CHAPTER 17

WALANG ULO

 

 

Nagpakawala ng malalim na buntong-hininga si Jermie bago uminom ng kape. Kanina pa siya naghihintay sa coffee shop para sa pagdating ng mga kabarkada at alam din niyang kanina pa siya tulala. Nang makuwi kasi sa bahay kagabi, kinausap siya ng mga magulang tungkol sa nangyayari sa Faubourg Academy at sa barkada niya. At dahil wala naman talaga siyang alam maliban sa naging laro ng barkada nila noon, wala halos siyang maisagot sa mga ito. Hindi tuloy siya nakatulog buong gabi dahil sa nalamang balita tungkol sa pagkawala ni Stephen. Hindi niya lubos na maisip kung paanong nadamay ang weird na kamag-aral sa gulong alam niyang ang barkada lang niya ang sangkot.

“Would you mind if I join you?”

Nagtaas ng tingin si Jermie sa lalaking nakatayo sa harap niya at napakunot-noo.

“I’m Dan. Remember, sa bookstore?”

“Ah. Yeah, naalala na kita,” sagot ni Jermie nang maalala ang tinutukoy nitong pangyayari. Ang misteryosong lalaki na nakipagkilala sa kanya noong nakaraan linggo lang.

“So, pwede ba akong maki-share ng table? Medyo crowded na kasi, eh.”

Saglit na inilibot ni Jermie ang paningin sa paligid at napansing okupado na nga ang halos lahat ng upuan. “Sure.”

“Thanks,” sabi ni Dan bago naupo sa isa sa mga bakanteng upuan at inilapag ang tray ng kape at pastry sa mesa. “Okay ka lang ba?”

“Ha? Oo, naman.”

“Kanina ka pa kasi tulala, eh,” muling sabi ni Dan bago kumagat sa tinapay na hawak.

“May iniisip lang,” sagot ni Jermie. Wala siya sa mood magkwento, lalo at sa isang estranghero pa. “Teka, ‘di ba, may sinasabi ka no’ng nakaraaan?”

“Alin `yon?”

“About a picture?” patanong na sagot ni Jermie nang maalala ang naging unang pagkikita nila ng kausap.

“H-ha? Ah, wala `yon. Akala ko kasi ikaw `yong nasa picture na nakita kong missing student sa Faubourg Academy. Malapit lang kasi `yon sa school namin.”

“O-okay,” nasabi na lang ni Jermie bago humigop ng kape. Kinukuha niya ang cellphone sa bag nang may biglang sumigaw mula sa labas ng coffee shop.

“Bangkay! May bangkay ng babae dito na walang ulo! Tumawag kayo ng pulis, dali!”

Sa pagkagulat, natabig ni Jermie ang kape na iniinom kanina at natapon iyon sa sahig. At dahil glass ang dingding ng coffee shop, kitang-kita ang nagkukumpulang mga tao sa labas kung nasaan ang sumisigaw na lalaki.

Malakas man ang kabog ng dibdib, tumayo na siya at lumabas upang tingnan ang pinagkakaguluhan ng mga tao.

“Excuse me… Excuse me po.”

Napalingon si Jermie sa likuran at nakitang inaalalayan siya ni Dan na makasingit sa kumpol ng mga tao. Hindi niya akalaing susunod sa kanya ang lalaki dahil kaka-order lang nito ng sariling pagkain.

Nagpatuloy siya sa pagsingit hanggang bigla siyang napahinto nang makarating sa bandang unahan. Nagsimulang mangatog ang mga tuhod niya nang makita ang bangkay ng babaeng nakasuot ng uniform ng Faubourg Academy. Natatakpan ng duguang diyaryo ang bandang leeg nito na wala nang ulo.

Dumating na rin sa puntong iyon ang mga barangay tanod at inusisa ang bag ng bangkay na nasa isang tabi lang.

“May I.D. dito!”

Wala sa loob na napahawak si Jermie sa kamay ng katabing si Dan habang naghihintay ng susunod na sasabihin ng tanod na may hawak ng I.D.

“Milagros… Milagros Liway…”

 

----------------------------------

 

“Umamin ka na kasi kung saan mo dinala si Miles!”

“Ahhhh! Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na wala akong alam!”

“Matibay ka talaga, ha!”

“Ahhhh!”

Humitit-buga ng sigarilyo si Aaron habang pinapanood ang muling malakas na pagpalo ni Leo ng hawak na kahoy sa nakabiting si Stephen. Sando at boxer’s na lang ang suot ng lalaki, putok na ang nguso, maga ang isang mata at puro pasa at dugo na ang buong katawan. May ilang oras na rin nilang itong pinagpapasa-pasahan na bugbugin para paaminin kung saan nito dinala si Miles, pero sadyang matibay ang katawan nito.

