CHAPTER 12
“Hindi ba kasama ‘yan sa Wantutri?” pabulong na sabi ng isa sa mga estudyante ng Faubourg Academy na kasalukuyang nasa cafeteria.
“Oo, kaya ‘wag tayong maglalapit sa mga ‘yan.”
“Ano ba `yong Wantutri?”
“Hindi mo ba alam? Sila `yong pinapatay ng gumagalang psychotic killer dito sa school. Ang narinig ko nga, `yong katawan no’ng adik na kaibigan nila, hindi pa nakikita. Baka ginawa nang abo ‘yon n’ong pyscho killer.”
Hindi na napigilan ni Jermie ang sarili at susugurin na dapat niya ang mesa kung saan nagtsitsismisan ang mga estudyante na para bang hindi nila iyon naririnig. Pero bago pa siya makahakbang papunta roon, nahawakan na siya ni Nero sa braso.
“Jermie, no! Baka lalo tayong pag-initan sa principal’s office. Bumalik na tayo sa classroom,” sabi ni Nero na kasama ni Jermie na bumili ng sandwich sa canteen.
Saglit na tinapunan ni Jermie ng masamang tingin ang tatlong babaeng estudyante na nagtsitsismisan bago sumunod kay Nero pabalik sa classroom. Mula nang mailibing si AJ, ramdam niya ang pag-iwas sa kanilang magbabarkada ng mga kaklase at ilang mga estudyante ng academy. Noong una, wala siyang pakialam. Pero sa mga ganoong sitwasyon na talagang ipinaparinig na sa kanila ang tsismisan, hindi niya maiwasang makaramdam ng inis.
“Here’s your sandwich, Ariane.” Iniabot ni Nero ang biniling sandwich dito nang makapasok sa classroom at makaupo sa pwesto ng Wantutri.
“O, bakit parang bad trip si Jermie?” pansin ni Mike.
“As usual, mga tsismosang estudyante,” sagot ni Nero.
“‘Wag mo na silang isipin, Jermie. Wala naman tayong kasalanan sa mga nangyayaring ‘to,” sabi ni Aaron.
“Right, wala tayong kasalanan. Kasalanan ‘to ng mga lasinggerong sina AJ at Gelo. Kasalanan nila kung bakit sila namatay. Kaya pati mga pangalan natin, nasisira nang dahil sa kanila,” inis namang komento ni Miles.
“Miles, kung wala kang sasabihing mabuti, pwede bang ‘wag ka na lang magsalita? Baka sa ‘yo ko pa maibunton ang inis ko, eh,” hindi na napigilang sagot ni Jermie. Kung umarte kasi si Miles, parang walang pakialam sa mga barkadang namatay.
“Whatever!” sabi pa ni Miles.
“Nandiyan na si Ma’am!” anunsyo ng isa sa mga kaklase nila.
Nagkanya-kanya nang ayos ng upo ang lahat.
“Parang ang aga naman ni Ma’am?” nagtatakang bulong ni Jermie.
“Baka may ia-announce,” pabulong ding sagot ni Nero.
“Good afternoon, class,” bati ni Ma’am Liza nang makapuwesto sa harap ng mga estudyante. “Alam kong hindi naging madali ang taon na ito para sa ating lahat dahil bukod sa ilang buwan na lang ang ilalagi ninyo dito sa Faubourg Academy, naging sunod-sunod pa ang mga trahedya. But class, kailangan na nating mag-move on. Kaya gusto ko sana na kagaya last year, gawin nating masaya ang foundation week para na rin sa last school year ninyo dito sa academy.”
Napabuntong-hininga si Jermie sa narinig. Alam niya na kasi kung ano ang nakatoka sa barkada nila kasama ang ilan pa sa kanilang kaklase—ang isa sa pinakamabentang booth sa foundation week. Ang horror booth.
“Okay ba, class? Kaya ba nating gawing the best ang mga booth natin this year? Mas okay compared sa last year?”
“Yes, ma’am!” Halos sabay-sabay na tugon ng ilang estudyanteng nasa unahang mga upuan.
