CHAPTER 8
Masakit at mabigat ang pakiramdam ni AJ sa ulo nang imulat ang mga mata. Ilang saglit pa bago niya napagtantong nakabitin siya nang patiwarik. May white board na nakatayo sa harap niya at binasa niya ang nakasulat doon kahit nahihirapan siya.
Nanlaki ang mga mata niya nang maintindihan sa wakas ang mga salitang nakasulat doon.
Ikaw, AJ, paano mo gustong mamatay?
“Sino’ng nandiyan?” sigaw niya nang makarinig ng ingay ng kadena na parang hinihila sa sementadong sahig. “Mike? Nero? Aaron? Guys, this is not a good joke!”
Nagsimula nang mamuo ang mga luha sa mga mata niya na agad na naglandas sa kanyang noo at tumulo sa sahig. Nanginginig na rin ang katawan niya sa takot kahit pilit niyang iniisip na trip lang iyon ng mga kabarkada niya.
Sinubukan ni AJ na igalaw-galaw ang katawan, lalo na nang naramdaman niyang bumibigat ang ulo niya, pero napahinto rin siya agad nang marinig na nagsimulang maglakad paikot ang taong humihila ng kadena—isang payaso.
“S-sino ka?” nanginginig ang boses na tanong niya sa payasong patuloy na naglalakad paikot sa kanya. “P*tangina! Sino ka bang hayop ka?!” Hindi na niya napigilang magmura nang halos nakakatatlong ikot na sa kanya ang payaso. Para kasing mababasag na ang eardrums niya sa ingay ng kadena.
Sa wakas, huminto sa paglalakad ang payaso sa likuran ni AJ, kasunod ang malakas na paghampas ng kadena sa likod niya.
“Ahhhh!”
Muling naglakad ang payaso nang bago inihamapas nang malakas ang kadena sa tagiliran si AJ.
“Ahhh! Tama na! Please!” Naghahalo na ang luha, sipon, at laway sa mukha ni AJ. Ramdam na niya ang sobrang sakit ng mga sugat na likha ng kadenang lumalatigo sa kanyang katawan. Kung bakit kasi hindi na lang sa ulo niya direstong tumama ang kadena para matuluyan na agad siya at hindi nahihirapan nang ganoon.
Ilang beses pang ginawa ng payaso ang paglatigo sa kanya ng malalaki at kinakalawang nang kadena. Saka lang ito huminto nang mapagod.
“S-sino ka ba? A-ano ba’ng k-kasalanan ko sa ‘yo? B-bakit mo ginagawa sa akin ‘to?” Hirap man, nagawa pa rin ni AJ na itanong iyon nang dire-diretso. Namamaga na ang pumutok niyang mga labi. Wala nang tigil sa pag-agos ang dugo mula roon.
“Gusto ko lang uling maglaro, AJ.”
Hindi alam ni AJ kung bakit sa halip na alalahanin kung kaninong boses iyon, ibang alaala ang pumasok bigla sa isip niya habang nakatayo sa harap niya ang payaso. Ang alaala ng naging sagot niya noong gabing naglaro ang Wantutri at tumapat sa kanya ang nguso ng boteng pinaikot ni Mike.
“Ako? Gusto ko, medyo malupit ang kamatayan ko. ‘Yong puro latay ang katawan ko na halos lumabas na ang mga ugat at laman ko. Kahit ano pa’ng ihampas sa akin, basta lalabas ang utak ko.”
Nanlalaki ang mga mata ni AJ habang parang naririnig ang mga salitang iyon sa isip. Katuwaan lang iyon at hindi siya seryoso sa mga sinabi niya noon. Pero sigurado siyang ang sagot niyang iyon ang dahilan kung bakit iyon ginagawa sa kanya ngayon ng payaso. Ibig sabihin, isa ito sa barkada niya. Isa ito sa mga nakasama niya nang gabing iyon.
“‘T*ngina, Mike! Aaron! Nero! O kung sino ka mang siraulo kang g*go ka!”
Bahagyang tumabingi ang ulo ng payaso na saglit pang tumitig kay AJ. “Tapusin na natin ang larong ito, AJ…”
Mali. Parang may mali sa boses ng payaso. Garalgal iyon na parang umiiyak at galit na galit, lalo na nang ihamaps nito sa sahig ang hawak na kadenang bakal.
Lalong kinabahan si AJ at nanginig sa takot. Bakit pakiramdam niya, mamamatay na siya anumang oras?
“Palabasin na natin ang utak mo…”
----------------------------------
“‘Ma, bakit hindi mo ako ginising?” reklamo ni Jermie nang makababa ng hagdan. Nilampasan niya ang Papa niya na nagkakape sa sala habang nanonood ng morning newa sa TV.
“Jermilyn, nakatatlong panhik na ako sa kwarto mo at nakatatlong five minutes ka na rin na tawad sa akin,” natatawang sagot ng Mama ni Jermie habang pinapalamanan ang hawak na tinapay.
Agad na kinuha ni Jermie ang isang tasa ng tsokolate na alam niyang para sa kanya. Hindi na iyon masyadong mainit kaya nakahigop na siya nang kaunti bago inabot ang tinapay na pinalaman ng Mama niya.
“Isang bangkay ng estudyanteng babae ang natagpuan sa bakanteng lote sa Jasmine Subdivision. Ang bangkay ay kinilalang si Allaine Jean Dualan, estudyante ng Faubourg Academy. Si Dualan ay natagpuang nakakadena ang mga kamay at mga paa at puno ng latay ang katawan. Ang pagkabasag ng bungo nito, kung saan halos lumabas ang utak, ang pangunahing nakikitang dahilan ng pagkamatay ng biktima.”
Hindi na naituloy ni Jermie ang pagkagat sa hawak na tinapay bago parang may sariling isip ang mga paa na naglakad papunta sa sala. Nalaglag ang mga luha sa magkabilang pisngi niya nang makita ang litrato ng babaeng tinutukoy ng newscaster sa TV.
“N-no…”
Wala sa loob na kinapa niya mula sa bulsa ng paldang suot ang cellphone na biglang tumunog. Napalunok siya nang makita ang pangalan ng nagpadala ng bagong mensahe na dumating. Mula iyon sa kaibigan niyang ngayon lang ay ibinabalitang patay na. Kay AJ.
Nanginginig ang daliring nag-swipe si Jermie sa screen para mabasa ang message.
Ikaw, Jermie, handa ka na bang mamatay?