CHAPTER 9

TEXT MESSAGE

 

 

“May alam ka bang kaaway ng kabarkada mo, ‘dre?”

Humithit-buga muna sa hawak na sigarilyo si Aaron bago sumagot sa tanong ng kasamahan sa fratertiny. “Wala nga, ‘dre, eh. Alam kong tibo `yon, pero mabait si AJ. Kung may makakaaway man `yon sa loob ng school namin, kaming Wantutri ang unang-unang makakaalam.”

“Don’t worry, ‘dre, kami na’ng bahalang maghanap sa tarantadong `yon. Sisiguruhin naming todas kung sino man ang may kagagawan n’on sa tropa mo,” sagot ni Dennis, isa pang brod ni Aaron sa fraternity.

“Thank you, pards. Kayo lang talaga ang alam kong pwedeng malapitan sa mga ganitong bagay. Kung iaasa ko sa mga pulis, baka mabaon lang sa hukay ang nangyari kay AJ.”

“Walang anuman, pards. Basta sa ganitong mga problema, alam mong hinding-hindi ka namin tatalikuran. Ano pa at binuo natin ang grupong ‘to?”

Napangiti si Aaron sa sinabing iyon ni Leo, ang kasama niyang bumuo ng grupo noong nasa grade seven pa lang sila. Mula sa tatlong miyembro, hindi na ngayon mabilang kung ilan na ang na-recruit nila bilang mga kasama na halos linggo-linggo ay nakikipag-away. Tatahi-tahimik at ngingiti-ngiti lang siguro siya kapag kasama ang Wantutri, pero kapag ang fraternity na ang kasama sa oras ng bakbakan, lumalabas ang madilim na bahagi ng pagkatao niya.

“Sige, pards. Una na ako. Dadaanan ko pa `yong girlfriend ko bago dumiretso sa school,” paalam ni Aaron.

“Sige, basta balitaan ka na lang namin, pards. Ingat ka.”

Nakangiti siyang tumango, saka lumabas ng abandonadong bahay na tambayan ng grupo, pagkatapos ay sumakay na sa kotse. Napangisi na lang siya nang makita ang ilang missed calls sa cellphone. Galing kay Miles. Inaasahan na niya iyon. Pero bago pa niya mai-dial ang number ni Miles, may bagong message na pumasok. Mula sa number ni AJ.

Saglit na nagdalawang-isip si Aaron bago iyon binuksan para basahin.

Ikaw, Aaron, handa ka na bang mamatay?

 

----------------------------------

 

“Next week, ipapahanap na kita ng bagong school na lilipatan, Milagros.”

“But, Dad, I told you, wala namang dahilan para umalis pa ako ng Faubourg Acamdemy!” matigas na sagot ni Miles. Katatapos lang nilang mapanood sa TV ang balita tungkol sa pagkamatay ni AJ.

“Where are you going?” tanong ng Mommy ni Miles.

“Mom, may pasok ako. Don’t tell me, hindi n’yo na ako papapasukin dahil lang sa balitang ‘yan. C’mon!”

“Ayaw lang namin na patuloy na sirain ng barkada mo ang buhay mo. Ang future mo…”

“Ang future na gusto n’yo ni Daddy para sa akin, Mommy. Hindi ang future na gusto ko!” At bago pa muling nakapagsalita ang Mommy at Daddy ni Miles, binitbit na niya ang bag at lumabas ng bahay.

“Ma’am, aalis na po tayo?” tanong ng driver nina Miles nang makalabas siya ng bahay.

“Umalis kang mag-isa mo!” singhal ni Miles at dire-diretsong lumabas ng gate habang idina-dial ang number ni Aaron. “Nasaan ka?” agad niyang tanong nang sagutin ng boyfriend ang tawag.

“Malapit na, kinausap ko pa kasi ang tropa para ipahanap ang gumawa n’on kay AJ. Hintayin mo na lang ako sa may guardhouse. Hindi ka ba ihahatid sa school ng driver n’yo?”

“Hindi ba obvious kaya ako nagpapasundo sa ‘yo?” inis na sagot ni Miles..

“Hey, baby. Relax, hindi ako ang kaaway mo, okay? ‘Wag mo sa akin ibunton ang inis mo.”

“Okay, fine! Just make sure na nandito ka na in five minutes!” sagot uli ni Miles sa boyfriend na kababakasan na rin ng inis ang boses bago ito pinatayan ng telepono. Magpapatuloy na sana siya sa paglalakad nang mapansin ang ilang text messages na hindi pa niya nababasa mula nang malaman ang balita tungkol kay AJ. Karamihan sa mga text ay galing sa mga barkada niya. Pero ang mas umagaw ng kanyang atensyon ay ang mensahe mula sa number na nakapangalan sa kaibigan nilang kamamatay lang.

Ikaw, Miles, handa ka na bang mamatay?

 

----------------------------------

 

“What are you doing here?”

