CHAPTER 13

HABULANG SAKSAKAN

 

 

“Bakit hindi mo sinundan si Miles?” nagtatakang tanong ni Jermie. Sa isang coffee shop sila dumiretsong magkakaibigan maliban kay Mike. Dadaanan lang daw nito saglit ang mga ka-team sa basketball at si Ariane na saglit na ipinatawag ni Coach Arthur para kunin ang pointers to review sa mga na-miss na klase.

“Hayaan mo siya,” sagot ni Aaron.

“Huh? May sakit ka ba, pare?” Hindi alam ni Nero kung matatawa siya sa tanong na ibinato sa kaibigan. Kilala kasi niya si Aaron at alam din niya ang fraternity nito sa labas ng campus. Kung anong tapang ni Aaron kasama ang fraternity na binuo, ganoon naman ito katiklop kapag kasama na nito si Miles.

“Naisip ko lang, pare, parang medyo nakakasawa na. ‘Yong nakakapagod ba. Nakakapagod na siyang suyuin at habulin, lalo na kapag siya ang mali. Saka isa pa…” Sinalubong ni Aaron ang tingin ng dalawang kaibigan. “Nauna naman ang pagkakaibigan nating Wantutri kaysa mabuo ang relasyon naming dalawa.”

Napangiti si Jermie sa sinabing iyon ni Aaron. Hindi kasi niya inaasahang mas pipiliin nito ang barkada kaysa kay Miles.

“Guys, bakit hindi n’yo sinasagot ang mga text ko? Akala ko nakauwi na kayo, eh,” nakalabing tanong ni Ariane nang makalapit sa barkada.

Nagkanya-kanya naman silang check ng mga cellphone.

“Naka-silent ang phone ko. Sorry, Ariane,” sabi ni Nero.

“Dead batt na pala ang cellphone ko,” sabi naman ni Jermie.

“I can’t find my cellphone.”

Sabay-sabay silang tatlo na napatingin kay Aaron na halos nailabas na ang lahat ng laman ng bag.

“Don’t tell me, naiwan mo sa classroom kanina?” tanong ni Ariane.

“I’m not sure. I mean, I don’t know,” tugon ni Aaron na ibinabalik na ang mga gamit sa loob ng bag.

“O, hindi mo hahanapin? Baka nga naiwan mo sa classroom. Tara, balik tayo,” sabi ni Jermie.

“Hayaan na natin `yon, Jermie,” sagot ni Aaron.

“Bakit naman?” Si Ariane ang nagtanong. Alam nilang lahat na hindi kayang bitiwan ni Aaron ang cellphone at isa si Miles sa mga dahilan kung bakit.

“Baka kasi mag-text do’n si Miles, hindi ko pa mapigilan ang sarili ko na mag-reply sa kanya,” sagot ni Aaron.

Ramdam ni Ariane ang lungkot sa boses ni Aaron. “Sorry, guys, kung nasampal ko si Miles kanina.”

“Naunahan mo lang ako, Ariane. Wala kang dapat ipaghingi ng sorry,” sagot ni Jermie. Pakiramdam pa nga niya, ipinagtanggol siya ni Ariane kanina.

“Tama si Jermie. Kasalanan niya naman `yon. Kung gusto ni Miles na umalis sa Wantutri, umalis siya nang maayos,” sabi ni Aaron.

“Miles? Miles na talaga, pare, hindi na baby?” pansin ni Nero.

“Narinig n’yo naman ang sabi niya kanina, ‘di ba? Kapag sumama ako sa inyo, break na kami. So kanina lang, opisyal na break na talaga kami,” sagot ni Aaron.

“Tama ba ang narinig ko? Naumpog na rin si Aaron sa wakas?” sabad ni Mike.

“Mike, kanina ka pa ba diyan?” tanong ni Ariane. Hindi kasi nila napansin ang pagdating ng kaibigan.

“Medyo. Parang ang seryoso nga ng topic n’yo,” tugon ni Mike bago umupo sa bakanteng upuan.

“Parang ang tagal ng meeting n’yo kanina. Akala ko nga hindi ka na susunod.” Si Ariane uli.

“Oo nga, eh. Buti na lang nakatakas ako,” tugon ni Mike na sinundan ng mahihinang tawa ang sinabi.

Napansin ni Jermie ang pawisang noo ni Mike. Pawis na hindi dala ng init kundi parang pagod. “Nag-meeting lang ba kayo?”

“Ha? Anong klaseng tanong ‘yan, Jermie?” nagtatakang tanong ni Nero nang mapansing titig na titig si Jermie kay Mike.

“Para kasing pagod na pagod siya. Mike, o, panyo,” sabi ni Jermie.

“Ah, kasi may nag-try out kanina na player. Pinakitaan ko lang ng ilang galaw ng isang MVP,” pagmamayabang ni Mike at inabot ang panyo. “Thanks, Jermie.”

Halos sabay na napatingin sina Nero at Ariane sa kamay ng dalawa na saglit na naglapat.