“Thank you, class. I’m expecting for your cooperation,” sabi ng guro bago nagsimulang maglabas ng mga gamit. “Nakalimutan ko pala sa faculty ang mga materials para sa lesson natin today. Babalik lang ako saglit para kunin `yon, pero paki-prepare na ng mga assignments ninyo. Mike, Jermilyn, Nero, Ariane, Milgaros, at Aaron, pwede bang sumunod muna kayo sa akin para tulungang kunin ang mga materials?”
Saglit silang nagkatinginang magbabarkada. Iisa ang tumatakbo sa isip nila. Hindi totoong may naiwang gamit ang teacher nila sa faculty room.
“Sige po, ma’am,” sagot ng magkakaibigan.
Wala nang nagsalita sa kanilang anim nang sa halip na sa faculty room, sa principal’s office sila tumuloy.
Napatiim-bagang si Nero nang makita si Detective Dong na nakaupo sa sofa roon. Kasama nito ang adviser nilang si Coach Arthur. Naupo sila sa bakanteng mahabang sofa na nakaharap sa dalawa.
“Tungkol saan na naman ba ito, detective?” naiinis na tanong ni Mike. Pakiramdam kasi niya, palagi na lang idinidiin ng detective ang barkada nila sa kasong hindi nito malutas-lutas.
“May klase pa kami kaya I don’t think na dapat nandito kami,” sabi naman ni Miles.
“We found Angelo,” seryosong sabi ni Detective Dong. “We found Angelo’s dead body.”
Saglit na natahimik ang magbabarkada sa sinabi ng detective. Nagpapakiramdaman sila kung sino ang sunod na magsasalita.
“Mike, Jermilyn, Nero, Ariane, Aaron, Milagros. Gusto lang ni Detective na mag-ingat kayong anim dahil iniisip niyang baka isa sa inyo ang sunod na mapahamak,” sa wakas ay basag ni Coach Arthur sa katahimikan.
“Well, I don’t know if I should be here. Gelo is not my friend as well as AJ, so malamang na hindi ako kasama sa mga sinasabi n’yong susunod na mapapahamak,” sabi ni Miles.
“Miles, can you please shut up kahit ngayon lang?” saway ni Jermie, hindi na niya napigilan ang sarili. Paano nagagawang sabihin ni Miles na hindi nito naging kaibigan sina AJ at Gelo?
“A-ano pong ikinamatay ni Gelo?” garalgal ang boses na tanong ni Ariane, halatang nagpipigil ng iyak.
Mula sa maliit na bag na hawak, inilabas ng detective ang isang sobre bago isa-isang inilapag ang mga litrato sa mesang nasa pagitan ng kausap na mga estudyante. “Ayon sa autopsy, ang laslas sa leeg ang ikinamatay niya…”
Halos hindi matingnan ng barkada ang naaagnas na mga parte ng katawan ni Gelo na nasa mga litratong iyon.
“Pero bago nilaslas ang leeg niya, maraming pahirap pa ang naranasan niya. Tinapyas ang magkabilang tainga niya, pati na rin ang ilong at mga braso. Kung hindi man siya nilaslasan ng leeg, malamang sa pagkaubos ng dugo siya mamamatay,” pagpapatuloy ni Detective Dong.
“Ako? Gusto kong mamatay sa tapyas. Gusto ko, unang tatapyasin sa akin `yong mga braso ko, ‘tapos `yong mga paa ko. ‘Tapos siyempre, pati `yong ilong ko, gusto ko matatapyas din bago lalaslasin `yong leeg ko na parang dinuguan!”
Parang malinaw pang naririnig ni Jermie sa isip ang mga salitang binitiwan noon ni Gelo. Maaari bang nagkataon lang ang lahat?
“Kung may iba pa kayong impormasyon na maiibigay kung bakit ito ginagawa ng psychotic killer sa barkada n’yo, sabihin n’yo agad sa amin bago pa mahuli ang lahat,” sabi ng detective.