Hindi inaasahan ni Nero na makikita niya si Mike nang ihimpil niya ang sinasakyang motor sa tapat ng gate ng bahay nina Ariane. Tinanggal muna niya ang helmet bago sumagot. “Tinext ako ni Ariane, tinatanong kung pwede ko raw siyang sunduin.”

“Well, obviously, hindi ka na niya kailangan, so you can leave now.”

Inaasahan na ni Nero na marinig ang mga salitang iyon mula kay Mike. Magkabarkada sila, pero pagdating kay Ariane, nagiging mayabang at parang iba ang ugali ni Mike. Wala rin naman talaga siyang balak na sunduin ang magandang kaklase. Si Jermie nga dapat ang pupuntahan niya dahil ito ang una-unang pumasok sa kanyang isip nang mapanood sa balita ang nangyari kay AJ. Alam niya kasing mas malapit kay Jermie si AJ, nagkataon lang na si Ariane ang nag-text sa kanya at nagpapasundo.

“Mike? Nandito ka rin?”

Sabay silang napalingon kay Ariane na binuksan ng gate. Namumugto ang mga mata nito, halatang galing sa pag-iyak.

“Nag-worry kasi ako sa ‘yo nang mapanood ko ‘yong nangyari kay AJ,” sagot ni Mike.

Gumuhit ang tipid na ngiti sa mga labi ni Ariane bago binuksan ang gate. “Pasok muna kayo, aayusin ko lang ang gamit ko.”

“Actually, paalis na rin si Nero. ‘Di ba, pare?” sabi ni Mike.

“Huh? Ah, oo!” Agad namang nakuha ni Nero ang gustong ipahiwatig ni Mike kaya sumang-ayon na lang siya sa sinabi nito. “Una na ako, baka abutan ko pa si Jermie sa kanila.”

Bumuntong-hininga naman si Ariane bago pilit na ngumiti. “Sige, Nero. Thanks sa pagpunta. Ingat ka.”

Hinintay muna ni Nero na makapasok sa gate sina Ariane at Mike bago muling sumakay sa motor. Ida-dial na dapat niya ang number ni Jermie nang mapansin ang isang na message na hindi pa niya nabubuksan. Galing iyon sa number na nakapangalan kay AJ.

Lito ang isip at ilang beses pang napalunok bago siya nagdesisyong basahin ang text message.

Ikaw, Nero, handa ka na bang mamatay?

Nanginig ang kamay ni Nero nang mabasa iyon. Nanggaling ang mensahe sa number ni AJ, pero sino ang nagpadala niyon? Pwede kayang may koneksyon sa Wantutri ang pumatay kay AJ? Pero bakit? At sino?

 

----------------------------------

 

“Another case from Faubourg Academy,” bulong ni Detective Remar “Dong” Alba habang hawak ang mga picture ng bangkay ng estudyandeng na natagpuan sa bakanteng lote sa Jasmine Subdivision. Isa siya sa pinakabagong detective at naging trainee ng batikang detective na si Darwin Ramos. Kasulukyang nagpapagaling ngayon si Detective Ramos sa isang ospital matapos malutas ang kaso ni Franco Torres, ang batang nawala maraming taon na ang nakalilipas.

Dahil baguhan, gusto ni Detective Dong na magpakitang-gilas sa trabaho. Ang pagkamatay ni Rayden Montalbo sa camping ang una niyang hinawakang kaso na may koneksyon sa Faubourg Academy. Pero isinara nila ang kaso bilang aksidente dahil hindi marunong lumangoy ang biktima. Makalipas ang dalawang linggo lang, isang bagong kaso ang ibinigay sa kanya—ang pagkawala ni Angelo Barcelona na estudyante rin mula sa parehong eskwelahan. Wala pang ibang nakakaalam tungkol sa kaso bukod sa kanya, sa mga pulis na naghahanap, sa mga magulang ng nawawalang estudyante at sa principal ng academy. Dahil na rin iyon sa pakiusap ng mga namamahala ng school. Para sa principal, maaari iyong maging kasiraan ng eskwelahan. Pero ang nangyari ngayon sa panibagong biktima na si Allaine Jean Dualan, hindi na nila maitatago pa sa kahit na sinong estudyante ng Faubourg Academy. May posibilidad din na pati ang pagkawala ni Angelo, hindi na maging lingid sa kaalaman ng karamihan.

“May iba ba kayong nakuhang impormasyon tungkol sa batang ito?” tanong ni Detective Dong.

“Bukod sa isa siyang lesbian na hindi alam ng mga magulang niya at mga lesbian din na pinsan, may barkada rin po siya sa Faubourg Academy. Wantutri ang tawag,” sabi ng isang pulis.

“Wantutri?” ulit ni Detective Dong.

“Yes, detective. Ang barkada rin na kinabibilangan nina Rayden Montalbo at Angelo Barcelona.”

Muling nabaling ang tingin ni Detective Dong sa kaharap na mga larawan. Mukhang mahihirapan siyang magpakitang-gilas sa unang kasong hahawakan niya.