“So, kwentuhan mo naman kami, Aaron,” baling ni Mike sa kaibigan. “Hanggang kailan mo titiisin si Miles?”

“Last na ito, pare. I’m so done. Ayoko na talaga,” sagot ni Aaron.

 

----------------------------------

 

Napalunok si Jermie nang makita ang repleksyon niya sa na salamin. Pati siya, natakot sa hitsura niya dahil sa prosthetic makeup na nakalagay sa kanyang mukha.

“Jermie, look. Okay lang ba ang makeup ko?”

Lumingon siya sa nagsalitang si Ariane. Ang ganda pa rin nito sa kabila ng ilang pekeng dugo na nakalagay sa mukha. White Lady kasi ang role nito samantalang siya ay isang naaagnas na bangkay. “Yes Ariane. Ang ganda mo pa rin talagang multo.”

“Jermie?”

Bakit parang ako lang ang pangit sa Wantutri? tanong ni Jermie sa isip nang malingunan ang gwapong mukha ni Nero na naka-makeup na pangbampira.

“Nag-text na ba si Aaron?” tanong na lang niya.

“Hindi pa nga, eh. Nawawala ‘yong phone niya, ‘di ba? Mabuti na lang may nakulit tayong ibang kaklase na sumama dito at manakot sa horror booth. Kung hindi, baka hindi kumita itong booth natin,” tugon ni Nero. Wala na rin sa barkada nila ang umaasa na magpaparamdam pa si Miles, kaya naisip nila na sumunod na dito si Aaron kahit pa nagsabi ang kaibigan na sila ang pipiliin nito.

“Si Mike din, hindi na talaga makakahabol. Alam n’yo na, pakitang-gilas na naman sa mga taga-ibang school na manonood ng basketball game,” sabi ni Ariane.

“Guys, ready na ba kayo?” tanong ni Ma’am Liza na kapapasok lang sa loob ng makeup room.

“Yes, ma’am!” halos sabay-sabay na sagot ng mga estudyanteng handa nang manakot anumang oras.

“Okay, in five minutes, mag-i-start na tayo. So, pumunta na kayo sa mga pwesto ninyo,” sabi ng guro.

“Guys, kitakits na lang mamaya,” paalam ni Jermie kina Ariane at Nero. Umakyat na siya sa ikalawang palapag ng bagong building sa campus na hindi pa natatapos kaya doon nila inilagay ang horror booth.

Pumasok na siya sa isa sa mga kwarto kung saan siya nakatokang manakot. Hanggang sa magsimula na ang takutan.

Pawisan at ramdam ni Jermie na medyo lusaw na ang makeup niya sa dalawang oras na pananakot. Mabuti na lang at madilim sa pwesto niya kaya effective pa rin ang kanyang pananakot na inaartehan niya pa ng pag-iyak.

“Thank you sa pagpasok sa horror house namin. Magbe-break lang po kami at muling magbubukas pagkatapos ng isang oras,” anunsyo ng isa sa mga kaklase nila.

Pinunasan ni Jermie ang pawis sa noo bago tumayo mula sa pinagtataguang sulok.

“Jermie, tara lunch na tayo,” yaya ng isa sa mga kaklase niyang nasa loob din ng kwartong iyon.

“Sige, una na kayo. Susunod na lang ako,” tugon niya. Kahit niyaya siya ng mga ito, ramdam ni Jermie na siya pa rin ang paksa ng tsismisan ng mga kaklase kapag hindi siya kasama o nakikita ng mga ito.

Narinig na niya ang papalayong yabag ng mga mga ito bago nagsimulang ayusin naman ang sarili. “Nero, ikaw ba ‘yan? Teka, matatapos na ako dito,” sabi niya nang marinig ang kaluskos sa pinto. Nagpatuloy sa pagbubura ng makeup sa ilalim ng mga mata habang nakaharap sa malaking salamin.

May ilang minuto na si Jermie sa ginagawa bago napansing walang tumugon sa sinabi niya. Binitiwan niya ang bulak na ipinang-aalis sa makeup bago dahan-dahang lumingon sa pinto. Walang bakas o palatandaan na may pumasok doon.

“N-Nero, ikaw ba ‘yan?” Nagsisimula na siyang kabahan habang inililibot ang tingin sa apat na sulok ng malawak na kwarto. Malamlam lang ang liwanag na ibinibigay ng nag-iisang bombilya sa kisame. “Mike, kung ikaw uli ‘yan, ngayon pa lang, sinasabi ko na sa ‘yo na hindi ito—”

Nanlaki ang mga mata ni Jermie nang mula sa likuran ng malaki at sira-sirang cabinet ay lumabas ang isang payaso. Kakaiba ang payaso, kamukha ng key chain ni Rayden at ng alarm clock na iniregalo nito sa kanya noon—isang duguang jester at may hawak na matalas na kutsilyo!

