CHAPTER 21
Mariin munang ipinikit ni Jermie ang mga mata bago siya muling dumilat. Mabigat at masakit ang pakiramdam niya sa ulo. Lalo pa iyong pinasasakit ng masangsang na amoy sa paligid na parang mga nabubulok na karne. Kung ano mang karne iyon ay hindi niya alam at ayaw nang alamin pa.
Tuluyan nang luminaw ang lahat sa isip niya at napagtantong nakatali siya sa kinauupuan. Lalong lumakas ang kaba sa dibdib niya nang makita ang tatlo pang nakatali malapit sa kanya—sina Ariane, Nero at ang duguang si Stephen na pare-parehong mga walang malay.
Binalot ng takot ang katawan ni Jermie nang mapansin ang pwesto nila na magkakaharap sa isa’t isa. May biglang naglaro sa kanyang isip kaya hindi na niya napigilang mapaiyak. “N-Nero… A-Ariane… S-Stephen… W-wake up…”
Ilang pagtawag pa ang ginawa niya bago kumilos sa wakas sina Ariane at Nero na halatang masakit din ang mga ulo. Si Stephen ay nanatiling walang malay, nakalungayngay na ang ulo.
“O-oh, my God! N-nasaan tayo?” naiiyak na ring tanong ni Ariane.
Kinakabahang inilibot ni Nero ang paningin sa buong paligid. Pamilyar sa kanya ang maliit na bahay na kinaroroonan nila. “F-feeling ko, nasa lugar tayo kung saan tayo nag-camping dati.”
“Mamamatay tayo! Mamamatay tayong lahat!” Nagsimula nang humagulhol si Ariane.
“Ariane, hindi tayo mamamatay. Walang mamamatay sa atin,” pagpapakalma ni Nero kahit walang kasiguraduhan sa sinasabi.
Wala namang maapuhap na mga salita si Jermie na pwedeng sabihin. Balot ng takot ang buong katawan niya habang patuloy ang paglandas ng mga luha sa magkabilang pisngi. Mamamatay na ba siya? Iyon na ba talaga ang katapusan nilang apat?
“Oh, my God!”
Nabaling ang tingin ni Nero sa likuran ni Stephen. Doon din nakatingin si Ariane. May mahabang mesa roon at nasa ibabaw ang pugot na mga ulo nina Miles at Aaron kasama ang mga na-chop-cop na katawan ni Aaron at ng mga kasamahan nito sa fraternity.
“Help! Help! Help!” malakas na sigaw ni Ariane. Pakriamdam niya ay hindi na siya makakatagal sa lugar na iyon.
Sinubukan namang kumilos ni Nero, nagbabaka-sakaling lumuwag ang pagkakatali sa katawan ngunit bigo siya.
“N-Nero, nahanap mo ba si Mike? B-bakit wala siya ngayon? Bakit hindi natin siya kasama dito?” wala sa loob na tanong ni Jermie. Pinipilit niyang labanan ang ideyang tumatakbo sa isip. Ayaw niyang isipin na si Mike ang may kagagawan ng lahat ng iyon, pero pangalan ni Mike ang binanggit ni Stephen bago siya nawalan ng malay.
Napatiim-bagang si Nero. Pareho ang tumatakbo sa isip nila ni Jermie. “Malakas ang kutob kong may kinalaman siya kung bakit tayo nandito ngayon.”
“No. H-hindi pwede. Hind niya magagawang saktan ang sino man sa barkada natin,” sabi ni Ariane na muling umiyak.
“Pero nagawa na niya, Ariane!” sigaw ni Nero.
Isang nursery rhyme ang pumailanlang sa paligid na nagpahinto sa pagsisigawan nilang tatlo. Kasunod niyon ay ang dahan-dahang pagbukas ng pinto.
Napalunok si Jermie nang naunang lumitaw sa gilid ng pinto ang malaking kulay itim na sapatos ng taong nagbukas niyon.
“Oh, my God!” bulalas ni Ariane nang isang kamay na nakagwantes na puti naman ang sumunod na lumitaw.
Pilit na nilabanan ni Nero ang panginginig ng mga labi nang tuluyan nang pumasok ang taong nakasuot ng sumbrerong parang may dalawang sungay at ang damit ay nahahati sa kulay pula at itim na tinernuhan ng nakangiting maskara ng isang payaso na may bahid pa ng mga natuyong dugo. Isang uri ng payaso na tinatawag na ‘jester.’
“P*tangina mo, Mike! G*go ka talaga! Papatayin kita!”
“Sshhh,” sabi ng payaso na inilapat pa ang hintuturo sa mga labi ng suot na maskara. Mula sa likuran, inilabas nito ang isang walang laman na bote. “Let’s play a game.”
