CHAPTER 5

NIGHTMARES

 

 

Naghihikab na pumasok sa gate ng campus si Jermie. Pagkatapos niyang bangungutin, hindi na uli siya nakatulog buong gabi.

“Good morning, Jermie!”

Napapitlag siya sa biglang pagbati ni Stephen, ang isa pang medyo weird na estudyante sa Faubourg Academy at best friend ni Rayden. Pero kahit best friend si Stephen ng namayapang estudyante, iba ito kay Rayden. Mahilig ito sa horror movies at hindi ipinagsisiksikan ang sarili sa Wantutri. Si Jermie lang din ang madalas nitong kausapin sa barkada kaya hindi ito trip na paglaruan nina Mike.

“Why so jumpy?” tanong ni Stephen.

“Ikaw kasi, bigla ka na lang sumusulpot diyan,” natatawang sagot ni Jermie na nagpatuloy na sa paglalakad.

Sinabayan siya ni Stephen. “I-invite sana kitang manood ng stage play namin later,” sabi nito, at pagkatapos ay may inilabas na papel kung saan nakasulat ang detalye tungkol sa stage play. Ito ang direktor ng drama club ng Faubourg Academy kung saan kasama rin dati si Rayden.

“Friday the 13th? Malayo pa ang Halloween, ah?” nagtatakang sabi ni Jermie nang mabasa ang nakasulat sa papel.

“Gano’n talaga. Napansin ko kasi na mas maraming estudyante ang nanonood ng play kapag horror ang theme. Sana makadaan ka mamaya.”

“Sige, subukan kong dumaan after class,” nakangiting sagot ni Jermie. Hindi sila magaka-section ni Stephen kaya lalo siyang natawa nang lampasan nila ang classroom nito para masabayan pa siya sa paglalakad hanggang classroom niya.

“Sige, hope to see you later, Jermie.”

Nakangiting tumango si Jermie. Papasok na sana siya sa classroom nang mapansin ang key chain na nakalawit sa bulsa ni Stephen. “Stephen, wait! ‘Yong key chain? ‘Di ba… ‘di ba, kay Rayden ‘yan?”

Nabaling din ang tingin ni Stephen sa key chain na jester na kaagad nitong itinago sa loob ng bulsa. “Hindi, ‘no! I mean, oo pala. Dati. Pero ibinigay na niya sa akin ‘to noon pa. Sige, Jermie, see you later. Bye!”

Hindi na nagawang tumugon pa ni Jermie dahil mabilis nang tumalikod si Stephen at naglakad papunta sa classroom na nilampasan nila kanina. Pumasok na lang din siya at umupo kung saan nakapwesto ang barkada.

“Good morning!” bati ni Ariane, may matamis na ngiti sa mga labi.

Napangiti na rin si Jermie. Nakakahawa kasi ang magandang ngiti sa mga labi ng babae. “Good morning, Ariane!” Ibinaling niya ang tingin sa ibang kabarkada. “Good morning, guys!”

“Good morning!” Si Nero ang sumagot, naghihikab.

“Puyat ka?” nagtatakang tanong ni Ariane. “Tingnan mo, nagka-eye bags ka tuloy.”

Hindi maiwasan ni Jermie na mapatingin nang lumapit si Ariane kay Nero na sinalat pa ang ilalim ng mga mata ng huli.

“Hmm… Ariane, ako rin puyat,” biglang sabi ni Mike na naghikab din kunwari.

“Mag-aral ka munang umarte, Mike. Hindi kasi convincing,” natatawang sabi ni Ariane bago bumalik sa sariling upuan.

“Kahit gwapo ka, pangit ka pa rin umarte,” natatawang sabi ni Miles.

Napakamot sa ulo si Mike sa kantyaw ng barkada.

“Pero seriously, bakit parang puyat ka, Nero?” tanong muli ni Ariane.

Tahimik na inilabas ni Jermie ang notebook para sa unang klase nila. Kahit kailan, hindi siya nakaramdam ng inis kay Ariane kahit alam niyang isa ito sa pinakamaganda sa buong Faubourg Academy. Pero kapag ganoong nagpapakita ito ng concern kay Nero, hindi niya alam kung bakit may kakaiba siyang nararamdaman. Inis? Selos? Pero bakit naman siya magseselos? Wala naman siyang gusto kay Nero. Wala yata.