“Ayaw mo talagang umamin,” sabi ni Dennis na marahas na sinabunutan ang nanlalagkit na buhok ni Stephen dahil sa magkahalong pawis at dugo. Nakangising itinaas nito ang baseball bat na may nakapalibot na pako sa dulo at nakausli pa ang mga ulo. “Gusto mo bang sumabit na dito ang balat at piraso ng bungo mo?”

“N-no… p-please… p-parang awa n’yo n-na. M-maniwala kayo sa a-akin. W-wala talaga a-akong alam…” Halos hindi na maintindihan ang sinasabi ni Stephen dahil sa panginginig ng boses. Hirap na rin itong magsalita dahil sa dumudugong bibig.

“Kung ako sa ‘yo…!” Biglang inihampas ni Dennis ang baseball ball sa katabing mesa. Gumawa iyon ng maraming butas doon dahil sa bumaong mga pako sa kahoy. “Aamin na ako bago pa mabasag ang bungo ko.”

Hindi na nagawa pang muling makapagsalita ni Stephen dahil sa takot. Bukod sa mga kamay niyang mahigpit na nakatali sa kisame ng maliit na bahay na kinaroroonan nila, wala nang parte ng katawan niya ang hindi masakit. Namilog ang mga mata niya nang makitang nahirapan si Dennis na hugutin ang mga pakong bumaon sa mesa. Parang nakikinita na niya ang magiging hitsura ng sarili kapag bumaon sa ulo niya ang mga pakong iyon. Siguradong magmamarka iyon ng napakaraming butas sa kanyang bungo.

“Ano, ‘dre, butasin ko na ba ang mukha at bungo nito?” tanong ni Dennis nang sa wakas ay matanggal ang baseball bat sa mesa.

Ngumisi si Aaron, pero hindi nagsalita.

“Masyado naman yatang madali ‘yan, pare,” sabi ni Leo na kinuha ang bote ng alak bago ibinuhos sa ulo ni Stephen, pagkatapos ay dinukot ang lighter sa bulsa. “Bakit hindi na lang natin sunugin para mas masaya?”

“‘W-wag… Please…. A-ayoko pang mamatay…” pagmamakaawa ni Stephen.

“‘T*ngina!” Tuluyan nang nainis si Aaron at inihagis ang hawak na sigrailyo. Hinablot niya nang malakas ang buhok ni Stephen kasunod ang pagbukas ng lighter na wala nang isang dipa ang layo mula sa mukha nito. “Kung ayaw mo pa talagang mamatay, sabihin mo na kung nasaan si Miles!”

Ngumiti si Stephen nang nakakaloko, saka tumawa nang mahina at unti-unting lumakas.

“‘T*nginang sira-ulo pala ito, eh!” Hindi na napigilan ni Leo ang sarili at sinapak uli ang duguan nang mukha ni Stephen.

“Kayo ang mga sira-ulo. Kahit patayin n’yo ako ngayon, hindi ko pa rin masasabi kung nasaan si Miles dahil hindi ko talaga alam kung nasaan siya!”

Napaismid si Aaron sa sagot ni Stephen. Hindi niya akalaing ganoon katatag ang lalaki.

“Pare, sa tingin ko, kailangan na nating tapusin ang kaululan ng g*gong ito,” sabi ni Leo.

Ngumisi si Aaron, saka tumango bilang pagsang-ayon. Mukhang wala na talaga siyang mapapala sa lampang Stephen na ito. Isa pa, napapagod na rin ang kamao niya sa kakabugbog dito.

Itinaas ni Dennis ang hawak na baseball bat at handa na sanang ihampas kay Stephen nang may kumatok nang malakas sa pinto na nagpahinto dito.

“Dennis, ikaw na’ng magbukas n’on. Mamaya mo na tirahin ‘yan,” sabi ni Aaron.

“Pasalamat ka!” singhal ni Dennis bago dinuraan ang duguang si Stephen. Dala-dala pa nito ang baseball bat patungo sa pinto. At saktong pagbukas nito ng pinto, pumulandit din ang dugo nito sa sariling leeg dahil sa itak na hawak ng panauhing kumakatok lang kanina.

Samantala, nagsisindi ng bagong sigarilyong nasa bibig si Aaron nang biglang bumagsak sa tabi niya ang duguang si Leo na kanina lang ay umiinom ng alak. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang nakabaon na sa ulo nito ang mga pakong nakadikit sa baseball bat na hawak ni Dennis kanina. Agad niyang dinukot ang balisong mula sa bulsa at lumingon.

Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang isang payasong may mga bahid ng dugo. At bago pa siya muling nakakilos, nahampas na siya nito nang malakas sa ulo ng hawak na pala.