CHAPTER 27
“Napakawalang-hiya mo!” nanginginig sa galit na sigaw ni Stephen nang marinig ang kwento ni Ariane kung paano nito pinatay si Rayden at kung paano ito naging kasabawat ni Coach Arthur sa pagpatay sa Wantutri. “Binaliktad mo ang totoong kwento para makaligtas ka sa paghihiganti ni Coach! Hindi dapat ang barakada mo ang namatay! Ikaw, Ariane! Ikaw!”
“Ariane… Ariane, paano mo nagawa ito?” Halos hindi na maintindihan ni Jermie ang sariling boses dahil sa panginginig. Mula sa kotse, halos kaladkarin na sila ni Ariane pabalik sa maliit na bahay. Iniwan na nila ang bangkay ni Nero na basag ang bungo sa loob ng kotse. Walang tali ang mga paa o kamay nila, pero wala pa rin sa isip nila ang manlaban dahil sa baril na hawak ni Ariane na nakatutok sa kanila at anumang oras ay pwede nitong iputok. “P-paano mo nagawang patayin si Nero?”
Ngumisi si Ariane. Humitit-buga muna ito sa hawak na sigarilyo bago iyon inapakan upang mamatay ang sindi. “Hindi mo alam? Siguradong kang hindi mo alam, Jermie? Sobrang tanga at manhid mo naman para hindi mo malaman!”
Napalunok si Jermie sa pasigaw na pagsasalita ni Ariane. Ibang-iba ang Ariane na kaharap niya ngayon. Ang Ariane na kilala at kaibigan niya, hindi naninigarilyo o nagmumura… At lalong hindi pumapatay ng tao!
“Kung may gusto ka kay Jermie bakit kailangan mo pang patayin ang barkada mo? Bakit kailangan mo pa silang idamay?”
Nanlaki ang mga mata ni Jermie sa sinabi ni Stephen.
“Totoo, ‘di ba? Totoong baliw na baliw ka kay Jermie?!” muling pasigaw na sabi ni Stephen.
Lalong napangiti si Ariane, saka napailing. “Akalain mo `yon, may utak ka rin palang kutong-lupa ka.”
Muling napalunok si Jermie. Malinaw niyang naririnig ang sinasabi ng dalawa, ngunit bakit parang hindi iyon tinatanggap ng utak niya? Bakit parang ang hirap intindihin? “A-akala ko, si Nero ang gusto mo?”
Napaismid si Ariane bago bahagyang lumapit kina Jermie at Stephen. “Minsan hindi ko alam kung sadyang manhid ka lang o nagtatanga-tangahan, Jermie. Kung si Nero ang gusto ko, hindi dapat siya ang pinatay ko… Ikaw.”
Muling napalunok si Jermie bago binalot ng kilabot ang buong katawan, lalo na nang lumabas sa mga labi ni Ariane ang salitang ‘Ikaw.’ Hindi siya makapaniwalang nalinlang siya ng maganda at maamo nitong mukha. Nalinlang siya ng mapagpanggap na kaibigan.
Unti-unting bumakas ang lungkot sa mukha ni Ariane na halos maiiyak na. “Tell me, Jermie… Pangit ba ako? Bobo ba ako? Mahirap ba talaga akong mahalin?”
Hindi na napigilan ni Jermie ang mga luhang mamuo sa mga mata niya. At sa kabila ng panginginig ng mga labi, nagawa niya pa rin iyong ibuka. “Paano mo sila nagawang patayin para lang sa sarili mo?”
Muling napaismid si Ariane bago tumayo at ikinasa ang baril. “Wala naman talaga sa plano ko `yon, pero ano’ng magagawa ko? Ayokong mamatay, Jermie. Ayokong mamatay at ayokong mawala ka sa akin! Ginawa ko ito hindi lang para sa sarili ko kundi para sa ating dalawa! Kung hindi ko sinabi kay Coach Arthur na ang barkada ang pumatay kay Rayden, kung hindi ko siya tinulungan na patayin silang lahat… Ako… ako ang papatayin niya. Ako at ikaw… kaya hindi lang ang sarili ko ang iniligtas ko Jermie, pati ikaw.”
“Pero wala ka nang ligtas, Ariane. Mabuhay man kami o hindi, malalaman ng lahat na ikaw ang may pakana ng lahat ng ito. Malalaman nilang ikaw ang psychotic killer!” sigaw ni Stephen.
“At sino’ng may sabi?” Sinundan ni Ariane ng malakas na tawa ang sinabi. Malakas na malakas na parang nababaliw na. Pagkatapos ay bigla itong huminto at lumapit kay Stephen na napaatras naman. “Nakikita mo ito?” Inilabas ni Ariane ang balisong mula sa bulsa, saglit nitong itinusok iyon sa mukha ni Stephen. Nagpaikot-ikot iyon sa pisngi ng lalaki na parang anumang oras ay gusto iyong butasin. Hanggang sa… “Ahhhh!”
“Oh, my God!” Nanlaki ang mga mata ni Jermie nang biglang isaksak ni Ariane ang balisong sa sariling balikat!
Hindi pa ito nakuntento, bigla na lang pinagsasampal ni Ariane ang sariling mukha bago inihampas ang hawak na baril sa ulo na kaagad na dumugo.
“Y-you’re i-insane…” Hindi makapaniwala si Stephen sa nakikitang ginagawa ni Ariane. Akala niya, sa mga pelikula at palabas sa TV lang nangyayari ang ganoong eksena. May nag-e-exist pala talagang isang psycho na kagaya ni Ariane.