“Jermie, may chocolate ka ba diyan? Para magising-gising sana ako.”

“Ha? Oo, ‘eto, o,” sagot niya bago inabutan ng tsokolate ang nagtanong na si Nero. Alam nitong hind siya nawawalan ng tsokolate sa bag.

“Thanks,” sabi ni Nero bago bumaling kay Ariane habang binubuksan ang tsokolate. “Nightmares, Ariane. Ilang gabi na.”

“Nightmares?” mahinang ulit ni Jermie. Pareho kaya sila ng napaginipan ni Nero?

“Good morning, class!”

Halos lahat sila ay nabaling ang tingin kay si Ma’am Delly na kapapasok lang sa classroom.

“Sino’ng absent?” tanong ng guro habang inililibot ang tingin sa loob ng classroom. Huminto ang tingin nito sa pwesto ng Wantutri. “Wala na naman si Angelo?”

Napalingon din si Jermie sa bakanteng upuan na malapit sa kanya bago napabulong. “Oo nga, ‘no. Wala si Gelo.”

 

----------------------------------

 

“Guys, sige na… Manood na tayo ng stage play nina Stephen. Mukha namang okay, eh,” pangungulit ni Jermie sa mga barkada.

Natatawa naman si Nero habang ibinabalik ang mga gamit sa loob ng bag. Sila na lang halos magbabarkada ang tao sa classroom. Kakatapos lang ng huling klase nila at kanina pang tanghalian nangungulit si Jermie na sumama silang barkada na manood ng stage play ng isa sa pinakakinaiinisan ni Nero na estudyante, si Stephen. Ang yabang kasi ng dating nito sa kanya por que direktor ng drama club.

“Please…”

Nabaling ang tingin ni Nero sa mga kamay na humawak sa braso niya bago sinalubong ang maaamong mga mata ni Jermie. Napalunok siya nang saglit pa silang magkatitigan.

“Oo nga, Nero. Manood na tayo. Sasama ako kung sasama ka,” sabi ni Ariane. Nang humawak ito sa kabilang braso ni Nero ay siya namang pagbitiw ni Jermie.

“Basta, out muna kami ni baby, may date kami, eh,” sabi ni Aaron na naglalakad na palabas ng classroom kasabay si Miles.

“Bye, guys!” paalam ni Miles.

“Ako rin, guys, may practice pa kami ng basketball,” sabi ni Mike bago bahagyang pinisil ang baba ni Ariane. “Bye, babe.”

“Tse!” singhal kunwari ni Ariane.

Natatawa si Nero kapag umaarte nang ganoon si Ariane kay Mike; kapag sinosupla nito ang pinakasikat na MVP ng basketball team ng Faubourg Academy.

“Guys, una na rin ako. May lakad pa kami ng mga pinsan ko, eh.” Si AJ naman ang nagpaalam.

“Ano ba ‘yan! Lahat na lang kayo may lakad!” naiinis na sabi ni Jermie bago bumalik sa upuan at humalukipkip.

“Alam mo namang ayoko sa pangit na `yon kaya hindi rin ako mag-e-enjoy sa play kahit horror pa `yon,” sabi ni AJ bago bahagyang yumakap kay Jermie. Ayaw kasi ni AJ na nagtatampo ang kaibigan. “Babawi ako next time. Ililibre kita ng movie ticket ng upcoming horror movies this month. Basta ‘wag muna ngayon.”

“Sige na, baka ma-late ka pa sa lakad mo,” sabi ni Jermie.

“Basta babawi ako. Una na ako, ha? Bye, guys!” muling paalam ni AJ bago tuluyang lumabas ng classroom.

“Sige na, Nero, Ariane. Hindi ko na kayo pipiliting sumama,” sabi ni Jermie na nakasimangot na nag-aayos ng gamit.

Napangiti si Nero sa pangongonsensyang iyon ni Jermie. Kung si Ariane ang tinaguriang pinakamagandang estudyante sa school nila dahil sa maputing kulay ng balat nito, singkitin na mga mata at balingkinitang katawan, para sa kanya, si Jermie naman ang pinaka-cute na estudyante. Maliit lang ang height nito na parang bata, morena ang kulay ng balat, pero cute talaga ang dating sa kanya lalo na kapag ngumingiti dahil lumalabas ang dimples sa magkabila nitong pisngi na sinamahan pa ng mapuputi at pantay-pantay na mga ngipin na pang-toothpaste commercial ang dating.