Malaki ang boses ng payaso dahil sa maskarang tumatakip sa mukha nito, pero pamilyar kina Jermie, Nero at Ariane ang boses nito. Sigurado silang kapag nagsalita ito nang walang kahit na anong tumatakip sa bibig, makikilala nila ang payaso. Makikilala nila ang boses at mukha nito.
“I don’t wanna play your game! Pakawalan mo kami, Mike! Parang awa mo na!” sigaw ni Ariane kahit pakiramdam niya ay ibang tao ang kaharap na payaso. Si Mike lang ang hindi nila kasama ngayon. Si Mike lang ang mukhang maaaring nasa likod ng maskara ng payaso.
“Maglalaro ka o mamamatay ka?”
Natahimik silang tatlo sa tanong ng payaso. Walang sino man sa kanila ang gustong maglaro, pero wala ring kahit sino sa kanila ang gustong mamatay.
Naglakad ang payaso papunta sa gitna upang ilapag ang bote sa sahig. “Simple game and simple rules. Kung kanino tumapat ang bote na ito, pipili ng isang taong sasagot sa magiging tanong ko. At kapag mali ang naging sagot niya, makukuha niya ang kalahati ng kamatayan na gusto niya,” sabi nito na sinundan ng malakas na halakhak. Malakas na malakas iyon na halos hingalin na ito. Hanggang sa huminto ang payaso nang tila sumakit ang tiyan sa kakatawa. “Bueno, simulan na natin ang laro?” Bahagyang lumuhod ang payaso upang paikutin na ang bote. “One… two… three.”
Nagsimula nang manginig sa takot ang buong katawan ni Jermie. Gusto niya sanang ipikit ang mga mata, pero ayaw naman niyang sa muling pagmulat ay makitang nakatapat sa kanya ang nguso ng bote.
“A-Ariane,” usal ni Nero.
“You may choose now, Ariane, kung sino sa mga kaibigan mo ang gusto mong mamatay… este, sumagot ng tanong ko,” humahalakhak na pahayag ng payaso.
Muling napaiyak si Ariane habang pabaling-baling ang tingin kina Jermie, Stephen, at Nero. “S-si Stephen.”
Lumakad ang payaso palapit sa upuan ni Stephen. Maluwag ang pagkakatali rito dahil na rin siguro sa hitsura na halos hindi na makatayo o makakilos man lang. Sinampal-sampal ng payaso ang mukha ni Stephen upang gisingin ito, pero nanatiling nakapikit ang mga mata nito. “Tsk. Tsk. Tsk.” Muling humarap ang payaso kay Ariane. “Nero or Jermie?”
Muli namang nagpalipat-lipat ang tingin ni Ariane kina Nero at Jermie. Lalo lang siyang naiiyak at nahihirapan sa pagpili.
Nilukob naman ng takot at kaba ang dibdib ni Jermie. Kung may pipiliin man si Ariane sa kanila ni Nero, siguradong siya na ang pipiliin nitong sumagot sa magiging tanong ng payaso. Siya ang mas pipiliin nitong mamatay at hindi si Nero.
“Si N-Nero…”
Hindi makapaniwala si Jermie sa narinig. Si Nero ang pinili ni Ariane na sumagot sa magiging tanong ng payaso at hindi siya.
“I’m sorry, N-Nero.” Muling napaiyak si Ariane.
Napapailing na lumapit ang payaso kay Nero na nanlalaki ang mga mata. “First question.” Inilapit ng payaso ang mukha sa tainga ni Nero. “Kilala mo ba ako?”
Dinuraan ni Nero ang mukha ng payaso bago sumagot. “P*tangina mo, Mike! Pinagkatiwalaan ka ng buong barkada. G*go ka! P*tangina mo talaga!”
Bahagyang umatras ang payaso palayo kay Nero at wala anumang pinunasan ang laway sa maskarang may mga natuyong dugo. Naglakad ito patungo sa isang drum na nasa sulok at tinanggal ang takip niyon. Umalingasaw ang mas masangsang na amoy.
“Mike!” bulalas ni Jermie nang makita ang ulo na itinaas ng payaso mula sa drum, basang-basang ng tubig at wala nang buhay. Bugbog-sarado ang mukha ni Mike, putok ang namamagang mga labi at halos lumuwa na ang isang mata.
“‘T*ngina! Sino ka ba talagang demonyo ka? Bakit mo kami ginaganito?!” nanggigigil na sigaw ni Nero, namumula na ang mukha sa galit. Hindi siya makapaniwalang hindi si Mike ang nasa likod ng maskara ng payaso at lalong hindi siya makapaniwalang patay na ang kaibigan.