At bago pa siya makasigaw upang humingi ng tulong, agad nang nakalapit ang payaso sa kinatatayuan niya. Mabuti na lang at mas maliksi siyang kumilos. At nakalapit agad siya sa pinto, binuksan niya iyon at tumakbo palabas. Pero muling nanlaki ang mga mata niya nang hindi bumukas ang sumunod na pinto. Malakas niya iyong hinampas habang humihingi ng tulong sa kung sino mang tao na nakakarinig sa kanya.

“Oh, my God!” Nalingunan ni Jermie ang payaso na palapit na sa kinatatayuan niya. Halos ikutin na niya ang kinaroroonan upang maghanap ng ibang dadaanan.

“Hi, Jermie! Handa ka na bang mamatay?” Huminto ang payaso ilang hakbang mula sa kanya na parang tuwang-tuwa pa siyang pinagmamasdan habang nanginginig sa takot.

Laking pasalamat niya at bumukas sa wakas ang isa sa mga pintong tinakbo niya. Pero bago pa siya makalabas, malakas na nahablot ng payaso ang buhok niya at hinila siya pabalik!

“Ahhhh!” sigaw ni Jermie. Mapwersa siya nitong itinulak sa sahig at dinaganan. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang kumikislap na bagay na itinaas ng payaso gamit ang dalawang kamay—isang matalim na kutsilyo na mukhang handang sumaksak sa anumang bahagi ng katawan niya!

“Oras na, Jermie. Oras na para mamatay ka.”

Medyo malaki ang boses ng payaso dahil na rin siguro sa maskarang suot nito. Sigurado si Jermie na makikilala niya ito kapag muli ito nagsalita, pero wala na siyang oras pa para mag-isip o maghintay ng susunod nitong sasabihin. At bago pa naibaba ng payaso pasaksak sa dibdib ni Jermie ang kutsilyo, nagawa niya itong itulak nang malakas. Halatang hindi iyon inaasahan ng payaso dahil mabilis itong natumba sa sahig at nabitiwan ang kutsilyo.

Tatakbo na sana si Jermie nang mahawakan naman siya ng payaso sa paa. Natumba uli siya at muli nitong nadaganan. Hindi na niya nagawa pang kumilos nang sakalin siya ng payaso. Ramdam niya ang galit nito sa sobrang higpit ng pagkakasakal sa kanyang leeg.

Sinubukan niyang igalaw ang katawan at mga kamay niya, ngunit masyadong mabigat at malakas ang payaso. Nagsisimula na siyang maubusan ng hangin sa baga. Nagsisimula nang manlabo ang kanyang paningin. Pero hindi pa siya pwedeng mamatay. Ayaw pa niya. Hindi pa siya handa.

“Oras na, Jermie. Oras na para mamatay ka…”

 

----------------------------------

 

“Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na nawawala ang celllphone ko, kahapon pa, after ng klase namin? There’s no way na ako ang nag-text kay Miles!” mariing sabi ni Aaron sa kaharap na mga pulis at kay Detective Dong. Palabas na siya ng bahay kanina sakay ng kanyang kotse nang harangin siya ng mga ito. Kailangan daw niyang pumunta sa presinto kasama ang mga magulang. Noon niya nalaman na hindi umuwi ng bahay si Miles.

“Pero ang sabi ng driver na nakausap namin, sinabi ni Miles sa kanya na ikaw ang imi-meet niya kahapon. Ikaw na raw ang maghahatid sa kanya pauwi,” sabi ni Detective Dong. Nung narinig pa lang niya sa telepono kagabi na Daddy ni Milagros ang tumawag, alam niyang may nangyari na naman sa Faubourg Academy. Sa barkadang Wantutri.

“And again, detective, I’m telling you… —kasama ko ang barkada ko kahapon. Bakit hindi n’yo sila tanungin?” Hindi talaga gusto ni Aaron ang presensya ng kausap na detective. Feeling kasi niya, lalo sila nitong idinidiin sa mga nangyayari sa school.

Sabay silang napalingon sa pinto kung saan pumasok ang isang pulis. Bumulong ito kay Detective Dong.

“Pwede ka nang umalis,” sabi kay Aaron ng detective mayamaya.

Hindi na nagsalita si Aaron. Padabog siyang tumayo mula sa kinauupuan at lumabas ng maliit na kwartong iyon.

“Saan mo dinala ang anak ko?! Ilabas mo siya!”

Napaatras si Aaron nang akmang susugurin siya ng Daddy ni Miles. Mabuti na lang at kaagad itong napigilan ng ibang pulis. Sa kalapit na upuan, nakaupo ang Mommy ni Miles na walang tigil ang pag-iyak.

“Pagbabayaran mo kapag may nangyaring masama sa anak ko! Magbabayad kang sira-ulo kang adik ka!”

Nilagpasan na niya ang nagsisisigaw na mag-asawa at hindi na rin niya pinansin ang mga humahabol na sariling magulang. Sumakay siya sa motor ng kasamahan sa fraternity na kanina pa naghihintay sa kanya sa labas ng presinto.

“Saan tayo, ‘dre?”

“Sa Faubourg, ‘dre. Kailangan kong makausap ang Wantutri.”