CHAPTER 11
“Miss, saang room naka-confine si Ariane Orillos?” tanong ni Aaron sa nurse sa lobby ng ospital. Nakatanggap siya ng text message mula kay Jermie na isinugod daw sa ospital ang kaibigan nila. At dahil ayaw sumama ni Miles, nagpasya siyang pumuntang mag-isa pagkahatid sa girlfriend. “Classmate niya po ako sa Faubourg Academy.”
“Room 204 po, sir.”
Mabilis niyang tinahak ang daan papunta sa kwartong sinabi ng nurse. Pagdating doon, agad niyang nakita sa waiting area sina Jermie, Nero, at Mike. “Hey, guys, what happened?”
“Nagpaalam lang siya na magsi-CR, ‘tapos no’ng parang ang tagal na, pinuntahan na namin siya nina Mike. ‘Tapos… ‘tapos…”
“‘Tapos ano?” naiinip na tanong ni Aaron.
“Nakita naming wasak ‘yong mga pinto ng cubicles sa CR,” sagot ni Mike.
Napalunok si Aaron sa narinig. “Ano’ng nangyari kay Ariane?”
“Actually, hindi namin alam. Nakita na lang namin siya sa dulong cubicle. Madumi ang uniform, nakahiga sa tabi ng basurahan at walang malay,” seryosong sagot ni Mike. “Kung sino man ang g*gong may kagagawan nito sa kanya, lintik lang ang walang ganti.”
Saglit na namayani ang katahimikan sa kanila bago naglakas-loob si Aaron na basagin iyon. “May ideya na ba kayo kung sino ang gumagawa nito sa atin?”
“What do you mean sa atin?” tanong ni Jermie, halatang hindi gusto ang tono ng pananalita ni Aaron.
“I know you also feel it, guys. ‘Wag na nating i-deny pa. ‘Yong pagkawala ni Gelo, ‘yong pagkamatay ni AJ at ngayon naman, itong nangyari kay Ariane. Kung sino man ang may kagagawan ng mga ito, tayo ang puntirya niya. Ang barkada natin. Ang Wantutri.”
Halos sabay-sabay silang napalingon nang bumukas ang pinto ng kwarto kung nasaan si Ariane. Lumabas si Coach Arthur kasunod ng doktor.
“How is she?” tanong agad ni Mike nang makalapit sa guro.
“She’s fine, pero kung pwede daw bukas n’yo na lang siya kausapin, sabi ng parents niya,” tugon ni Coach Arthur. Agad na naagaw ang atensyon nito ng lalaking palapit sa kanila. “Detective Dong?”
“Good evening, Coach Arthur,” bati ng detective. “Nakarating na po sa akin ang nangyari kay Ariane Orillos. Pwede ko bang makausap ang mga batang ito kahit saglit lang?”
Napalunok si Aaron sa narinig bago palihim na sinulyapan ang mga kasama, binabalaang walang kahit na anong dapat na sabihin.
“Sige, ikaw muna ang bahala sa mga batang ito. Tatawagan ko lang ang mga magulang nila para maipaalam ang nangyari,” tugon ni Coach Arthur bago naglakad palayo sa mga estudyante.
“May nakausap kaming mga bagong witness at isang psychotic clown ang pinag-aaralan namin ngayon bilang suspect sa pagkamatay ni Allaine. Actually, hindi clown, kundi jester,” panimula ng detective. “Kids, tapusin na natin ang larong ito. Kung ano man ang hindi n’yo pa sinasabi sa amin, sabihin n’yo na ngayon.”
“Nasabi na namin sa mga pulis ang nangyari. Ano pa bang gusto n’yong malaman, detective?” seryosong tanong ni Nero. Naiinis na siya dahil sa paulit-ulit na lang na tanong ng mga pulis kanina. Mas nainis pa siya nang maramdamang parang bata ang trato sa kanila ng detective na kausap.
“Ano ba talaga ang kinalaman n’yo sa pagkawala ni Angelo at sa pagkamatay ni Allaine?”
“Mga kaibigan namin sila, detective. Kaya wala sa amin ang magnanais na may masamang mangyari sa kanilang dalawa,” matigas na sagot ni Aaron.
“Eh, sa pagkamatay ni Rayden? Wala ba talagang nangyari bago siya nalunod? Ano’ng totoo?”
Saglit na natahimik sina Aaron, Mike, Jermie at Nero na parang nagpapakiramdaman kung sino ang sasagot o kung mayroon ba.
“Ano’ng totoong nangyari nang gabing malunod si Rayden?” muling tanong ni Detective Dong.
“Are you trying to acuse us, detective? Wala ka na bang makuhang kahit na anong lead para malutas ang kaso that’s why you’re jumping into conclusion na kami mismong magkakaibigan ang nagpapatayan?” maangas na tanong ni Mike. Hindi na kasi niya gusto ang tono ng pananalita ng detective. Hindi na rin niya gusto kung saan papunta ang usapan.
“I am not jumping into any conclusion. Gusto ko lang matigil na ang nangyayaring gulo sa school ninyo o sa barakada ninyo. Ayoko na sanang may masaktan pa… Ayoko nang may mamatay pa.”
----------------------------------
“Are you sure, okay ka na? Sabi ko sa ‘yo, ‘wag kang magpalipas ng gutom, ‘di ba?”