“Sinabi na namin sa inyo ang lahat, detective. Ano pa ba’ng hinihintay n’yong marinig mula sa amin?” tanong ni Aaron.
“Wala kaming kahit na anong itinatago at lalong wala kaming naiisip na dahilan kung bakit ang barkada namin ang napagtitripan ng psychotic killer. Kaya kung pwede lang, ‘wag n’yo na kaming idamay pa sa pagkamatay ng mga kaibigan namin. Mas mabuting gawin n’yo na lang nang maayos ang trabaho n’yo kung talagang gusto n’yong wala nang mapahamak pa,” segunda ni Nero.
“Bueno, kung wala talaga akong ibang impormasyon na makukuha sa inyo na pwedeng maging lead sa paglutas ng kaso, let’s call it a day. Basta mag-iingat kayo at asahan n’yong palaging nasa inyong anim ang mga mata ko,” pahayag ni Detective Dong.
“Whatever. Can we just go back to our class now, coach?” maarteng tanong ni Miles.
Saglit na tumingin si Coach Arthur sa detective at nang tumango ang huli ay muling humarap sa mga estudyante. “Sige, pwede na kayong bumalik sa klase ninyo.”
Halos sabay-sabay silang anim na tahimik na lumabas ng principal’s office.
“Jermie…”
Saglit na napahinto sa paglalakad si Jermie at lumingon sa tumawag sa kanya. “Stephen?”
“P-pwede ba kitang makausap saglit?”
Lumingon siya sa mga kasama upang paunahin na ang mga ito sa pagbalik sa classroom bago muling hinarap si Stephen. “May klase pa ako, Stephen. Ano ba’ng gusto mong sabihin?” Hindi na niya maitago ang inis na nararamdaman. Siguradong mangungulit lang si Stephen na manood sila ng stage play.
“Kailangan mong mag-ingat.”
“Mag-ingat saan?” tanong ni Jermie, bago napalunok ng sariling laway. Seryosong-seryoso kasi ang mukha ni Stephen.
“Mag-ingat ka sa kanila…”
“Kanila? Sino ba’ng tintukoy mo?” naguguluhang tanong ni Jermie. Nagsisimula na siyang maguluhan sa mga sinasabi ng kausap.
“Hindi mo ba napapansin? Ikaw. Kayo ng mga kaibigan mo, para kayong nasa isang horror movie,” sabi ni Stephen.
“Stephen, ano ba’ng sinasabi mo? Pwede ba, ‘wag mong gawing biro ang mga nangyayari sa barkada namin?”
“Jermie, makinig ka. Hindi ko pinagtitripan ang barkada mo. Alam mong may kakaiba sa nangyayari ngayon dito sa campus, lalo na sa barkada mo. Kaya kahit sino, wala kang pwedeng pagkatiwalaan. Lalo na dito sa Faubourg Academy. Kahit sino… Kahit isa pa sa Wantutri.”
“This is not making any sense. Are you trying to tell me na baka isa sa mga kaibigan ko ang psychotic killer?”
“Yes! I mean, why not? Gaano mo na ba sila katagal na kaibigan? Gaano mo na sila katagal na kakilala? Gaano ka kasigurado na kilala mo na nga silang lahat nang mabuti?”
“Jermie…”
Napahinto sa sinasabi si Stephen nang lumapit si Nero sa kanila.
“Ano, Stephen? Hindi ka pa ba tapos sa pangungulit mo ng jologs mong stage play kay Jermie?”
“Nero, stop it. Halika na,” saway ni Jermie.
“Hindi jologs ang stage play ko!” sabi ni Stephen.
“Hah! Sure ka? Eh, kasin-jologs `yon ng kaibigan mong si Rayden, eh,” ganti ni Nero.
“Bawiin mo ang sinabi mo!” galit na sabi ni Stephen.
“Alin? Na jologs ang mga play n’yo o ang kaibigan mong si Rayden? Actually, pareho lang naman kayong dalawa na jologs.”
