CHAPTER 16

THE MISSING CLASSMATE

 

 

“Ano, detective? Wala pa ba kayong nakukuhang kahit na anong lead kung nasaan ang anak namin?”

“Mr. Liway, pasensya na po, pero hanggang ngayon po—” Hindi na naituloy ni Detective Dong ang sinasabi dahil sa biglang pagsigaw ng kausap sa telepono.

“Bakit kasi hindi pa ninyo ikulong ang lintik na Aaron na `yon?! Alam naman nating siya ang may pakana sa pagkawala ng anak ko!”

“Mr. Liway, hindi po natin siya pwedeng ikulong nang wala tayong sapat na katibayan. Lahat ng ibinigay niyang alibi, may witness siya. Kaya po siya nakalaya.”

“Eh di gumawa kayo ng paraan para mahanapan ng ebidensya na siya talaga ang salarin. Mga bobo at inutil talaga kayo! Nasaan ba kasi si Detective Darwin? Bakit ikaw pa na baguhan ang kailangang humawak ng kasong ito at hindi siya?”

“Kasalukuyan pa po siyang nagpapagaling, Mr. Liway. But I can assure you na maso-solve ko ang case na ito.”

“Just make sure na ma-solve ang kasong ito bago pa may mangyaring masama sa anak ko! P*nyeta!”

Halos mabitiwan ni Detective Dong ang hawak na telepono dahil sa malakas na pagkakabagsak ni Mr. Liway ng telepono sa kabilang linya. Naiinis na napaupo na lang siya sa upuang nasa katapat ng mesa kung saan halos umiikot ang beinte-kwatro oras niya sa araw-araw. Siya na nga ang may hawak ng kaso, bakit kailangang paulit-ulit pang hanapin si Detective Darwin Ramos? Dahil ba nahanap nito ang nawawalang bata na si Franco Torres kahit maraming taon na ang nakalipas at nalutas ang kakaibang kaso ng patayan sa barkada nina Eliza Joy Ignes?

Napabuntong-hininga siya bago muling hinarap ang mga litratong nasa ibabaw ng mesa niya. Ang tatlo roon ay may ekis na sa mukha.

“Kuya!”

Napapitlag si Detective Dong sa kinauupuan dahil sa biglang pagpasok sa kwarto ng nag-iisa niyang kapatid. “‘Di ba sabi ko sa ‘yo, kakatok ka muna bago pumasok dito?”

Hindi pinansin ng nakababatang kapatid ang sinabi niya at naglakad ito palapit sa kanya. Kinuha nito ang isang litrato. “Sabi na, eh, it was her.”

Kunot-noong napatingin si Detective Dong sa litratong hawak ng kapatid. “What about Jermilyn Bangaoil?”

“I met her earlier this morning. Mas cute pala siya sa personal, Kuya.”

“Tsk. Akala ko naman kung bakit. Akin na nga ‘yan!” sabi ni Detective Dong na binawi ang litrato sa kapatid. Dahil maagang naulila sa mga magulang, siya na ang tumayong magulang sa kapatid na si Dan.

“Alam mo, Kuya, para ka talagang nasa isang horror movie.”

“‘Wag mo ngang ginagawang biro ang mga kasong hinahawakan ko. Dalawang bata na ang namatay sa Faubourg Academy at may isang nawawala ngayon, so this is not a f*cking horror movie, bro.”

“Whatever, Kuya. But you know what?” Umupo si Dan sa tabi ng mesa at muling tumitig sa litratong hinawakan kanina. “Que movie man ito o hindi, willing akong sumali basta si Jermilyn Bangaoil ang ka-love team ko…”

Napailing na lang si Detective Dong. Ayaw na niyang bigyan ng pansin ang kapatid kahit alam niyang madalas na nagiging problema niya ito kapag nagkakagusto sa isang babae. Halos kabaliwan kasi nito ang panliligaw. Pero alam niyang mas may kailangan siyang asikasuhin ngayon. “Eh, kung tinutulungan mo na lang kaya ako sa kaso ko para mapalapit ka sa kanya?”

Sumilay ang matamis na ngiti sa mga labi ni Dan. “Parang gusto ko ‘yang naglalaro sa isip mo ngayon, Kuya.”

 

----------------------------------

 

“Ariane, I have cupcakes for you,” sabi ni Mike na iniabot ang cupcake kay Ariane.

“So sweet! Thank you, Mike!” tugon Ariane, saka humarap kay Jermie. “Jermie, share tayo.”

Nakangiti namang tumango si Jermie. Kapag kasi ganoong may ibinibigay si Mike kay Ariane, lagi siyang may parte. Kaya nga lalo siyang nakokonsensya kapag nakakaramdam siya ng insecurity sa magandang kaibigan.

“Ako, gusto ko, Ariane.” Si Nero naman ang umagaw ng cupcake mula sa kamay ni Ariane.

“Pare naman, ako ang nag-bake niyan para kay Ariane, ‘tapos sa tiyan mo lang mapupunta?” kunwari ay inis na sabi Mike.

“At least sa tiyan ng kaibigan mo napunta, hindi sa tiyan ng iba,” pang-aasar ni Nero.

“Baliw!” singhal ni Mike bago binato ng nilukot na papel si Nero.

Hindi na napigilan nina Jermie at Ariane na matawa. Sa ganoong simpleng biruan, kahit paano, nawawala ang inis at takot sa dibdib ni Jermie.