“N-ngayon…” Hinihingal na sabi ni Ariane nang matapos sa ginagawang pananakit sa sarili. “N-ngayon, hindi na nila ako paghihinalaan. Dahil pagkatapos kitang patayin, palalabasin namin ni Jermie na ikaw ang may pakana ng lahat. Ikaw ang pumatay sa barkada… Ikaw ang pumatay kay Coach Arthur… Ikaw… Ikaw ang psychotic killer!” sabi nito na parang baliw na tumawa pagkatapos.
“At sino’ng may sabing sasang-ayon ako sa mga plano mo, Ariane?”
“Sasang-ayon ka, Jermie, dahil mahal kita! Mahal na mahal kita!” sigaw ni Ariane.
“Hindi ako mamamatay-tao kagaya mo, Ariane! Hindi ako halimaw na kagaya mo!”
Isang malakas na sampal ang isinagot ni Ariane sa mga sinabi ni Jermie bago marahas na hinawakan ang mukha niya. “Hindi ako mamamatay-tao, Jermie. At nagawa ko ang lahat ng ito para sa ‘yo! Pinatay ko si Rayden para wala na akong kaagaw sa atensyon mo at pinilit kong sumang-ayon at tulungan si Coach Arthur para mailigtas ka sa mga kapahamakan na ‘to. Para mabuhay ka! Para mabuhay tayong dalawa! Para hanggang sa huli, mging tayong dalawa na habambuhay!”
“Pero hindi siya sira-ulong kagaya mo!” biglang sibad ni Stephen.
“Ahhhh!”
Hindi alam ni Jermie kung saan nakakuha ng martilyo si Stephen na ipinanghampas nito nang malakas sa ulo ni Ariane, dahilan para matumba ang babae.
“Jermie, let’s go!” Mabilis na hinila ni Stephen ang kamay ni Jermie at tumakbo sila palabas ng maliit na bahay.
Pumasok sila sa gubat. Pero bago pa man sila makalayo, biglang na lang natumba si Stephen.
“Stephen!” Nanginig ang kamay ni Jermie nang makitang may kutsilyong bumaon sa likod nito. Napalingon siya kay Ariane na nakasunod sa kanila. Ito ang naghagis ng kutsilyo.
“Jermie, tumakbo ka na! Magtago ka! Tumakas ka na!” sabi ni Stephen.
“P-pero—”
“I said, run!”
Labag man sa kalooban, tumalima na si Jermie. Mabilis siyang tumakbo. Tumakbo siya nang tumakbo habang napakalakas ng kabog ng dibdib niya. At lalo siyang hiningal nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Ilang beses siyang nadulas at nadapa sa putikan. Pero hindi pa rin siya huminto sa pagtakbo. Alam niyang oras na abutan siya ni Ariane, katapusan na niya. Katapusan na ng buhay niya.
Kasunod ng pagtila ng malakas na ulan ay nahulog naman siya at nagpagulong-gulong sa tila isang bangin. Habol ang hiningang pinilit niyang tumayo nang huminto siya paggulong sa tabi ng isang ilog. Masakit man ang katawan, pinilit niyang gumapang palapit sa tubig. Sa kabila ng malakas na ulan kanina, kapit na kapit pa rin sa balat niya ang mga putik.
Mayamaya pa, nahawi ang mga ulap sa langit at lumabas ang bilog at maliwanag na buwan. Malinaw na nakita ni Jermie ang repleksyon niya sa ilog. Balot na balot ng putik ang mukha at katawan niya.
Ipinilig niya ang ulo bago pinunasan ang putik, luha at sipon na naghahalo na sa kanyang mukha.
Hindi… Hindi siya pwedeng mamatay. Ayaw niyang mamatay. Hindi pa siya mamamatay. At bago pa siya muling makakakilos, bigla na lang lumitaw ang repleksyon ng duguan mukha ni Ariane sa likuran niya. Kaagad itong itinulak ni Jermie at mabilis na tumakbo. Pero mas mabilis si Ariane na agad na nahablot ang buhok ni Jermie at inihambalos siya sa putikan.
“Jermie! I-I’m sorry!” Lumapit si Ariane at inalalayan si Jermie.
Saglit na kumapit sa mga kamay ni Ariane si Jermie na sinimulang ayusin ang buhok niyang tumatakip sa kanyang mukha.
“H-hindi ko sinasadyang saktan ka, Jermie. I’m sorry,” sabi ni Ariane na umiiyak na sa labis na pag-aalala. “Ayokong saktan ka, Jermie… I’m so sorry. Hindi ko—”
Sinamantala ni Jermie ang pag-aalala ni Ariane, malakas na inihampas niya ang hawak na bato sa mukha nito. Agad itong natumba. Nakakailang hakbang pa lang siya ng takbo nang muling may malakas na humablot sa buhok niya.
“Kung hindi mo rin lang ako magagawang mahalin, papatayin na kitang hayup ka!” Gigil na gigil na kinaladkad si Jermie ni Ariane palapit sa gilid ng ilog. “Magsama-sama kayong Wantutri sa impyerno!”
At bago pa makaipon ng sapat na hangin si Jermie, inilublob na ni Ariane ang ulo niya sa tubig. Pinilit niyang magpumiglas… Pinilit niyang kumawala sa mga kamay ni Ariane. Pinipilit niyang mabuhay. Pero unti-unti na siyang nauubusan ng hangin. Ganoon ba ang pakiramdam ni Rayden noong nalunod sa ilog na iyon?
Oo, tama… Doon sa ilog na iyon nalunod at namatay si Rayden. Doon na rin ba siya mamamatay?