“Sabi ko, bawiin mo ang sinabi mo!” sigaw ni Stephen.
“O, bakit? Lalaban ka na, ha? Lalaban ka na?” paghahamon ni Nero na bahagya pang itinulak si Stephen.
“Nero, ano ba?! Sabi ko, tama na, ‘di ba? Baka makita pa tayo nina Coach dito. Halika na,” sabi ni Jermie at bahagyang hinila si Nero.
“Basta, Jermie, mag-ingat ka! Don’t trust anyone. Don’t trust them! Don’t trust your friends!” babala pa rin ni Stephen.
Hindi na iyon pinansin ni Jermie. At bago pa magkagulo, hinila na niya nang tuluyan si Nero pabalik sa classroom.
----------------------------------
“Where are you going?”
Napahinto si Miles sa paglabas ng classroom dahil sa tanong ni Jermie. Katatapos lang ng huling klase nila at wala na siyang balak magpaalam sa mga ito na uuwi na. Gusto na sana niyang iwasan ang mga kaibigan. Gusto na niyang umalis sa Wantutri. “Isn’t it obvious? Uuwi na ako.”
“Miles, ano ba’ng nangyayari sa ‘yo?” tanong ni Ariane. Kagaya ng dati, silang Wantutri na lang ang naiwan sa classroom. “Alam mong sa panahon ngayon, mas dapat na lagi tayong magkakasama.”
“Pwede ba, Ariane, don’t act like you’re concerned about me? Itigil mo na ‘yang kaplastikan mo!” naiinis na bulyaw ni Miles. Madalas siyang naiinis sa pagbabait-baitan ni Ariane. Pero mas madalas, nakakaramdam siya ng insecurity dito dahil mas maganda si Ariane at mas nililingon ng mga kaklase nilang lalaki.
“Miles, sumosobra ka na talaga, ha! Kanina ka pa, eh!” naiinis na saway ni Jermie.
“Girls, girls, tama na. ‘Wag na kayong magsigawan, baka may teacher pa na makarinig sa atin dito,” awat ni Aaron. Ramdam niyang may hindi magandang pupuntahan ang usapan ng mga kaibigan, lalo na sa ipinapakita ngayon ng girlfriend.
“Whatever!” sabi ni Miles. “Uuwi na ako, bahala na kayo diyan. Saka pwede ba, ‘wag n’yo na nga akong isinasama diyan sa mga kalokohan n’yo para hindi na ako madamay pa!”
“Milagros, sandali nga.”
Naramdaman ni Miles ang paghawak ni Jermie sa braso niya kaya muli siyang napaharap sa barkada. “What?”
“Kung gusto mong umalis sa barkada na ‘to, umalis ka nang maayos,” sabi ni Jermie.
Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Miles. Sarkastikong ngiti. “Alam mo, Jermie, pagod na ako, eh. Pagod na akong makipagplastikan sa inyo. Akala n’yo kung sino kayong mababait. Lalo na ‘yang si Ariane, akala mo kung sino laging anghel. Ikaw ba, Jermie? Hindi ka pa ba napapagod maging pabida?”
At bago pa nagawang sampalin ni Jermie ang kausap, naunahan na siya ni Ariane. “Kung hindi mo kami kailangan sa buhay mo, lalong hindi ka namin kailangan. Umalis ka na bago ko pa makalimutan na naging miyembro ka ng Wantutri at naging kaibigan ka namin.”
Saglit na hinawakan ni Miles ang pisngi bago napaismid at inayos ang buhok. Wala siyang balak na gantihan si Ariane kahit ito ang kauna-unahang nakasampal sa kanya. Nanggigigil siya sa galit, pero pipigilan niya ang sarili na sumabog. Hindi niya ibababa ang sarili sa level ng mga dating kaibigan. “Mabuti na lang, last day ko na ngayon dito sa campus. Hindi ko na makikita ang mga pagmumukha n’yo. Lalo na ang mukha mo, b*tch!”
“What do you mean, baby?” tanong ni Aaron, walang ideya sa sinasabing huling araw ng girlfriend.