Lalo namang napahagulhol si Ariane, hindi niya na malaman kung ano ang sasabihin.
“Gusto ko? Gusto kong mamatay sa bugbog, ‘tapos, ilalagay ako sa drum na may tubig parang nakapa-preserve lang, para pogi pa rin ako…” Umaalingawngaw ngayon sa isip ni Jermie ang mga sinabing iyon ni Mike.
“Tsk, tsk, tsk.” Napapailing na naglakad ang payaso papunta sa mahabang mesa. Kinuha nito roon ang plais bago muling lumapit kay Nero. “Simulan na natin ang kamatayan na gusto mo, Nero.”
“O-oh, my God!” sambit ni Ariane.
Marahas na sinabunutan ng payaso si Nero upang ibuka ang bibig nito.
“Kapag namatay ako, gusto ko wala na akong ngipin, parang matanda lang. Pero para astig, gusto ko bubunutin ng plais ang lahat ng ngipin ko…”
“Ahhhh!” Hindi na napigilan ni Nero ang mapaiyak sa sakit nang simulang bunutin ng payaso ang isang ngipin niya sa harap. Halos mangisay ang buo niyang katawan nang sa wakas ay mabunot ang ngipin. Ngunit hindi pa nakontento ang payaso at agad na sinundan ng pagbunot ng isa pa! “Arrrrrkkkk…” Nagsimula nang kumalat ang dugo sa bibig ni Nero at tumitirik na rin ang mga mata sa sakit. Muling inipit ng payaso sa plais ang pangatlong ngipin, pero nang hindi agad mabunot ay parang nainip na bigla na lang iyong pinutol sa gitna.
“Tama na! Maawa ka sa kanya! Maawa ka kay Nero!” humahagulhol na ring sigaw ni Jermie.
Huminto sa ginagawa ang payaso. Inilayo nito ang plais sa bibig ni Nero na punong-puno ng dugo. Matalim itong tumingin at naglakad palapit kay Jermie.
“Ahhhh!” Ramdam ni Jermie ang ilang hibla ng buhok na natanggal sa anit niya dulot ng marahas na pagkakasabunot sa kanya ng payaso. Naamoy niya ang malansang dugo sa kamay nito ,na kumapit na rin sa kanyang mukha at buhok. Nanginig din ang mga labi niya nang ilapit ng payaso ang plais sa kanyang bibig.
“Bakit, naawa ba kayo sa kanya? Naawa ba kayo nang pagtulung-tulungan n’yo siyang lunurin at patayin?!”
“Ano ba’ng sinasabi mo? Wala kaming kasalanan sa ‘yo! At wala kaming kasalanan sa pagkamatay ni Rayden!” Garalgal man ang boses, nagawa pa rin ni Jermie na sumagot nang pasigaw. Alam niyang si Rayden ang tinutukoy ng payaso. Si Rayden lang at wala nang ibang dahilan ang paghihiganti nito.
Nanggigigil na binitiwan ng payaso ang buhok ni Jermie bago nagpakawala ng malalim na hininga. Alam ng payaso na walang kahit sino sa barkada ng Wantutri sa kung ano ang totoong nangyari nang gabing iyon. Nang gabing mamatay si Rayden.
Muling naglakad ang payaso patungo sa kung saan nakalapag ang bote. Umamin man o hindi ang magbabarkadang hawak niya ngayon, sisiguruhin ng payaso na matutupad ang lahat ng hiling ng mga ito kung paano nila gustong mamatay.
“Maglaro na uli tayo. Maglaro na tayo para mamatay na kayong lahat…” sabi ng payaso bago muling pinaikot ang bote.
Nagsimulang balutin ng lamig at lukuban ng takot sina Jermie, Ariane at Nero. Pigil ang kanilang mga hininga hanggang sa unti-unting bumagal ang pag-ikot ng bote.
“N-not me…” panalangin ni Ariane.
“Ayoko na…” umiiyak na sabi ni Nero.
“Tama na… Tama na…” humahagulhol na sabi ni Jermie.
Parang biglang nag-slow motion ang lahat sa kanila, lalo na ang pag-ikot ng bote. Lahat sila, nananalangin. Sa hirap ng dinanas ni Nero, parang gusto na lang nilang maging makasarili nang mga oras na iyon. Mukha kasing mas doble pa ang pahirap na ipaparamdam ng payaso sa susunod na magbibigay ng maling sagot sa tanong nito.
Hanggang sa tuluyang huminto sa pag-ikot ang bote.
Nanlalaki ang mga mata ni Jermie, at lalong tumindi ang kanyang takot. “N-no…”