Lumapit siya rito at pinisil ang tungki ng ilong nito. “Sige na! Tara na!”

“Talaga?!” bulalas ni Jermie na bakas sa mukhang ang sobrang tuwa.

“Yehey!” bigla namang yumakap si Ariane kay Nero.

Hindi alam ni Nero kung nagkakataon lang na tuwing lalapit siya kay Jermie ay bigla na lang susulpot si Ariane sa tabi niya.

“Hmm… Punta na tayo sa auditorium, guys. May twenty minutes na lang tayo bago mag-start ang play,” sabi ni Jermie.

Sabay-sabay na silang naglakad palabas ng classroom at papunta sa auditorium kung saan palaging ginaganap ang mga stage play ng drama club.

“Ano ‘to?” napahinto si Nero sa paglalakad nang may maapakan siya na kung ano. Umatras siya at pinulot ang maliit na bagay gamit ang hinlalaki at hintuturo. Sirang key chain iyon na ulo na lang ng isang jester ang natira. “Parang nakita ko na ‘to.”

“May ganyan si Rayden na lagi niyang hawak-hawak,” sagot ni Jermie na titig na titig sa sirang key chain.

“Nero, bitiwan mo na ‘yan! Ang dumi-dumi!” sambit ni Ariane na tinapik pa ang kamay ni Nero kaya agad na nabitiwan ang hawak. “Halika na. Baka wala na tayong maupuan do’n.”

Nagpatuloy na sila sa paglalakad at hindi na lang pinansin ang biglang pagtahimik ni Jermie hanggang sa makapasok sila sa auditorium. Hindi pa nagsisimula ang play at hindi rin masyadong marami ang mga manonood kaya kaagad silang nakahanap ng magandang pwesto.

May limang minuto na silang nakaupo at nagsalita na ang host na malapit nang magsimula ang palabas, pero hindi mapakali si Nero. Pakiramdam kasi niya ay kanina pa may nakamasid sa kanilang tatlo.

Nagpalinga-linga siya sa paligid hanggang sa mapatingin sa exit door. Napagtanto niyang tama siya nang mapansin ang isang tao sa madilim na parte na bigla na lang pumasok. Hindi niya alam kung bakit, pero pakiramdam niya, kanina pa ito nakamasid sa kanila.

“Saan ka pupunta?” tanong ni Ariane nang biglang tumayo si Nero.

“Magsi-CR lang.”

“Bilisan mo, ha? Baka hindi mo maumpisahan.”

Nakangiting tumango si Nero bago tuluyang tumayo mula sa kinauupuan. Pumunta siya sa exit at itinulak pabukas ang pinto. Isang madilim na pasilyo ang tumambad sa kanya. Napalunok siya bago nagpatuloy sa paglalakad nang dahan-dahan. Kinailangan pa niyang gamitin ang cellphone para makita ang dadaanan. Hanggang sa mailawan niya ang isang pinto na may limang hakbang na lang ang layo mula sa kanyang kinatatayuan. Sigurado siyang doon lang maaaring magtago ang kung sino mang nakamasid sa kanila nina Ariane at Jermie.

Hindi niya alam kung saan nanggaling ang kabang bigla niyang naramdaman habang papalapit nang papalapit siya sa pinto. Para kasing may kung anong masamang mangyayari sa kanya oras na buksan niya ang pinto. Muli siyang napalunok nang sa wakas ay mahawakan ang door knob. Nagpakawala muna siya ng buntong-hininga bago iyon dahan-dahang pinihit.

“Nero?”

Napapitlag si Nero at muntik nang mapasigaw dahil may mahigpit na humawak sa braso niya. Dahil doon, napahinto siya sa pagpasok sa loob ng kwartong iyon. “Stephen?”

“What are you doing here?” nagtatakang tanong ni Stephen na nakasuot ng malaking headset. Pasimple itong tumingin sa direksiyon ng pinto bago muling bumaling kay Nero. “Magsisimula na ang play. Let’s go.”

Binitiwan na ni Nero ang door knob at napasunod na lang sa paghila sa kanya ni Stephen.