“Inayos na nina Daddy ang pag-transfer ko sa ibang school. Ayaw na nila akong mapasama pa sa mga losers na kagaya n’yo. At kung talagang mahal mo ako, susunod ka sa akin, Aaron.”
Natahimik si Aaron sa sinabi ni Miles bago tumingin sa ibang mga kaibigan.
“So, mas pipiliin mo pa pala sila? Kunsabagay, loser ka rin naman kagaya nila, eh,” sabi ni Miles. Nagtagisang-bagang si Aaron, pero hindi niya iyon pinansin. “I’m leaving guys. So maybe, magkikita-kita na lang tayo sa impyerno.” Wala nang sumubok na pigilan siyang umalis kaya agad siyang nakalabas ng classroom. Sandali pa, nakalabas na rin siya ng campus at sumakay sa kotseng naghihintay sa kanya sa tapat ng gate.
“Aalis na po tayo, ma’am?” tanong ng driver.
“Hindi ba obvious, manong? Nandito na ako, ‘di ba? May iba pa tayong hinihintay?” mataray na sagot ni Miles. Biglang tumunog ang cellphone niya. Isang text message iyon
I’m sorry kung hindi agad ako nakasunod. Kinausap ko lang sina Nero na susunod ako sa ‘yo. Pwede bang sabay na lang tayong umuwi? Let’s meet sa Science room.
Kahit papaano, napangiti si Miles sa text na iyon mula kay Aaron. Hindi niya inaasahang mas pipiliin siya ng boyfriend kaysa sa barkada.
“Manong, wait lang. Hindi na pala ako sasabay. Nag-text si Aaron, sa kanya na lang ako sasabay pag-uwi.”
Hindi na hinintay ni Miles na makasagot ang driver. Agad siyang bumaba ng kotse at naglakad patungo sa Science room. Lagi niyang inaaway ang boyfriend niya, pero totoong mahal niya ito. Ito lang kasi ang nakatagal sa ugali at pabago-bago niyang mood. Minsan, naiisip niya rin kung paano natatagalan ng Wantutri ang ugali niya. Medyo nakonsensya tuloy siya sa ginawa niya kanina. Mabuti na lang at hindi na talaga siya gumanti ng sampal kay Araiane.
“Aaron?” tawag ni Miles nang makapasok siya sa Science room. Nagtaka siya nang hindi bumukas ang ilaw kahit pinindot na niya ang switch.
“Aaron, nasaan ka?” Nakakabinging katahimikan lang ang nakuha niya, kasunod ang malamig na hangin na hindi niya alam kung saan nanggagaling.
“Aaron, nasaan ka na ba? Magpakita ka na nga.” Ginamit niya ang liwanag ng hawak na cellphone upang makita ang dinadaanan. “Aaron? Magpakita ka na nga! Hindi na talaga ako natutuwa!”
Nagsisimula nang makaramdam ng kaba si Miles habang naglalakad at nangangapa sa paligid.
“Sh*t!” Napapitlag siya sa biglang malakas na pagsara ng pinto. “Ayoko na! Bahala ka na diyan. Aalis na—” Hindi na niya nagawang ituloy ang sasabihin at tangkang pag-alis nang mailawan ang pares ng malalaking sapatos na nakaharang sa kanyang dadaanan. Napalunok siya habang dahan-dahang itinataas ang ilaw sa taong muntik na niyang makabungguan. “S-sino k-ka?” Halos hindi na niya maintindihan ang dalawang salitang lumabas sa kanyang bibig. Nasa mukha ng kaharap ang liwanag ng cellphone na hawak niya. Nasa mukha ng isang payaso.
“Hi, Miles!”
Bago pa magawang sumigaw ni Miles dahil sa palakol na inilabas ng payaso, biglang nagdilim ang paningin niya. Kilala niya ang boses na iyon. Kilala niya ang payaso. Pero bakit siya? Paanong nangyari na kilala niya ang puwedeng kumitil sa buhay ng mga dati niyang kaibigan?