“Hi, guys. Sorry I’m late,” bati ng bagong dating na si Aaron. Umupo ito sa tabi ni Nero.

“O, bakit parang pawis ka? Nag-jogging ka ba?” pansin ni Ariane.

“Nope, nakiangkas lang kasi ako sa tropa kaya ‘eto, haggard tuloy. Pogi pa rin naman, ‘di ba?” sabi ni Aaron.

“Oo, pare, pogi ng paa mo!” pang-aasar ni Mike na tumawa pa nang malakas.

Sabay-sabay na natawa sina Jermie nang batuhin ni Aaron ng sapatos si Mike. Tumawa na rin si Aaron nang makuhang muli ang sapatos.

Wala pa rin silang kahit na anong balita tungkol kay Miles at alam ni Jermie na wala rin sa mga kaibigan niya ang may gustong pag-usapan si Miles. Lahat sila, iniiwasang maging topic ang dating kaibigan para hindi masira ang mood o ang araw nila.

“Sam, narinig mo ba `yong balita sa faculty room?”

“Oo, `yong pagkawala ni Stephen?”

“Oo, grabe! Sana okay lang siya. Kahit weirdo `yon mabait naman. Sa tingin mo, pinatay na siya ng psychotic killer?”

“Grabe ka naman. Patay talaga kaagad? Hindi ba pwedeng kinidnap for ransom lang muna?”

“Ewan ko ba, hindi ko na talaga nagugustuhan ang nangyayari dito sa school natin. Habang tumatagal, parang wala ka nang pagkakatiwalaan na kahit sino.”

“Oo nga, eh. Buti na lang, last year na natin ito.”

Alam ni Jermie na hindi lang ang atensyon niya ang naagaw ng tatlong kaklseng nakaupo hindi kalayuan sa pwesto ng Wantutri at nagkukwentuhan tungkol kay Stephen. Dahil pati ang apat niyang kasama, napahinto sa pagtatawanan.

Tama ba ang narinig nila? Nawawala si Stephen? Paano nangyari iyon? Bakit pati ito, nawawala?

“Good morning, class.”

Dahil sa pagkatulala, hindi napansin ni Jermie na nasa harap na ng klase si Ma’am Liza.

“Before I start my class, Nero, Jermilyn, Aaron, Mike, and Ariane, please proceed to the principal’s office. Jermie, dumaan ka muna sa faculty room at sabihin mo kay Coach Arthur na pumunta sa principal’s office.”

Napalunok si Jermie sa narinig. Sa sobrang tahimik sa loob ng classroom, parang gusto na lang niyang tumakbo palabas dahil ramdam niyang nasa kanya ang tingin ng buong klase.

“Let’s go,” sabi ni Mike.

Sumunod sila kay Mike na nauna nang lumabas. Halos mabali yata ang leeg ng mga kaklase nila sa pagsunod ng tingin sa kanilang magkakaibigan.

“Samahan na kita,” sabi ni Nero nang hihiwalay na sana si Jermie upang pumunta sa faculty room.

“Ako na lang kaya ang sasama?” suhestyon naman ni Ariane.

Ngumiti si Jermie sa dalawa. Kung bakit naman kasi kailangang siya pa ang sumundo kay Coach Arthur. “It’s okay, guys. Kitakits na lang sa hell’s office,” biro pa niya bago nagsimulang maglakad patungo sa faculty room. At dahil nagsimula na ang halos lahat ng klase, si Coach Arthur na lang ang tao roon. Kahit nakatalikod mula sa pinto ang pwesto nito, napansin ni Jermie ang paghilamos nito ng mga palad sa mukha. Parang ang bigat ng problemang dinadala nito. Siguro, sobra ang pag-aalala ni Coach Arthur kay Stephen ngayon kung totoo mang nawawala ang weird niyang kamag-aral. Bukod kasi kay Rayden, si Stephen ang isa sa pinakamalapit kay Coach Arthur.

Naglakad na siya palapit sa mesa ng guro. “C-Coach…”

“O, Jermie. Kanina ka pa ba diyan? Pasensya na, hindi kita napansin.”

“Kapapasok ko lang po. Tara na po sa principal’s office. Sabi po kasi ni Ma’am Liza daanan ko kayo rito bago pumunta doon.”

Gumuhit ang plit na ngiti sa mga labi ni Coach Arthur. Nagpakawala muna ito ng malalim na buntong-hininga bago tumayo para sumunod kay Jermie. “Sige, tara na at baka—”

“Coach!” Mabilis na dinaluhan ni Jermie ang guro nang muntik nang matumba. Parang biglang nahilo o nawalan ito ng balanse. Naalala niyang ilang araw na hindi nakapasok si Coach Arthur dahil sa high blood. “Okay lang po kayo? Kaya n’yo po bang maglakad o gusto n’yo pong tumawag ako ng nurse?”

“I’m okay, Jermie. Medyo nahilo lang ako, but I’m fine,” sabi nitong muling umayos ng tayo. “Let’s go. Baka naghihintay na sina Detective Dong sa principal’s office. Gusto niya kayong makausap tungkol sa pagkawala ni Stephen.”

Saglit na naiwang nakatulala sa kinatatayuan si Jermie dahil sa huling sinabi ni Coach Arthur. Ibig sabihin, totoo nga ang narinig niya sa mga kaklase. Nawawala si Stephen.