Nabakas ni Jermie ang pag-aalala sa mukha ni Nero na kausap niya sa laptop via Skype. “Yes, I’m okay. Ikaw ba? Nag-dinner ka na?”
“Wala rin akong gana, eh. Sana malutas na talaga ng mga pulis ang kaso na ‘to para matahimik na ang barkada natin. Ayoko na ng ganitong gulo.”
Napabuntong-hininga si Jermie. Siya rin, gusto na niyang matapos ang lahat ng nangyayari. “Sa tingin mo ba, may kinalaman talaga ito sa nangyari nang gabing `yon?”
“What are you talking about?” Biglang naging seryoso ang mukha ni Nero.
“You know what I’m talking about, Nero. Sa tingin mo ba, aksidente lang talaga ang pagkalunod ni Rayden?”
“What do you mean? Wala namang ibang pwedeng maging dahilan, ‘di ba?”
“Pero bakit tayo pinaghihigantihan ng psychotic killer na clown? Bakit ang Wantutri?”
“Honestly, I don’t know. At ayokong isipin na tayo talaga ang target na patayin ng payaso.”
“Pero kung tayo nga, bakit? Bakit ang barkada natin? Bakit tayo? Aksidente lang ang pagkamatay ni Rayden, ‘di ba? Bakit kailangang may maghiganti? Saka sino ba talaga siya? Ano’ng gusto niya sa atin?” Hindi na napigilan ni Jermie ang sarili sa mga tanong na nagpapagulo ng isip niya.
“Wala akong masasagot sa mga tanong mo, Jermie. Pero gusto kong mag-ingat ka sa lahat ng oras. Ayoko nang may Wantutri pang mapahamak…”
Bahagyang nalungkot si Jermie sa naging sagot ni Nero. Concerned ito sa buong Wantutri; sa buong barkada at hindi lang sa kanya. “Si Gelo, do you think…”
“Sana hindi. Sana okay lang siya. Wait. Naka-online na si Ariane, tawagan ko lang siya. Don’t leave, I’ll be back,” paalam ni Nero.
Napalunok si Jermie nang marinig ang pangalan ng magandang kaklase. Nakausap na niya si Ariane sa telepono kanina at napalagay na ang loob niyang maayos na ito.
May limang minuto na ring wala si Nero sa monitor ng laptop bago nagdesisyon si Jermie na patayin na iyon. Alam niyang hindi na babalik si Nero kaya wala nang dahilan na maghintay pa siya. Hindi naman kasi siya ang priority ng lalaki.
Pero bago pa niya mapatay ang laptop, biglang lumabas sa screen ang pangalan ng isa sa mga Wantutri.
Ariane is calling…
----------------------------------
“Hindi mo ba talaga nakita ang mukha?”
Hindi alam ni Jermie kung maiinis na siya sa pangatlong beses na tanong na iyon ni Aaron kay Ariane. Nasa loob silang magbabarkada ng private room sa ospital kung saan naka-confine si Ariane dahil sa nangyari noong isang araw. Pinayagan na sila ng mga magulang nito na dumalaw at makausap ito.
“Nope, nakamaskara siya ng pang-jester. There’s no way na makikita ko ang mukha niya,” sagot ni Ariane.
“Baka naman isa `yon sa mga binasted mong manliligaw?” sabi ni Miles.
“Miles, this is not funny anymore!” saway ni Jermie. Lately, napapansin niya ang pagbabago ni Miles sa barkada. Parang wala nang sense ang mga sinasabi nito. O dahil itinatago nito lang ang takot na nararamdaman?
Pinaikot lang ni Miles ang mga mata bilang tugon.
“Basta ang importante, ligtas ka, Ariane. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyaring masama sa ‘yo.” Si Mike ang nagsalita habang hawak ang mga kamay ni Ariane.
“But, guys, I’m telling you, gusto niya akong patayin. Hindi ko alam kung paano ako nakaligtas, pero sigurado ako na `yong payaso na `yon… s-siya ang pumatay kay AJ.” Medyo nanginginig na ang boses ni Ariane nang marahil ay maalala ang nangyari sa comfort room kung saan muntik na itong mamatay.
Napatiim-bagang si Nero sa narinig. Mukhang tama ang lahat ng mga sinabi ni Jermie kagabi. “This is not good. Kung sino man ang pyscho na `yon na tinutukoy ni Detective, kailangang mahuli agad siya ng mga pulis bago pa may sumunod na mapahamak sa atin.”
Hindi umimik si Jermie na hindi man lang tinapunan ng tingin si Nero. Sinundo siya nito kaninang umaga para magpunta sa ospital at nag-sorry dahil hindi agad siya nito nabalikan sa Skype kagabi. Ipinaliwanag nitong bumalik ito sa linya niya kagabi, pero busy na siya. Nawala na rin sa isip niya si Nero dahil nagtuloy-tuloy na ang pag-uusap nila ni Ariane sa Skype.
“Kung sino man ang sira-ulong payaso na `yon, ngayon pa lang, mag-aral na siyang makipaglaro ng taguan. Dahil oras na makita at makilala ko siya, sisiguruhin kong basag hindi lang ang mga buto niya kundi pati ang bungo niya…”
Parang ibang Mike ang naririnig ni Jermie na nagsasalita. Pakiramdam niya, hindi ito ang Mike na dating nagustuhan niya at naging kaibigan. Hindi si Mike na kilala niya ang kasama nila ngayon…