CHAPTER 23
“J-Jermie…”
“S-Stephen!” Hind makapaniwala si Jermie nang makita si Stephen na gumagapang palapit sa kanya. Halos tuyo na ang dugo sa mukha at mga braso nito. Nang tuluyang makalapit, sinimulan nitong kalasin ang mga tali sa kamay at katawan niya. “Buhay ka!”
“Syempre naman. Isa yata ako sa mga bida sa horror movie na ‘to kaya hindi agad ako mamamatay,” tugon ni Stephen na nagawa pang magbiro.
Patuloy naman sa pagsigaw si Ariane mula sa kwartong pinagdalhan dito ng payaso. “Tama na! Ahhhh! Patayin mo na ako! H-hindi ko na—”
“Stephen, bilisan mo, baka hindi na natin abutang buhay si Ariane!” sabi ni Jermie. Pero nang tuluyang makawala sa mga tali, bigla siyang napahinto sa planong puntahan agad si Ariane. Nawala na kasi ang mga sigaw ng kaibigan.
“Jermie…” pabulong na sabi ni Stephen na hinawakan ang kamay ni Jermie bago umiling. Tanging ingay na lang ng chainsaw ang naririnig nila at batid nilang patuloy niyong pinagpipira-piraso ang katawan ni Ariane.
Nanginginig ang mga labing napaiyak si Jermie. Saka lang niya naintindihan ang ibig sabihin ni Stephen. Magkasabay silang lumapit sa pwesto ni Nero na nakalungayngay na ang ulo. Kinagat ni Jermie ang labi upang mapigilan ang mapasigaw nang biglang sumirit sa mukha niya ang malapot na dugo nang tanggalin ang kawayang nakatusok sa mga paa ni Nero.
“Jermie… ako na’ng bahala kay Nero. Pumunta ka sa mesa, maghanap ka ng kahit na anong pwede nating magamit na pang-self-defense.”
“P-pero si Ariane—”
“Sshhh…” Bahagyang hinawakan ni Stephen ang batok ni Jermie habang ang isang kamay ay nakatakip sa bibig ng babae bago umiling. “Jermie, ayokong maging makasarili, pero kailangan nating mabuhay.”
Lalong napaiyak si Jermie. At naisip niya na kailangan niyang maging matatag. Tama si Stephen. Patuloy ang tunog ng chainsaw na nagmumula sa kwartong pinagdalhan kay Ariane kanina.
Tumalima na si Jermie sa sinabi ni Stephen at mabilis na lumapit sa mahabang mesa kung nasaan ang nilalangaw na mga ulo nina Miles at Aaron, kasama ang ilang mga gamit ng payaso. Maingat, pero mabilis siyang naghanap ng mga bagay na pwede nilang gamitin na pamproteksyon sa sarili—mga kutsilyo, itak, balisong at kung ano-ano pa. Pero may isang bagay na mas nangibabaw sa paningin niya. Ang baril na nasa dulo ng mesa.
Dadamputin na sana niya ang baril nang muling mapalingon sa isang kahon dahil parang may kung anong gumagalaw doon. Hindi siya nagkamali ng hinala nang makita sa loob niyon ang nagba-vibrate niyang cellphone.
“Hi, Jermie! Good evening, naistorbo ba kita? Hindi kasi ako makatulog—”
“Dan, listen to me!” Agad na pinutol ni Jermie ang sinasabi ni Dan sa kabilang linya. “Kinidnap kami ng jester at hindi ko alam kung nasaan kami. Isa lang ang alam ko, sisiguraduhin niyang mamamatay kami. Dan, tulungan mo kami…”
“Jermie, let’s go!” tawag ni Stephen na akay-akay na si Nero.
“Jermie, hahanapin ko kayo. Hahanapin kita bago—”
“Ahhhh!”
Nabitiwan ni Jermie ang hawak na cellphone nang biglang sumigaw si Nero. Nakalabas na mula sa maliit na kwarto ang payaso at ang hawak nitong maingay na chainsaw ay agad na lumapat at muntik nang pumutol sa paa ni Nero ang talim!
“Hayup ka!” Bago pa tuluyang maputol ang paa ni Nero ay nagawang tumalon ni Stephen sa likuran ng payaso, ngunit agad itong naihagis ng payaso sa kung saan.
Bang!
Mabilis na nabaling ang tingin ng payaso kay Jermie na nagpaputok ng baril. Dumaplis lang ang bala sa balikat ng payaso na agad na sumugod kay Jermie at nagsimulang makipag-agawan ng baril.
“Mamamatay ka! Papatayin ko kayong lahat! Papatayin ko kayong lahat na pumatay kay Rayden!”
“Hindi kami mamamatay-tao! Ikaw! Ikaw lang ang mamamatay-tao at wala nang iba!” Naging mas matigas si Jermie habang hawak ang baril. Pero higit na mas malaki at mas malakas ang payaso na nagsimula nang kapain ang gatilyo ng baril.
Bang!
“Jermie!” sigaw ng nahihirapan nang si Nero nang muling pumutok ang baril na nakapagitna sa katawan ni Jermie at ng payaso.
Nanlalaki ang mga mata ni Jermie na nakatitig sa kaharap na payaso habang hindi pa rin niya alam kung kanino tumama ang bala ng baril. Paano ba niya malalaman? Kapag ba may naramdaman siyang sakit o kapag bigla na lang siyang tumumba kagaya ng mga napapanood niya sa TV at pelikula?