway sa kanya ang payasong nagma-magic doon. Nakasuot ito ng sumbrerong parang may dalawang sungay at ang damit ay nahahati sa kulay pula at itim. Hindi tuloy nakatutuwa sa paningin niya ang payaso.

“Sige, pero ‘wag kang malikot doon, ha?” bilin niya.

Mabilis namang tumango si Popoy at tumakbo na papunta sa nagtatawanang mga bata.

“Jermie, buti nakapunta kayo ni Popoy dito sa birthday party ni Lexie,” bati ni Tita Mauren, ang Mommy ni Lexie na kaklase ni Popoy sa nursery.

“Hindi na nga po sana makakapunta si Popoy kasi may pasok sina Tita Karen. Eh, dahil Sabado naman po ngayon, ako na ang nag-volunteer na sumama kasi nagmamaktol na raw ang makulit na bata kagabi pa,” tugon ni Jermie. Pinuntahan siya ni Tita Karen sa bahay para pakisuyuan ang katulong nila na samahan ang makulit niyang pinsan sa birthday party na iyon. Dahil wala naman siyang lakad, siya na ang nagprisintang sumama. “Heto nga po pala ang regalo namin kay Lexie.”

“Naku, salamat. Talagang nag-abala pa kayo. Kumain ka na diyan at mukhang nag-eenjoy na si Popoy sa magic na ginagawa ng jester,” sabi ni Tita Mauren.

Saglit na napalingon si Jermie sa kung saan nakatingin ang kausap. Bakit nga ba jester ang kinuha nito at hindi isang normal na payasong makulay na madalas na nakikita sa mga birthday party? May naalala tuloy siya na ayaw na niyang isipin pa.

“Naku, ‘ayan na ang mga teacher sa school nina Lexie. Jermie, ikaw na munang bahala diyan. Basta, ‘wag kang mahihiya at ituring mo na bahay mo ito.”

Ngiti na lang ang naitugon ni Jermie sa ginang na nilapitan na ang mga bagong dating na bisita. Napakalaki ng garden kung saan ginaganap ang birthday party. Tumuloy na siya sa mahabang mesa kung saan nakahain ang napakaraming pagkain. Kumuha lang siya ng carbonara bago pumwesto ng upo kung saan nakikita niya nang maayos ang pinsan kasama ang ilan pang mga bata na masayang nanonood sa nagma-magic na jester.

Napangiti siya nang matapos ang isang magic trick at nagpalakpakan ang mga bata. Kasabay halos ng pagsubo niya ng pasta ay ang pagtabi ng payaso ng mga kagamitan na pang-magic. Hindi ito nagsasalita, sa halip ay sumesenyas na parang kailangan ng isang volunteer mula sa mga bata. Bibo namang nagtaas ng kamay si Popoy na lalong nagpangiti kay Jermie. Manang-mana talaga sa kanya ang pinsan pagdating sa pabibohan. Pero bigla siyang napahinto sa pagnguya nang makita ang kakaibang kahon na kinuha ng payaso, lalo na nang mula sa loob ay inilabas nito ang isang parang totoong kutsilyo. Inilapat pa nito sa mga labi ang hintuturo na parang pinatatahimik ang lahat. Bumaling din ang tingin nito sa kanya at sinenyasan na tumahimik kagaya ng ginawa sa kaharap na mga bata.

“Okay lang ba `yon?” Napatingin siya sa paligid. Lahat ay abala sa pagkain at pakikipagkwentuhan sa mga kasama. Muli niyang ibinalik ang tingin sa mga bata. Namilog ang mga mata ni Jermie at nanginig ang buong katawan niya nang makitang nakatutok na ngayon sa ulo ng excited na si Popoy ang dulo ng kutsilyo. Nagtaas ng mukha ang jester at gumuhit sa malaki at maitim nitong mga labi ang nakakalokong ngiti.

“No!” sigaw ni Jermie, pero huli na dahil bumaon na ang kutsilyo sa ulo ni Popoy. Tumirik ang mga mata ng bata, kasunod ang pagdaloy ng dugo dahil sa kutsilyong tumagos mula ulo hanggang baba ng bata.

Tumilamsik ang dugo sa maputing mukha ng jester at sa mukha ng mga batang nanonood sa inaakalang magic trick na nasasaksihan nila. Binunot pa ng jester ang kutsilyo at isinaksak iyon sa ulo ni Popoy nang paulit-ulit habang sinusundan iyon ng pag-arteng parang tumatawa nang walang boses.

Nagsimulang umiyak ang mga bata at ang iba ay nagtakbuhan papunta sa kanya-kanyang magulang. Nabitawan naman ni Jermie ang plato at tinidor na hawak niya. Tila ba napako na siya sa kanyang kinauupuan. Ilang saglit pa bago tuluyang huminto sa ginagawa ang payaso. Sa wakas ay nilubayan na rin nito ang ulo ni Popoy na tadtad na ng maraming saksak. Bumagsak ang katawan ng bata sa damuhan at nagsimulang kumalat ang dugo nito.

Parang nag-slow motion ang lahat kay Jermie nang dahan-dahang lumingon muli sa kanya ang jester. Nakaguhit na naman ang nakakalokong ngiti sa maitim at malaki nitong mga labi. Binunot nito ang kutsilyong nakasaksak sa ulo ni Popoy bago inilapit sa mga labi at dinilaan ang dugong naroon. Nagsimulang gumalaw ang mga labi nito na parang may binubuong salita.

Naguguluhan na si Jermie at hindi pa rin siya makagalaw sa kanyang kinauupuan. Ni mga daliri ay hindi niya magawang igalaw. Pinipilit niyang intindihin ang mga salitang binibigkas ng mga labi ng payaso nang walang tunog. Napalunok siya nang sa wakas ay mabasa iyon.

“Ikaw, paano mo gustong mamatay?”

At bago pa niya magawang umalis sa kinauupuan, biglang inihagis ng payaso ang hawak na kutsilyo at bumaon ang buong talim niyon sa kanan niyang mata!